Her Own Brand Hero (Filipino) Chapter 20

CHAPTER TWELVE

“NO puc prendre la crueltat dels espanyols als meus compatriotes. No wala labat so nagawaan ko para ed sikara.” Nakakunot ang noo ni Verona habang binabasa ang sulat ng isa sa ninunong babae ni Inang Selva. “Magkakahalo pong Kastila, Tagalog at Pangasinense.”

“Sinasabi diyan na hindi niya masikmura ang kalupitan ng mga Kastila sa kanyang kababayan. Kung may magagawa lang daw sana siya dahil di na daw iyon makatarungan,” sabi ni Inang Selva. “Nang panahong iyon ay iilan lang ang mga babaeng nakapag-aral. Karamihan ay kimi at walang alam. Pero iba si Saturnina. Mulat ang mga mata at isipan niya. Pagkagaling sa simbahan ay tinitipon niya ang mga anak ng mga magsasaka para turuang magbasa at magsulat. Hindi iyon ikinatuwa ng cura paroco dito dahil wala daw utak ang mga indio. Sayang lang ang panahon at oras sa kanila dahil di naman superyor ang utak nila kumpara sa mga Kastila.”

Mabilis ang mga kamay ni Verona sa paglilista ng mga sinasabi ng matandang babae. Di siya bihasa sa Kastila at lalong hirap siya sa Pangasinense kaya naman mahalaga sa kanya ang mga paliwanag ng matandang babae nakatala. Pero natutuwa siya dahil marami siyang natuklasan sa mga Salameda at mga sinaunang tao. Narito ang kwento ng mga unsung heroes. Di kasing sikat ng mga bayani na madalas kilala ng iba pero ang mga ito ang dahilan kung bakit nagtatagumpay ang mga pakikibaka noong araw na dapat lang din namang makilala.

“Kahit po pala ang mga babae ng angkan ninyo ay palaban din,” humahangang usal niya. “At handang magsilbi sa bayan at mga mahihirap.”

“Kung may iba pa sanang gaya nila. Pero ang mas gusto ng mga tao ngayon ay umalis na lang sa Pilipinas at manirahan sa ibang bansa. At ang naiiwan naman na iba sa atin ay mga walang malasakit sa bayan.”

“Pero nariyan naman po si Kirst at si Miss Jovita. Hindi naman po nila kayo iniiwan.”

“Alam ko naman kung bakit hindi pa sila umaalis dito.” At iniwas nito ang tingin pero parang maiiyak ito. Parang may kinikimkim itong takot at sama ng loob.

Naputol ang pag-uusap nila nang pumasok si Kirst. “Lola, baka kailangan na po ninyong magpahinga. Malapit na po ang hapunan.”

Naalarmang tumanaw sa bintana si Verona at nagulat dahil papalubog na ang araw. “Hindi ko alam na ganoon na pala kagabi. Nawili po ako sa pagbabasa natin. Aalis na rin po ako, Inang Selva. Maraming salamat po sa pagpapatuloy sa akin.”

Pinigilan nito ang kamay niya. “Saan ka pupunta? Di pa tayo tapos magbasa.”

“Hahanap po ako ng inn o guesthouse na matutuluyan ngayong gabi.”

“Dito ka na lang tumuloy. Marami namang kuwarto dito sa bahay. Lalayo ka pa. Kung gusto mong basahin ang mga libro dito sa library kahit anong oras ayos lang. Mas ligtas ka pa,” sabi ng matandang babae.

“O-Okay lang po ba na dito ako tumuloy? Nakakahiya naman po lalo na sa mga apo ninyo.” At saka sinulyapan si Kirst. Di niya maisip na makakasama niya sa isang bahay lang binata.

Tinampal ni Inang Selva ang mesa. “Bahay ko naman ito at bisita kita. Ako na mismo ang nagpapatuloy sa iyo.”

“Oo nga naman,” sabi ni Kirst. “Kung hahanap ka pa ng matutuluyan, baka sa Dagupan ka pa makakuha. Malayo iyon dito. Mag-aalala lang si Lola sa iyo.”

Wala siyang nagawa kundi sumang-ayon. Malaking bagay sa kanya dahil makakatipid siya sa tutuluyan.

Niyakap niya ang matandang babae. “Marami pong salamat, Inang Selva.”

“Hindi. Ako ang dapat na magpasalamat sa iyo. Ikaw ang sagot sa mga dasal ko na sana ay may isang tao na dumating at magkaka-interes sa kwento ng bahay na ito at pamilya. Akala ko kasi ay mamamatay na ako nang maisasama ko na lang sa libingan ang mga magagandang kwento at alaala ng bahay na ito. Maraming salamat.”

Inalalayan ni Kirst ang matandang babae palabas ng silid at sinalubong naman ito ni Neneng. Kinuha ni Kirst ang bag niya mula sa balikat niya. “Ako na diyan. Pinalinis ko ang guestroom sa tabi ng kuwarto mo. Para kung may kailangan ka, sa akin ka na lang magsabi.”

“Pwede bang dito na lang ako sa tabi ng library matulog?” tanong niya.

“Bakit hindi sa tabi ng guestroom ko? Para di ka mahirapan na pikutin ako.”

“Ha-ha-ha!” mabagal na tawa niya. Di naman niya ito masimangutan dahil ito pa rin ang nagbigay-daan para magtagal siya sa bahay na iyon. “Kirst, pinatuloy ako dito ng lola mo nang maayos. Kaya mas maganda siguro kung magkakaroon din tayo ng kaunting distansiya. Ayokong isipin niya na kaya ako nandito ay dahil may malisya o may interes ako sa iyo.”

Nagkibit-balikat ito. “I don’t think she minds. I don’t mind either.”

Tumirik ang mga mata niya. “Magseryoso ka nga.”

“Bisita ka dito. May komportable namang kuwarto na may malambot na kama. Bakit ka naman magtitiyaga dito samantalang matigas ang upuan diyan?” Itinuro nito ang narra na sofa. “Hindi kami ganyan tumanggap ng bisita dito. Kapag dito ka nagpilit matulog, bubuhatin kita papunta sa kuwarto mo. Gusto mo ba iyon?”

“Saan ang kuwarto ko?” tanong niya agad.

Nasa bandang dulo ang silid niya na may magandang view ng hardin at may malaking puno ng acacia sa tabi. May four-poster bed iyon at may kurtina kaya mistulang prinsesa siya. May makalumang ceiling fan din. Antigo na rin ang tokador at aparador na gawa sa narra. Maaring creepy iyon sa iba pero gustong-gusto niya. Pakiramdam niya ay isa siyang heredera.

“Nagustuhan mo ba?” tanong binata. “Baka kasi natatakot ka. Pwede ka namang maki-share sa akin...”

“Mas gusto kong roommate ang mga multo kaysa makasama ka, Kirst. Salamat sa paghahatid sa akin. Uhmmm... Magbibihis lang ako.”

Tumango ito. “Okay. Sabihin mo lang sa akin kung kailangan mo ng tulong.”

Nakahinga ng maluwag si Verona nang sa wakas ay lumabas na ng kuwarto ang lalaki. Akala talaga ay tatambay pa ito sa kuwarto niya. Gusto na niyang magpahinga dahil nakakapagod ang araw na ito. Nasa mood siyang magbasa-basa ng libro. Mistulang kuweba ng kayamanan ang library na gusto niyang tuklasin.

Kinakalas na niya ang butones ng blusa nang kumatok ulit si Kirst. “Verona, kailangan mo ba ng tulong?”

“Nandiyan ka pa rin?” angil niya.

“Baka kailangan mo kasi ng tulong. Baka nahihirapan kang magbihis o kaya may makita kang multo at kailangan mo ng mayayakap kapag natakot ka.”

Pumikit siya nang mariin. Parang gusto siya nitong asarin. “Kirst, malaki na ako. Kaya ko na ang sarili ko. Hindi mo ako kailangang bantayan. Lalong di ko kailangan ng kayapak dahil BFF na kami ng mga multo dito. Magkita na lang tayo mamayang hapunan.”

“I am just glad that you are here, Verona. It must be really destiny.”

Hindi niya alam kung bakit ngumiti siya sa ideya niya na makakasama niya si Kirst. Siguro ay tadhana nga na magkita sila at magkasama ng binata.

Bigla niyang kinastigo ang sarili. Wala siyang oras para maging romantically involved sa isang lalaki. Pero anong magagawa niya kung kusang inilalapit sa kanya si Kirst.

Nag-ring ang cellphone niya. “Hello, friend. Ano nang nangyari sa iyo? Nakapasok ka na ba ng Casa Grande?”

“Oo. Nandito ako ngayon. Pinayagan na ako ng matriarka ng pamilya nila para mag-research dito. Hindi ka makakapaniwala sa dami ng mga records mula sa ninuno nila.”

“Yeah! Whatever! Alam mo naman na di ako interesado sa mga patay nang tao. Ikwento mo naman ‘yung mas exciting. May guwapo bang tagapagmana ang angkan na iyan?” tanong nitong may halong pagkasabik sa boses. “Pang-teleserye level an kaguwapuhan ha?”

“Yes. It is Kirst. Kirst Villaviray. Isa siyang Salameda.”

”NAKU! Editor ka pala ng romance pocketbooks, Ate. Sana man lang ipinagdala mo kami dito. Paborito namin iyon ng mga kaklase ko lalo na kapag walang magawa sa school. Hindi kasi boring at nakakakilig,” sabi ni Neneng at humagikgik.

Malayong kamag-anak ito ng mga Salameda. Panganay sa sampung magkakapatid, kinupkop ito ng pamilya para matulungan sa pag-aaral.

Nasa sala sila at nagtitipon-tipon matapos ang hapunan. Nakagawian na ang sama-samang panonood ng balita at teleserye ng mga ito. Habang si Kirst naman ay nakahiga sa divan habang sa kamay ay hawak ang Fairy Tale manga. Di niya alam kung bakit cute pa rin ito kahit na dapat ay turn-off sa kanya ang mga lalaking na di na iniwanan ang hilig mula noong six years old pa lang.

“E di mahilig ka rin siguro sa mga teleserye. Anong paborito mong love team?” tanong ni Jovita na nakikita niyang nagba-blush kapag ipinapakita ang abs ni Ejay Falcon.

“Crisostomo Ibarra at Maria Clara saka Florante at Laura,” malambing niyang sagot.

Napanganga si Neneng. “Anong loveteam ang mga iyan?”

“Mukhang wala siyang hilig manood ng TV. Di man lang siya kinilig kay Coco Martin,” sabi ni Jovita.

“Ayos lang, Ading. Di niya kailangang makilala si Coco Martin. Ang mahalaga kilala niya ako,” sabi ni Kirst at bumangon. “Verona, gusto mo manood na lang tayo ng anime. May DVD na ako ng bagong pelikula ni Naruto. Siya na ang hokage ng Konoha at may mga anak na sila ni Hinata.” Saka siya kinindatan. “Alam ko naman na mahilig ka sa mga ninja.”

Tumiim ang anyo niya. Ipinapaalala sa kanya ng kumag ang galawang hokage niya dito. Anong palagay nito sa kanya, sasamahan niya ito sa kuwarto nito para ma-practice niya ang hokage moves dito? Ambisyoso!

“Wala ako sa mood sa mga ninja ngayon.” Tumayo siya at binalingan si Inang Selva na tutok na tutok sa pagbabalita ni Atom Araullo. “Okay lang po ba kung magbasa-basa po ako sa library?”

“Magtatrabaho ka na naman?” tanong ni Kirst. Di marahil ito makapaniwala na mas pipiliin niyang magbabad sa library kaysa masolo ito.

“Iyon po ang pampaantok ko,” sagot niya pero nakatingin kay Inang Selva.

“Kirst, samahan mo si Verona sa aklatan. Maaring kailangan niya ng tulong sa ibang mga libro. Hindi siya marunong ng Pangasinense at alam mo naman na kahit ang Espanyol noon iba na sa panahon ngayon,” utos ni Inang Selva.

Mabuhay ang himagsikan. Sorry na lang, mga ninja.

Lulugo-lugo siyang sinamahan ni Kirst habang magagaan naman ang hakbang iyang pumasok sa library. Pumikit siya at sinamyo ang mabangong amoy ng lumang libro. Kung sa ibang tao ay nakakairita ang amoy ng lumang libro, mistulang gayuma naman ito sa kanya. “Ang sarap talaga dito sa loob ng library. Nakakatuwa naman dahil nai-preserve pala ng lola mo ang mga lumang aklat at diyaryo. May original copy pa kayo ng La Solidaridad at La Independencia.”

“Nai-preserve ito iyan kahit noong panahon ng Hapon kung saan sinusunog ang mga bayan at bahay,” sabi ng binata sa seryosong boses.

“Maswerte kayo. Kung may ganito lang sana akong library noong bata ako, hindi na siguro ako lalabas. Bakit hindi ka nagka-interes sa history? Maganda pa mandin ang kwento ng pamilya ninyo,” sabi niya habang namimili kung kaninong diary ang una niyang babasahin. “I... I don’t know where to start. Parang napaka-interesante ng mga bagay na pwede kong matuklasan sa mga ninuno mo.”

“How about we start with the truth?”

“What truth?”

“Na hindi ka naman talaga pumunta dito para mag-sorry sa akin. Nandito ka talaga para sa gagawin mong libro.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.