If Only Love (Filipino) Chapter 17

"Nandito ang mga gamit mo. Saan nakalagay ang gamot mo?"

Suminghap ito at mariing pumikit. "Purple pouch! Purple pouch! Nasa Chanel bag."

"Aling Magda, kunin po ninyo ang purple pouch niya,” utos niya.

Dali-daling sumunod si Aling Magda. Pagkaabot ng gamot niya ay kumuha rin ito ng tubig na maiinom. "Inumin mo na,” aniya at isinubo kay Toni ang tableta.

"It's okay. It's okay,” bulong niya dito.

Niyakap niya ito ng mahigpit hanggang humupa ang sakit nito at makatulog ito. "Grabe naman ang hangover. Bakit kasi umiinom ng madami kung hindi naman kaya?" reklamo ni Aling Magda. “Mukhang magandang sa sakit ng hangover ‘yang gamot na ‘yan. Makabili nga at maipainom sa asawa ko.”

Tiningnan niya ang botelya ng gamot. Hindi iyon karaniwang headache tablet o pain reliever. Nang matiyak na mahimbing si Toni ay tinawagan niya ang isang kaibigang doktor.

"Para saan ang gamot na 'to?"

"That's for patients who are suffering from severe pain Bakit? May sakit ba si Tita Mildred?” tukoy nito sa mama niya.

“W-Wala naman. S-Sige. Salamat.” Si Mommy Jho ang tinawagan niya pagkatapos. "Mommy, may sakit po ba si Toni? May nakuha po kasi akong gamot sa kanya at para daw po iyon sa mga nagpapagamot na m ay malulubhang sakit."

"Ang alam ko depressed lang siya. Pero di naman siguro ganoon kalala."

May sakit ba si Toni. Ano? Hindi ba dapat ay nagpapagamot ito ngayon kung ganoon kalala ang sakit nito?

MAALIWALAS ang panahon sa labas ng kuwarto ni Toni. Ganoon din naman ang pakiramdam niya. Magaan subalit parang maraming hirap na pinagdaanan. Parang isang maaliwalas na kalangitan na katatapos lamang dumaan sa isang mabigat na bagyo. There was something off there. She couldn’t place what at first.

Nang iikot niya ang paningin sa paligid ay saka niya napansing wala siya sa suite sa tinutuluyang resort. The room had a much more homey feel at it. Bumaba siya ng kama at sumilip sa French door patungo sa verandah ng silid. Wala na siya sa beachfront kundi nasa isang villa sa hilltop. Mula doon ay tanaw niya ang mahabang stretch ng white beach ng Boracay. Pero anong ginagawa niya doon? Di naman siguro siya na-evict sa resor dahil sa paglalasing niya o kaya ay may kung sino na lang dumampot sa kanya sa bar.

Sinapo niya ang noo at pilit na inalala ang mga nangyari nang nakaraang gabi. Magulo pa sa isipan niya kung anong nangyari nang nakaraang gabi ngunit ang alam niya ay nandoon si Rushmore para tulungan siya. Ibig sabihin ay ito ang nagdala sa kanya doon? Baka doon siya nito idinala matapos siyang mawalan ng malay. Ngunit kumunot ang noo niya nang mapansing suot niya ang isa sa mga sundress na dala niya. Nasa paanan din ng kama ang Hermes bag niya. Nang buksan niya ang closet ay naroon na rin ang ibang gamit niya at maayos na nakasalansan. Hindi niya ito nagugustuhan.

Lumabas siya ng kuwarto at nakita niya si Rushmore na nakatayo sa gitna ng sala. He was wearing a pair of beige chino shirt and pants. Nakatalikod ito sa kanya kaya hindi siya nito kausap at humuhulma ang damit nito sa katawan habang may kausap sa cellphone. "May inaasikaso pa ako dito sa Boracay. Uuwi din ako oras na matapos ang inaasikaso ko dito. Anong gusto mong pasalubong ko sa iyo?”

May lambing sa boses nito. Baka naman girlfriend nito ang kausap nito. Posible kayang si Lorna iyon, ang babaeng kasama nito sa recording?

"Wala akong ibang babae dito." Nawala ang ngiti nito nang humarap sa kanya. “I… must be going, Lorna. Bye.” Ipinasok nito ang cellphone sa bulsa. "Gising ka na pala. Feeling better?"

"Nasaan ako?" malamig ang boses niyang tanong.

"Resthouse ko sa Boracay. Wala ka nang malay kagabi kaya dito na kita idinala sa resthouse.” Humalukipkip siya at nakataas ang kilay na niyuko ang sarili bilang pagtatanong kung paano siya nakapagpalit ng damit. “H-Hindi ako ang nagpalit ng damit sa iyo. Si Aling Magda.”

"May kuwarto ako sa resort. Bakit nandito na ang mga gamit ko?”

“Ipina-check out na kita sa resort. I know the owner. Delikadong hayaan kitang mag-isa. Baka kung anong mangyari sa iyo. Naalala mo ba ang nangyari nang nakaraang gabi?"

"Importante bang malaman ko?"

"You were so drunk last night. May isang lalaking nambastos sa 'yo sa bar. Ipinagtanggol kita pero nilayasan mo ako. Tapos muntik kang masaksak ng holdaper sa beach at ipinagtanggol kita. Sa halip na magpasalamat, nagalit ka pa dahil parang gusto mong mamatay. Tapos..." Nag-alangan itong ituloy ang sasabihin at tiningnan ang reaksiyon niya kung alam niya ang susunod na nangyari.

Ikiniling niya ang ulo. "Tapos ano?"

Frustration was written all over his face. Inilahad nito ang palad sa direksiyon ng dagat. "Basta ka na lang lumangoy sa dagat kahit lasing. Muntik ka ng malunod. Buti maagap ako."

Ilang sandali siyang hindi nagsalita. Pakiramdam niya ay may hindi ito ikinukwento sa kanya. Hindi lang niya alam kung ano iyon. Pilit niyang hinalughog sa memorya niya ang sinabi nito pero wala naman siyang maalala maliban sa nangyari sa bar. "Thank you, my hero. Sa dami ng nagawa mo para sa akin, baka may nakalimutan ka pang banggitin."

"May naaalala ka pa?"

Umiling siya. "Wala. Kung wala nang problema, babalik na lang ako sa resort.”

Narinig niya ang pag-uusap nito at ng girlfriend nito. Sinabi nito na wala itong kasamang babae doon. Oras na malaman ng iba na magkasama sila sa isang resthouse, mas malaking gulo. Ayaw niya ng gulo. Kung siya ang tatanungin, mas mabuting maglaho na lang siya ng tahimik.

Pinigilan nito ang kamay niya. "Sandali. Iniligtas kita tapos basta mo na lang akong iiwan. At hindi rin ako papayag na basta-basta kang umalis dito. Mag-isa ka lang dito. Napatunayan ko kagabi na hindi iyon safe.”

“Are you offering yourself to be my bodyguard or a nanny?”

“A vacation partner. Spend one whole day with me. Kung ayaw mo na akong kasama, hindi na kita kukulitin. Ihahatid ko kung saan mo man gusto. Deal?” tanong nito at inabot ang kamay sa kanya.

Ginagap niya ang kamay nito. “Deal.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.