"S—SOMEONE?"
"Uh—huh." Nakangiting nagtaas-baba ang mga kilay ni Jio sa kaniya. "Sabi niya sa 'kin, ang buhay raw ay unfair. Kaya kung may pagkakataon na makapag-wish ka sa isang genie, sa isang balahibo na kung tawagin ay wish feather na katulad nito, just make a wish."
"Mag-wish ka lang, mahahanap mo rin ang mga magulang mo. Mag-wish tayo, para mahanap ko na rin ang kapatid ko..."
Namilog ang mga mata ni Cess za reyalisasyon na biglang pumukaw sa diwa niya ang partikular na sinabi niyang 'yon sa partikular na tao, sa gano'n din na puwesto na katulad sa kanila ngayon ng boss niyang si Jio San Martinez...
Magkapagkit ang mga mata nila, siya ay bahagyang nakatingala rito habang ito naman ay bahagyang nakayuko. Nakakulong siya sa mga bisig nito...
'Yon nga lang, noon ay siya ang nakayuko dahil mas matangkad siya... rito...
{Flashback}
"ANG tagal naman ni Nanay, kumukulo na talaga ang t'yan ko!" pagrereklamo ni Cess, sapo niya ang namimilipit niyang t'yan.
Hindi pa naman sila maaaring umalis sa puwestong 'yon dahil kabilin-bilinan ng nanay niya na sa gawing 'yon sila nito babalikan.
Kanina kasi ay kasama nila 'to, kaya lang ay bumalik sa pinanggalingan nila at may nakalimutan daw na singilin. Saglit lang naman daw, hintay na lang nila ro'n dahil maraming tao sa palengke nang araw na 'yon ng Sabado, magpipista kasi bukas sa bayan nila. Katunayan nga ay nagkalat na rin ang mga mascot na sumasayaw, mga bakla na sumisirko, na nakikipista kahit do'n sa palengke.
"Nanay?" walang muwang na tanong naman ng tatlong taon na kapatid niyang si Catherine.
"Oo, e, ang sabi niya sandali lang siya. Masakit kasi ang t'yan ko," tugon niya sa kapatid kahit alam naman niyang wala pa 'tong muwang.
Sa edad na pitong taon ay siya na talaga ang naging tagapag-alaga ng kapatid niya lalo kung gano'ng nasa palengke sila kung saan nagtitinda ang nanay nila at kargador naman ang tatay nila.
Madalang naman silang isama ng mga magulang nila ro'n. Ayaw kasi ng mga 'to na kalakihan nila ang paligid ng palengke at maisipan na lang daw nila na 'wag nang mag-aral o magtinda na lang, hindi gusto ng mga magulang niya 'yon dahil gano'n na raw ang mga anak ng kapwa vendors do'n.
Hayst, kung bakit nagkataon na ngayon pa sumakit ang t'yan niya. Hindi pa naman okay ang banyo sa mga gano'ng public market.
Oo, sa edad na anim na taon ay natutunan na niyang takasan ang kabataan niya upang makatulong siya sa mga magulang niya sa pag-aalaga sa kapatid niya. Pinilit niyang mag-matured para hindi siya makadagdag sa alalahanin ng mga 'to.
"Paano ba 'to, isasama kita sa kubeta?" tanong pa niya sa kapatid na busy sa paglalaro ng bola. "Baka madulas ka— naku, bahala na nga," naiirita niya pang wika sa sarili.
Hinila na niya ang kapatid niya patungo sa banyo kung saan magbigay ka lang ng barya ay ayos na, makakapangubeta ka na. Puwede na sigurong pagtiisan, hindi na siya aabot sa bahay nila kung sakali naman. Dama niya na talaga ang pagkulo ng t'yan.
"Makiki-CR po, ate," malakas ang boses na pukaw niya sa babaeng nakaupo sa labas, busy kasi 'to sa pakikipag-usap sa isa pang ale kaya nakisingit na siya. Masama siyang tinignan nito. Paano ay naabala niya.
Paano naman kasi siya makaka-CR kung hindi siya sisingit sa usapan ng mga 'to, hindi ba?
Tinanggap nito ang coin na inabot niya. Buti na lang talaga kahit paano ay natuto siyang magtabi ng mga barya na binibigay sa kaniya ng nanay at tatay niya 'pag nauutusan siya ng mga 'to.
"Bawal ang bata sa loob, baka mapaano 'yan. Madulas masyado. Do'n lang kasi pinapayagan na maghugas ng mga kamay at paa ang mga vendors dito. Dito na lang ang bata sa tabi ko, iupo mo rito. Bilisan mo lang ah," bilin sa kaniya ng bantay sa CR nang makita nito ang kapatid niyang si Catherine.
"Opo, sige po," sabi naman niya. Siguro naman ay titignan nito ang kapatid niya kung iiwan niya sa tabi nito. "Catherine, dito ka lang ha, hintay mo si Ate Cess, mag-CR lang ako," bulong niya sa kapatid.
"C—R?"
Tumango siya na parang naiintindihan siya nito s'yempre. "Oo. Sandali lang ako."
Ngunit hindi pa man siya nauupo sa trono, ang nilalarong bola ng kapatid niya ay gumulong sa kung saan dahilan upang habulin nito 'yon. Ang bantay sa CR ay nananatiling abala sa pakikipag-usap sa kung sino at hindi na napuna ang pagtakbo ng batang si Catherine palayo upang masundan ang bola nito...
"CATHERINE!" hilo na si Cess sa kakahanap sa kapatid niya ngunit hindi pa rin siya sumusuko.
Inabot na siya ng hapon sa paghahanap dito, ang ilang tindahan sa palengke na 'yon ay mga nagsasara na nga. Ang nanay niya nama ay hindi na niya alam kung nasaan. Hindi pa rin niya 'to nakikita magmula kanina. Hindi rin naman niya binigyang pansin 'to at mas inuna na niyang hanapin ang kapatid niya.
"Catherine, nasaan ka na?!" sigaw niya, siguro ay pagod na siya kaya naiiyak na siya.
Sumisigok na naupo siya sa gutter sa gilid ng kalsada upang saglit na makapahinga.
Kaya lang, ang pagsigok niya at nagkaroon ng echo... hindi niya napuna na may bata rin pala ro'n na nakatalungko at umiiyak din.
Batang lalaki, mapintog ang mga pisngi, maganda ang bihis...
"Pssst, bata, bakit ka umiiyak?" tanong niya rito habang pinapahid niya ang sarili niyang mga luha.