“Hmp! Nag-Nursing ka tapos babagsak ka sa pagmo-modelo dahil sa babaeng iyon.”
Di tuloy niya maiwasang maintriga. Nabanggit ni Jovita na nagmodelo si Kirst dahil sa pag-ibig. Ngayon ay nabanggit naman ng lola nito ang tungkol sa babaeng dahilan kung bakit ito nagmodelo.
“Huwag na po kayong magalit. May bisita po tayo galing sa Maynila, Lola. Dinalaw po tayo ng kaibigan kong si Verona,” sabi ni Kirst at sumulyap sa direksyon niya.
“Magandang umaga po, Lola,” aniya at nagmano sa matandang babae.
“Hindi ikaw ‘yung modelo na pink ang buhok.”
“H-Hindi po ako modelo,” paglilinaw niya. Sino kaya iyon? Baka naman anime character pala ang nobya ni Kirst.
“At dinayo mo pa dito ang apo ko? May gusto ka ba sa kanya? Di mo naman siguro siya pipikutin o mamamanhikan sa amin.”
“Naku! Wala po,” tanggi agad ni Verona. Kahit pa nga pakiramdam niya ay iyon ang iniisip ng lahat kung bakit siya naroon.
“Huwag ka nang mahiya sa akin. Sanay na ako at guwapo ang apo ko. Mula nang magbinatilyo iyan dinadayo kami ng mga babae dito.”
“Lola, ano pong gusto ninyong kainin?” pag-iiba ni Jovita sa usapan. “May ube pie po dito at ‘yung strawberry na dala ni Kirst.”
“Pareho kong gusto,” anang matandang babae sa masiglang boses.
“Lola, ang ganda po nitong bahay ninyo,” humahangang sabi ni Verona.
“Itinayo ito ng ninuno ng asawa kong si Don Ricardo Salameda noong 1855, anak ng isang Kastilang mangangalakal at Pilipinang anak ng mangangalakakal,” kwento ni Inang Selva at pumihit para ituro ang isang painting ng isang matangkad na lalaki na may suot na top hat at baston.
“Mukhang ilong ng Salameda ang ilong mo, Kirst,” komento ni Verona.
Pinisil naman ng binata ang sariling ilong. “Pakiramdam ko nga masyadong malaki.”
“Sakto lang,” sabi niya at ibinalik ang atensyon kay Inang Selva.
“Malalapit ang puso ni Don Ricardo sa mga mahihirap at mga magsasaka at iyon ang ipinasa niya sa mga anak at mga apo,” pagpapatuloy ng matandang babae at tumayo. Inalalayan agad ito ni Verona para malapitan ang mga painting. “Ang anak niyang si Don Facundo ang isa sa nagpondo sa rebolusyon. Habang ang lola ko namang si Graciella na apo ni Don Facundo ay miyembro ng Cruz Roja. Ang sabi pa nga sa akin ni Lola noon ay gustong-gusto niya si Heneral Goyong.”
“Si Gregorio del Pilar po?” usal niya ang pinagsalikop ang palad. “Ako rin po gusto ko siya.” Parang sa wakas ay may nakausap na siyang kapareho niya ng hilig.
“Kaya iyak nang iyak ang Lola Graciella nang mamatay ang batang heneral sa Tirad Pass. Masyado siyang maraming karibal sa kay Heneral Goyong noon. Pero isang magiting na kawal naman ng digmaan ang napangasawa niya.”
“Marami po palang kwento tungkol sa pamilya ninyo. At si Kirst po pala ay apo ng mga bayani,” sabi niya.
“At nasa panahon pa lang ng Amerikano ang kwento ko. Gusto mo pa bang malaman ang ibang kwento?” tanong ng matandang babae.
“Opo! Gusto ko po iyan,” sabi niya at pinagsalikop ang mga palad. “Gusto ko pa pong malaman ang ibang kwento tungkol sa pamilya ninyo.”
Mistula siyang bata na sabik sa kwento. Gusto niya ng ganitong pakiramdam. Noong bata pa siya, lagi niyang inaabangana ang kwento ng mga madre at volunteers. Wala naman kasi siyang lola o magulang na magkukwento sa kanya sa kasaysayan ng pamilya ng mga ito. Kaya gustong-gusto niya ang kwento ni Sister Leonora noon dahil pakiramdam niya ay pwede siyang magpanggap na may sarili siyang pamilya, may kasaysayang pinagmulan.
Tinapik nito ang kamay niyang nakahawak dito saka naglakad patungo sa tumba-tumba. “Nakakatuwa naman kung ganoon. Ang totoo wala naman akong nakakakwentuhan dito tungkol sa ganitong mga bagay lalo na nang nagsilaki na ang mga apo ko. Hindi na sila interesado sa kasaysayan ng kanilang angkan at ng bansa. Mabuti pa ang mga itik nakikinig sa akin. Ni wala na akong makabalitaktakan.”
“Naku! Mahabang kwentuhan iyan, Lola. Baka kailangan nang umuwi ni Miss Cruz sa Maynila. Makakaabala pa tayo,” anang si Jovita na di maipinta ang mukha. “Nagpunta lang talaga siya dito para dalawin si Kirst.”
“I-Inang, baka po kasi may iba pang plano si Verona at napadaan lang sa atin,” malumanay na paliwanag ni Kirst. “May trabaho pa po siya sa Maynila.”
“Aalis ka na ba agad?” malungkot na tanong ni Inang Selva at bakas ang lungkot sa mukha. Ginagap nito ang kamay niya. “Huwag ka munang umalis.”
“A-Ang totoo po nakabakasyon ako ngayon. Napadaan lang po ako dahil dadalaw po ako sa Casa Hacienda sa may Bautista,” tukoy niya sa isa pang makasaysayang lugar kung na pag-aari ni Jose Palma na naglapat ng titik sa Lupang Hinirang. “Kailangan ko po kasing mag-research para sa gagawin kong libro.”
“Magsusulat ka ng libro?” tanong ni Inang Selva. “Tungkol saan?”
“Gusto ko po sanang i-cover ang tungkol sa rebolusyon at dito po sana sa Pangasinan ang target ko na topic. Kung ano ang kontribusyon ng Pangasinan at Pangasinense sa kasaysayan at rebolusyon.”
“Naku! Iyon naman pala. Kung tungkol lang sa rebolusyon at kasaysayan ay marami kang makukuha sa bahay na ito at dito mismo sa Bayambang. Noon ko pa sinasabi sa mga apo ko na pagtuunan ng atensyon ang tungkol sa kontribusyon ng pamilya at lugar na ito sa kasaysayan pero wala namang pumapansin sa akin. Mabuti naman may gaya mo na gagawa niyan. Dito ka na lang magsulat ng libro.”
“Oo nga! Susuportahan ka namin,” sabi ni Kapitan. “Walang problema diyan. Marami pa akong kakilala na pwedeng tumulong sa iyo.”
“May mga lumang libro pa sa library namin at mga lumang tala ng kasaysayan na tiyak kong magiging interesado ka. Gusto mo bang makita?” tanong ni Inang Selva.
“O-Opo. Gustong-gusto ko po.”
Inalalayan niya itong tumayo. “Halika. Doon tayo sa aklatan. Pinapalinisan ko talaga ang mga iyon kahit na hindi na gaanong nababasa. Tiyak ko na magugustuhan mo ang mga iyon.”
Napausal siya ng dasal ng pasasalamat. Hindi nasayang ang paghihirap at nang kanyang sakripisyo. Mukhang sa wakas ay matutupad na niya ang pangako niya kay Sister Leonora.