HIS VILE CRAVING (A Tagalog Story) Chapter 28

Papaling-paling si Kiah sa higaan nang gabing iyon. Hindi kasi siya makatulog pagkatapos nang namagitang halik sa kanila ni Aki. Tila nararamdaman pa nga niya ang malambot na labi ng lalaki sa labi niya. Ganoon pala ang unang halik, hindi maipaliwanag. . . ani Kiah sa isipan sabay hawak pa sa kanyang labi.

Kakaiba rin ang bilis ng tibok ng kanyang puso nang mga sandaling iyon. Kinakabahan siya, ngunit hindi dahil sa natatakot siya, kung hindi, pakiramdam niya ay may bahagi ng kanyang pagkatao ang nagdiwang dahil sa kakaibang halik na iyon.

Iyon ang una niyang halik, kung kaya't bago sa kan'ya ang pakiramdam. Kanina, habang ramdam niya ang labi ni Aki sa labi niya'y linukob siya ng kaba, ng nerbiyos, at maging ng saya.

Hindi niya alam kung bakit masaya pa siya sa halip na magalit sa amo, dahil sa basta-basta na lamang nitong paghalik sa kaniya. Subalit isa lamang ang sigurado ni Kiah, ginusto niya ang namagitan sa kanila ng lalaki at hindi siya nagsisisi roon.

Dahil sa hindi makatulog si Kiah ay minabuti na lamang niyang bumangon at naisipang sumulat sa kanyang Nanay. Natitiyak kasi niyang labis nang nag-aalala ito dahil sa matagal siyang hindi nagparamdam.

Balak na rin niyang isama sa sulat na iyon ang perang ipapadala niya sa pamilya. Sinahod na kasi niya ang kinsenas ng pinagtabahuhan niya kay Aki, kahit pa nga ang usapan nila ay kada-isang buwan siya kung sasahod.

Matagal ding naupo sa Kiah sa harap ng maliit na lamesa dahil sa pagbabalangkas ng liham. At nang matapos iyon ay sa wakas, ramdam na rin niya ang antok. Kung kaya't minabuti niyang matulog muna sandali. Tutal, alas-dos pa lamang naman iyon madaling-araw.

Kinabukasan, maagang bumangon si Kiah para magluto ng agahan at maglinis ng bahay. Linggo kasi noon at bukas ay unang araw na niya sa pagpasok sa eskwelahan.

Abala siya sa paghahalo ng sinangag nang maramdaman niyang tila may presensya ng tao ang nakatayo sa likuran niya.

At hindi nga siya nagkamali, paglingon niya ay nakatayo sa hamba ng pinto si Aki at mukhang bagong paligo. Guwapong-guwapo rin ang lalaki sa suot nitong simpleng asul na kamiseta at shorts.

Bigla-bigla ay nilukob si Kiah nang hindi maipaliwanag na kaba nang magsalubong ang paningin nila ng lalaki. Subalit kinalma niya ang sarili at pilit umaktong normal.

"Magandang umaga, Aki. Gising ka na pala. Tamang-tama, malapit nang maluto itong sinangag," bati niya rito nang may kalakip na ngiti sa labi.

Pero ipinagtaka niya nang nanatiling nakatingin lang sa kaniya ang lalaki na parang nag-iisip.

"Kiah?"

"Ano 'yon?" tanong niyang nakakunot-noo. Naninibago kasi siya sa ikinikilos ng lalaki. Tila ito kinakabahan na hindi niya mawari.

"I-I want to apologize about what happened last night," sa wakas sabi nitong ikinamaang niya.

"Iyon ba? Ayos lang iyon," sagot niya kay Aki. Ngumiti pa siya par ipakita na ayos lang iyon sa kaniya. Isa pa, ginusto naman niya iyon.

"What? Anong ayos lang 'yon?"

Ngumiti muna si Kiah sa lalaki saka pumihit sandali upang patayin ang nilulutong sinangag. Isa pa, gusto rin niyang itago ang mukha dahil pakiramdam niya ang pulang-pula iyon dahil sa sobrang hiya.

"H'wag mo nang isipin 'yon," ani Kiah saka muling humarap dito,  "kasi, ginusto ko rin naman iyon," lakas-loob niyang pag-amin.

"What do you mean by that?" kunot-noong tanong naman nito na tila gulong-gulo sa kanyang tinuran.

"Iyon kasi ang first kiss ko, kaya masaya akong malaman na ganoon pala ang pakiramdam." Balot man ng hiya, naglakas-loob na rin niyang inamin ang bagay na iyon. Isa pa, iyon naman kasi ang totoo.

"Bakit? I mean, 'di ba, may asawa ka na?" naguguluhan namang tanong ni Aki sa kaniya.

Mataman namang pinagmasdan ni Kiah ang lalaki. Oo nga pala, hindi pa pala niya nasasabi na yumao na si Carlos. Isa pa'y ayaw niyang isipin ni Aki na nagpapahalik siya sa ibang lalaki gayong kasal na siya. Kaya naman nakapagdesisyon siyang ikuwento ang lahat-lahat sa amo. Pati na rin ang tunay na rason kung bakit niya pinakasalan si Carlos.

• • •

HINDI makapaniwala si Aki pagkatapos marinig ang lahat ng ikinuwento ni Kiah sa kan'ya. Hindi niya maiwasang humanga kay Kiah at maging sa Carlos na asawa nito dahil sa kanilang mga sacrifices. Hindi niya akalain na nag-e-exists pala sa tunay na buhay ang gan'ong pangyayari.

Mas humanga pa siya kay Carlos nang aminin ni Kiah na wala raw namagitan sa kanila ng lalaki maski halik sa labi. Holding hands at halik sa noo lang daw ang ginawa nito no'ng sandali silang nagsama bilang mag-asawa.

Buhay pa pala ang mga gentleman ngayon, isip-isip ni Aki. Kung siya kasi iyon, tiyak na sasamantalahin na niya ang pagkakataon.

"So meaning, first kiss mo nga 'yong kagabi?" Nahihiya namang tumango si Kiah sa kan'ya. "I'm really sorry, hindi dapat 'yon nangyari. Nakainom kasi ako at hindi ko na alam 'yong ginagawa ko," hinging-paumanhin pa ni Aki sa babae. Alam niyang masyadong big deal ang first kiss sa gaya nitong probinsyana.

"Nagsisisi ka kung ganoon."

Natigilan si Aki nang marinig ang sinabing iyon ni Kiah, pero hindi niya ipinahalata rito. Alam niya sa sariling hindi totoo ang sinabi ng babae, pero ayaw niyang itama pa ito. Ayaw kasi niyang bigyang kahulugan ni Kiah ang namagitang halik sa kanila.

Hindi niya pinagsisisihan ang ginawa pero para kay Aki, wala lang iyon. Ilang babae na ba ang nahalikan niya at naikama? Hindi na niya mabilang. At hindi naman naiiba si Kiah sa mga ito. Nanggaling na rin mismo sa babae na ginusto nito ang halik na iyon.

"Alam kong mahalaga para sa'yo ang kiss na 'yon Kiah, pero 'wag mo sanang bigyan ng kahulugan ," ani Aki sa babae. Pinipilit niyang ipaunawa rito na wala lang iyon pero bakit parang may parte ng pagkatao niya ang tumututol sa sariling sinasabi?

Sandali munang nanahimik ang babae 'tapos ay ngumiti pagkuwan. Pero hindi rin nakaligtas sa kanyang paningin na hindi umabot sa mga mata nito ang ngiting iyon. God, ano ba'ng sinabi ko?

• • •

NANG matapos ang gawaing-bahay si Kiah ay niyaya ni Aki na magpunta sa mall upang bumili ng mga kakailanganin niyang gamit sa pagpasok. Muntik pa ngang mawala iyon sa isipan niya dahil sa sobrang pagkaabala. Kaya ngayon, naroon sila sa isang sikat na bookstore at namimili ng school supplies.

Nasa kahera na si Aki ay naisipan ni Kiah na tumingin-tingin muna sa mga librong nakasalansan sa estante. Kinuha niya ang isa sa mga pocketbook na sinulat ng isang kilalang manunulat, saka binuklat iyon at pinasadahan nang tingin.

"Kiah!"

Agad nilingon ni Kiah ang pamilyar na tinig na iyon na nagmumula sa likuran niya at nakita niya roon si Gavin. Mukhang namili rin ng gamit ang lalaki base sa may kalakihang supot na bitbit nito.

"Gavin," nakangiting bati ni Kiah sa lalaki. Naglakad naman ito papalapit sa kaniya at tila nasisiyahang nakita siya roon.

"It's nice to see you here." Maganda pa ang pagkakangiti ni Gavin sa kan'ya nang sabihin iyon. "Nandito ka ba para bumili ng gamit? Sinong kasama mo?"

Tumango naman si Kiah saka muling ibinalik sa estante ang pocketbook na kinuha niya. "Oo, bumili ako ng school supplies. Kasama ko si Aki."

"Aki? Iyon bang masungit na lalaking lagi mong kasama? Wait, ano mo ba 'yon? Bakit kung umasta, akala mo boyfriend mo?"

"Ha? E, ano kasi---"

"Kiah, let's go!" anang baritonong tinig sa likuran ni Kiah. At nang lingunin niya ang lalaki ay bigla siyang inatake ng kaba dahil sa madilim na anyo nito.

"A-Aki nandyan ka na pala," turan niya rito. Nagulat pa si Kiah nang bigla siyang hawakan ng lalaki sa pulsuhan at hilahin upang sana ay umalis na. Subalit mas ikinagulat pa niyang lalo nang hawakan din siya sa braso ni Gavin at pigilan.

"Teka! 'Di pa kami tapos mag-usap ni Kiah," pigil naman ni Gavin saka masama ang tinging pinukol si Aki.

"Hindi ba sinabi ko sa 'yong 'wag kang makikipag-usap sa hindi mo kilala, Kiah?" sa halip ay sagot ni Aki na kay Kiah nakatingin. Pakiramdam ni Kiah ay nanlamig siya nang makita ang madilim na anyo ng lalaki. Hindi rin niya maintindihan kung bakit ganoon na naman ito umasta.

"K-Kilala ko naman si G-Gavin, Aki," nauutal namang katwiran ni Kiah sa amo.

"'Tsaka wala namang akong ginagawang masama, ha? Nag-uusap lang kami," segunda namang sagot ni Gavin. Mababakas din sa mukha nito ang iritasyon.

Hindi malaman ni Kiah ang gagawin. Hindi rin niya alam kung bakit nagkakaganoon ang dalawang lalaki sa harapan niya. Sa pagkakaalam niya, hindi magkakilala ang mga ito at iyon lamang ang unang pagkakataon na nag-usap ang mga ito. Ngunit bakit pakiramdam niya ay may galit ang mga ito sa isa't isa?

"Am I talking to you, huh?" mariing tanong ni Aki kay Gavin na lalong nagpakaba kay Kiah. Matapos ay saka siya hinilang muli ng lalaki papalapit dito, dahilan upang mabitiwan siya ni Gavin.

Ramdam ni Kiah ang sakit bunga ng mahigpit na pagkakahawak ni Aki sa kanyang pulsuhan, pero hindi niya magawang magreklamo. Nangingibabaw kasi ang kaba niya dahil sa tensyong namamagitan sa dalawang lalaki.

Nakita ni Kiah kung paanong sumama ang mukha ni Gavin dahil sa sinabing iyon ng amo. Ngunit sandali lang iyon, mayamaya ay ngumisi rin ito. "Tama nga ako. Parehas kayong masama ang ugali ng tatay mo, Kuya. . ."

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.