ABALA si Kiah sa pagwawalis ng marmol na sahig nang sandali siyang matigilan. Naalala kasi niya ang naging usapan nila ni Aki kanina lamang tungkol kay Carlos at sa pagpayag ng asawang mamasukan siyang muli.
Ang totoo ay hindi rin niya alam kung bakit hindi niya masabi na wala na ang asawa. Ayaw man niyang magsinungaling sa amo, pero aywan niya sa sarili kung bakit hindi niya inamin ang katotohanan. Bigla ay nakaramdam tuloy siya nang konsensya, lalo pa't napakalaki na ng utang na loob niya sa amo. At hanggang ngayon ay hindi pa rin niya alam kung papaano makababayad. Ngunit ipinangako rin niya sa sariling gagawin ang lahat upang makabayad sa kabutihan nito.
"Naku! Ang kalat-kalat naman ng silid ni Sir Aki. Hindi ba s'ya nakakapaglinis?" kunot-noong bulalas ni Kiah sa sarili habang pinasasadahan ng tingin ang nagkalat na pinagbihisan sa sahig.
Mayroon ding basyo ng mga de-latang alak at balat ng sitsirya. Sunod kasi niyang ginawa ang paglilinis ng silid ng lalaki. Hindi niya napansin iyon kaninang umaga nang magising siya. Paano ba naman kasi'y tanging ilaw lamang ng lampshade ang tumatanglaw sa kabuohan ng silid kanina. Idagdag pang nataranta siya nang sa silid ng amo magmulat.
Hindi siguro s'ya kumuha ng kapalit ko kaya wala na s'yang oras pang maglinis, saad niya sa isipan habang inaalis ang balot ng kutson. Subalit sa isang banda, lubos rin siyang nagpapasalamat dahil doon. Kung sakali kasing kumuha ito ng kapalit niya, ay wala na siyang trabahong babalikan pa.
Ipinasya niyang palitan na ang kobre-kama ng panibago, saka pinalitan din kumot niyon. Subalit naitigil niya ang ginagawa nang may mapansin siyang kakatwang bagay na nasa sahig. Binitiwan niya ang hawak na kumot at dinampot ang isang maliit na supot.
"Ano kaya ito? Kendi ba ito o babol gam?" taka niyang tanong sa sarili habang sinusuri ang hawak. Para kasi itong isang matamis na pagkain sa tingin niya.
Durex Intense Pleasure, basa niya sa pabalat nito. "Kakaiba naman ang pangalan, parang hindi masarap. Siguro kendi ng mga mayayaman ito," tumatango-tangong saad niya sa sarili pagkatapos ay inilagay iyon sa ibabaw ng lamesita na naroon.
Muli niyang ipinagpatuloy ang paglalagay ng makapal na kumot, pagkatapos ay isinunod ang pagpupulot ng mga kalat sa sahig at mga maruruming mga damit. Nang matapos sa ginagawa ay muli siyang lumabas sa silid ng amo at tinungo ang kusina saka inilagay sa washing machine ang mga maruruming damit.
Nagpasya naman siyang isunod ang paglalampaso ng sahig pero naulot iyon nang makarinig ng pagtunog ng doorbell. Mabilis niyang tinungo ang pinto nang may pagtataka. Si Sir Aki na ba iyon? Pero maaga pa, ha? isip-isip niya habang nakatingin sa malaking orasan na nasa dingding. Ala-una pa lamang kasi ng hapon.
Agad niyang pinindot ang buton sa maliit na aparato na nagsisilbing mata sa labas ng pinto, at saka tiningnan kung sino iyon. Ngunit ganoon na lamang ang pagtataka niya nang makita ang nobya ng amo na si Melody. Dali-dali niyang binuksan ang pinto, at nagulat pa siya nang wala itong sabi-sabing pumasok sa loob at naupo sa sofa.
"Hey bitch! Is Akihiro there?"
Bakit kaya nagustuhan ni Sir Aki ang babaeng ito? Masyadong magaspang ang pag-uugali, wika ni Kiah sa sarili saka nilapitan ang babae. "Ma'am sorry po, wala po si Sir Akihiro. Nasa trabaho pa po siya," magalang at nakangiti niyang sagot habang nakatayo sa harapan nito.
"Good," anito at saka ngumisi na lubos naman niyang ipinagtaka. "Ikaw talaga ang sadya ko, bitch!" dagdag pa nito saka pinagkrus ang mga binti sa harapan niya.
Aba! Sumusobra na s'ya, ha? Akala niya ba, hindi ko alam ang ibig sabihin ng bitch? Pinilit ni Kiah ma magtimpi sa harapan nito kahit pa gusto na rin niyang ipakita ang inis sa babae. Kung hindi ka lang nobya ni Sir Akihiro e! "Bakit po Ma'am Melody? May kailangan po ba kayo sa akin?" magalang pa rin niyang tanong.
"Siguro naman alam mong boyfriend ko si Akihiro, right?" Tumango naman siya bilang sagot. "Kung gan'on, umalis ka na ngayon!" galit na sigaw nito na ikinabigla niya.
"P-po? Bakit naman po ako aalis? Wala naman po akong ginagawang masama, ah? At saka bakit po kayo sumisigaw?" nagtitimpi pa rin tanong niya rito. Pinigilan din niya ang inis na nagsisimula nang umahon sa dibdib niya.
Dahil sa sinabi niya ay sinugod siya ng babae at saka gigil na dinuro sa mukha. "What the hell?! Who are you to talk to me like that? Katulong ka lang dito!" bulyaw pa nito sa mukha niya. Hindi naman siya nagpatinag sa kaharap. "Akala mo ba 'di ko alam na nilalandi mo lang si Akihiro, huh? My God! Hindi ka ba nahihiya sa sarili mo?! Look at yourself! Mukha kang taga-bundok na gustong makatikim ginhawa!" litanya pa ni Melody na nanlalaki ang mga mata sa sobrang galit.
Hindi na nakapagpigil pa si Kiah. Hindi niya hahayaan na pagsalitaan pa siya nito nang ganoon gayong wala naman siyang natatandaan na may ginawa siyang masama sa nobya ng amo. Tinampal ni Kiah ang kamay nitong nakaduro sa kan'ya saka galit ring hinarap ito.
"Magdahan-dahan ka naman sa pagsasalita, Ma'am Melody. Nandito ako upang magtrabaho at hindi para maglandi na katulad ng sinasabi niyo!" lakas-loob na sagot niya dahilan upang lalong magalit ang babae. Pulang-pula na ang mukha nito sa tindi ng galit. "Isa pa, kung taga-bundok ako sa paningin mo Ma'am, bakit po kayo natatakot na maagaw ko si Sir? Wala po ba kayong tiwala sarili niyo?" Ayaw sana niyang maghimig sarkastiko ngunit marahil ay dahil na rin sa galit kaya hindi na nakontrol pa ni Kiah ang sarili.
"What the hell did you say?!" sigaw nito saka walang anu-ano'y malakas siyang sinampal. Halos mabingi si Kiah sa sobrang lakas niyon. "Ano, huh? Anong sabi mo?! Ang kapal rin ng apog mo! Tingnan mo nga ang sarili mo?! You're cheap! You're trash! Ang dapat sa'yo itapon na parang basura!"
Malakas pa siyang tinulak ni Melody dahilan upang mapasadsad siya sa sahig at tumama ang noo sa marmol na semento. Sa lakas niyon, pakiramdam niya ay nagkaroon siya ng bukol sa noo.
Hezekiah, huwag mong papatulan! Baka mawalan ka ng trabaho! Paano ang Inay at mga kapatid mo? Iyon ang mga katagang pilit inuukilkil ni Hezekiah sa kanyang isipan habang pigil ang galit at sapu-sapo ang tumamang noo.
Pero hindi pa nakuntento si Melody, ubod-lakas siya nitong hinila ang kanyang buhok paitaas para magtama ang kanilang mga paningin. "Masaya na 'ko no'ng nalaman kong umuwi ka sa bundok, e! Pero bumalik ka pa talaga!" ani Melody na nanlilisik ang mga mata. "Remember this, slut! Sa oras na malaman kong nandito ka pa, 'di lang 'yan ang matitikman mo!" litanya pa nito sa mismong mukha niya saka pabatong binitiwan ang buhok niya at pagkatapos ay dire-diretsong lumabas ng unit.
Samantalang naiwan naman si Kiah na iniiyak na lamang ang sama ng loob ay pagtitimpi sa nobya ng kaniyang amo. Ngunit kasabay noon, ipinangako rin niyang sa oras na maulit pa iyon ang lalaban na siya.
• • •
NAGISING si Kiah nang makarinig ng pag-doorbell. Palibhasa'y mababaw lamang ang tulog niya dahil sa paghihintay na umuwi si Akihiro. Sa sala nga lamang siya nahiga upang sa gayon ay marinig niya ang doorbell kung sakaling umuwi ito.
Pupungas-pungas niyang tinungo ang pinto saka pinindot ang buton upang tukuyin kung ang lalaki na nga ang dumating. At hindi nga siya nagkamali nang makita ito sa screen, kaya naman agad niyang binuksan ang lock ng pinto.
"Magandang gabi po, Sir Aki," bungad niya nang mapagbuksan ito. Pero hindi rin nakaligtas sa kanyang pang-amoy ang pinaghalong pabango at alak na nasamyo niya mula sa lalaki. Nakainom ba si Sir?
"Good evening. I'm sorry kung naistorbo ko ang tulog mo," anang lalaki saka bahagyang ngumiti. Nagtuloy-tuloy ang lalaki sa pagpasok at dumiretso sa sala saka pasalampak na naupo sa sofa. Basta na lang din nitong tinanggal ang sapatos at ihinagis sa isang tabi.
"Ayos lang po, Sir. Ang totoo'y hindi rin po ako makatulog dahil iniisip kong baka umuwi kayo," nakangiti namang saad ni Kiah nang makalapit. Kaagad din niyang dinampot ang hinubad nitong sapatos saka inilagay sa shoe rack. Matapos niyon ay kinuha naman niya ang tsinelas na pambahay ng lalaki at inilapag sa harapan nito.
"Sir, ipaghahanda ko po kayo ng makakain." Ngunit nagtaka siya nang hindi ito sumagot. Napakagat-labi pa siya nang mapansing nakapikit pala ang lalaki at prente ang pagkakasandal sa kinauupuan.
"Sir, baka gusto niyong kumain. Ipaghahain ko po kayo. . ." untag pa niya rito. Subalit katulad kanina, hindi man lamang kumibo ang lalaki. Naku! Nakatulog na yata si Sir Akihiro, isip-isip ni Kiah habang pinagmamasdan ang gwapong mukha ng nakapikit na amo.
"S-sir baka po gus---"
Naputol ang sana'y sasabihin ni Kiah nang magdilat ng mata ang lalaki at madilim ang anyo habang nakatingin sa kaniya. Nakaramdam tuloy siya ng kaba at takot dahil doon. Naisip niyang baka magalit ito dahil naistorbo niya ang pamamahinga nito.
"Come here Kiah," utos ni Akihiro na lubos niyang ikinagulat. Hindi kaagad siya nakakilos dahil doon at nakatanga lamang siya sa amo.
"S-sir? A-ano po iyon?" utal-utal niyang tanong.
"I said, come here."
Lalong ninerbiyos si Kiah nang maulinigan ang inis na tinig ng lalaki. Kung kaya't kahit nanginginig na ang katawan niya sa takot ay taranta niyang sinunod ito. Lumapit siya kay Akihiro at nang may isang metro na lamang ang pagitan nila ay huminto siya, saka kabadong tumingin dito. Ramdam niya ang malakas na pagkabog ng kanyang puso bunga ng pinagsamang kaba at takot ng mga sandaling iyon.
At mayamaya pa, halos mapugto ang hininga niya nang kumilos si Akihiro at i-angat ang isang kamay. Sa takot na baka saktan siya ng amo ay pumikit na lamang siya at hinintay ang gagawin nito. Pero labis siyang nagulat nang maramdaman niya ang kamay nitong humaplos sa noo niyang may bukol.
"S-sir?" maang niyang tanong nang magmulat.
"Si Melody ba ang may gawa n'yan?" tanong nito na ang tinutukoy ay ang bukol niya sa noo sanhi ng pagkakatulak sa kaniya ni Melody kanina. Bakas din sa anyo ni Akihiro ang galit ng mga oras na iyon.
Pero paanong nalaman agad ni Sir Aki? Wala naman kasing nakaalam ng nangyayaring iyon maliban sa kanilang dalawa ni Ma'am Melody.
Sa halip na umamin, mabilis na umiling si Hezekiah sa lalaki. "Ay, Sir, hindi po! Nadulas lang po ako kanina noong naglalampaso ako ng sahig," pagsisinungaling niya. Natatakot kasi siyang baka maging sanhi pa iyon ng pag-aaway ng magkasintahan.
Narinig niyang pumalatak ito. Bakas rin sa anyo nitong hindi ito kumbinsido sa kanyang sinabi. "'Di ka magaling magsinungaling, Hezekiah," saad nito na ikinamaang niya. Tumindi rin ang kabog ng kanyang dibdib ng bigla itong tumayo at saka tinawid ang isang metrong pagitan nila.
"Si Melody mismo ang nagsabi sa'kin n'yan, Kiah. Akala ko, nagbibiro lang siya kanina nang sabihin niyang sumugod siya rito. And I'm very sorry. Kung nandito sana ako, 'di ko hahayaang mangyari 'yan sa'yo," hinging-paumanhin ni Akihiro saka walang sabi-sabing hinaplos ang noo niyang may bukol.
Napakainit ng palad ni Akihiro dahilan upang magdulot iyon ng hindi maipaliwanag na pakiramdam sa kaibuturan niya. Lihim pang nakagat ni Kiah ang ibabang labi dahil tila lumukso ang kanyang puso dulot ng paghaplos nito sa kanyang noo. Idagdag pang kitang-kita rin niya sa mga mata nito ang pag-aalala ng mga oras na iyon.
Bigla tuloy nakaramdam ng inggit si Hezekiah kay Melody. Napakaswerte naman ni Ma'am Melody. . . Kung sana'y naging maganda rin ako at mayaman, hindi siguro masamang magkagusto kay Sir Akihiro. . . nangangarap na turan ni Kiah sa kanyang isipan habang nakatingin sa gwapong mukha ng amo.
Ngunit kaagad ding iwinaksi ni Hezekiah ang pag-aasam na iyon. Mistulang prinsipe ang lalaki para sa kan'ya. Iyon bang tipo ng lalaki na madalas niyang napapanood sa drama at mabasa sa libro---mabait, maginoo, gwapo, at mayaman. Mga katangian na hinahangaan ng isang babae sa lalaki, at isa na si Hezekiah roon.
Subalit alam niyang hindi 'gaya ng napapanood at nababasa niya, ang paghanga sa ganoon kataas na lalaki sa totoong buhay ay kahibangan lamang. Isang malaking ilusyon. Para sa kaniya, mistulan itong isang bituwin na kay hirap abutin.
Tumigil ka sa iyong pangangarap, Hezekiah! Suntok sa buwan ang gustuhin ng isang gaya niya! saway niya sa sarili. Isa pa'y pumasok sa balintataw niya ang kamamatay pa lamang na si Carlos. Pakiramdam tuloy niya ay nagtataksil siya kahit wala naman siyang ginagawang masama.
"Salamat sa paghihintay, Hezekiah. Sa susunod, hindi ka na maiistorbo 'pag nakuha ko na ang keycard."
Ang mga katagang iyon ang nagpanumbalik sa naglalakbay niyang diwa. Natigilan pa siya nang hawakan siya nito sa baba at gawaran ng matamis na ngiti. "Matulog ka na, okay? Bukas, sasamahan kitang ipatingin 'yan sa doktor. Goodnight," masuyo pang turan ni Akihiro saka tumalikod na at iniwan siya.
Sinundan naman ng tingin ni Kiah ang lalaki nang may halu-halong emosyon na lumulukob sa kaniyang dibdib.