“Ano... Kasi...” Di masabi ni Verona kay Kirst na nandoon siya para mag-research tungkol sa pamilya nito.
Anak ng tipaklong! Isa itong Salameda? Bakit ba din siya nag-research mabuti tungkol dito. Inaway-away pa niya ito. Kanina ay iniisip niya na baka may malalapitan siyang kamag-anak ni Jovita na pwedeng tumulong sa kanya. Heto na nga. Si Kirst. Ang masaklap lang ay sinungit-sungitan niya ito at pinagsalitaan ng di maganda. Paano pa siya makakahingi ng tulong ngayon? Sayang na ang pagkakataon niya ngayon na magawa ang project niya. Tiyak na susungitan siya nito at itataboy.
And I deserve it. Maganda ang ipinakita niya sa akin. He tried his best to make our date perfect. Pero hinusgahan ko siya dahil lang guwapo siya at dahil sa nakaraan ng mga tao sa paligid ko. Sigurado ako na di na niya ako gustong makita. Kinagat ng dalaga ang pang-ibabang labi. Patawad, Sister Leonora. Hindi ko na po matutupad ang pangarap ninyo na isulat ang kwento ng pamilya ng lalaking mahal ninyo. Kasalanan ko po ang lahat.
Dahan-dahang umangat ang gilid ng labi ni Kirst. “Alam ko na kung bakit ka nandito. Nandito ka para humingi ng sorry sa akin, di ba?”
“H-Ha? A-Actually, nandito ako dahil...”
“Manghihingi siya ng sorry sa iyo para saan?” tanong ni Jovita.
“May maliit lang kaming LQ pero pwede namang mapag-usapan,” sabi ni Kirst at ngumiti pa kay Kapitan.
“S-Sandali. Hindi naman ako nagpunta dito para sa iyo,” tanggi niya.
Nilapitan siya ng binata at hinawakan ang baba niya. “Huwag nang mataas ang pride mo. Okay na. Na-appreciate ko na dumayo ka pa ng Manila para lang puntahan ako at humingi ng sorry. Sa nilayo-layo ng biyahe mo, ngayon ka pa ba magkakaila?”
Nasa dulo ni Verona ang protesta. Di lang ito tungkol sa pride. Tungkol ito sa entry niya sa kompetisyon at pangako niya kay Sister Leonora. Oras na igiit niya kay Kirst na di siya nandoon para humingi ng tawad dito, tiyak na tapos na ang maliligayang sandali niya. Parang isinara na rin niya ang pinto ng pagkakataon para magawa niya ang misyon niya. Gasino lang ba ang simpleng sorry?
At dapat lang namang mag-sorry siya dito. Iyon naman talaga ang gusto niya noon pa. Nakakailang lang dahil may mga tao sa paligid nila.”
Lumunok siya kasama na ang pride niya. “Sorry, Kirst. Hindi ko sinasadya na husgahan ka at pagsalitaan ng hindi maganda. H-Hindi lang ako sanay sa lalaking tulad mo saka first time kong nakipag-date. Kaya sana pagpasensiyahan mo ako.”
“Okay na iyon. Wala na iyon sa akin,” sabi nito at tumango.
“Talaga? Ibig sabihin wala kang sama ng loob sa akin?”
“Wala naman sa akin iyon. Saka kahit may tampo ako sa iyo, tiyak na mawawala iyon dahil dinayo mo pa ako dito para lang mag-sorry at makasama ako.”
“Sabi na nga ba’t di ako naniniwala na nandito lang siya para mag-research. May iba talaga siyang balak sa pagpunta dito. Gusto lang sigurong mapalapit sa pamilya,” sabi ni Jovita at tumalikod. “Neneng, dalhin mo na nga ang mga gulay sa kusina para makapagluto na ng tanghalian. Lagi na lang nasasayang ang oras ko sa pag-e-entertain sa mga babaeng naghahabol sa Kuya Kirst mo.”
“Naku! Ibang klase ka talaga, Kitoy. Hindi ko man lang naranasang dalawin ng isang babae mula sa ibang lugar para humingi lang ng tawad. Naku! Siguro talagang gustong-gusto ka ng babaeng ito. Aba’y sagutin mo na iyan. Mahirap nang humanap ng ganyang babae.”
“Huwag po kayong mag-alala, Kap. Mag-uusap po kami ng masinsinan.”
“Mabuti pa ilabas mo na rin ‘yung miryendang sinasabi mo kanina tutal nandito na lang din naman ako. Kumusta naman ang buhay mo sa Maynila?” tanong ng kapitan at umupo.
Ano na lang kaya ang iniisip ni Kirst sa kanya at ng mga tao? Baka sabihin patay na patay siya dito kaya habol siya nang habol. Bahala na. Ang mahalaga ay nasa Casa Grande pa rin siya. At kung gagawin lang niya nang tama ang lahat, tiyak na makukuha din niya ang kailangan sa bahay na iyon sa tulong ni Kirst.
“ANG ganda talaga ng ancestral house ninyo. Anong taon pa ito itinayo? Sinong nag-paint ng murals sa kisame? Sino ang artists ng mga portrait ng ninuno ninyo?” sunud-sunod na tanong ni Verona habang nagmimiryenda ng ube pie at katabi si Kirst. Di niya mapigilang mag-usisa tungkol sa bahay na iyon.
Nalaman niya na isang Salameda ang nanay nito at nakapag-asawa ng isang Villaviray na mula Maynila. Tanging lola na lang pala nito at ang pinsang si Jovita na ulila na ang naiiwan sa Casa Grande. Dumadalaw-dalaw lang doon ang binata.
“Parang mas naguguwapuhan ka pa sa ancestral house namin kaysa sa akin,” puna ng binata.
“I love old places. I love old things. Maraming kasaysayan na nakapaloob dito. Maraming alaala.” Uminom siya ng lemongrass juice. “Kung nakakapagsalita lang sana sila, siguro marami silang ikukwento sa iyo. That makes it really interesting. Kwentuhan mo naman ako tungkol dito sa bahay na ito, Kirst. Tungkol sa mga ninuno mo.”
“Anong oras na? Bakit hindi ninyo ako ginising? Tirik na ang araw,” narinig nilang sabi ng isang matandang babae mula sa isa sa mga silid. “Alam naman ninyo na gusto kong ako ang magpapakain sa mga itik. Baka gutom na sila.”
Dali-daling tumayo si Kirst. “Sandali lang. Gising na si Inang.”
“Mahal na mahal talaga niya si Inang Selva. Alam mo ba na nag-Nursing siya para lang maalagaan sana ang lola niya?” sabi ni Kapitan Rustica sa kanya.
“Pero bakit siya naging modelo?”
“Because he was lured by love,” makahulugang sabi ni Jovita na kasama silang nagmimiryenda.
“Love?” tanong ng dalaga.
Hindi na niya naituloy ang pagtatanong dahil lumabas na si Kirst na akay-akay ang lola nito. Sa tantiya niya ay nasa walumpung taon na si Inang Selva. “Nagising akong maaga kanina pero wala ka naman. Saan ka ba nanggaling?”
“Sabi ko naman po sa inyo may assignment ako sa Baguio pero babalik din po ako. May strawberry kayo diyan na paborito ninyo,” malumanay na paliwanag ni Kirst.
Umingos si Inang Selva.