"ANG SARAP! Ang bango! Iba pala ang lasa at amoy ng binayo na bigas."
Nakapikit si Paloma habang ninamnam ang bagong kanin na siya ang nagbayo at nagsaing. Kanin pa lang ay panalong-panalo na ang tanghalian niya. Nakakamay pa siya at di nag-abalang gumamit ng kubyertos. Mas masarap kumain nang nakakamay lalo na kung masarap ang kanin at ulam. At ganoon din ang ginagawa ng iba kasama na si Jimarah na sa gutom kanina ay gusto nang ipasaing ang palay kahit di pa natatanggal ang ipa.
"Buong umaga nating binayo iyan kaya masarap,” sabi ni Jeyrick at sumubo ng kanin na may sinigtiman. Iniluto nito ang suso kasama ng bigas ng tapuy o rice wine. Isa iyon sa native food ng mga taga-Cordillera.
Sinipsip ni Paloma ang suso. “Ang galing mong magluto, Jeyrick.”
“Para namang gourment meal kung makagaling ka,” nanghahaba ang ngusong sabi ni Jimarah at sumubo ng kanin. “Okay na ako sa kanin.”
“Alam mo ba na mahal ang bayad ng mga mayayaman sa suso?” tanong ni Professor Fe. “Noong nasa London ako, mahal ang ibinabayad diyan sa mga kasamahan ko sa conference samantalang pinupulot lang iyan sa bukid.”
Ilang beses na kumurap si Jimarah. “Really, Prof?” Tinapik nito ang braso niya. “I hate you. You didn’t tell me it is sosyal.” Bago pa siya makahuma ay pinuno na nito ang plato ng sinigtiman.
“Tikman mo muna. Baka di mo magustuhan ang lasa,” sabi ng dalaga.
“This is sosyal. Kaya gusto ko ang esargot,” sabi ng kaibigan at sunud-sunod ang subo. Mukhang nagustuhan naman ng kaibigan ang luto ni Jeyrick at gutom na rin kaya kain lang ito nang kain.
Namalayan na lang niya na isang suso na lang ang natitira. Sasandukin niya sana iyon pero pinigilan siya ni Jimarah. Pinanlakihan siya nito ng mata. “This is mine. Gutom pa ako.”
“Sige. Sa iyo na,” sabi ni Paloma at binitiwan ang serving spoon.
“Ipagluluto na lang kita sa susunod,” anang si Jeyrick at inabutan siya ng tubig.
“Mas maganda siguro kung tayo mismo ang kukuha ng suso sa bukid,” excited na sabi ni Paloma. “Gusto kong ma-experience iyon. Ako naman ang pupunta ng bukid at kayo naman ang magbayo ng palay.”
“Ay hindi! Sasama na lang ako sa inyo. Mag-isa na lang si Rjan magbayo ng palay dito,” sabi ni Jimarah at inilabas ang ngipin kay Rjan na parang inaangilan ito.
“Para namang gusto kitang kasama,” tatawa-tawang sabi ni Rjan.
“Naku! Friend na tayo, Jeyrick. Kapag nanligaw ka sa friend ko, ako pa mismo ang maglalakad sa iyo. Di na kita lalaitin. Promise!” sabi ni Jimarah kay Jeyrick.
“Hoy! Ano ba?” saway niya sa kaibigan. Nahihiya siyang ngumiti sa iba. “Huwag na lang po ninyong pansinin si Jimarah. Napadami lang siya ng kain ng suso.”
“Nakakatuwa talagang maging bata. Young love, sweet love,” sabi ni Professor Fe at nagsimula na silang magligpit ng pinagkainan. “Pero mabalik tayo sa report ninyo. Anong natutunan ninyo sa activity ninyo ngayon? Meron ba?"
“Mas masarap po pala ang bagay na pinaghihirapan. Na-appreciate ko ang hirap ng mga magsasaka para lang makapagtanim ng palay. Isang taon daw po bago kayo mag-ani ng palay dito sabi ni Jeyrick. At mano-mano mula pagbubungkal ng lupa, pagtatanim hanggang pag-aani at pagluluto. Moderno na ang pamumuhay sa ibang lugar pero napapanatili pa rin po ninyo ang mga kaugalian ninyo,” sabi ni Paloma.
“Sinabi mo na lahat. Wala ka nang itinira sa akin,” angil ni Jimarah sa kanya.
“Wala ka nang idadagdag, Jimarah?” tanong ni Professor Fe.
Nanghaba ang nguso ng babae. “I will be more sensitive to farmers and mountain folks from now on. Susubukan ko pong maging mabait. Hindi naman mababawasan ang ganda ko kung magiging mabait ako sa kanila.”
Niyakap ni Paloma ang kaibigan. “I am happy for you, friend.” Tutal iyon lang naman ang leksyon na kailangan nitong matutunan. Maraming gulo ang maiiwasan kung magkakaroon ito ng cultural sensitivity at di na ito nangmamalit ng kapwa.
“Hindi mo na pala ako susungitan,” sabi ni Rjan.
“Except you,” sabi ni Jimarah dito.
“Kailan ba kayo magkakasundong dalawa? Buti pa sina Jeyrick at Paloma magkasundo,” tanong ni Professor Fe.
“Naniniwala kasi sila sa forever,” tukso ni Rjan.
“Palibhasa itsura mo na iyan walang forever,” kontra naman ni Jimarah dito at winiligan ng tubig.
“Naniniwala ka sa forever?” tanong ni Jeyrick.
Malungkot siyang tumingin sa malayo. “Basta ang alam ko walang nagtatagal na tao sa tabi natin. Nawawala rin sila. Minsan iniiwan tayo at hindi na tayo binabalikan.”
Nanay nga ay nagawa siyang iwan, paano pa kaya ang ibang tao? Kaya ginagawa ni Paloma ang lahat para di mawalan ng gana sa kanya ang tiyahin. Baka iwan din siya nito at magsawa sa pag-aalaga sa kanya.
“Jeyrick, magkwento ka naman kung paano ang buhay mo noong bata ka pa at kailangan mo pang maglakad sa Chupac,” ungot niya sa lalaki nang matapos silang maghugas ng plato. “Isasama ko sa report ko.”
“Bakit naman kailangan pa akong isama diyan?”
“Sige na.” Hindi siya articulate magsulat. Wala siyang experience sa pagsulat ng kwento. Pero gusto niyang malaman kung ano ang kwento ni Jeyrick at ng ibang kabataan doon. Kung gaano kahirap ang pinagdadaanan nito para lang makatapos ng pag-aaral at ngayon ay lumayo sa pamilya nang makatuntong sa kolehiyo.
Napakamot ng ulo si Jeyrick. “Nakakahiya naman. Wala namang kakaiba sa kwento ko para maisama pa ako sa report na iyan.”
“Basta! Magkwento ka. Di pwedeng hindi.”
Nalaman niya na iilan lang sa kabataan doon ang nakakatapos ng high school o di na nakakatuloy ng kolehiyo. Ano ang dahilan ni Jeyrick para piliting ituloy ang pag-aaral kahit na hirap ang pamilya nito? Anong inspirasyon nito?
“Tao po!” narinig niyang tawag ng isang batang lalaki. Nang lumingon si Paloma sa labas ay isang binatilyo ang nakatayo sa labas at may akay-akay na batang babae na sa palagay niya ay dalawang taon. “Kuya Jeyrick!”
Lumabas ng bahay si Jeyrick. “O, Charles! Bakit nandito kayo ni Anjel?”
“Magpa-practice kami ng sayaw para sa program bukas, Kuya. Walang mag-aalaga kay Anjel. Sumama si Mama kay Papa sa mga mag-aani ng kape sa Lias. Para daw pandagdag sa allowance mo pagbalik ng Baguio.”
“Sabi ko sa kanila na may trabaho ako sa Baguio. Kaya kong pag-aralin ang sarili ko. Masyado silang nag-aalala sa akin.” Binuhat ni Jeyrick ang nakababatang kapatid. “Sige na. Mag-practice ka na. Galingan mo at panonoorin ka namin ng mga kaibigan ko bukas.”
“Nakakahiya naman, Kuya,” sabi ni Charles at tumalilis na palayo. Sinamahan nito ang isang grupo ng kabataan na sa palagay niya ay kaklase nito.
”Waaaa! Mama!” iyak ni Anjel habang nagwawala nang kalong ni Jeyrick. “Gusto ko si Mama!”
“Halika! Maglaro tayo,” yaya ni Paloma sa bata.
“Ayaw!” Umiling ang bata at yumakap lalo kay Jeyrick.
“Gusto mo ng chocolate?” alok ni Jimarah dito. “May chocolate ako dito.”
“Ayaw! Pangit!” anang si Anjel at binelatan ito.
Nanlaki ang mata ng kaibigan niya. “Anong pangit ako? Lagot ka sa akin.”
“Oy! Huwag kang pumatol sa bata. Nagsasabi lang naman siya ng totoo,” kantiyaw ni Rjan dito.
“Ikaw kaya ang papangitin ko?” banta ni Jimarah at ito naman ang binalingan.
“Ibig sabihin guwapo ako ngayon?” nang-aasar na pagsawata ni Rjan dito.
“Waaaa! Aaway sila!” iyak na naman ni Anjel.
“Huwag na kayong mag-away diyan,” saway ni Paloma sa mga ito at hinawakan ang bata sa likod para papayapain. Lalo lang itong nagwala. “Ano bang gusto niya? Paano ba siya mapapatahan?”
“Sa palagay ko inaantok na siya. Kailangan lang kantahan at isayaw,” sagot naman ni Jeyrick at sinimulang kantahan si Anjel ng country music habang isinasayaw. Pero di pa rin mapakali ang bata. Kahit si Jeyrick ay hindi na alam kung ano ang gagawin.
“Laydi-laydek ay il-ilan. San layad mo ay kankanam,” kanta ni Paloma. “Sak-en san silaw mo. Sek-a san talaw ko kayman.”
Tumigil sa pagwawala si Anjel at yumukyok sa balikat ni Jeyrick. Hinayaan na rin ni Anjel na haplusin niya ang likod nito. “Laydi laydik ay kankanan. Sik-a paylang ingganad wani. Oh sik-a ladta, laylaydek sik-a,” patuloy na kanta ni Jeyrick at ngumiti sa kanya.
“Whoa! Bakit alam mo ‘yung kanta?” tanong ni Jimarah. “At bakit alam mo na iyon ang magpapatahan sa kapatid niya?”
“Itinuro sa akin ni Jeyrick. Sabi niya iyon daw ang kinakantan ng nanay niya na pampatulog sa kanya. Kaya naisip ko na baka iyon din ang pampatulog ng nanay niya kay Anjel. Effective naman, di ba?” sabi niya kay Rjan at Jimarah. Pero di nawawala ang naghihinalang tingin ng mga ito sa kanya. “Jeyrick, gusto mo bang sa kuwarto na lang namin patulugin si Anjel?”
“Hindi. Iuuwi ko na lang siya sa amin,” sabi ni Jeyrick.
“Dito na lang kayo,” sabi ni Jimarah. “Kita mo nga umaambon na. Baka magkasakit pa ang kapatid mo.”
“May puso ka naman pala,” sabi ni Rjan. Inirapan lang ito ni Jimarah.
“Kung gusto mo dito na lang sa papag sa labas siya matulog para mabantayan natin pare-pareho,” suhestiyon ni Paloma. “May bubong naman dito sa baba.”
“Gosh! Anim kayong magkakapatid?” halos lumuwa ang mga matang bulalas ni Jimarah nang bumalik si Paloma dala ang unan at kumot. Nauna na nitong mag-interview kay Jeyrick. “Hindi siguro madali na alagaan ang limang kapatid mo. Kung solong anak ka tulad ko, siguro di mo na kailangang pag-aralin ang sarili mo. Hindi mo kailangang maging yaya ng mga kapatid mo.”
Dumilim ang mukha ni Jeyrick. “Siguro nga mahirap ang buhay namin. Siguro nga kailangan kong ibahagi sa mga kapatid ko ang mga pinaghihirapan ng magulang ko. Di nga siguro kami mayaman na gaya ninyo pero masaya ako na kasama ang mga kapatid ko. Di ko hihilingin kahit kailan na mawala sila sa buhay ko dahil mahal ko sila.”
Umismid si Jimarah. “Martir ka. Jose Rizal level. Gano’n!”
“Jimarah, tama na iyan,” sawa ni Paloma sa kaibigan. Wala itong karapatan na kuwestiyunin kung ano ang dapat na maging buhay ni Jeyrick.
“Hindi ako pinabayaan ng mga magulang ko. Mahalaga ang pamilya ko sa akin. Dahil sa kanila kaya ako nagsisikap sa buhay. Kahit ano gagawin ko para sa kanila,” matigas na pahayag ni Jeyrick.
“Totoo iyan,” sang-ayon niya kay Jeyrick. “Wala akong kapatid pero may pinsan naman ako. Sumugod ako sa school nang may nam-bully sa kanya. Kasi pamilya kami. Mas mahalaga ang pamilya sa kahit anong kayamanan. Buti nga si Jeyrick hindi siya iniiwan ng magulang niya.”
Tumango ang binata. “Kahit na walang-wala kami sa buhay, ang mahalaga nagmamahalan kami. Kaya di ko rin iiwan ang pamilya ko. Hindi naman kami mayaman ngayon pero gagawin ko silang inspirasyon.”
“Fine! I am not gonna argue” sabi ni Jimarah at humikab. “Matutulog na lang ako sa room ko. Ciao!”
Pinisil niya ang balikat ni Jeyrick. Tensiyonado pa rin ito matapos ang komprontasyon kay Jimarah. “Pasensiya ka na sa kaibigan. Alam mo naman maldia ang isang iyon.”
“Wala talagang sinasanto ang kamalditahan niya ‘no?” sabi ni Rjan na tumulong sa kanya na maglatag ng unan at kumot para kay Anjel.
“Hindi naman ako galit sa kanya,” anang si Jeyrick at inilapag ang kapatid sa papag. “Pero di ko lang matatanggap kung may magsasabi sa akin na sana wala na lang akong kapatid. Di ko gugustuhin na may mawala kahit na sino sa pamilya ko.” Hinaplos nito ang noo nito ang noo ni Anjel. “Ibinigay sila ng Diyos sa akin at wala akong pinagsisisihan kahit na maghirap ako.”
Puno ng paghanga niyang pinagmasdan ang lalaki. She was touched. Alam niya na si Jeyrick ang tao na hindi nang-iiwan sa mga taong mahalaga dito. Iba ito sa nanay niya.
Naiintindihan na ni Paloma kung saan nagmumula ang apoy na naglalagablab sa puso nito. Kung bakit kahit gaano kahirap ang buhay ay nagsisikap ito. Mahalaga ito ang pamilya nito.
Kailangan niya ng taong katulad nito sa buhay niya. Dahil alam niya na hindi siya nito iiwan.