TUMATAAS NA ang sikat ng araw at malamig na ang agahan pero hindi pa rin dumadating si Rushmore. Nakasimangot na si Toni dahil hindi niya ito ma-contact sa cellphone nito. Nakalimutan na yata nito na naghihintay siya para makasalo itong mag-agahan.
“Ma’am, huwag na po ninyong hintayin si Sir Rushmore,” sabi ni Manay Doray nang balikan siya sa garden. “Kumain na po kayo. Magugutom lang kayo at manghihina kung siya pa ang hihintayin niyo. Malamang po naging busy na iyon sa trabaho kaya di po agad makabalik.”
Sumubo siya ng sinangag na kanin at chicken tocino. “Paano po ‘yon? Hindi na lang po siya kakain? Malilipasan po siya ng gutom.”
“Ganoon po talaga iyon oras na tumapak sa sagingan. Nakabaon na po ang atensiyon sa trabaho. Hayaan po ninyo babalik naman po siya sa tanghalian.”
“Manang, pakiinit na lang po ang mga ito. Dadalhin ko po sa sagingan para makakain si Rushmore. Baka po mamaya gutom na po iyon. Magkasakit pa.”
“Mabuti pa nga po, Ma’am. Tiyak na hindi niya kayo matatanggihan.”
Excited siyang nagbihis ng damit. Mabuti at may long sleeve polo siya na isinusuot niya kapag gusto niyang lumabas at mag-disguise. Pinaresan niya iyon ng pantalong maong. Nagmagandang-loob naman si Manay Doray na ipahiram sa kanya ang boots at sumbrero ng anak nito na dating trabahador doon at ngayon ay nag-aaral na sa siyudad. Tiyak na masosorpresa si Rushmore kapag nakita siya at ang dala niyang pagkain para dito.
Nakangiti siyang lumapit sa reception desk. "I want to see Rushmore. May dala akong agahan para sa kanya."
"Sandali lang po, Ma'am."
"Excuse me, bakla. Nauna ako kay Fafa Rushmore. Kung gusto mong magbigay ng pagkain at pagmamahal, hintayin mong matapos ako."
"Si Miss Toni Fabregas 'yan. Hindi mo ba nakikita?"
Isang nakakainsultong tawa ang pinakawalan ng bakla. "Toni Fabregas? Hoy, bakla! Magaling lang ang nagretoke sa 'yo o magaling ka lang manggaya kaya nauuto mo ang iba na ikaw si Toni Fabregas. Close kaming dalawa. Alam ko nasa Amerika siya ngayon. Akala mo, huh! Ini-impersonate ko din siya kapag may Miss Gay sa baranggay. Kanta pa niya ang talent ko. I finally find my song and its you. I've been waiting for someone like you woooooo..." Parang alulong ng aso ang birit nito at napangiwi na lang siya. Ganoon ba karami ang gumagaya sa kanya at di na siya pinaniniwalaan ng mga tao o mas maganda na ang mga bading sa kanya? Dapat ba siyang ma-insecure?
"Mukhang maganda ang umaga mo, Johnston."
Isang matinis na tili ang pinakawalan ni Johnston at yumakap sa baywang ni Rushmore. "Ay! Maganda talaga ang araw ko basta nakikita kita. Hindi ka pa yata kumakain. Ipinagdala kita ng choco banana. Masarap 'yan."
"Sige titikman ko mamaya. Thank you."
"Babalik na ako sa tindahan. Bukas ulit. Kung may request kang pagkain, sabihin mo lang sa akin. Ibibigay ko ang lahat ng gusto mo."
"Kaya naman pala hindi ka bumalik para mag-breakfast. May Johnston ka na dito na magdadala ng agahan para sa 'yo."
"Huwag mong sabihing nagseselos ka?"
Inirapan niya ito. "Ewan ko sa 'yo. Kanina pa ako naghihintay sa 'yo."
"I am sorry. I am just tied up here. Kumain ka na ba?"
"Konti lang. Hinihintay kasi kita. Kaya dinala ko na lang ang breakfast natin dito. Pero kung sobrang busy ka ngayon, babalik na lang ako sa bahay ninyo."
Pinigilan nito ang braso niya. "I can take a break. Hindi pa kita naipapasyal sa lahat ng magagandang lugar dito. I will bring you to my favorite place."
Sa isang batis siya nito idinala. May mga babaeng naglalaba at mga batang naliligo. Idinala siya nito sa bungad ng batis kung saan walang tao. "Hindi ko inaasahan na may ganito pa kaganda at kalinis na lugar."
"Boundary ito ng lupain ko. Ito ang dahilan kung bakit binili ko ito. May lugar na pwede akong mag-relax at mapag-isa. Now I am sharing it with you."
Huminga siya ng malalim at umupo sa malapad na bato. "Just the place I need. Nakakahinga ako dito. Parang wala akong kailangang isiping problema."
"Mas hindi mo maiisip ang problema mo kapag busog ka. Ano bang iniluto nila para sa agahan."
Binuksan niya ang binalot na dahon ng saging. "Chictosilog. Chicken tocino, sinangag at itlog."
Nagkainteres ito sa pagkaing nakabalot sa foil at binuklat. "Wow! Hotcake!"
"Banana hotcake at mango hotcake 'yan. Ako ang nagluto."
"Bakit ka pa nagpagod? Ang bilin ko sa bahay huwag kang masyadong pakilusin dahil baka makasama sa 'yo."
"Hotcake lang iniluto ko. Besides, brain tumor lang meron ako. Hindi naman ako imbalido. Gusto din kitang pagsilbihan. Konti lang 'yan para sa mga nagawa mo para sa akin. Saka marunong naman akong magluto. Sila Manay Doray ang unang tumikim niyan. Di naman bumula ang bibig nila."
"Hindi ko naman iniisip iyon." dinampot nito ang tinidor at pumiraso ng mango hotcake. "Masarap ka talagang magluto. Naalala mo noon ipinagluluto mo ako?"
"Noong nililigawan pa kita?" tukso niya dito.
"Natutuwa ako na bumabalik na ang dating Toni na kilala ko. 'Yung masayahin at marunong magbiro. Na-miss ko ang Toni na 'yon."
"Na-miss ko rin siya." Napaka-idealistic pa niya noon – positibo at puno ng pangarap. Parang walang imposible sa kanya noon. Lagi lang siyang nakangiti at masaya.
Matapos kumain ay nagyaya siya dito na umalis na ng batis. "Alam ko na may trabaho ka. Ayokong bumagsak itong sagingan mo dahil lang na-distract ka sa akin."
"Wait! May ibibigay ako sa 'yo." Lumusong ito sa tubig at mukhang pakay nito ang bulaklak ng waterlily. Sinubukan nitong hatakin iyon subalit sa pakikipambuno nito sa waterlily ay bumagsak ito sa tubig.
Isang malakas na tawa ang pinakawalan niya. “Rushmore, ano ba ‘yan?”
Nakasimangot itong umahon sa tubig at hinubad ang damit nito. Hindi na niya nagawang tumawa nang mahantad sa kanya ang magandang katawan nito. He was so hot. Wala siyang kakurap-kurap nang lumakad ito palapit sa kanya habang bitbit ang basang polo sa isang kamay at ang bulaklak ng waterlily sa kabila.
"Pasensiya ka na. Itong bulaklak lang ang nakayanan ko,” wika nito at inabot ang bulaklak sa kanya.
"Okay lang. Hindi ka ba nasaktan?" tanong niya at hinaplos ang dibdib nito. Nate-tempt ang kamay niya na maglakbay pababa.
"Hindi. Kaso kailangan kong bumalik sa mansion para mag-shower at magpalit ng damit."
"Huwag na." Sayang ang view ng abs.
"Anong huwag na?"
"Huwag mo nang uulitin 'yung kanina. Mabuti hindi ka nasaktan."
Kinintalan nito ng halik ang dulo ng ilong niya. "That's so sweet."
Binubuhay ni Rushmore ang katawang lupa niya dahil sa view na iyon. Kung gugustuhin niyang mabuhay ng mas matagal, maaring isa iyon sa magiging dahilan.