Her Own Brand Hero (Filipino) Chapter 27

“I can work on my schedule. Malakas ka sa akin.” Hinaplos ng likod ng palad nito ang pisngi niya. “Ako lang naman ang di malakas sa iyo.”

Wala itong kaide-ideya kung gaano kalakas ang kapangyarihan ni Kirst sa kanya. He was ruling her over that it scared her.

“SA pagsapit ng hatinggabi bukas ay aangkinin natin ang paparating na bukang-liwayway. Mamumukadkad ang mga bulaklak sa ilalim ng buwan bilang pagpupugay sa ating pagmamahalan,” pagsasalin ni Kirst sa isa sa mga love letter na isinulat ng ninuno nito noong panahon ng himagsikan. Kwento iyon ni Tatang Gomez na ninuno ni Kirst at ang napangasawa nito na kasapi sa rebolusyon. Nasa library sila at pinag-aaralan ang koleksyon ng love letter ng mga ninuno ng binata.

Iniiwasan ni Verona na lumingon dito dahil magkalapit ang mukha nila sa isa’t isa. Parang nakakailang na nagbabasa sila ng love letter. “How romantic.”

“Yes, but with this one they hit two birds with one stone. Minsan ay cryptic ang mga mensahe nila sa love letter. Maaring sinasabi sa tulang ito na sa hatinggabi ay susugod sila.”

“Talaga?” tanong niya at binasa ulit.

“Kaya sa pagdating ng hatinggabi ay sinugod nila ang garrison ng mga Kastila sa Pampanga.”

“Isang taktika ng pakikibaka sa pamamagitan ng love letter. Hindi kaya may dalagang aasa kapag pinadalhan nito?” tanong niya.

“Huwag kang mag-alala. Nanalo sila sa digmaan at nagkatuluyan din ang mga tiyuhin ni Tatang Gomez at ang kasintahan niya.”

Ngumiti ang dalaga at isinulat sa steno pad ang tungkol doon. Bagamat kulang sa kagamitan at pananalapi ang mga rebolusyunaryong Pilipino noon ay di naman naubusan ang mga ito ng pamamaraan at taktika upang malamangan ang mga kalaban. Pati pala sa love letter ay may code-code din.

“Sa susunod na sulat na tayo?” tanong ng binata.

“Sandali. Hindi pa ako tapos sa notes ko.”

“Bakit ba ang bagal mo?”

Binitawan niya ang ballpen. “Sandali lang. Mahina ang kalaban.”

“Anong nangyari?” tanong nito at hinawakan ang kamay niya. “Lamog na ang daliri mo sa kasusulat. May laptop ka naman. Bakit kailangan mo pang magsulat. Nagpapaltos na ang daliri mo.”

Napaigik siya nang haplusin nito ang namumulang parte ng daliri niya. “Dito ako mas sanay at mas nakapag-iisip. Kanya-kanyang trip iyan.” Pakiramdam niya ay nai-imbibe niya ang buhay ng mga nire-research niya kung magsusulat siya sa papel kaysa sa computer.

“Lagyan natin ng langis ng niyog para mawala ang pamamaga,” sabi nito. “Iyon ang ipinapahid sa akin ni Inang Selva kapag sobrang dami ng pinasusulat sa akin sa school at nalalamog din ang daliri ko. Effective iyon.”

Saglit itong umalis para kunin ang langis at saka itinaktak sa palad. “Ako na ang bahala diyan,” prinsinta niya at akmang kukunin ang langis dito.

Pumalatak ito at sinalo ang kamay niya. “Ako ang nurse dito. Kaya ako ang masusunod kung ano ang makaakbuti sa iyo.” Saka nito maingat na pinahiran ng langis ang buong kamay niya saka minasahe.

Nanggiyagis ang ngipin niya dahil naiilang siya habang minamasahe nito ang daliri niya. Seryosong-seryoso kasi ito at matiim ang anyo. Habang seryoso din ang sensasyon na nararamdaman niya. Kalma lang.

“Mahihirapan akong magsulat,” aniya at mariing pinagdikit ang labi.

“Huwag ka munang magsulat. Magpahinga ka muna.” Itinigaya nito ang palad niya at iyon naman ang minasahe. “Pagod na ang kamay mo. Gusto ko na mag-relax ka dahil lalo kang mahihirapan na magsulat. Don’t push yourself too hard.”

“Mai-spoiled ako sa iyo nito. Baka di ko na gustong umuwi, sige ka.”

“Oo. Tapos gugustuhin mo na akong pikutin dahil husband material ako.”

“Dahil lang magaling kang magmasahe?” nakataas ang kilay niyang tanong.

“Ayoko nang i-enumerate iba ko pang magagandang katangian. Iniiwasan mo ngang ma-in love sa akin, di ba?” sabi nito at idinikit ang palad niya sa pisngi nito.

“Kirst, I...”

Hindi niya alam kung paano ito sasawayin habang nagwawala ang puso niya. Paano ba niya ito patitigilin sa panunukso nito?

Tumayo ito. “Matulog ka muna. Bumalik ka sa trabaho kapag nakapagpahinga na ang kamay mo.”

Nakatitig pa rin si Verona sa kamay na minasahe ni Kirst habang nakahinga sa kama. Hanggang ngayon ay nararamdaman pa rin niya ang kamay ng binata sa kanya. Heto na naman. Apektado na naman ako sa kanya.

Kahit anong sabihin niya sa sarili niya ay di niya mapigilang kiligin dito. Isa itong malaking tukso at siya ay isang mahinang babae. Kamay lang iyan. Okay lang iyan. Enjoy the feeling.

Paggising niya kinabukasan ay masigla siyang bumangon. Papunta sa kusina ay napansin niyang bukas ang ilaw ng library. Pumasok siya at naabutang nakayukyok si Kirst sa mahogany table. Nasa library pa rin ito? Anong ginagawa nito doon?

Sa tabi nito ay nakita niya ang notes na isinulat nito. Itinuloy nito ang pagta-translate ng mga sulat sa kanya at may notes pa kung iyon ay talagang love letter o kung coded ang sulat. Napansin niya na puro tinta ang kamay nito.

Isinuklay niya ang daliri sa buhok nito. “Kirst, gumising ka na.”

“Di pa tapos itina-translate ko,” ungol nito na parang naalimpungatan pa. Napansin niya na gumagalaw pa ang kamay nito na parang inaapuhap ang ballpen.

Inilapit niya ang bibig sa tainga nito. “Matulog ka na sa kuwarto mo. Bakit dito ka sa library natulog?”

Inangat nito ang ulo. “Huh?? Umaga na ba? Sabi ko iidlip lang ako. Tatapusin ko muna itong sulat...”

Kinuha niya ang ballpen bago pa madampot ng binata. “Matulog ka na sa kuwarto mo. Maaga pa naman. Kasasabi mo lang sa akin na magpahinga ako tapos ikaw naman pala itong magpapasaway.”

“Wala ba man lang akong good morning kiss bago mo ako sermunan?” tanong nito at itinuro ang pisngi.

Umikot ang mga mata niya at kinintalan ito ng halik sa pisngi. “Salamat sa tulong mo.”

Nanunuksong ngumiti ang binata at ihinimlay ulit ang pisngi sa mesa. “Did you just kiss me?”

“Sa pisngi lang. Walang malisya,” aniya at pinanlakihan ito ng mata. “Tumayo ka na diyan.”

“Yes, Kumander!” sabi ng binata at sumunod sa kanya. “Basta ipagluto mo ako ng masarap na agahan, ha? Gusto ko ng omelet na corned beef.”

Nag-thumbs up siya dito. Hindi siya makapaniwala na nagpakapuyat sa library si Kirst para tulungan siya. At kung mas malakas lang ang loob niya ay di lang niya sa pisngi hahalikan dahil sa tulong nito sa kanya. Kissing him was not so bad after all.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.