I Remember the Boy, Carrot Man Chapter 17

Muling kumanta si Jeyrick. Bagong kanta na iyon. But it had that same soothing tone. O baka dahil lang sa boses ng binata iyon. Natuto na siyang matakot mag-isa mula noon. Nobody would comfort her. Nobody would sing her a song to make her feel better. Until now.

Pumalakpak siya pagkatapos. Wala na siyang pakialam kahit malakas pa ang ulan sa labas, nagsasalimbayan ang kulog at zero visibility. Jeyrick made her feel safe and protected. Sapat na ang awit nito para mawala ang takot niya.

“Ituro mo sa akin iyan at gusto ko ring matuto ng ibang Igorot songs.”

Wala silang pakialam ni Jeyrick sa malakas na buhos ng ulan o sa dagundong ng kulog at matalim na kidlat. They were in their own world.

Nakalimutan na ni Paloma na takot siya sa kidlat.

GABI na nang makarating sila sa Kadaclan. Di na nakita ni Paloma ang rice terraces. Madilim na ang paligid at naging mabagal ang huling bahagi ng paglalakbay nila.

Nanginginig na siya sa lamig. Basang-basa ang damit niya sa kabila ng tabing nilang tarpaulin ni Jeyrick pero hindi niya iniinda. Masaya kasi siya na kasama ito. Naramdaman na lang niya ang sakit ng katawan nang makababa na sila ng jeep. Nanginginig na rin sila sa gutom.

“Nasa Pilipinas pa ba tayo?” naliliyong tanong ni Jimarah.

“Di ka naman lumipad ng eroplano. Naka-jeep ka lang naman,” kontra ni Rjan.

“I am not sure. Puro ulap ang nakita ko kanina. Baka lumilipad na tayo kanina,” sabi ng kaibigan.

“Mga bata, kanina pa tayo hinihintay doon. Bilisan na natin ang pag-akyat. Para rin makakain at makapagpahinga na kayo,” sabi ni Professor Fe.

“Pagpasensiyahan mo na itong lugar namin. Simple lang kasi dito pero may maayos namang tulugan sa Kadaclan Homestay. Marami kang pang matututunan doon dahil si Sir Jonnie ang local historian namin at may-ari ng homestay,” paliwanag ni Jeyrick na hawak ang malaking flashlight.

Madilim ang dinadaanan nila kaya kailangan nilang mag-ingat. May dinaanan silang mga bahayan habang paakyat. Tahimik lang siyang sumunod kay Jeyrick. Kahit sina Rjan at Jimarah ay natigil sa pagbabangayan, animo’y may truce ang mga ito o baka pagod at gutom na rin.

Matapos ang may sampung minuto at halos walang katapusang hagdan ay nakarating din sila sa Kadaclan Homestay. Sinalubong sila ni Sir Jonnie at ng anak nitong si Junior na may-ari ng homestay. Nakapaikot ang mga kuwarto sa open lobby na nagsisilbi ring dining area. May maliit na TV sa ibabaw ng kainan. Nakahilera din ang mga historical books at research tungkol sa mga tribo ng Cordillera sa isang gilid.

“This is interesting. Di ko nakikita sa bookstore at library natin ang ibang mga libro dito,” sabi ni Paloma nang haplusin ng daliri ang spine ng mga libro. “Pwede po bang humiram ng libro tungkol sa Kadaclan?”

“Mamaya na iyan. Kumain muna kayo dito,” sabi ni Sir Jonnie.

“Aba! Espesyal ang bisita natin. Etag pa ang ihinanda ninyo,” sabi ni Jeyrick.

“Ito ang traditional na pagkain ng mga Igorot. Inasinang baboy tapos pinausukan. Pwede itong sahugan ng gulay. Walang ibang pampalasa dahil malasa na mismo ang karne. Sigurado na magugustuhan ninyo iyan,” sabi ni Manong Junior.

“Naku! Bawal ito sa nagda-diet,” sabi ni Rjan.

“Hindi ako nagda-diet,” excited na sabi ni Paloma. Pagkakataon na niyang matikman ang ganoong putahe dahil wala ang Tita Bevz niya para kontrahin siya.

Si Jeyrick pa mismo ang naglagay ng ulam sa plato niya. “Kain ng kain.”

“Lagay ka nang lagay sa plato ko tapos ikaw itong wala pang pagkain,” puna niya.

“Siyempre. Ikaw itong kakapiranggot lang kumain. Matutuwa ako kapag nakita kong naubos ang laman ng plato mo,” paliwanag ng lalaki. Parang baby sitter niya ito pero okay sa kanya. Masaya siya na inaalala siya nito.

“Diet si Jimarah. Sa akin na lang ang parte niya sa etag,” kantiyaw ni Rjan.

Pinanlikan ito ng mata ng kaibigan. “Subukan mo lang at ikaw ang kakainin ko. Kapag ganitong gutom na gutom ako…” At sumubo si Jimarah ng piraso ng etag. Wala na rin itong pakialam sa diet.

Bukas daw ay itu-tour sila sa Chupac, ang baranggay na sentro ng Kadaclan. Pinaghanda rin sila ng mga tanong para sa interview nila. Matapos kumain ay nagligpit ng pinagkainan sina Rjan at Jeyrick.

Akmang tutulong si Paloma pero sinaway siya ng huli. “Kami na ang bahala. Ayusin na lang ninyo ang gamit ninyo sa kuwarto at magpahinga. Saka dalawa naman kami dito ni Rjan. Sa susunod ka na lang maghugas ng plato.”

Hindi pa rin niya maiwan ang dalawa. Nasa banyo pa naman si Jimarah at wala pa siyang kasama sa kuwarto.

“Saan pala dito ang rice terraces?” tanong ng dalaga.

“Meron dito.” Itinuro ni Jeyrick ang harap ng gripo. “Meron din naman doon.” Itinuro nito ang direksyon ng entrada nila kanina. “Bukas ng umaga masarap manood ng sunrise sa view deck. Kitang-kita ang Kadaclan Rice Terraces.”

“Gusto kong mapanood bukas,” usal niya. “Sana naman wala nang ulan para makita ko ang pagsikat ng araw.”

“Sige. Sasamahan kita. Gumising ka ng alas singko.”

“Thanks!” Excited ang dalaga. Wala siyang oras para makapanood ng sunrise o ng sunset. Masyado siyang abala sa pagtulong sa bar ng tiyahin at pag-aaral.

“Ang aga naman ng date ninyo,” tukso ni Rjan sa kanila. “Madaling-araw ba kung manligaw ang mga Igorot?”

Nag-init ang mukha ni Paloma. Di kasi siya sanay na tinutukso. Siniko naman ito ni Jeyrick. “Tumigil ka nga diyan. Bilisan mong magsabon para makauwi na tayo.”

“Saan pala ang bahay ninyo?” tanong niya dalawa.

“Diyan lang ako nakatira sa may malapit sa eskwelahan,” nakangusong sabi ni Rjan. “Pero itong si Jeyrick sa Ogo-og pa nakatira. Isang oras na lalakarin mula dito.”

Napanganga si Paloma. “Isang oras? Wala bang masasakyan?”

“Puro rice terraces ang dadaanan kaya kailangang lakarin,” sabi ni Jeyrick.

“Alas nuwebe na ng gabi. Uuwi ka pa sa inyo? Marami namang kuwarto dito sa homestay. Dito ka na lang tumuloy,” suhestiyon ni Paloma sa lalaki. “Sasabihin ko kay Professor Fe. Papayag naman iyon na dito ka muna.”

Kimi itong ngumiti. “Hindi pwede. Naghihintay sa akin ang mga kapatid ko. Saka sanay naman akong umuwi kahit na gabi.”

“Sandali lang. May kukunin ako,” sabi niya at tumakbo sa kuwarto. Kinuha niya ang baong isang pack na oatmeal cookies. Inabot niya iyon kay Jeyrick. “Ibigay mo sa mga kapatid mo.”

“Naku! Nakakahiya naman pero maraming salamat,” sabi ng lalaki.

“Saka kundi mo ako masasamahan bukas mag-sunrise watching, maiintindihan ko kasi malayo pala ang bahay niyo,” anang si Paloma.

“Naku! Maagang dadating iyan,” sabi ni Rjan. “Wala pang alas singko nandito na iyan para sa iyo.”

Kumaway si Jeyrick sa kanya. “Basta dadating ako.”

Kumaway din si Paloma. “Ingat ka. Mag-text ka kung nakarating ka na sa Ogo-og.” Hindi siya matutulog hangga’t di ito nagme-message sa kanya.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.