“Salamat pala sa regalo mong ipinadala noong isang linggo. Sayang at hindi ka agad nakauwi dito. Tinatanong ka ng mga bisita. Kulang ang birthday ko kapag hindi ka kumakanta.”
“Kakantahan ko po kayo mamaya.”
“Gusto kong makita ang kasama mong babae,” sabi ni Nana Puring at inilahad ang kamay sa kanya. “Ineng, lumapit ka at malabo na ang mata ko. Gusto kong makita kang mabuti.”
Lumapit siya kay Nana Puring at nagmano. “Happy Birthday po. Ako po si Toni, kaibigan po ni Rushmore.”
Tiningnan siya nito mula ulo hanggang paa at nagtagal ang tingin sa mukha niya. “Maganda ka. Kamukha mo ‘yung napapanood namin sa TV.”
Nakititig din si Mang Ben. “Oo nga. Kamukha mo ‘yung singer na si Toni. Mas maganda ka naman doon sa napapanood namin sa TV. Sa palagay namin maganda lang iyon dahil maraming make up. Ganoon naman ata ibang artista,” sabi ni Mang Ben. “Saka ang balita namin may kasungitan ang isang iyon. Mukha ka namang mabait.”
“Pero maganda ang boses niyan,” sabi ni Rushmore at pinisil ang balikat niya.
“Sana kantahan mo ako mamaya, Toni. Iyon man lang ang iregalo mo sa akin,” sabi ni Nana Puring.
“Opo. Wala pong problema.” Gusto niyang kumanta lalo na kung masaya siya. And she felt so good right now. Kahit siguro magdamagan ay kakanta siya hanggang mawala ang boses niya.
“Pero kumain muna kayo,” sabi ni Nana Puring. “Magpapahanda ako. Marami kaming bagong menu na gawa ni Ben. Tiyak na magugustuhan ninyo iyon.”
Hinainan siya ng adobong palaka, ginataang suso at kung anu-ano pang exotic food. She ate them with gusto.
“Pwede ka naman palang hindi mag-diet,” puna ni Rushmore.
“Ganito lang kinakain ko noon. Paborito ko ang pritong palakang bukid. Kapag wala kaming pera, ganito lang hinuhuli namin sa bukid o kaya suso. Ipinagluluto ako ni Nanay,” aniya at biglang nakaramdam ng lungkot. Nami-miss niya ang nanay niya.
“Ano? Bigla ka na namang nalungkot. Dapat siguro simulan na natin ang kantahan para ganahan ka.”
Pumunta ito sa stage at tumipa ng gitara. Natahimik ang ibang guest at napunta dito ang atensiyon. “Hey! Join me up here on stage,” anito at sinenyasan siyang lumapit.
Excited siyang pumunta sa stage at mahigpit na hinawakan ang microphone. Ilang araw na siyang hindi kumakanta at humahawak ng microphone. Matagal na siyang hindi kumakanta para magpasaya sa iba bilang isang simpleng tao. Na masaya siyang kumanta lang.
Muli niyang narinig ang matinis na tunog. Hindi na niya marinig mabuti ang tunog ng gitara. Nahihintatakutan siyang tumingin sa paligid at nakita niya ang antisipasyon sa mukha ng mga naroon. Tumingin siya kay Rushmore na sumesenyas na oras na para pumasok siya.
Wala siyang marinig. Hindi niya alam kung ano na ang tamang nota at tamang tiyempo.
"I am sorry. Gusto ko na sanang umuwi. Excuse me."
Nanlalamig ang buong katawan niya nang tumakbo palabas ng restaurant. Wala na naman siyang marinig. Nawala na ang lahat ng kaligayahang nararamdaman niya at napalitan ng matinding takot. Her voice was her bread and butter. She was a born singer. At ang pinakanakakatakot na pwedeng maranasan ng isang taong nabubuhay sa pagtatanghal ay ang walang marinig kung kailan oras na para kumanta siya. Hindi niya kayang humarap pa sa mga ito. Pakiramdam niya ay nawalan na siya ng hangin para huminga.
Hinabol siya ni Rushmore. Naramdaman niya ang tensiyon nito habang sinasabayan siya nitong maglakad. At kahit na hindi niya tingnan si Rushmore ay alam niyang galit ito sa kanya. Basta na lang siyang nag-walkout sa harap ng mga kaibigan nito.
“I am sorry, Rushmore. Hindi maganda ang pakiramdam ko. Hindi ako makakakanta. Gusto kong magpahinga. Kung gusto mo bumalik ka doon. Hayaan mo na lang ako,” nausal na lang niya nang pumara siya ng motorsiklo. Nang sumakay siya tricycle ay sumakay din ito sa tabi niya. Hindi niya naintindihan ang sinasabi nito subalit naroon ang determinasyon sa mga mata nito na huwag palagpasin ang ginawa niya. Dahil di siya sumagot, sa huli ay tumahimik din ito.
Iyon na yata ang pinakamahabang sandali sa buong buhay niya. Ayaw niyang manakit ng ibang tao o maging bastos. Pero kanina ay wala siyang nagawa kundi tumakas na lang. Hindi niya alam kung paano haharapin ang lahat o kung paano aamining wala na siyang marinig.
Tuloy-tuloy siya sa paglalakad paakyat ng burol papunta sa villa nito. Paunti-unti niyang naririnig ang pagbalik ng boses nito. Nasa loob na siya ng villa nang haklitin nito ang braso niya. Namumula na ito sa matinding galit. "This is too much. Pwede mong basta na lang balewalain ang nararamdaman ko, ng pamilya mo at ang ibang tao sa paligid mo. Pero hindi ako papayag na bastusin mo ang mga taong malapit sa akin. Idinala kita doon dahil akala ko magiging masaya ka kapag kumanta ka. Naalala mo noong kumakanta ka nang walang bayad. Basta may makinig lang sa iyo at mapansin ka lang. Singing makes you happy. If you want money..."
Sinapo ng palad niya ang tainga niya. "Wala akong marinig kanina. Hindi ako makakanta dahil wala akong marinig."
Hinawakan nito ang balikat niya. "Ano bang nangyayari sa iyo? Paanong wala kang marinig?" tanong nito sa mahinang boses.
"I have acoustic neuroma. It is a tumor in my brain thats eating up my hearing. Kaya hindi kita marinig, hindi ako makakanta. At dadating ang panahon na papatayin din ako ng tumor na 'yon. Naiintindihan mo ba? Mamamatay na ako!"
Pumasok siya sa kuwarto nito at nagkulong. Kinatok ni Rushmore ang pinto. “Toni, let’s talk. You can’t just drop a bomb like that. Tapos magkukulong ka sa kuwarto. Mag-usap tayo.”
Tinakpan niya ng palad ang tainga niya. “Leave me alone. Please. You’ve got your whole day. I did my part of the bargain. Ako naman. Pabayaan mo na ako.”
Mahabang katahimikan ang lumipas at akala niya ay umalis na ito. “Kung anuman ang maitutulong ko, sabihin mo lang sa akin. You can’t face this alone. Nandito lang ako.”
Nakatakip pa rin ang palad niya sa tainga niya. Ayaw na niyang makarinig pa ng salita ng pag-asa mula dito. No. Wala itong magagawa para sa kanya. Sumusuko na ang katawan niya at sumuko na rin ang puso niya.
Pakiramdam niya ay nagsasara ang mundo sa paligid niya. Nilalamon siya ng buhay. Hindi na siya makahinga. Gusto na lang niyang maglaho ng tuluyan sa mundo para matapos ang paghihirap niya. Gusto na niyang tapusin ang lahat.