"Ang ganda dito. Parang pwede mong kalimutan ang lahat. Parang masarap mag-snorrkeling, diving, windsurfing, kiteboarding ," sabi ni Toni at excited na ikinawkaw ang paa sa tubig. Nakasakay sila sa paraw o sailboat na karaniwang transportasyon sa Boracay.
Hindi alam ni Toni kung bakit pumayag siya sa deal ni Rushmore. Dapat ay nakamukmok siya sa isang lugar. Hindi nag-iikot ng Boracay at nag-e-enjoy. She was already hopeless about her case. She already gave up. Pero hindi naman niya magawang balewalain ang pagtatangka ni Rushmore na pasayahin siya.
“You haven’t tried it?”
Umiling siya at uminom ng mineral water. “Hindi pa.”
Pero ilang beses ka nang pumunta ng Boracay.”
"Mas gugustuhin kong matulog na lang. Ginto ang tulog sa akin. Kapag nasa isang lugar ako, wala na akong oras mamasyal. I am too tired to do anything. Ni hindi ako nagsa-shopping."
"You are missing a lot."
"I know," malungkot niyang sabi at yumuko. At sa nalalabing sandali sa buhay niya, di niya alam kung magagawa o mae-enjoy pa niya ang lahat ng gusto niyang gawin.
Hinaplos nito ang nakakunot niyang noo. "Malungkot ka na naman. Sabi ko bawal ang malungkot dito. Look around you. You are in paradise. Nandito tayo para mag-enjoy."
Skeptical pa rin siya kung tama ang ginagawa niya. Parang wala na siyang rason upang maging masaya. Pwede bang maging masaya siya? Na kalimutan niya ang lahat ng problema at magpakasaya. He was right. Maikli lang ang buhay. Gusto niyang i-appreciate ang mga bagay na nasa paligid niya. Gusto niyang maranasan ang mga bagay na hindi pa niya nagagawa noon dahil masyado siyang naka-focus sa trabaho. Masyado siyang abala sa pag-abot sa mga pangarap niya. Nakalimutan na niya ang sarili niya.
“Gusto kong lumipad, gusto kong makita ang ilalim ng dagat, gusto kong umakyat sa bundok at gusto kong gumalaw ng normal nang di pinapakialaman ng iba ang kilos ko.”
Bumakas ang pag-aalala sa mukha nito. “Pero sumakit ang ulo mo kaninang umaga. Baka mamaya sumakit ulit ang ulo mo sa dami ng activities na gagawin mo.”
Nawala ang ngiti sa labi niya. “I…I don’t remember that.”
“Are you sick? ‘Yung gamot na ininom mo kanina parang hindi ordinaryong headache tablet lang. Para ba saan iyon? Anong sabi ng doktor?”
“Wala. Just an ordinary migraine. Baka na-trigger lang dahil nakalimang tequila ako kagabi. I must be wasted,” palusot niya at nakangiting iniwas ang tingin dito. Ayaw niyang sabihin dito ang totoo. Pilit niyang kinakalimutan iyon. Parang walang lugar ang problema niya at sakit niya sa magandang lugar na iyon. Humawak siya sa braso nito. “Please. Huwag mo na akong alalahanin. Sabi mo dapat mag-enjoy ako. Hindi naman ako mag-e-enjoy kung nakatunganga lang tayo dito sa paraw.”
Ginagap nito ang dalawang kamay niya at matiim siyang tiningnan. “Here is the deal. Kapag sumakit ang ulo mo, babalik na tayo sa resthouse. Deal?”
Tumango siya at kinintalan ito ng halik sa pisngi. “You are the best,” sabi niya at tumalon sa tubig.
“Toni!” Pag-ahon niya sa tubig ay narinig niya ang labusaw ng tubig at ang pagyakap nito sa baywang niya. “It’s okay. I got you.”
“I know how to swim. Relax,” natatawa niyang sabi. Ngunit nawala ang ngiti niya nang makita ang pag-aalala sa mukha nito at napalitan iyon ng iritasyon.
“Don’t you dare scare me like that again.”
“You look gorgeous when you are mad.”
“And I don’t want you pulling that daredevil stunt. Sa susunod na takutin mo pa ako, I will kiss you.”
Kumunot ang noo niya. “That sounds more like a reward. Huwag mong gagawin iyang panakot sa mga babae. Even good girls will turn wild.” And she suddenly want to turn wild. She was suddenly tempted to kiss him.
Naalala niya noong bata pa siya at iyon ang lagi niyang naiisip kapag tinititigan ito. Rushmore was every girl’s fantasy. Parang bumalik ang pantasyang iyon.
“This is a nice snorkeling site. Pagkatapos dito, pwede tayong mag-kiteboarding. Ikukuha lang kita ng goggles,” anito at lumangoy ulit pabalik sa paraw. Parang nahalata nito na may hindi siya magandang plano dito.
Natawa siya sa sarili. She was a woman lots of of men fantasize about. Tapos ay takot sa kanya si Rushmore. Samantalang ito naman ang humamon sa kanya.
Pwede nga niyang kalimutan ang lahat ng dinadala niya kapag kasama si Rushmore.
UMUUGONG ang tainga ni Toni nang umahon mula sa tubig at tanggalin ang helmet niya. Nag-underwater fish feeding sila ni Rushmore na isa sa mga dati na niyang gustong gawin. Tinutop niya ang tainga niya.
"Hey! Nag-enjoy ka ba?" tanong nito ngunit di niya gaanong narinig. Hinawakan nito ang balikat niya. "Are you okay?"
"Yes. Umuugong lang ng konti ang tainga ko. Ano ulit ang tinatanong mo? Di kita gaanong narinig?"
"Nag-enjoy ka ba?" tanong nito at inilapit ang labi sa tainga niya.
Humagikgik siya. "Nakikiliti ako."
"Kung alam ko lang na 'yan lang ang paraan para patawanin ka, lagi sana kitang bubulungan."
"I enjoyed it," aniya at kumapit sa braso nito. "Its like a different world down there. Parang reyna ako ng karagatan."
"You'll look pretty as a mermaid. You'll always look pretty as long as you are happy."
"Sana nga di na matapos 'to. Sana lagi na lang akong masaya." Sana ay walang problema. Sana ay pwede niyang takasan ang lahat ng bagay na nagpapalungkot sa kanya.
"Anong gusto mong kainin?"
"Anything native or exotic."
"Exotic, huh! Tingnan natin kung hanggang saan ang tapang mo."
"Try me."
Sa isang native na restaurant sa Puca Beach sila pumunta. Nagtataka siyang tumingin kay Rushmore dahil mukhang may event doon. May nagkakantahan sa videoke at paikot ang mga mesa.
"Sa ibang restaurant na lang tayo. May okasyon yata."
"Hindi 'yan. Pumasok ka na lang."
"Mokong, tamang-tama ang dating mo. Nagkakasiyahan na kami dito," sabi ng isang lalaki na sa palagay niya ay nasa singkwenta anyos na.
"Mokong?" tanong niya.
"Nickname ko 'yon."
"Tatay Ben, si Toni po, kaibigan ko. Toni, si Tatay Ben. Siya ang may-ari ng restaurant na 'to at parang tatay ko na siya."
"Halos dito na lumaki 'yang si Rushmore sa amin. Waitress dito ang nanay niya at siya naman nagtitinda ng kung anu-ano sa mga turista. Minsan naglalako siya ng kakanin na luto ng nanay ko. Kaya nga nadiskubre siyang artista."
Hindi kaila sa kanya ang hirap na pinanggalingan ni Rushmore. Naglalako ito ng kakanin nang mapansin ni Mama Jho na nagbabakasyon sa Boracay kasama ang iba nitong talents. Disisais anyos lang ni Rushmore noon at kinumbinsi nitong lumuwas sa Maynila. Noong una ay nagmodelo lang si Rushmore subalit napansin agad ng mga tao ang kaguwapuhan nito at nagkaroon ng mga offer na umarte para sa isang teen show. He became a hit since then. He even got an acting award at the age of eighteen. Multi-platinum recording artist din ito at sumulat ng sarili nitong kanta. Twenty-five na ito nang magdesisyong mag-quit sa showbiz para sa mas tahimik na buhay. Gusto nitong mag-aral gaya ng pangarap ng ama nito at magkaroon ng sariling negosyo.
Parang isang fairy tale ang kwento nito na inspirasyon niya noon. Pero ngayon lang niya nakilala ang mga taong naging parte ng buhay nito noong nagsisimula pa lang ito.
"Ben, si Rushmore ba 'yan?" anang matandang babae na nakatungkod.
“Opo, Inang. May kasama pa pong magandang babae,” sagot ni Mang Ben.
Lumapit si Rushmore dito at nagmano. Inalalayan nitong umupo sa tumba-tumba ni Nana Puring. “Happy Birthday po.”