Sinalubong agad siya ni Mommy Jho. “Hindi nila ako pinapasok sa loob. Hangga’t maari puro kapamilya lang daw ang dadalaw,” sabi nito. “Nasa third floor ang kuwarto niya.”
“Ano pong nangyari kay Aya?” tanong niya at tuloy-tuloy na naglakad patungo sa elevator. “Buntis siya. Dapat nag-iingat siya. Saka ang alam ko po nasa Naga sila ngayon.”
“Dumating sila kaninang hapon para sa fitting ng wedding gown niya. Nasa restroom daw siya kanina after ng dinner nang basta na lang magkagulo at may nanakit sa kanyang mga babae. Hindi pa malinaw kung anong nangyari at di rin nila sinasabi sa akin kung anong kondisyon ng kapatid mo. Kinakabahan na nga ako kung anong nangyari sa batang iyon. Hindi na rin naman iba sa akin si Aya. Parang anak ko na rin iyon tulad mo.”
Nagsimula na rin siyang kabahan. Maselan ang pagbubuntis ng kapatid niya. Nagsimula na siyang magdasal na sana ay ligtas ito at ang dinadala nito. Kung may tsansa pa siyang mabuhay ng mas matagal, gusto pa niyang makita ang pamangkin niya. Kahit pa nga minsan niyang pinangarap na sana ay anak nila iyon ni Phil.
Nasa tapat na sila ng hospital suite kung saan naka-confine si Aya nang bumukas ang pinto at lumabas si Phil. Dumilim ang mukha nito nang makita siya. “Anong ginagawa mo dito?” malamig ang boses nito. Malayo sa malambing na tonong lagi nitong ginagamit sa kanya.
“Nabalitaan ko ang tungkol sa nangyari kay Aya. Gusto ko lang siyang dalawin,” sabi niya at pilit na sinilip ang loob ng suite ngunit isinara nito ang pinto at humarang doon. Humalukipkip ito at mukhang walang balak na papasukin sila o pasilipin man lang.
“Dalawin o gusto mong tapusin ang hindi natapos ng mga kampon mo? Gusto mong tiyakin na tuluyang malalaglag ang anak namin ni Aya!”
Napaurong siya sa pagsigaw nito. “H-Hindi ko alam kung anong sinasabi mo.”
Hinaklit nito ang balikat niya bago pa siya tuluyang makalayo. “Ilan sa mga fans mo ang basta na lang kinuyog si Aya at sinaktan. Tinawag nila si Aya na masamang babae at pinagtulung-tulungan. Ikaw siguro ang nag-utos sa kanila.”
Napaigik siya sa sakit dahil parang gusto nitong baliin ang buto niya sa higpit ng hawak nito. “N-Nasasaktan ako, Phil.”
“Masasaktan ka talaga. Mabuti na lang malakas ang kapit ng bata kung hindi baka mapatay kita. Hindi kita mapapatawad sa pananakit mo kay Aya at sa anak ko!”
Hinila ito ni Dianne palayo. “Kuya, nasasaktan si Ate Toni. Tama na ‘yan.”
“Maghunos-dili ka, Phil. Baka mapatay mo nga si Toni,” tensiyonadong sabi ni Mommy Jho. “Wala naman talaga kaming intensiyong masama sa pagpunta dito. Maniwala ka.”
“Wala akong kasalanan! Hindi ako masamang tao tulad ng iniisip mo. Kahit kailan hindi ko pinag-isipan ng masama ang anak mo. Wala akong kinalaman sa ginawa ng mga fans ko. Hindi ako ang responsable sa ginawa ng ibang tao sa kanya,” mangiyak-ngiyak niyang sabi. Bakit ganoon? Inosente siya sa nangyari. Bakit kailangang ibintang nito sa kanya ang lahat ng masamang nangyayari?
“Phil, anong gulo ito?” tanong ng nanay niya na lumabas na rin.
“Nay, gusto ko lang pong tiyakin kung okay lang si Aya. Di po ako manggugulo.” Alam niyang maiintindihan iyon ng nanay niya. Ito na ang hinihintay nitong pagkakataon para magkaayos sila.
Sa halip na matuwa ito dahil pumunta ay tumiim ang anyo nito. “Toni, habang nandito ka wala kang ibang dadalhin kundi gulo.”
Natigagal siya. “N-Nay…hindi ko po ginusto ang nangyari. Wala po akong kinalaman doon. Maniwala po kayo. Pamangkin ko rin ang dinadala ni Aya!”
Naningkit ang mata nito at hinaklit ang braso niya saka hinila mula sa pagkakahawak ni Phil. “Kasalanan mo ito. Nakiusap ako sa iyo noon na huwag mong ituloy ang interview. Pero nagmatigas ka dahil mas inuna mo ang sama ng loob mo. Hindi mo na naisip kung anong posibleng implikasyon nito sa kapatid mo. Dahil sa simpatya sa iyo ng mga fans mo, sinugod nila ang kapatid mo. Kung hindi umawat ang ibang tao nasa restroom, baka tuluyan na nilang napatay ang kapatid mo.”
Napahagulgol siya ng iyak dahil hindi niya naisip na ganoon katindi ang pagmamahal sa kanya ng ibang fans niya. Na sasaktan ng mga ito ang kapatid niya dahil sa pagtatanggol sa kanya. Bakit ganoon ang nangyari? Gusto lang naman niyang depensahan ang sarili niya. Siya ang naagawan. Siya ang naagrabiyado. Siya pa rin ang masama sa huli.
“T-Titiyakin kong pagbabayaran nila ang kasalanan nila,” sabi nito at pasalya siyang binitawan. “At mabuti pang umalis ka na. Ayaw ka nang makita ng kapatid mo.”
“P-Pero Nay…”
“Aalis na rin ako sa bahay. Pumayag na si Phil na doon muna ako tumira sa bahay nila ni Aya. Ipapakuha ko na lang ang mga gamit ko.”
Nanlamig ang buong katawan niya at kusang pumatak ang mga luha sa mata niya. “A-Aalis na po kayo ng bahay? Iiwan po ninyo akong mag-isa?”
“Oo. Sa palagay ko naman kaya mo nang mag-isa sa buhay. Malaki ka na. Hindi mo na ako kailangan,” anito sa malalim na boses.
Hinawakan niya ang braso ng nanay niya. “Nay, kailangan ko po kayo. Kung alam lang po ninyo ang pinagdadaanan ko ngayon…” Na may tumor siya sa utak dahilan para mawala ang pandinig niya. Na posible siyang mamatay.
Umiling ito. “Makakaalis ka na. Baka lumala lang ang kondisyon ni Aya habang naririnig niya ang boses mo. Kung totoong wala kang masamang intensiyon sa kapatid mo, umalis ka na at huwag kang lalapit sa kanya.” At pumasok na ito ng hospital suite.
“Nanay, sandali po!” Hindi pa niya nasasabi dito ang tungkol sa sakit niya. Kailangan siya nitong pakinggan. Kailangan niya ang pamilya niya ngayon. Kahit isang yakap lang.
Tinangka niyang sundan ito subalit humarang agad si Phil. “Umalis ka na bago pa kita ipakaladkad sa guwardiya. At huwag ka nang magtangka na magpakita kay Aya o sa magiging anak namin. Baka makalimutan ko na minsang minahal kita.”
“Toni, let’s go. Mas malaking gulo kung security pa mismo ang magpa-evict sa atin dito. Halika na,” anang si Mommy Jho at inakay siya ng mga ito palayo.
Napahagulgol siya ng iyak habang yakap ang sarili. Wala na siyang pamilya. Baka kahit sabihin pa niya ang sakit niya sa mga ito ay wala na ring pakialam ang mga ito sa kanya. Ano nang gagawin niya ngayon?