"NAKU! Nasaan ba ang orientation hall dito?"
Nakagat ni Kiah ang kanyang mga kuko dahil sa labis na tensyong nararamdaman. Kanina pa kasi siya paikot-ikot sa unibersidad pero hindi pa rin niya mahanap ang orientation hall. Tuloy ay nag-umpisa na siyang kabahan dahil sa sitwasyon. Tiningnan rin niya ang oras sa relong pambisig na ibinigay ni Aki. Alas-otso na nang umaga at alas-nueve ang umpisa ng orientation.
Ang orientation ay para sa mga baguhang mag-aaral sa taong iyon gaya niya. Sa orientation na iyon malalaman ng mga bagong estudyante ang tungkol sa school policy, campus tour at ang mga clubs na maaaring salihan ng mga ito. Kasama rin doon ang pagbibigay ng schedule of class at uniporme. Kaya't alam ni Kiah na hindi siya maaaring hindi makadadalo roon.
Isa pa, maaga pa naman siyang inihatid ni Aki kanina, at ang bilin pa'y mag-text daw siya kung tapos na ang orientation dahil susunduin din siya nito. At talagang binigyan pa siya ng telepono para lamang doon.
Ano na bang gagawin ko? hindi mapakaling saad pa niya sa isipan habang nasa tapat ng isang malawak na field. Ang field na iyon ay nababalutan ng Bermuda grass, maging ng bench chair. Mayroon ding basketball court at volleyball court doon. Sa open field na iyon isinasagawa ang outdoor activities ng mga mag-aaral.
Naupo muna si Kiah sa isa sa mga bench dahil pakiramdam niya'y bigla siyang nahilo dahil sa kaiikot sa malaking unibersidad. Tahimik niyang pinanonood ang grupo ng mga kalalakihang naglalaro ng basketball sa field.
"Kiah!"
Awtomatikong kumunot ang noo ni Kiah saka lumingon upang hanapin ang tumawag sa kanyang pangalan. At gayon na lang ang tuwa niya nang makita niya ang pamilyar na lalaki. Sa pagkakatanda pa niya, Gavin ang ipinakilala nitong pangalan. O, Diyos ko! Salamat at may makakatulong akong hanapin ang orientation hall!
"Are you here for school orientation?" nakangiting tanong kaagad nito ng lalaki nang makalapit.
"Oo," maikling sagot niya rito saka ngumiti ng kimi.
"I see. E, bakit wala ka pa sa orientation hall? Ang alam ko, 9:00 ang umpisa." Tumingin pa ito sa relong pambisig. "It's 8:30 already."
"E kasi, hindi ko mahanap ang orientation hall. Maaari mo ba akong samahan?"
Tinanggal na ni Kiah ang hiya sa katawan. Alam kasi niyang wala siyang mapapala kung hindi siya magpapatulong sa lalaki. Isa pa'y talagang napaka-importante ang pagtitipon na iyon para sa kaniya.
Matamis namang ngumiti ang lalaki kay Kiah saka tumango. "Okay, no problem. Let's go, baka ma-late ka pa," anyaya ng lalaki.
Tumango na lamang siya saka sumabay ng paglalakad dito patungo sa isang building ng unibersidad. Hindi pa siya nagagawa roon dahil sa laki ng eskwelahan, hindi niya alam kung ano ang kanyang uunahing puntahan.
Habang naglalakad ay hindi rin maiwasang mailang ni Kiah. Paano ba kasi'y bawat mag-aaral na makakasalubong nila ni Gavin ay nagbubulungan habang pinupukol sila ng makahulugang tingin.
"Don't mind them, gan'yan talaga rito sa school," anang lalaki dahilan upang sulyapan niya ito. Marahil ay nahalata nito ang ikinikilos ng mga estudyante na nakakasalubong nila.
"Okay lang," aniya saka simpleng ngumiti. "Papasok ka pa lang ba, Gavin?"
Pansin kasi niyang naka-uniporme nito ng kulay abong polo at itim na slacks. At hindi niya maipagkakaila sa sariling lalo itong naging magandang lalaki dahil sa pustura nito. Marahil ay iyon din ang dahilan kung bakit panay ang tingin sa kanila ng mga kababaihang mag-aaral. Siguro, sikat siya rito sa unibersidad, isip-isip n'ya pa.
"Yep. Papunta na sana ako sa first subject ko nang makita kita," sagot nitong sandali siyang sinulyapan bago siya inakay paakyat sa hagdanan. Paakyat na sila sa ikalawang palapag ng gusali kung saan sila nagtungo. Napaka-maginoo naman niya, ani Kiah sa sarili.
"By the way, nandito sa building na ito ang iba't ibang event hall, student council's office, gymnasium at iba pa. At sa third floor nito, nandoon ang orientation hall," paliwanag pa nito sa kaniya na sinamahan pa ng ngiti.
Tumango-tango naman si Kiah. Nagpapasalamat siyang nakita niya ito at nalaman niya ang ilang bagay tungkol sa unibersidad. Pero nag-alala rin siya nang maalala na baka mahuli ito sa klase dahil may pasok pala ito ng oras na iyon.
"Naku! E, hindi ka ba mahuhuli niyan sa klase mo?" nahihiyang tanong ni Kiah sa lalaki.
"Don't worry, Kiah. Maaga pa naman kaya ayos lang," ani Gavin saka kumindat pa. Lihim namang natuwa si Kiah dahil sa kabaitan nito. "O, nandito na pala tayo."
Huminto sila ng lalaki sa isang silid na may salaming pinto. Sa labas niyon ay may karatulang nakasulat ang "Orientation Hall". Binalingan ni Kiah ang binata at saka ngumiti ng nagpapasalamat. "Maraming salamat, Gavin. Kung hindi kita nakita, hindi ko mahahanap ang hall. Talaga palang napakalaki ng unibersidad na ito."
"It's okay, basta ikaw."
Ngumiti pa si Gavin ng malapad pagkasabi niyon sa kaniya saka nagpamulsa. Hindi rin niya maunawaan kung bakit pakiramdam niya ay kakaiba ang tingin nito habang pinagmamasdan niya. Tuloy ay nakaramdam siya ng pagkailang sa lalaki.
"Maraming salamat ulit." Iyon na lang ang nasabi niya dahil wala siyang maaapuhap na sasabihin. Isa pa'y namayani sa kaniya ang hiya para sa binata.
"S-Sige, pasok na ako," aniya sa lalaki. Tumango naman ito habang hindi mapuknat-puknat ang ngiti. Nagtataka man, hindi na iyon pinansin pa ni Kiah. Sa halip tumalikod na siya rito.
"Uhm, Kiah. . ."
Nilingon niya itong muli nang marinig niyang tinawag siya niti. "Ha?" maang niyang tanong. Pansin niyang tila nag-isip sandali ang lalaki ngunit ngumiti rin kaagad.
"If you want, sabay tayong mag-lunch mamaya. Pupuntahan kita. Okay lang ba?" sabi nitong ikinamaang niya.
Sandali munang nag-isip si Kiah. Sa palagay niya ay wala naman sigurong masama kung pauunlakan niya ang lalaki. Isa pa'y nahihiya rin kasi siyang tanggihan ito, lalo pa't ilang beses na siyang tinulungan ng binata.
"Sige," aniya mayamaya. Ewan ni Kiah kung namalikmata lang siya pero tila kumikislap ang mga mata nito ng sandaling iyon. Para itong isang bata na binigyan ng kendi.
"Thank you, Kiah." Ngumiti pa ito ng malapad dahilan para lumabas ang maganda at mapuputing ngipin nito. "Anyway, I have to go. Pasok ka na rin."
Tango na lang ang isinagot ni Kiah sa binata bago siya tuluyang tumalikod. Huminga pa siya ng malalim bago buksan ang salaming pinto, at para harapin ang bagong simula sa kanyang buhay.
• • •
NANG matapos ang orientation ay tinotoo nga ni Gavin ang sinabi nito kay Kiah na sabay silang magta-tanghalian. Paglabas niya sa hall ay naroon na ang lalaki at hinihintay siya. Nahihiya man dito, nagpaunlak din siyang ilibre nito ng makakain.
"Hindi ba, may klase ka pa? Baka naman mahuli ka niyan. Naabala na kita ng sobra," ani Kiah sa lalaki. Katataos lang nila ng binata na mananghalian, at ngprisinta pa itong samahan siyang hintayin sa gate ng unibersidad si Aki na ang sabi sa text paparating na.
"It's okay, Kiah. Two hours pa naman ang vacant time ko," sagot naman ni Gavin sa kaniya. "So pa'no? Sa Monday, sabay tayong pumasok para naman may kasama ka. Tutal, same schedule naman tayo, e. Isa pa, magkatabi pa tayo ng building," nakangiting prisinta pa nito.
"Talaga? Salamat kung ganoon," ani Kiah. Hindi na siya nag-inarte o nahiya pa rito.
Isa rin kasi iyon sa iniisip niya ngayong papasok na siya sa Lunes. Bago lamang siyang mag-aaral sa malaking uninersidad na iyon ng St. Benedict at tiyak na wala pa siyang magiging kaibigan doon. Natatakot din siyang baka walang gustong makipag-kaibigan sa kaniya lalo pa't pansin niyang pulos sosyal ang mga mag-aaral doon.
"Teka, ano nga pala ang kurso mo?" tanong pa ni Kiah. Hindi pa kasi niya naitatanong iyon sa binata.
"Civil engineering," simpleng sagot ni Gavin sa kaniya. Hindi naman maiwasang humanga ni Kiah kahit pa wala siyang masyadong nalalaman tungkol sa kursong sinabi nito. "Ikaw, bakit Education ang kinuha mo?" balik-tanong naman ni Gavin.
Mula sa pagsulyap sa kalsada ay ibinaling niya ang tingin dito. "Iyon kasi ang pangarap ko," nakangiting sagot ni Kiah, "at sana nga ay makapagtapos ako. Para kasi iyon sa mga kapatid at Inay ko."
Bigla ay nakaramdam ng kalungkutan si Kiah. Naalala kasi niya ang kanyang Inay at mga kapatid. Tiyak na nag-aalala na ang mga ito sa kaniya. Hindi pa kasi niya nakakausap ang pamilya, wala kasing mayroong telepono sa mga ito. Susulatan ko na lang siguro sila bukas, isip-isip niya.
"Ang bait mo namang Ate. Maswerte ang pamilya mo sa'yo, Kiah," ani Gavin na bakas ang paghanga.
"Kailangan e. Wala na kasi ang Itay ko," sagot ni Kiah na napayuko sa kaniyang mga palad. Pakiramdam kasi niya ay uminit ang sulok ng kanyang mga mata nang maalala ang yumaong ama.
"Oh, I'm sorry for that," hinging paumanhin naman ni Gavin. Bakas rin ang simpatya sa tinig nito dahil nang sabihin iyon.
Nag-angat siya ng tingin sa kaharap, at saka ngumiti na lamang. Hindi rin niya ipinahalata na naapektuhan siya nang mapag-usapan ang ama. "Ayos lang iyon."
"By the way, Kiah," pakli pa ng lalaki. Nakahawak pa ito sa batok na tila nahihiya.
"Bakit?" maang naman niyang tanong.
"'Wag ka sanang ma-o-offend, ha? Pero sino ba 'yong nakita kong kasama mo last time?"
Napaisip na si Kiah sa tanong na iyon. Si Aki lamang naman kasi ang nakita ni Gavin na kasama niya. Kaya marahil ay ang amo nga niya ang tinutukoy nito. "A, iyon ba? Si---"
Naudlot ang sanay pagsasalita ni Kiah nang bumusina sa tapat niya ang magarang sasakyan ng amo. Nagulat pa siya ng bumaba roon si Aki na madilim ang anyo habang blanko ang tinging ipinukol sa kan'ya. Galit ba si Sir Aki? Pero bakit?
"M-Mauna na ako, Gavin." Ginawaran ni Kiah ng nagpapaumanhing tingin ang lalaki. Isa pa'y inatake rin siya ng matinding kaba nang makitang masama ang anyo ng amo.
"It's okay," sagot naman nito. "'Kita na lang tayo sa Monday," dagdag pa ng lalaki.
"S-sige." Sinulyapan pa ni Kiah si Akihiro na noon nakatayo na sa tapat ng kotse na bakas ang pagkainip sa mukha habang nakapamulsa. Tuluyan na siyang tumalikod at nilapitan ang amo pero ganoon na lang ang takot niya nang mapansing masamang-masama ang mukha nito.
"Get in," malamig na utos ng lalaki pagkatapos ay basta-basta na lang siyang iniwan nito at sumakay na sa drivers side.
Tila sinipa ng kabayo ang dibdib ni Kiah dahil sa nakikitang anyo ng lalaki. Mukha itong galit na galit ng mga sandaling iyon.
Pero ano ba ang nagawa ko? May trabaho ba akong hindi nagawa?
Sa naisip ay lalong kinabahan si Kiah. Baka nga kasi may inutos ang lalaki na hindi niya nagawa kanina bago siya umalis.
Mayamaya'y napapitlag pa si Kiah nang bumusina ang amo dahilan upang mataranta siya sa pagpasok sa loob ng sasakyan nito.