Her Own Brand Hero (Filipino) Chapter 28

“Inang Selva na luluwas po muna ako. Gusto ko po kasing dalawin ang mga bata sa ampunan dahil birthday ng tatlo sa kanila,” pagpapaalam muli ni Verona sa matandang babae nang matapos siyang mag-agahan. Dalawang linggo na pala siya sa Casa Grande at di pa siya nakakauwi. Ayaw pa kasi siyang payagan ni Inang Selva. Hindi naman niya matanggihan ang paglalambing ng matandang babae dahil malaki ang utang na loob niya dito. Isa pa, parang lola na rin ang turing niya dito.

“Kirst, ihatid mo na siya sa terminal,” sa wakas ay sabi ng matandang babae. Nagkausap na sila ni Kirst kagabi pero hinihintay pa niya ang approval ni Inang Selva.

“Sabay na po kaming luluwas ng Maynila,” sabi nama

“Akala ko sa isang linggo pa ang susunod na project mo?” tanong ng matandang babae.

“May emergency po kasi.”

Tumango-tango ang matandang babae. “Sige. Para masamahan mo na si Verona. Isabay mo na rin siya pagbalik.”

Kagat ni Verona ang labi habang bumibiyahe sila ni Kirst palabas ng Bayambang. Ang totoo ay mabigat ang loob niya kahit na isang araw lang naman niya itong di makikita. Nasanay na siyang lagi itong kasama. Ngayon ay makakasabay pa silang luluwas at silang dalawa lang ang magkasama.

“Salamat dahil isinabay mo ako,” sabi niya at nilaro-laro ang seatbelt.

“Mas gusto kong matiyak na safe ka para di na kami mag-alala ni Lola. Matulog ka na. Alam ko naman na napuyat ka kagabi. May gusto ka bang daanan o bilhin?”

“Cake at pancit para sa mga bata.”

Sinamahan siya nitong bumili ng pancit at cake sa nadaanan nilang mall paglabas nila ng NLEX. “Ako na ang magbabayad para mabaryahan ang pera ko,” sabi ng binata at ito na ang nagbayad sa cashier bago pa siya makaangal.

“Sige. Ibibigay ko na lang ang bayad mamaya,” sabi niya.

Tapos ay kinaladkad siya nito sa tindahan ng mga laruan. Nagulat siya ng dumampot ito ng mga stuffed toys at libro. “Sa palagay mo ba magugustuhan nila ito?”

“Oo naman,” sabi niya at kumuha din ng libro na sa tingin niya ay makakatulonng para ma-inspire lalong mag-aral ang mga celebrant.

Pagdating sa counter ay may mga lobo pa na dala ang staff at in-order ni Kirst para sa kanila. “Sandali. Di ko na kayang bayaran iyan.”

“Sagot ko na. Hindi kumpleto ang birthday kapag wala niyan,” sabi nito at inabot ang credit card sa cashier.

Nang dumating sila sa ampunan ay pinagkaguluhan sila ng mga bata. “Ate, para ba sa aming lahat iyan?” tanong ng siyam na taong si Empoy na isa sa celebrant.

“Sino ‘yung guwapong kasama mo? Boyfriend mo?” tanong naman ni Les na anim na taong gulang pa lang.

“Hindi. Siya si Kuya Kirst ninyo, kaibigan ko siya,” pagpapakilala niya.

Habang naghahanda sila para sa birthday celebration ng tatlong bata ay nakipaglaro naman si Kirst sa mga bata. Ito na rin ang nagkwento sa mga ito gamit ang mga librong binili nito. Lumipas ang oras at nakigulo pa ang binata sa party. Pati sa games ay kasali ang lalaki at paboritong ka-partner ng mga bata.

“Hindi ka ba nakukulitan sa mga bata?” tanong niya dito.

“No. I love kids. Sayang lang dahil nasa abroad ang mga pamangkin ko. Mas masaya sana kung makakasama ko sila dito,” anang binata.

“Anong oras pala ang appointment mo?”

“Heto na. Dito ang appointment ko.”

Kumunot ang noo niya. “Akala ko may trabaho ka. Na-cancel ba?”

“Dito talaga ang punta ko para samahan ka. Sabi ko naman sa iyo dati sasamahan kita dito. Kaya tinupad ko ang pangako.”

“Naalala mo pa?” tanong niya at kumurap. “Di ko na nga naalala iyon.”

Naglakad siya papunta sa hardin at umupo sa tabi ng fountain habang patuloy naman ang kasiyahan sa loob. Sumunod ang binata sa kanya.

“Noong bata ako, lagi kong iniisip na sana may birthday din ako na may party hanggang nasanay ako na lilipas lang ang birthday. Mahalaga sa akin makapagdasal na lang sa araw na iyon at ipagpasalamat na buhay pa. Pero nang kumikita na ako, gumawa ako ng paraan para maiparamdam sa mga bata dito na ang birthday niya ay pwede ding maging masaya at memorable pati sa mga batang wala sa ampunan.”

“You are a good woman, Verona. Marami diyan na kalilimutan na lang ang pinanggalingan nila pero hindi ikaw,” sabi nito.

Inilahad niya ang palad sa ampunan. “Sila ang pamilya ko. Kung wala sila, saan na lang ako pupulutin? At sa sarili kong paraan, gusto ko rin maramdaman ng mga bata dito na di sila rejected. May nagmamahal sa kanila.”

“Hindi ka pa talaga nabibigyan ng lobo sa birthday mo?” tanong nito.

Umiling siya. “Hindi pa. Di rin naman ako invited sa mga birthday party. Nang maimbitahan ako, masyado na akong matanda para mabigyan ng lobo. Makikiagaw pa ba ako sa mga bata?”

Tumayo ang binata. “Sandali lang.”

Tumakbo ito papasok ng ampunan at pagbalik ay may dala itong lobo at party hat. “Here. Para naman ma-experience mong magkalobo.” Inabot nito ang lobo sa kanya at isinuot ang party hat niya.

“Kirst, hindi na ako bata.”

“Hindi pa naman huli para ma-experience mo ang magagandang bagay sa buhay. Lobo lang iyan at simpleng birthday party pero nag-iiwan ng marka sa atin. Gawin mo ang mga bagay na magpapasaya sa iyo.”

“Salamat. Di ko naman na naisip iyan,” tatawa-tawa niyang sabi at nilaro ang tangkay ng lobo. “May lobo na ako.”

“Mahilig ka kasing magpasaya sa ibang tao at maging blessing sa kanila. Pero di ka naman humihiling na may taong pwedeng magpasaya sa iyo. Minsan ayaw mong tanggapin. Hindi ka talaga sasaya kundi mo bubuksan ang sarili mo sa lahat ng posibilidad at oportunidad sa buhay. Embrace life. Embrace happiness.”

Embrace life. Embrace happiness.

Tumayo siya at niyakap si Kirst nang mahigpit. “Ayan na!”

“Anong ayan na?” tanong ng lalaki.

“Sabi mo embrace happiness. Kaya niyakap siya kita. Ikaw kasi ang nagpapasaya sa akin. Salamat. Kahit ilang beses kitang tinanggihan, gumagawa ka pa rin ng paraan para pasayahin ako. I want to believe now that I really deserve to be happy.”

“You do. Basta huwag mo lang bibitawan ang kaligayahan. I am here for you, Verona.”

Kahit ngayon lang masaya siya na kasama ito. Kahit na matapos ito matapos ang ilang linggo o araw, di niya kakalimutan ang panahong naging masaya siya kasama ito.

“SO, anong ginawa mo at okay na kayo ni Kirst?” nang-iintrigang tanong ni Sia kay Verona habang nasa restroom at nagre-retouch. Humabol ito sa birthday party ng mga bata sa ampunan dala ang donasyong telebisyon sa mga ito mula sa nobyo nitong si Mason. Matapos iyon ay naghapunan sila sa City of Dreams dahil na rin sa request nito at kasama nila si Kirst.

“Nag-usap lang kami.”

Tinaasan siya nito ng kilay. “Usap lang? Di mo inakit?”

“Mukha ba akong marunong mang-akit?” tanong niya.

“Malay ko. Iba kasi ang titig niya sa iyo kanina saka iba rin ang kislap sa mga mata mo at ngiti mo kapag nakatingin ka sa kanya. That is love, my friend.”

“Love agad? Di ba pwedeng crush lang?” tanong niya at naghugas ng kamay. Ayaw niyang i-entertain ang ideya na in love siya sa binata. Nakakatakot.

“Tanda mo na. Di na uso ang crush.”

“It is a safer feeling. No expectations. Di ka rin mabo-brokenhearted. Saka okay naman kami bilang magkaibigan. Napapasaya niya ako. Pinagkakatiwalaan ko siya at alam ko naman na gentleman siya.”

“Ano naman ang masama kung ma-in love ka sa kanya? Pareho naman kayong single at mukhang masaya kayo kapag kasama ang isa’t isa. Mas mabuti nang tanggapin mo na ngayon na in love kayo sa isa’t isa kaysa naman pa-deny-deny ka pa. Mas asakit kapag hindi mo hinaharap ang nararamdaman mo.”

“Sige. Paano kung in love ako sa kanya?”

“Enjoy the feeling. Kung gusto ka rin niya, e di good. Kung hindi naman, okay lang. At least, naranasan mo naman kung paano ma-in love.” Hinawakan nito ang balikat niya. “Matapang ka kaya harapin mo ang nararamdaman mo. Hindi mo naman kailangang sabihin sa kanya ang nararamdaman mo. You don’t have to do anything about it. Just get used to the idea. Dahil ang pagmamahal ang pinaka-masarap na pwedeng ma-experience ng isang tao.”

“Mahal ko si Kirst,” usal niya.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.