Di pa sumisikat ang araw ay gising na si Toni. Nagkakaingay na ang mga manok at kambing sa tabing bahay. Naririnig din niya ang mumunting boses ng mga trabahador na papunta sa sagingan. Nauulinigan din niya ang kalampagan at kwentuhan ng mga naninilbihan sa bahay nila Rushmore. Mukhang naghahanda na ng agahan ang mga tao doon. Umaga pa lang ay buhay na ang paligid. Kaya kahit na hinihila pa siya ng kama pabalik para matulog muli dahil sa malamig na simoy ng hangin ay pinili niyang bumangon na at maghilamos. Nasa probinsiya siya at ang alam niya ay kostumbre na ng mga tao doon na gumising ng maaga. Hindi maganda ang impresyon ng mga ito sa mga taong tinatanghali ng gising sa higaan.
Isinuot niya ang robe niya at tumuloy sa kusina na siyang sentro ng aktibidades sa buong kabahayan. Kanya-kanyang trabaho ang mga kawaksi nang makita niya. Kahit ang mayordomang si Manay Doray ay naghihiwa ng mga sangkap sa agahan habang nagmamando. Si Rushmore ay gising na rin at nakaupo sa stool habang umiinom ng gatas.
“Magandang umaga po!” bati niya.
Gulat na tumayo si Rushmore at sinalubong siya. “Ang aga mo namang gumising. Matulog ka muna.”
“Kung babalik pa ako sa kuwarto para matulog, wala na akong itutulog. Sasakit lang ang ulo ko kung mahihiga lang ako samantalang lahat kayo dito gising na.” Pinagmasdan niya ito. Mabangong-mabango ito dahil bagong ligo ito at nakabukas pa ang butones ng checkered polo na suot nito. “May pupuntahan ka ba? Bihis na bihis, ah!”
“Iche-check ko ‘yung mga pataba kung pwede nang anihin.”
“Anihin?”
“We are into organic farming. Kami rin ang gumagawa ng sarili naming pataba. Kaya maganda rin ang ani namin dahil organic ang sistema namin dito. At gusto ko na ma-monitor ang progress ng farm dahil mahigit isang linggo rin akong nawala.”
“Artista, singer, song writer, businessman at hands-on farm manager. Pinapahanga mo talaga ako.”
“Oo na. Guwapo na ako. Alam ko na iyon. Huwag ka nang masyadong humanga.”
Humawak siya sa braso nito. “Sasama ako sa iyo. Gusto kong makita ang operasyon ng farm at kung paano ka magtrabaho.” It was a new experience for her. Bagama’t galing sa hirap ay sa lungsod na siya lumaki. Hindi niya naranasan ang buhay sa probinsiya na sa kwento lang ng nanay niya naririnig.
“Dito ka na lang. Masyado kaming maraming ginagawa ngayon. Hindi kita maaasikaso.”
Nanghaba ang nguso niya. “Sinasabi mo ba na malaking abala ako.”
“No. But you are a big distraction. Isipin mo kung may kasing ganda mo na nag-o-observe sa mga tauhan ko. Mako-conscious tiyak sila o kaya tititigan ka na lang. Paano pa nila magagawa ang trabaho nila? Paano ako makakapag-concentrate sa trabaho ko?”
Iniikot niya ang mga mata. “At pupunta ka sa trabaho nang nakabukas ang butones ng polo mo? Masyado mong ibinabandera ang spectacular abs mo. Sasakit ang tiyan mo kapag nagkandaduling ang mga babae sa pagtitig sa iyo. Hindi yata magandang work practice ‘yan, Boss,” aniya at isa-isang isinara ang butones ng polo nito. “You look better now.”
“Ikaw lang yata ang babae na narinig kong umangal sa abs ko.”
“Wala naman akong angal sa abs mo. I love it very much.” Sinadya niyang idiin ang very much. “Depende lang kung sinong makakakita.”
Kinudlitan nito ang dulo ng ilong niya. “So you are selfish?”
“About your abs? Yessss!”
Isang malakas na halakhak ang pinakawalan nito. “The great Toni Fabregas isn’t any different from other normal girls. Matapos ang lahat ng pagmamahal na ibinigay ko sa iyo, katawan ko lang din ang hanap mo?”
Hinampas niya ang balikat nito. “Umayos ka nga ng sinasabi mo. Baka mamaya isipin nila dito na ganoon ako kababaw. Pumunta ka na sa farm para makabalik ka agad. Sasabayan mo ako na mag-breakfast.”
“I will try. Gagawin ko agad ang trabaho ko.” Kinintalan siya nito ng halik sa labi. “I love you.”
Nakatulala lang siya dito at wala sa sariling pinagmasdan ito habang papalayo. Iba talaga siya kay Rushmore. She could show her flirty side with him. She could even joke. Halos wala na nga siyang itatago dito. Noong nobyo niya si Phil ay masyado siyang reserved. Hindi siya masyadong sweet dito. Kailangan kasi niyang laging isipin ang opinyon ng ibang tao at ang sasabihin ng pamilya Phil na mula sa may sinasabing angkan. As if the public owned her.
Habang kay Rushmore ay malaya na siyang ipahayag ang nararamdaman niya. Hindi siya natatakot sa sasabihin ng iba. Parang nagiging totoo siya sa sarili niya. And it was liberating because she could smile and laugh and be true to her feelings. Pero nadodoble ang sayang nararamdaman niya kapag sinasabi nitong mahal siya nito. Hanggang ngayon ay di pa rin siya sanay na sinasabihan nito ng “I love you”. It was like a dream. Natatakot siyang gumising isang araw na hindi pala totoo ang lahat at isang panaginip lang.
“Ma’am, inumin na po ninyo ang gatas ninyo,” sabi ni Manay Doray nang lapitan siya sa pinto ng mansion at ihinahatid ng tingin si Rushmore.
Kinuha niya ang baso mula dito. “Salamat po. Hindi na po sana kayo nag-abala. Pabalik na rin naman po ako sa kusina.”
“Huwag po sa kusina. Magulo po doon. Maganda po sa balkonahe. Hindi pa naman po mainit kaya po tiyak po na magugustuhan ninyo doon.”
Tinungga niya ang gatas. “Hindi po. Tutulong po ako sa inyong maghanda ng agahan.”
Nagulat ito. “N-Naku po! Nakakahiya naman po kung pati kayo magtatrabaho. Bisita po kayo ni Sir Rushmore.”
“Manay Doray, huwag na po ninyo akong tratuhin na iba. Wala naman po akong gagawin dito sa bahay. Maiinip lang po ako lalo na’t hindi ako isinama ni Rushmore sa sagingan. Kung hindi po ninyo naitatanong, laki po ako sa hirap. Noong bata po ako tumutulong pa po ako sa nanay ko sa mga gawaing-bahay. Panganay po kasi ako kaya ako po ang nag-aasikaso sa pangangailangan naming magkapatid kapag nasa trabaho si Nanay.”
“Pareho pala kayo ni Sir Rushmore na laki sa hirap. Hindi po kasi halata dahil sikat kayong artista. Pwede po kayong tumulong pero iyong magagaang trabaho lang.”
“Ano po bang iluluto pa ninyo?” tanong niya.
“Hot cake po. Paborito po iyon ni Sir Rushmore.”
Pinagkiskis niya ang mga palad. “Wala pong problema. Kaya ko pong magluto ng hotcake.” At nakaisip na siya ng special hotcake recipe.
Noong una ay nakita niya ang pag-aalinlangan sa mukha ng mga kawaksi nang pumasok siya sa kusina at ianunsiyo ni Manay Doray na tutulong siya. Pero nang magsimula na siyang gumawa ng hotcake batter ay nakita ng mga ito na alam niya ang ginagawa niya. Banana hotcake at mango hotcake ang naisip niyang gawin dahil ang mga iyon ang available na prutas. Gumawa siya ng marami para makatikim ang lahat.
“Magugustuhan ito ni Sir Rushmore,” sabi ni Manay Doray.
“Mabuti naman po. Kinakabahan po ako talaga.”
“Mabuti naman po at idinala na kayo dito ni Sir Rushmore sa wakas. Dati ko pa po siya tinatanong kung kailan siya mag-aasawa. Hindi naman po kasi gaanong nagdadala ng babae dito si Sir. Masyadong pihikan. Si Ma’am Lorna lang po ang pumupunta dito.”
“S-Si Lorna po? Yung kaibigan niya?”
“Opo. Botong-boto nga po doon si Ma’am Marjorie. Mga bata pa lang po sila gusto na sila ng mga magulang nila sa isa’t isa. Akala nga po namin sila na ang magkakatuluyan dahil siya lang naman ang babaeng malapit kay Sir Rushmore. Pero nang dumating kayo, mukhang mali po ang hinala namin. Kitang-kita po namin na gustong-gusto kayo ni Sir Rushmore. Nakakakilig.”
“Kung alam lang po ninyo ang istorya namin,” nangingiti niyang sabi. “Sinubukan ko pong ligawan iyan dati pero binasted po ako.”
“Baka nga para po kayo sa isa’t isa.”
Sana nga ay sila ni Rushmore ang para sa isa’t isa. He was a precious gift.