Magandang pagmasdan ang paglubog ng araw. Mistulang ginto ang langit at ang dagat sa baba ng kinatatayuan niya. Isang magandang pagtatapos ng araw. Isang pagtatapos para sa kanya habambuhay.
Matapos mawalan ang pandinig niya sa harap ng maraming tao ay nakita niya kung ano ang magiging buhay niya. Wala na siyang maririnig. Hindi na siya makakakanta. Ultimo sarili niyang boses ay hindi na niya maririnig. Hindi niya kayang mabuhay nang parang walang silbi. Hindi niya kayang mabuhay nang kinaaawaan ng lahat.
Tumingin siya sa bangin sa ibaba. Nasa gilid siya ng bangin na di kalayuan sa villa. Sinamantala niyang umalis habang walang taong nakakakita sa kanya. Gusto siyang kausapin ni Rusmore kanina tungkol sa sakit niya. Ano pa bang kailangan nito sa kanya? Sinabi na niya dito ang tungkol sa sakit niya.
Ayaw na niyang marinig ang sasabihin nito. Hihikayatin siya nitong mabuhay tulad nang ginawa nito kanina. Niloloko niya ang sarili niya. Hindi niya kayang takasan ang katotohanan sa kondisyon niya.
Tumingala siya sa langit at humingi ng tawad sa gagawin niya. Pero hindi niya kayang makita ang awa sa mata ng mga tao. At lalong di niya kayang makitang pinagtatawanan ng mga taong galit at may ayaw sa kanya dahil sa kinasadlakan niya. Wala nang bukas na naghihintay sa kanya sa mundong iyon.
Everyone hates her. Ginagawan pa niya ng pabor ang lahat kung maglalaho siya. Hindi siya kawalan sa mundo. Walang iiyak para sa kanya kahit mawala siya.
“Toni, no!” sigaw ni Rushmore at niyakap ang baywang niya.
“Pabayaan mo ako!” sigaw niya at nanlaki ang mata nang ilayo siya nito sa bangin.
“Kung anuman ang pinaplano mo, kalimutan mo na!” angil nito. Napahiyaw siya nang buhatin siya nito papasok ng bahay. “Habang nandito ako, hindi kita hahayaang mamatay.”
“Bakit mo pa ako pinigilan?” angil niya at binayo ang dibdib nito. “Gusto ko nang mamatay. Hayaan mo nang matapos ang paghihirap ko. Hindi ko na kaya.”
Ibinaba siya nito sa kama ng kuwarto niya. “Hindi ka pwedeng basta na lang sumuko. Nasaan na ang kilala kong Toni na matapang at hindi natatakot?”
Umiling siya at niyakap ang sarili. “Wala na. Wala na siya. Tawagin mo na akong duwag pero takot na takot na ako. Ayokong mabuhay ng ganito.” Mariin siyang pumikit at hinayaang dumaloy ang luha sa mata niya. “H-Hindi ko na kaya ang sobrang sakit. Mamamatay din naman ako, bakit kailangan ko pang patagalin ang paghihirap ko?”
Pinahid ng kamay nito ang luha niya. “Shhh… listen to me. Hindi ka mamamatay. Nakausap ko ang isang expert sa sakit mo. Sabi niya malaki ang survival rate at may ospital na gumagamot sa may acoustic neuroma. There’s surgery and gamma knife radiation. Parehong makakatulong ‘yon para mabuhay ka.”
“At kung mabubuhay ako, mabibingi naman ako,” aniya at matalim itong tiningnan. “Maswerte ako na naririnig kita ngayon. Pero paano sa mga susunod na panahon? Wala pang nagkaroon ng acoustic neuroma ang na-preserve ang pandinig. Isa o dalawang taon okay lang lahat. Pero sa pagtagal-tagal, nawawala na rin ang pandinig ang pasyente. I-I can’t afford to live like that. Trabaho ko ang pagkanta. Paano ako makakakanta kung wala akong marinig? Ano pang silbi ko sa mundo?”
“Pero may posibilidad pa rin na makarinig ka. Marami nang technology ngayon. Malay mo may new discovery sila. Malay mo makapamuhay ka pa ng normal.”
Umiling siya. “Pagod na ako. Kaya kong tanggapin na mawawala ang pandinig ko. Kaya kong tanggapin ang sakit ko. Pero wala na akong rason para mabuhay. Walang nagmamahal sa akin, Rushmore. Pakiramdam ko mag-isa na lang ako.”
“Ang pamilya mo? Mahal ka ng pamilya mo. Hindi ba noong nakaraang nagkausap tayo sabi mo aayusin mo ang problema.”
Tulala siyang umiling. “Hindi na maaayos ang problema. Ako ang sinisisi nila dahil sa panunugod ng fans ko kay Aya. Kinalimutan na nilang pamilya nila ako. Inabandona na nila ako.”
“Sigurado ako na pupuntahan ka nila oras na malaman ang kondisyon mo.”
Mapait siyang ngumiti. “Ayokong malaman nila ang tungkol sa sakit ko. Masaya na sila sa buhay nila. Bibigyan ko pa ba sila ng pasanin? Baka mamaya iniisip nilang ginagamit ko lang ang sakit ko para guluhin na naman ang buhay nila o nagpapa-guilty ako.”
“Hindi naman siguro ganoon ang pamilya mo.”
Iniwas niya ang tingin dito. “Hindi na nila ako kailangan. Mas magiging masaya sila kung wala ako sa buhay nila.”
“Si Mommy Jho tiyak na magpa-panic oras na malaman niya ito. Parang pangalawang ina ka na niya.”
Pagak siyang tumawa. “Ano pang silbi ko kay Mommy Jho oras na malaman niyang wala na akong pandinig at hindi ako makakakanta? Ano pang suporta ang makukuha ko sa kanya?”
Umiling siya. Mahal siya ni Mommy Jho hangga’t may pakinabang ito sa kanya. Pero oras na wala na siyang career, ano pang magmamahal ang makukuha niya dito? Marahil ay di tulad sa pag-aasikasong ginagawa nito sa kanya ngayong siya ang star nito.
“Your fans. Mahal ka ng fans mo. Nasa kinalalagyan mo ikaw ngayon dahil sa kanila. Oras na malaman nila ang kondisyon mo, bubuhos ang suporta nila sa iyo.”
“Hanggang kailan?” malungkot niyang tanong. “They love me because they love my voice. Hindi na ako makakakanta. Makakahanap pa sila ng ibang singer at celebrity na hahangaan nila. Iiwan din nila ako. At sino pa ang sa palagay mo magmamahal sa akin? Ang mga katrabaho ko? They hate me. Oh! My detractors. Tiyak ko na magsasaya sila oras na mawala ako sa mundo. So you see, ginawan ko ng pabor ang marami kapag nawala ako sa mundo.”
“Ako ba hindi mo naisip?”
“Ikaw?” gulat niyang tanong. “Oo nga pala. Di naman maganda kung dito ako magpapakamatay. I’ll go someplace else. Hindi mo na ako kailangang intindihin na baka madamay ka pa sa mangyayari sa akin. Matatahimik ang konsensiya mo.”
“Will you shut up? Hindi ako papayag na mamatay ka. Mahal kita!”
PARANG nabingi si Toni sa narinig at nahigit niya ang paghinga. Hindi siya makagalaw at maang nakatitig dito. “M-Mahal mo ako?” Mali yata ang narinig niya. Baka dala iyon ng tumor niya sa utak kaya kung anu-ano ang naririnig niya.
“Oo. Mahal kita.”
“No. That’s not true. Sabi mo sa akin noon na di kita mahal. Pinagmukha mo nga akong tanga at ipinahiya mo ako, hindi ba? Sabi mo hindi ako ang tipo ng babaeng mamahalin mo.”
Hindi mapigilang bumangin ang hinanakit niya dito. Kahit kay Phil ay hindi niya nagawang iparamdam ang klase ng pagmamahal na ibinigay niya kay Rushmore. At walang kasing sakit din nang tanggihan siya nito.
“Sinabi ko iyon para hindi makahadlang sa career mo. Maganda ang buhay na naghihintay sa iyo noon. Natutupad na ang mga pangarap mo. Kailangan kong pigilan ang nararamdaman ko para sa iyo.”
“Nang okay na ako, hindi mo ako binalikan.”
“Dahil nariyan na si Phil para sa iyo. Nakita ko na masaya ka sa kanya. Kung ano ang magpapasaya sa iyo, iyon lang naman ang mahalaga sa akin.”
“Rushmore, hindi ako naniniwalang mahal mo ako. Parang hindi totoo.”
“Then you’d better believe this.”