“PALOMA, wake up! You can’t miss this! Wake up!”
Naalimpungatan siya nang yugyugin ng kaibigang si Jimarah ang balikat niya. Nakahilig siya sa balikat ni Jeyrick na nakasandal naman sa malaking kahon. Nakatulog na rin ang binata. Naansin niya na nakatigil na ang sasakyan nila at nagbababaan na ang ibang mga pasahero.
Nang gumalaw siya ay bigla itong nagising. “Anong nangyari?” tanong nito.
“Look at the rice terraces. Gosh! It is breathtaking. You can’t miss this view,” sabi ng babae at sunud-sunod ang pagkuha ng picture.
“Ang ganda nga,” usal ni Paloma at napatitig sa hagdan-hagdang palayan. Iba iyon sa rice terraces ng Banaue na nakikita niya sa poster. But this one was picturesque just the same. May mga bahayan sa baba pero di nawawala ang ganda ng lugar. Napansin niya ang munisipyo at ang police station sa di kalayuan. “Nandito na ba tayo sa Barlig? Dito na ba ang Kadaclan?”
Umiling si Aiden at tumayo para mag-inat. “Hindi. Stopover lang ito sa baranggay ng Fiangtin. Nasa sentro tayo ng Barlig. Bumaba muna tayo para makakain at makapag-unat-unat. Dalawang oras pa ang biyahe natin.”
Napaungol si Jimarah. “That long? Ugh! I think I need a shower. Sinagap ko na lahat ng alikabok sa daan.”
Iyon din ang pakiramdam ni Paloma. Nanlalagkit na rin ang buhok niya dahil sa hangin. Naghilamos lang siya at nagsuklay ng buhok sa restroom ng Seaworld Inn na malapit lang sa stopover nila. Sa balkonahe niyon ay tanaw ang rice terraces.
“Kumain ka muna,” untag ni Jeyrick at inabutan siya ng sandwich at mug ng mainit na kape.
Nagpasalamat siya. “Ang ganda dito. Nabanggit mo sa akin dati na nagkalat ang rice terraces sa bayan ninyo.”
“May madadaanan pa tayong rice terraces sa Lias at sa Kadaclan. Ginawa rin ito ng mga ninuno namin kung paanong ginawa ang Banaue Rice Terraces. Ang kaibahan lang namin, hanggang ngayon ginagamit pa rin namin sa pagtatanim gaya kung paano nagtanim ang mga ninuno namin. Kaya hanggang ngayon ay napapangalagaan pa rin.”
“Masarap siguro na tumira dito. Paggising mo sa umaga rice terraces agad ang makikita mo,” sabi niya at huminga ng malalim. “I love it.”
“Ganyan din sa amin. Tanaw mo ang rice terraces.”
“Excited na akong makarating sa inyo.”
“I didn’t expect that I will like this rustic, far-flung place. Isasama ko sa mga wish list ko. Gusto kong magkaroon ng sarili kong rice terraces,” sabi ni Jimarah nang tabihan ito ni Paloma sa mesa.
Tumikhim si Professor Fe. “Para makabili kayo ng lupa dito lalo na ang rice terraces, kailangan muna ninyong mag-asawa ng tagadito.”
Hinampas ni RJan ang mesa. “Naku! Hindi kita pakakasalan kahit na paulanan mo ako ng milyon, Jimarah.”
Tumirik ang mata ng kaibigan niya. “Duh! As if pag-iinteresan kita. Huwag kang ambisyoso.”
“Jeyrick, may rice terraces din ba kayo? Pwedeng mamasyal?” excited na tanong ni Paloma.
“Depende kay Ma’am Fe,” anang binata. “Masyado kasing malayo. Baka mamaya hindi ninyo kayanin.”
“Kakayanin ko iyan,” sabi niya. “Ano pa bang ilalayo nitong napuntahan ko?” Gusto niyang makita kung saan lumaki si Jeyrick. Gusto niyang makilala ang pamilya nito.
Mas mabilis nang nakaakyat ng bubong ng jeep si Paloma. Kahit si Jimarah ay di na rin gaanong reklamador. Mas malakas na ang ihip ng hangin at mas madilim na ang langit na parang maggagabi na. Hinapit niya cardigan sa sarili. Nagsimula na ring bumaba ang makapal na fog at halos wala na siyang makita sa daan.
Nagsisimula na naman siyang makatulog nang maalimpungatan siya sa malakas na dagundong kasunod ng matinis na tili ni Jimarah. “Oh my gosh! Ayoko na. Para, Manong! I can’t take this anymore.”
Pumitlag si Paloma nang muling pumunit ang kidlat at bumuhos ang malakas a ulan. Nataranta siya at di alam kung paano yayakapin ang bag para di mabasa.
“Nasaan ang kapote mo?” tanong ni Jeyrick.
“Jacket lang na may hood,” sabi niya habang malakas ang kabog ng dibdib.
“Hindi iyan.” May kinuhang tarpaulin ang binata at itinaklob sa kanila. “Ito na muna ang gamitin natin para di tayo mabasa. Di rin tayo pwedeng gumamit ng payong dahil sasabit sa puno.”
Nanginginig siyang yumukyok. “Jeyrick, ‘yung kidlat at kulog. Nasa labas lang tayo. Baka tumama sa atin.”
They were out in the open. Wala silang kahit anong proteksyon sa kidlat. Mapoproteksyunan sila ng tarpaulin sa ulan pero di sa kidlap. Wala silang kalaban-laban pag sila ang tinamaan.
Napansin niya na kalmado lang ang binata. “Parang wala lang sa iyo ang kidlat.”
“Dahil kaibigan ng mga magsasaka ang kidlat. Kapag kumikidlat, lumilikha ng nitrogen oxide sa langit. Kailangan iyon ng mga halaman. Bumabagsak iyon kasama ng tubig at nagiging pataba sa lupa.”
“You are not helping, Jeyrick. Pag tinamaan tayo ng kidlat, tayo mismo ang magiging pataba sa halaman.” Itinakip niya ang tainga sa kidlat habang naiiyak. “Ayoko ng kidlat. Ayoko ng kidlat. Ayoko pang mamatay,” paulit-ulit niyang usal na parang isang mantra. Walang makakasagip sa kanila.”
Isang malamyos na boses ng lalaki ang tumagos sa kamalayan niya. “Laydi-laydek ay il-ilan. San layad mo ay kankanam.” Nang lumingon siya ay si Jeyrick pala ang kumakanta. “Sak-en san silaw mo. Sek-a san talaw ko kayman.”
Nawala ang takot niya. Parang nasa gitna sila ng isang yungib na silang dalawa lang ang magkasama. His voice calmed her, gave her protection. Animo’y itinataboy nito ang malakas na ulan at ang marahas na kulog.
Pumikit siya at pinakinggan lang ang boses nito. “That is a nice song. Maganda rin pala ang boses mo.”
“Kanta ni Nanay sa akin kapag inaantok ako o natatakot kaming magkakapatid. O kahit pag malungkot kami.”
“Anong ibig sabihin?” tanong niya at ikinatang ang baba sa braso.
“Gusto kong makita ang pag-ibig na sinasabi mo. Ako ang liwanag mo at ikaw ang aking bituin. Iyon daw ang ipinanghaharana ni Papa sa kanya.”
Huminga ng malalim ang dalaga. “That is nice. Parang ipinaghehele ako. Matagal nang panahon na walang kumakanta sa akin ng ganyan.”
“Hindi ka na daw kinakantahan ng nanay mo kasi malaki ka na.”
Nawala ang saya niya at lumungkot ang mga mata nang maalala ang ina. “Iniwan niya ako. Hindi na niya ako kinakantahan dahil iniwan niya ako.”
Suminghap ang lalaki. “I-Iniwan?”
Marahan siyang tumango. “Sabi niya magtatrabaho lang siya abroad pero hindi na siya bumalik. Ayaw na siguro niya sa akin. Baka may bago na siyang pamilya. Di na niya ako naalala.”
She was sharing her deepest, darkest secret. Hindi niya ipinapaalam sa iba ang tungkol sa pagkawala ng nanay niya. Na wala na itong pakialam sa kanya. Bilin sa kanya ng tiyahin niya na sabihin lang niyang OFW sa Dubai ang nanay niya.
“May dahilan siguro siya kaya di na siya bumalik,” sabi ni Jeyrick.
“Ano? Nagka-amnesia siya? Ganoon na lang ba kadali na kalimutan ng nanay ang anak niya? Maswerte ka dahil di ka iniwan ng nanay mo. Hanggang ngayon pwede mo siyang makasama. Kakantahan ka kapag natatakot ka. Sasabihin na okay lang ang lahat kasi nandoon siya para sa iyo.”
At ganoon din ang panahon na iniwan siya ng nanay niya - malakas ang ulan at kumikidlat. Masakit ang maiwang mag-isa. Masakit ang hindi na balikan.
“I am sorry,” mahinang usal ni Jeyrick. “Sino na ang guardian mo?”
“Si Tita Bevz at ang pinsang kong si Bernardo ang natitirang pamilya ko. But it is different.”
Ayaw ng tiyahin niya ng mahina. Ayaw nito na makita siyang umiiyak o natatakot maliban dito. Kapag natatakot siya sa kidlat at malakas na ulan, tahimik na lang siyang iiyak sa kuwarto niya habang nakatalukbong ng kumot.
Ginagap ni Jeyrick ang kamay niya. “Natatakot ka pa ba? Pwede naman kitang kantahan. Tiyagain mo lang ang boses ko.”
“Anong titiyagain? Ang ganda kaya ng boses mo.”
Natawa ang binata. “Nabingi ka yata dahil sa kidlat.”
“Thank you kasi nandito ka para sa akin. Hindi ko naramdaman na mag-isa ako.”
“Kapag nararamdaman mo na mag-isa ka o natatakot ka, sabihin mo lang sa akin. Ako ang partner mo habang nasa Kadaclan ka.”
“Ibig sabihin hindi ka na galit sa akin?” tanong niya.
Lumamlam ang mata nito. “Hindi naman ako nagalit sa iyo kahit na kailan.”