If Only Love (Filipino) Chapter 14

NAKAHILIG ang ulo ni Toni sa piano habang isa-isang pinipindot ang tiklado nito. Tanging iyon lang ang maririnig sa buong kabahayan. Malayang dumadaloy ang luha sa mata niya nang umalingawngaw ang mga nota sa katahimikan ng malaking villa na iyon.

Wala na ang nanay niya. Tuluyan na nitong ipinahakot ang mga gamit nito at iniwan nito sa kuwarto nito ang mga mamahaling alahas at damit na regalo nito sa kanya. Ang kinuha lang nito ay ang mga simpleng damit na binili nito sa Divisoria. Pati ang nanay niya na inaasahan niyang mananatili sa tabi niya ay sinukuan na rin siya.

Naalala niya kung gaano kasaya ang nanay niya at si Aya nang unti-unti niyang ipinatayo ang bahay na iyon mula sa pinagpaguran niya sa pagtatrabaho. Lahat ng raket at gig noon ay tinatanguan niya. Kahit ang mga malalayong fiesta ay pinupuntahan niya para lang makaipon.

Iyon ang pangarap na bahay ng tatay niya bago ito mamatay. Isang bahay na simbolo ng pagtataguyod niya sa pamilya niya sa batang edad. Seventeen years old lang kasi siya nagsimula sa showbiz. Walong taon na siya sa industriya at maingat ang pagma-manage niya sa pera niya para tiyaking hindi sayang ang pinaghirapan niya. Hindi iyon pangarap lang niya. Kasama niya sa pagbuo nito ang nanay niya at si Aya.

Pero parang wala nang halaga ang lahat ng kayamanang tinatamasa niya. Iniwan na siya ng mga mahal niya sa buhay. Iniwan na siya ng pamilya niya. Ano pa ang rason niya para mabuhay sa mundo? Ano pang dahilan niya para lumaban kung iniwan na siya ng mga taong mahalaga sa kanya?

Pakiramdam niya ay siya ang pinakawalang kwentang tao sa mundo. Maghihirap at mamamatay siya nang walang nagmamahal sa kanya.

Yes. She had fans who would cry for her. Colleagues who would even pay tribute for her when she dies. Pero paano ang pamilya niya? Sa mga taong tunay na nakakakilala sa kanya ay may iiyak kaya kapag nawala siya? Would anybody care?

Nakarinig siya ng paparating na yabag pero hindi niya inangat ang tingin. Ni hindi siya nag-abala na tingnan kung sino iyon. “Ate, kumain ka na. May dala akong paborito mong crispy pata. Magagalit ang dietitian mo pero okay lang ‘yan. Ang mahalaga kumain ka.” At inilapag nito sa harap niya ang plato ng katakam-takam na boneless crispy pata.

Subalit hindi man lang siya natakam kahit na nalanghap niya ang mabangong amoy nito. “Wala akong gana,” aniya sa walang buhay na boses.

“Sige na. Wala ka pang kinakain mula kaninang umaga. Kumain ka na. Baka magkasakit ka pa niyan. Hindi ka na nga naka-attend sa dubbing mo para sa interview mo doon sa Korean pop star. Sino na nga ba ‘yon? Si Kikiam ba ‘yon?”

“Hindi na nila ako kailangan doon. May dubber na silang makukuha para mag-dub ng boses ko.” Pag-uwi niya galing sa ospital ay nagkulong na siya sa kuwarto niya. Ni hindi siya lumabas o sumagot sa mga tawag. Ayaw niyang makipag-usap kahit na kanino.

Kaninang umaga nang magising siya ay wala siyang marinig na kahit ano. Kaya naman ipina-cancel niya ang lahat ng schedule niya. Paano pa siya magtatrabaho kung wala siyang pandinig? Sarili niyang salita ay hindi niya marinig.

“Kung ayaw mo ng crispy pata, ibibili kita ng chocolate cake. Alam ko masasakal ako ni Mommy Jho kapag tumaba ka pero okay lang. Basta kumain ka lang.”

Bumuntong-hininga siya. “Umuwi ka na, Dianne. Your work is done here. Wala na akong kahit na anong iuutos sa iyo.”

“Uhmmm… May nabalitaan po ako, Ate. Gusto ka daw maka-duet ni Tara Sheen. Hindi ba paborito mo siyang singer? Grabe! Matutupad na ang pangarap mo na makasama siya sa stage, Ate. Kinabog mo ang iba pang mga artist na gusto siyang maka-duet.” Pinisil nito ang braso niya. “Kaya kumain ka na diyan, Ate. O gusto mo lumabas tayo para mag-celebrate?”

“Ayoko siyang maka-duet.”

“Anong ayaw mong maka-duet si Tara Sheen?” galit na bulalas ni Mommy Jho. Marahil ay dumalaw ito para sa balitang iyon. “Alam mo ba kung anong pinakakawalan mo? Sabi mo sa akin kahit libre basta makasama mo lang siyang kumanta. Nandito na ang chance, pakakawalan mo pa ba?”

“I am sorry, Mommy Jho. Ayoko na po talaga. A-Ayoko na pong lumabas. Ayoko na pong makakita ng mga tao. Hayaan na lang po ninyo akong mag-isa,” aniya at napahagulgol ng iyak sa sobrang awa sa sarili. Ayaw niyang sa harap ng maraming tao pa siya mawalan ng pandinig. Tiyak na malaking kahihiyan iyon.

Tinabihan siya nito sa piano at niyakap siya. “Tumahan ka na. Huwag mo na lang pansinin ang sinasabi ng mga haters mo. Hindi mo naman kasalanan ang nangyari. Ano ngayon kung pinalayas ka nila Phil sa ospital pati ng nanay mo? Inosente ka naman sa nangyari. Sila ang may kasalanan sa iyo. Ikaw ang pinagtaksilan nila.”

Isang malisyosong video ang kumalat sa internet na kuha sa ospital. Parang napakasama niyang tao doon. Ni hindi man lang kinuha muna ang side niya. Siya ang biktima dito. Subalit di naman iyon mahalaga sa nanay niya. She left her anyway. At di rin iyon mahalaga sa mga taong gusto siyang pulaan. Para sa mga ito ay wala siyang kwentang tao kaya iniwan siya ng mga taong mahal niya. Marahil ay totoo iyon. Wala na nga siyang kwentang tao. Kung kailan na nakalatag na ang magagandang bagay sa kanya ay inalis naman ang pagkakataon sa kanya. Mas madalas pa siyang walang pandinig ngayon kaysa sa may naririnig siya. Isa siyang imbalido. Parang lahat ng kakayahan at talentong ipinagmamalaki sa kanya ay inagaw sa kanya.

Isinubsob niya ang mukha sa palad. “Ayoko na po talaga. I-cancel na po ninyo ang lahat ng mga projects ko. Ayoko nang gumawa ng kahit na ano.”

“You can’t do that! Malaki ang investment ko sa iyo. Alam mo ba kung gaano kalaki ang mawawala sa atin kapag basta mo na lang binitiwan ang lahat?” Huminga ito ng malalim at hinaplos ang balikat niya. “You worked hard for this. Dahil lang sa isang simpleng pagsubok ay bibitiwan mo na ang lahat? Huwag kang padalos-dalos.”

Yumakap siya dito. “Pagod na pagod na po ako.” Hindi niya masabi dito na pagod na siyang mabuhay. Subalit di rin niya masabi dito ang tungkol sa sakit niya. Alam niyang pipilitin siya nito na magpagamot. Ayaw na niyang magpagamot pa dahil wala na rin naman siyang pag-asa. Para saan pa ang pagdudugtong niya sa buhay niya kung wala nang nagmamahal sa kanya?

“Shhh… don’t say that.” Hinawakan nito ang magkabila niyang pisngi. “Hindi ito ang oras para sumuko ka. Magpapahinga ka lang pero hindi ka susuko.”

“I want to disappear.” Completely.

“You will take a vacation. Kailangan mo lang magpahinga. Sabihin mo lang sa akin kung saan mo gustong magbakasyon. Huwag mo munang isipin ang trabaho. Isipin mo kung paano ka makakabangon. Mami-miss mo tiyak ang trabaho mo. Tingnan mo, pagbalik mo dito ikaw pa mismo ang mangungulit sa akin na punuin ko ang itinerary mo.”

Tahimik na lang siyang tumango kahit di niya alam kung makakabalik pa siya.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.