'Taxon never joke whatever he said is all matters to him.'
Natulala ako nang iwan ako ni Diamond. Napaupo ako sa bakal na upuang puti na sa harap ay may bilog na lamesang bakal din.
Lahat pala ng sinabi ni Taxon ay hindi biro. Palagi kong tinatawanan iyon kung totoo ang lahat ng 'yon hindi ko naisip kung gaano kasakit para sa kaniya ang tawanan ang nararamdaman niya.
'Ako.. mahal kita.'
'Be my wife.'
'I want to kiss you.'
Narinig ko ulit sa isip ko ang mga katagang binitawan niya.
Anong gagawin ko?
May boyfriend ako at kahit naman hindi ko itanggi hinahangaan ko siya pero hindi ko alam kung paghanga lang ba talaga 'yon.
Pinagmasdan ko ang tanawin, magandang dagat na may light brown na kulay ng buhangin.
Bakit ganito kagulo ang buhay ko? Pati ba naman buhay pag-ibig nagugulo na rin?
Hindi naman ako maganda para gustuhin niya. Hindi ako sigurado kung totoo nga ang mga sinasabi niya pero wala akong lakas ng loob na harapin ang posibilidad na totoo nga 'yon.
Siguro naman mahal lang ako ni Taxon bilang best friend? Wala lang 'yon.
Matunog na buntong hininga ang binitawan ko.
Pumikit ako para damhin ang malamig na simoy ng hangin. Magagabi na kaya sumisilay na ang mga bituin.
Nasaan nga kaya ang totoong pamilya ko? May kapatid kaya ako?
Bigla iyong lumitaw sa isip ko. Buong buhay ko tanong ko na 'yon. Umaasa akong balang araw masasagot 'yon.
"Bakit mag-isa ka rito?"
Nilingon ko si Arah, umupo siya sa tabi ko.
"Nagpapahangin lang."
"Anong iniisip mo?" Sa tono ng boses niya parang laging naglalambing.
"Wala," pagsisinungaling ko.
"Alam mo iniisip ko palagi ang mga kapatid ko." Tinitigan ko si Arah na ngayon ay nakatingala na tinitingnan ang mga bituin. "Kung nasaan na ba sila? Kumusta na ba sila? Magkikita pa kaya kami? Nakakalungkot."
"Bakit nasaan ba ang mga kapatid mo?" Bigla ay na-curious ako.
"Pinaampon, sampo kami, tatlo lang ang natira dahil masama ang tatay ko."
Nalungkot ako sa sinabi niya. Mas matindi ang problema niya kaysa sa akin. Kahit naman hindi ko nakita ang mga magulang ko masaya naman ako sa buhay ko.
"Kawawa pala ang mga kapatid mo," madamdamin kong sabi.
"Sana nga okay lang sila."
Natahimik kami ni Arah. Pinagmasdan lang namin ang mga bituin.
"Gusto mo ba si Taxon?" Binasag niya ang katahimikan.
Ilang tao pa ba ang magtatanong sa akin niyan?
"Oo bilang kaibigan."
Tumango siya. "Basta kapag minahal mo siya handa kang tanggapin lahat sa kaniya." Nakangiti na siya ngayon.
"Mahal ko siya bilang kaibigan."
"Parehas pala kami ni Taxon."
Natigilan ako sa sinabi niya.
Anong ibig niyang sabihin?
"Hindi siguro ako kayang mahalin ni Kil," tumawa siya, sa tawa niya ay makikita mo ang lungkot at sakit.
"Hindi naman mahalaga 'yon. Hindi mo kailangan ng balik basta mahal mo siya 'yon ang mahalaga," tumango siya.
"Tama ka riyan."
Gumaan ang loob ko dahil kay Arah. Unti-unting humupa ang tensyon at hinanakit ko sa buhay.
KINABUKASAN
Nag-ayos kami ng sarili dahil pupunta raw kaming lahat sa pinyahan. May boodle fight, iyon ang kasiyahan nila Mang Arnel.
Pinilit kong 'wag mailang kay Taxon, nagtagumpay naman ako. Best friend ko siya, iyon ang mahalagang bagay na mayroon ako. Ayaw kong sirain 'yon.
"Aray! Ouch! Aww!" Tumalon-talon si Rev nang tahakin namin ang daan sa pinyahan. Natutusok siya ng tinik ng dahon ng pinya dahil sa kakulitan niya.
Tinatawanan namin ang hitsura niya.
"Kulit mo kasi," sabi ni Elle at malakas na tumawa. Hawak naman siya ngayon ni Jave sa baiwang.
Nakakapit lang ako sa braso ni Taxon, palagi naman. Hindi kasi ako makatiis nang walang hawak na braso.
"Over Melanin Zeal, you're beautiful," paglalambing ni Jave kay Elle.
Nag-iwas ako ng tingin dahil kilig na kilig ako sa kanila. Humigpit ang hawak ko sa braso ni Taxon.
"Hey," saway niya sa akin.
Nasaktan yata sa hawak ko kaya niluwagan ko.
"Talaga bang uuwi na tayo bukas?" Pagmamaktol ni Carme.
"Gusto mo rito ka na tumira," sarkastikong sabi ni Clench na ngayon ay ngumunguya ng piattos.
Bigla ay lumapit si Carme at inagaw ang pagkain niya. Natawa naman kaming lahat. Nagtatakbo si Carme habang kinakain ang piattos, hinabol naman siya ni Clench.
"Carme!" Sigaw ni Clench hindi alintana ang mga sugat na natatamo dahil sa dahon ng pinya.
"Napapala mo! Ganyan ang pakiramdam ng inaagawan ng pagkain bleh! Hmmm," inasar pa ni Carme si Clench sumubo ng marami.
Nagtatakbo ulit siya at nang makalayo ay tinaktak sa bibig niya lahat ng laman. Walang nagawa si Clench kung hindi samaan siya ng tingin.
Ang lakas ng tawanan namin.
"Ganyan talaga 'yang dalawang 'yan," bulong ni Taxon.
"Nakakatawa sila."
Nang marating namin ang mahabang lamesa ay may mga pagkain na roon. Puro gulay pero may karne rin.
Napangiwi agad ang ilan dahil sa gulay lalo na si Kean at Rev. Karga ni Kean ang anak na si Qiera, nakakapit naman si Yannie sa kaniya. Si Jave at Elle ay magkaholding-hands.
"Ang sakit! Daming galos ng binti ko!" Napalingon kami kay Carme at Clench na ngayon ay parehas hawak ang binti.
"Kasalanan mo!" Asik ni Clench, umirap naman si Carme.
Lumapit na si Lance at tiningnan ang sugat ni Carme. Ang sweet din na boyfriend ni Lance, alagang-alaga si Carme.
"Kumain na tayo!" Yaya ni Mang Arnel.
Dumulog na rin sa lamesa ang lahat ng tauhan.
"Mabuti at nakarating kayo sa kasiyahan señorito!" Sabi ng isang lalaki kay Taxon.
"Opo, gusto ko rin mag-enjoy ang mga kaibigan namin."
Nakipag-kwentuhan pa si Taxon sa mga 'yon bago siya lumapit sa akin.
"Usog ka roon, Clench!" Asik ni Jave kay Clench nang makitang katabi nito si Elle.
"Pati ba naman sa pagkain, Flair, selos ka pa. Seriously?" Sabi ni Elle. Tumahimik na rin ito pero masama pa rin ang tingin kay Clench.
Nakakamay kaming lahat kahit si Taxon. Nakangiti pa nga siyang kumakain.
"Kumain ka ng marami," bulong niya sa akin.
Lagi niyang sinasabi 'yon. Maalagang tunay.
"Ang sarap pala ng okra hihi," sabi ni Yannie at isinasaw pa ang okra sa toyo na may sili at kalamansi.
Tingnan nga natin kung kumakain ng okra si Taxon. Isinawsaw ko iyon sa toyo at inilapit sa bibig ni Taxon. Natigilan siya kaya napangisi ako. Mukhang ayaw niya ng okra. Nagulat na lang ako ng kainin niya pero nakikita ko ang pagngiwi niya.
"Hindi naman kumakain ng okra 'yan, eh," malakas na tumawa si Kil.
"Nang dahil sa pag-ibig natutong magtiis... sa lahat ng gusto mo... nang dahil sa pag-ibig," feel na feel ni Rev nang kantahin niya iyon. Nang-iinis na nakatingin pa kay Taxon.
Mapang-alaska talaga siya kahit kailan.
Nagtawanan sila dahil sa kanta ni Rev. Bakit ba laging kaming dalawa ang napapansin? Sa dinami-rami namin lahat sila laging nakatutok sa bawat kilos namin.
"Crazy," bulong ni Taxon.
Dahil ayaw ni Taxon ng okra sunod-sunod ko siyang sinubuan no'n at ang Mr. Horrible kinakain pa rin kahit ngiwi nang ngiwi. Naghanap pa ako ng maiisubo sa kaniya.
Tumatawa si Rev na inabutan ako ng talbos ng camote at saka kumindat. Puro nilaga lang ang mga iyon kaya kung hindi ka mahilig sa gulay ay hindi mo talaga makakain.
"Oh," malambing kong sabi. Pinipigilan ko ang matawa, sinusubo ko sa kaniya ang talbos ng camote. Nanlaki ang mata ni Taxon, gusto nang umiling pero hindi magawa.
Ang lakas nanaman ng tawanan.
"Blabby," nalukot na ang mukha ni Taxon kaya mas natawa pa ako roon.
"Ayaw mo?" Naglungkot-lungkutan kunwari ako at inilapag ang talbos ng camote sa harap ko.
Nagulat na lang ako nang kunin niya iyon at isinubo.
"Ang sarap hmmm! Grabe! Delicious!" Sabi niya kahit ang mukha ay parang nangangasim na.
Napalingon kami kay Jave nang mag-flash ang phone niya. Kumuha nanaman ng picture. Ipinakita niya pa 'yon sa mga katabi kaya naman todo hagalpak ng tawa. Himala namang hindi sila sinaway ni Taxon.
Napasulyap ako kay Kean na ngayon ay kahit nasa malayo ini-stretch pa ang katawan makapaglagay lang ng talong sa akin. Alam ko na ito, gusto niyang isubo ko rin kay Taxon.
Bakit ba ang hilig nilang mang-alaska?
Silang tatlo ni Jave, Rev at Kean, mas matindi nga lang si Rev pero minsan nahahawa na rin si Elle na mang-inis.
Nakita ko rin si Elle na naglagay din ng talong.
Sabi ko na isa rin!
Nakangisi kong inilapit ulit 'yon sa bibig ni Taxon. Bumuntong hininga muna siya bago 'yon kainin. Walang humpay na tawa nanaman nila. Tuwang-tuwa silang inaasar si Taxon.
"The best umibig si Taxon," impit na tumili pa si Carme.
Nasulyapan ko si Arah na bumubungisngis din.
"Busog ka na?" Nakangisi kong tanong kay Taxon. Tumango lang siya at pilit na ngumiti.
Petchay! Nahahawa na ako sa kanila mapang-asar!
Wait! Petchay! May petchay ba rito?
Napanguso ako nang walang nakita.
"Say 'ah'!" naiinis nang sabi ni Elle dahil nag-iinarte si Jave. "Sisipain kita nganga!"
Natawa naman ako nang ngumanga si Jave at nginuya ang sinubo ni Elle pero nakasimangot pa rin.
Nang matapos ang boodle fight ay may sayawan pero makaluma ang tugtog, pangmatanda dahil maloko nga sila ay malakas ang tawa nila habang sumasayaw. Ginagaya nila ang sayaw ng mga matatanda kaya naman masaya rin ang mga ito.
"Sayaw tayo." Hinila ko si Taxon papunta sa gitna.
Hinawak niya sa baiwang ko ang kamay niya at inilagay ko naman ang kamay ko sa balikat niya.
Parang bumagal ang lahat sa paligid. Hindi ko na marinig ang tugtog at tawanan nila.
Inayos nanaman ni Taxon ang buhok kong humaharang sa mukha ko.
"You're beautiful, Blabby," madamdamin niyang sabi.
Nakatitig lang kami sa mata ng isa't isa. Nataranta ako nang pagdikitin niya ang noo naming dalawa.
"Hayaan mo lang ako, please," pakiusap niya.
Hindi na ako nakagalaw pa. Ang lapit, sobrang lapit, amoy ko ang hininga niya. Isang tulak lang at magkakahalikan kaming dalawa. Naduduling na ako sa kakatingin ko sa kaniya. Hindi ko mapangalanan ang saya at ang tensyon na namumuo sa buong sistema ko. Ang puso ko ay tumatambol at iba ang kilig na gumagapang sa buong katawan ko.
Mali 'to. Maling-mali.
Nanlaki ang mga mata ko nang may tumulak nga kay Taxon at nagdampi ang mga labi namin. Napako ako at hindi alam kung paano kikilos. Natulala na ako at lalong lumakas ang dagundong ng puso ko.
"Ops, sorry." Nakangising sabi ni Rev.
"O..M..G!" Nanlalaki ang matang sabi ni Carme.
Petchay! Nakita nilang lahat!
Hindi kami nakapag-react ni Taxon. Sabay kaming nag-iwas ng tingin.
Hindi naman sinasadya 'yon! Ilang ulit pa bang mangyayari ang hindi naman sinadya! Petchay!
Hindi nakalampas sa akin ang mapang-asar na hitsura nilang lahat maliban kay Lance na walang emosyon.
Petchay! Woah!
Nag-init ang pisngi ko at hindi ako makatingin kay Taxon.
Wala lang 'yon! Hindi naman sinadya! Mapapatay ako ni Brekley nito, eh!
"S-sorry," naiilang na sabi ni Taxon at masamang tiningnan si Rev.
Tumakbo na agad si Rev dahil natakot at tumawa nang malakas nang makalayo.
Wala sa sariling bumalik ako sa upuan.
Nakakainis naman kasi si Rev!
Hindi na nawala pa sa isip ko ang pakiramdam ng hindi sinasadyang halik na 'yon.
Hindi ako matingnan ni Taxon nang umupo sa tabi ko. Nakatingala siya sa kadiliman ng langit.
"Sorry not sorry," rinig ko ang bulong niya. "Because I like that. I love that rather," mabilis ko siyang nilingon.
"A-anong sabi mo?"
"I said fscmkd."
Hindi ko nanaman naintindihan kung ano ang sinabi niya pero hindi ko na tinanong pa. Ugali niya na 'yan ang bumulong nang hindi ko naiintindihan baka sagutin niya nanaman ako nang 'kaya nga binulong kasi ayaw iparinig.'
"Vinea Clee?"
"Yes?"
"Did someone put you anesthesia?"
Kumunot ang noo ko. "Huh? Bakit naman may maglalagay sa akin ng anesthe--"
"Manhid ka kasi."