If Only Love (Filipino) Chapter 11

Sa pinakamalapit na simbahan idinala ni Rushmore si Toni. “Kapag may problema ako at hindi ko masabi kahit na kanino, nagdadasal lang ako. Isang dasal lang naman ang layo natin sa Diyos. Siya lang naman ang nakakatulong sa mga problema natin.”

Bumaba siya ng sasakyan at pinagmasdan ang simbahan subalit hindi niya magawang lumapit. Marami siyang gustong itanong sa Diyos. Maraming tanong na gumugulo sa isipan niya.

“Hindi ka ba papasok?” tanong nito.

“Hindi ko alam kung bakit nangyayari sa akin ang lahat ng ito. Parang sobrang bigat na ng nangyayari sa akin…” Huminga siya ng malalim. Masyado yatang malupit ang langit sa kanya. Hindi niya alam kung kaya pa niyang lagpasan ang mga pagsubok.

Ginagap nito ang kamay niya. “Minsan inuulan tayo ng mga pagsubok. Kung kailan nasa atin na ang lahat at parang perpekto ang buhay saka binabawi sa atin ang lahat. Iyon ang paraan ng Diyos para maalala natin Siya. Sa sobrang saya natin sa mga magagandang bagay na nangyayari sa atin, nakakalimutan natin Siya. We are self-absorbed that we tend to ignore the other people around us. Baka masyado tayong mataaas at di natin napapansin na nakakasakit na pala tayo ng mga tao.”

“Sinasabi mo ba na baka masamang tao ako kaya nangyayari sa akin ito? Marami naman mas masamang tao diyan. Bakit hindi na lang sa kanila gawin iyon?”

Pinisil nito ang kamay niya. “Sa iyo ibinibigay ang pagsubok kasi gusto ng Diyos na ayusin mo pa kung may mali sa iyo. Di mo pwedeng sabihing mas mabuting tao ka sa iba. Lahat tayo makasalanan. Mahal ka ng Diyos kaya gusto Niyang kung may pagkakamali ka ay maituwid mo ang mga pagkakamali mo.”

Hinarap niya ito. “Masama ba talaga ang ugali ko? Sabi mo iyon dati.”

“Ang sinasabi ko lang mas gusto ko ang dating ikaw. Malaki na ang nagbago sa iyo mula nang sumikat ka. Nami-miss ko lang ang dating Toni. Marami kang hinanakit sa dibdib mo na kailangan mong alisin. At sa mga pagsubok na dumadaan sa iyo, kailangan mo ang mga taong nagmamahal sa iyo. Alam ko na may problema pa kayo ng pamilya mo pero kailangan mong ayusin iyon. Everything will be okay.”

Parang isang anghel ito na tagadala ng mensahe mula sa langit. Hindi man nito alam ang eksaktong pinagdadaanan niya ay parang akmang-akma sa kanya ang mga payo nito. Katulad noon. Kahit di niya sabihin dito ang tunay niyang nararamdaman ay parang alam nito ang tunay na laman ng puso niya.

“Samahan mo akong magdasal,” pakiusap niya.

Hinila nito ang kamay niya. “Halika na. Mainit na dito.”

Habang nagdadasal ay nakaluhod din ito at nananalangin sa tabi niya. Kapag siguro nakabingit na ang buhay ng tao sa kamatayan ay saka lamang nito napag-iisipin ng mga bagay na mahalaga sa kanya. Kung paano niya tratuhin ang mga katrabaho niya. Kung paano niya dapat na pakisamahan ang pamilya niya. Tama si Rushmore. Maaring paraan lang ito ng Diyos para paluin siya para makita niya ang pagkakamali niya at magbago.

Nakakunot ang noo niya nang makabalik sa kotse nito. Hinilot ng daliri nito ang noo niya. “Ano? Tapos ka nang magdasal pero problemado ka pa rin.”

“Hindi ko pa rin alam kung anong gagawin ko sa pamilya ko. H-Hindi naman na sila lumalapit pa ulit sa akin.” Kahit ang nanay niya ay parang napagod na sa panunuyo sa kanya.

“Dapat siguro ikaw ang magpakumbaba. Kalimutan mo na ang pride mo.”

Matinding pagsubok ang pinagdadaanan niya at kailangan niya ang pamilya niya. Handa siyang isantabi ang lahat ng sama ng loob niya para lang makasama niya ang mga ito. Kung mawawala man siya sa mundo, ayaw niyang may galit pa ang mga ito sa kanya. Ang pamilya niya ang dahilan kung bakit siya nagsusumikap.

“Tama ka,” aniya at tinitigan ito. Di niya maiwasang mapangiti. He looked like an angel. Dati pa naman ay isang anghel na ang tingin niya dito. But she could say now that he was an angel in the true sense of the word.

“Bakit ganyan ka makatitig? Pinagpapantasyahan mo ako?”

Siniko niya ito. “Puro ka kalokohan. I don’t know. Parang mas seryoso ka kasi kaysa dati. Noon binibigyan mo ako ng advice pero may halong biro. Di ko minsan alam kung dapat kang seryosohin. Ngayon parang marami ka nang alam.”

“May pinagdaanan din akong pagsubok sa buhay. I have my own share of mistakes. May mga mahihirap din akong desisyon na kailangan kong pangatawanan.”

“Thank you. Alam ko na marami akong magandang di nasabi sa iyo. Nagtanim ako ng sama ng loob matapos mo akong…bastedin.”

“May tamang pag-ibig para sa iyo. Alam kong nasaktan kita at nasaktan ka din ni Phil pero ngumiti ka lang at sigurado akong may mai-in love din sa kagandahan mo. Ngumiti ka nga,” sabi nito at kiniliti ang baba niya.

Tinampal niya ang kamay nito. “Ano ba? May kiliti ako diyan,” aniya at bumungisngis.

“See? ‘Yan ang Toni na kilala ko. Parang gusto ko tuloy ma-in love sa iyo.”

Pinitik niya ang noo nito. “Tumigil ka nga diyan.” Narinig niyang nag-ring ang cellphone niya. Nanlaki ang mata niya nang makitang nasa beinte na ang missed call mula sa driver niya at kay Dianne. “Oh, no! Kanina pa nila ako hinahanap.”

“Ihahatid na kita,” sabi nito at ibinalik siya sa tapat ng St. Luke’s Taguig.

“Thank a lot, Rushmore.” Kinintalan niya ito ng halik sa pisngi. “Pwede bang mag-coffee tayo pagbalik mo?”

“Are you asking me out?” nanunukso nitong tanong.

“Yes.”

“Liligawan mo na ulit ako? Pwede mo na akong ligawan. Hindi na strict ang parents ko.”

Bumaba siya sa kotse nito. “Sige na. Baka ma-late ka pa sa flight mo.”

May kakaibang ngiti sa labi niya nang pumunta sa parking lot. Magaan ang pakiramdam niya at parang mas masaya siya. Ngayon na lang ulit siya sumaya ng ganito makalipas ang maraming taon.

Hindi na mapakali si Dianne habang may kausap sa cellphone. Mangiyak-ngiyak na ito. “Chief, nandito na po siya. Pasensiya na po sa abala.” Sapo nito ang dibdib nang salubungin siya. “Ate, saan ka ba nagsuot? Aba’y nataranta na kami dito. Tumawag na kami ng pulis. Akala namin na-kidnap ka na.”

“May nakita kasi akong kakilala at nagkakuwentuhan kami.” Niyakap niya ito para pakalmahin ito. “Pasensiya na talaga ha? Hindi na mauulit.”

“Huh! Anong sabi mo, Ate?” tanong nito at inilayo ang sarili sa kanya saka siya pinagmasdang mabuti. “P-Pasensiya ba kamo? Humihingi kang pasensiya?”

“Oo naman. Halika na.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.