If Only Love (Filipino) Chapter 16

"Mabuti naman nakita mo siya. Nag-alala talaga ako dahil baka kung saan siya pumunta. Nang sinabi kong magbakasyon, di ko naman sinabing magbakasyon siyang mag-isa. Kita mo tuloy ang nangyari. She shouldn’t be left alone. Tapos nakainom pa siya. Kung hinayaan niya akong mag-schedule niyan, sana naisama niya ang PA niya o kahit ako pa mismo ang makasama niya," tensiyonadong sabi ni Mommy Jho nang makausap ni Rushmore sa cellphone.

Nakatayo siya sa verandah ng resthouse ng pamilya niya sa Boracay habang umiinom ng kape. Hindi na rin siya makatulog kahit na mahimbing na natutulog si Toni sa guestroom. Di pa rin ito gumigising mula nang sagipin niya ito mula sa pagkalunod sa dagat. She was truly drunk. Maswerte na kung walang maglalabas ng naturang insidente sa media.

"Idinala ko siya dito sa resthouse. Ipinalipat ko na rin po ang mga gamit niya mula sa resort. Mabuti na lang kilala ko ang manager. Di po siya pwedeng iwang mag-isa. Kung magkakaroon man ng leak sa media, kayo na ang bahala."

"Ngayon lang niya ako binigyan ng ganyang klaseng problema. Hindi naman siya naglalasing. Ni hindi siya nahilig uminom ng alcoholic drink. Alam mo kung gaano kadisiplinado ang batang 'yan. Hindi siguro niya kinaya ang nangyayari sa kanya,” malungkot nitong sabi.

Nabalitaan niya ang tungkol sa panunugod ng fans nito sa kapatid nitong si Aya at ito ang sinisisi. Umalis na rin daw ang nanay nito sa bahay nito. Mahalaga kay Toni ang pamilya nito. It must taking a toll on her.

Nang huling magkita sila ay parang positive naman ito. Hindi katulad ngayon na parang wala itong kapag-a-pag-asa sa buhay. Kinakabahan siya na baka di lang dala ng pagkalasing ang mga nabitawan nitong salita tungkol sa pagnanais nitong mawala sa mundo. Paano kung gusto na talaga nitong madali ang buhay nito?

"Tulog pa siya sa ngayon." Hindi na lang niya ikinuwento ang muntik nang pagkalunod ni Toni dahil tiyak na magpa-panic lalo si Mommy Jho. "Mag-uusap po kaming mabuti paggising niya."

"Kumbinsihin mo siyang bumalik na sa trabaho. Maraming naghihintay na projects sa kanya. Naghihintay na ang management ng sagot niya sa fourth season ng variety show niya. Isang linggo lang ang ibinigay ng management sa kanya para sumagot. And there’s her new album. She’s at the peak of her career. She can’t afford this," frustrated nitong sabi. And knowing Mommy Jho, malamang ay sinasabunutan na nito ang sarili sa sobrang frustration.

"Mommy, relax. Nangako po kayong hahayaan siyang magbakasyon. She worked so hard these past years. Bigyan po natin siya ng panahon para sa sarili niya. She needs a hiatus. Give her a few weeks or even months if she wants to. She’s a star. Hindi makakaapekto kay Toni kung mawawala siya sandali. Kailangan po niya ng oras para sa sarili niya.”

“I am just thinking about her career.”

“And your career,” makahulugan niyang dagdag. Mommy Jho was a business woman first and foremost.

“Well, you can’t blame me. Toni is my biggest star. She’s my favorite. Pareho naming pinaghirapan na makarating siya sa kinalalagyan niya ngayon. You can’t blame me.”

Masyadong dinidibdib ni Mommy Jho ang pag-alis niya sa showbiz noon. Mas pinili kasi niya ang pakiusap ng nanay niya na i-manage na lang ang negosyo ng ama niya na naparalisa na matapos ang heart operation. Hindi noon maintindihan ni Mommy Jho kung bakit mas pinili niya ang maging simpleng farm owner kaysa sa magandang career niya. Isang taon din siyang di kinausap ni Mommy Jho, kundi pa siya nangako na ito pa rin ang manager niya kung sakaling gusto pa rin niyang bumalik sa showbiz.

“Parang anak ko na siya,” dagdag pa nito.

“If you treat her like your daughter, then give her time to breathe. Bigyan natin siya ng panahon para sa sarili niya.” At sa tabi lang siya ni Toni hangga’t kailangan siya nito.

aiintindihan niya ang kagustuhan nitong mapag-isa at mag-isip-isip nang malayo sa mata ng publiko. Hindi kailangang lahat ng pinagdadaanan ng isang celebrity ay dapat na tutukan ng publiko. Kailangan ay magtira din ito ng para sa sarili nito.

"Balitaan mo ako, hijo. Thank you. Pinagmamalasakitan mo si Toni. Iilan na lang ang mga totoong kaibigan niya ngayon. Alam mo naman ang mundo natin."

Nang magpaalam siya dito ay lumapit ang katiwala niyang si Aling Magda. Isa itong katutubo na taal na taga-Boracay na napagkatiwalaan nilang magbantay sa resthouse. "Sir, nakalagay na po sa closet ang mga damit ni Miss Toni. Maganda po pala siya sa personal. Parang manyika. Ang kinis-kinis pa po.”

Niyakap niya ito. "Salamat po, Aling Magda.” Binulabog niya ito sa kahimbingan ng tulog at ito ang nag-asikaso kay Toni.

“Naku, Sir. Huwag pong ganyan. Baka iwan ko ang asawa ko at ipagpalit sa inyo. Babae lang po ako at mahina sa tukso.”

“Salamat po sa pag-aasikaso sa bisita ko. Pakihanda na lang po ang agahan niya. Gumawa po kayong vegetable salad pero maghanda din kayo ng beef tapa at hotdog.” Hindi niya alam kung anong diet ang ginagawa nito pero mas payat pa ito kaysa nang huli silang magkita. Baka magkasakit ito kung halos wala itong kakainin.

"Sir, bakit hindi si Ma'am Lorna ang kasama ninyo? Bakit 'yung artista? Akala ko ba ayaw ninyo ng girlfriend na showbiz dahil ayaw ng Mama ninyo,” nanghahaba ang ngusong tanong nito nang pumunta siya sa kusina para ilagay sa lababo ang pinagkapehan niya.

"Hindi ko po siya girlfriend,” paglilinaw niya. “At kaibigan ko lang si Lorna.”

"Showbiz si Sir. Ayaw pa umamin. Hindi naman po ako magsusumbong sa mama ninyo."

Iniikot niya ang mga mata. Hindi naman kasi siya nagdadala ng babae sa resthouse. Matagal na panahon na rin siyang walang girlfriend. Masyado siyang naka-focus sa negosyo ng pamilya sa mga charity na hinahawakan.

Nagulat sila nang marinig ang malakas na sigaw ni Toni. Hangos silang tumakbo sa guestroom. Nakasalampak ito sa sahig habang sapo ng dalawang kamay ang ulo nito. Sumisigaw ito habang umiiyak. Dinaluhan niya ito at hinawakan sa balikat. "Anong nangyayari?"

"Masakit. Sobrang sakit. Hindi ko na kaya,” anito at idiniin ang ulo sa pader.

Ikinatang niya ang kamay sa pagitan ng ulo nito at sa pader para di nito masaktan ang sarili nito. Gusto niyang isipin na hangover lang iyon pero mukhang hindi ordinaryong sakit ang nararamdaman nito. "D-Dadalhin ka namin sa doktor."

Umiling ito. "No. Ayoko ng doktor. A-Ang gamot ko!"

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.