If Only Love (Filipino) Chapter 12

“Ano palang sabi ng doktor sa iyo, Ate? Okay ka lang daw ba?”

Isang ngiti ang gumuhit sa labi niya. “Everything will be okay.”

“KAIN lang kayo ng kain, ha? Marami pa akong ipinaluto,” sabi ni Toni sa mga staff ng show niyang Simply Toni. Nag-rent siya ng isang resort para sa mga ito. Matagal na rin naman silang magkakasama sa trabaho pero di niya nakaka-bonding ang mga ito. Oras na siguro para makapalagayang-loob niya ang mga ito.

“Ano ba ang nakain mo at basta mo na lang naisip itong outing? Dati kasi nag-a-outing tayo pero di ka naman sumasama,” sabi ng musical director niya na si Mon.

“Kaya nga oras na para makasama naman ninyo ako, di ba? You are under stress lately. I went through a lot. Pati kayo nadadamay sa mga problema ko. Gusto ko lang bumawi sa inyo dahil pinagtiyagaan ninyo ako. Kaya ma-enjoy lang kayo.” Nilagyan niya ng barbeque ang plato ng backup singer na si Jinky. “Ano? Kumusta na pala ang anak mo? Magaling na ba?”

Marahan itong tumango. “O-Oo. Salamat dahil tinulungan mo ako sa pagpapagamot sa anak ko. Nag-announce ka pa para sa blood donation.”

Pinisil niya ang balikat nito. “Wala iyon. Mahirap talaga ang magkasakit ang mahal natin sa buhay. Parang isang pamilya na tayo, hindi ba?”

Malungkot lang isipin na hindi pa niya naaayos ang problema sa pamilya niya. Nasa hacienda ng mga Valiente pa ang nanay niya at si Aya dahil doon daw pinaplano ang kasal. Di pa niya makausap ang mga ito. Umaasa siya na sa muling paghaharap nila ay maaayos nila ang lahat lalo na’t siya ang magpapakumbaba sa mga ito.

Ilang araw na ang dumaan mula nang malaman niya ang tungkol sa tumor niya sa utak. At sa pagdaan ng mga araw ay lalong dumadalas ang sakit niya at ang pagkawala ng pandinig niya. Natatakot siyang mag-isa. Kailangan niya ang pagmamahal ng pamilya niya ngayon.

Luminga siya sa paligid. Napansin niya na wala ang tatlo sa mga writers ng show niya. “Uhmm… nasaan pala si Mitchie? Hindi pa sila kumakain.”

“Nasa private jacuzzi at nalulula daw sila sa laki ng swimming pool, Ate,” sabi ni Dianne. “Mabuti pa tatawagin ko na sila.”

“Hindi na po. Ako na lang ang tatawag sa kanila. Kumain ka lang diyan,” sabi niya at pumunta na sa area kung saan naroon ang mga indoor jacuzzi at indoor pool.

Papasok na siya ng indoor jacuzzi nang marinig niya ang usapan ng mga ito. “Ano namang nakain ng mangkukulam na Toni na ‘yon? Bait-baitan lang ang peg,” sabi ng isa sa matagal na niyang staff na si Kristeta.

“Oo nga. Parang biglang sinapian ng mabuting espiritu. Isipin mo hindi siya nagalit sa akin kahapon nang nagkamali ako ng isinulat sa spiel niya,” anang bading na si Aviana na madalas niyang napapaiyak sa set. “Samantalang dati super bruhaha na ang lola mo isang letter lang ang magkamali. Parang mapapatid na ang litid sa pag-award-award sa akin.”

“And kuwidaw, gusto ata niyang mag-Kapwa Ko, Mahal Ko sa ating lahat. Inaalam niya kanina ang mga problema. May payakap-yakap at patulong-tulong pa siya sa nangangailangan,” sabi ni Chloe na ilang beses na niyang nakasagutan kapag late sa trabaho. “Parang gusto kong maniwala na mabait na nga siya.”

“I don’t believe her,” sabi ni Kristeta. “Baka pa-effect lang niya iyan matapos ang interview sa bestfriend ng kapatid niya. Na kesyo hindi na daw matagalan ni Direk Phil ang pagiging selfish niya sa relasyon. Gusto niya siya ang laging iniintindi at di na naaasikaso si Direk. At dahil mas sweet at mabait na hamak si Sisterette, nagpaakit naman si Direk. Kasi nga naman di na niya kailangan pang suyu-suyuin. Si Sisterette na mismo ang handang magbigay sa kanya ng lahat-lahat nang walang kiyeme.”

“Sa totoo lang hindi ako boto sa mangkukulam na ‘yon para kay Direk Phil. Sa dinami-dami naman kasi ng babae at bading sa mundo, kay Toni pa siya nagpakulam. Parang anghel and demonyita ang drama nila. Kaya nga laking tuwa ko nang malaman ko na break na sila ni Direk Phil. Di man ganoon kaganda, at least approachable at very accommodating si Aya. Nararamdaman ko na totoo siyang tao. Hindi showbiz tulad ni Toni,” wika ni Chloe.

Parang sinasaksak siya sa dibdib sa mga narinig niya. Lumayo siya sa pinto ng private jacuzzi at wala sa sarili na naglakad-lakad sa verandah. Niyakap niya ang sarili nang umihip nang malakas ang hangin. Hindi pala masarap sa pakiramdam na marinig sa ibang tao kung gaano kapangit ang naging pagtrato niya sa mga ito. Nahihiya siya sa sarili niya.

Sinusubukan niyang magbago. Sinusubukan naman niyang maging mabait. Pero bakit ayaw maniwala ng mga ito. Ganoon din ba ang tingin sa kanya ng ibang katrabaho niya at kasamahan sa industriya? Isang demonyita at isang mangkukulam? Hindi ba siya bibigyan ng mga ito ng pagkakataon na magbago?

Tama ba ang mga ito na hindi niya deserve si Direk Phil? Siguro ay iyon din ang naiisip ni Phil ngayong pinili na nitong pakasalan ang kapatid niya. Hindi niya ito nagawang mahalin gaya ng pagmamahal nito sa kanya. At naibigay iyon ni Aya dito. Baka sobra-sobra pa.

Ngayon lang niya natutuklasan ang mga bagay na iyon sa sarili. Masyado nga ba siyang nalunod sa mga tinamasa niya at di niya napansin na masama na ang tingin sa kanya ng iba? May pagkakataon pa ba para baguhin niya ang pananaw ng mga ito sa kanya bago siya mawala sa mundong ito?

“Ate Toni! Ate Toni!” tawag sa kanya ni Dianne at hangos na lumapit sa kanya. “Ate, kanina kita hinahanap.”

Nakakunot ang noo niya itong hinarap. “Bakit?”

“Tumawag si Mommy Jho. Isinugod daw sa ospital si Ate Aya.”

Sinalubong agad ng kislapan ng mga camera at tumutok agad ang TV cameras kay Toni pagbaba niya ng Chevrolet Suburban niya. Hindi niya pinansin ang tanong na ipinukol ng mga reporter sa kanya. Ang totoo ay magulo ang isip niya habang nasa sasakyan. Hindi rin niya maintindihan kung anong nangyayari dahil umuugong ang tainga niya. Hindi niya maunawaan ang paliwanag sa kanya ni Dianne habang nasa biyahe. Wala siyang ibang iniisip kundi ang kaligtasan ng kapatid niya at ang dinadala nito.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.