MAS abala pa ang lahat kinabukasan nang pumunta si Toni sa kusina. Maging ang likod-bahay ay puno din ng mga kalalakihan. Kakaibang ingay ang narinig niya mula sa likuran na parang may kinakatay.
Dali-dali siyang lumabas ng kuwarto. "Manay Doray, ano pong meron?"
"May handaan kasi ngayon. Wedding anniversary ng pinakamatandang trabahador dito sa sagingan. Mahigit fifty years na po silang kasal kaya po sagot na ni Sir Rushmore ang handa nila. Pasensiya na kung nagising kayo sa ingay ng kinakatay na baboy.”
“Mabait po pala si Rushmore sa mga tauhan niya.”
“Sobra pong bait. Kaya nga po walang umaalis na tauhan niya dito. Nananatiling loyal sa kanya. Masarap po siyang pagsilbihan dahil sobra-sobra ang isinusukli niya sa amin. Kung kayo po ang mapapangasawa niya, tiyak na sobrang swerte ninyo. Siguradong tatagal din kayo tulad ng pagsasama nila Nana Bertha at Tatang Andoy.”
Isang matabang na ngiti ang isinagot niya dito. Hindi niya alam kung anong dapat na isagot dito. Masaya siyang manatili sa lugar na iyon kasama si Rushmore, ang pansamantalang makalimot. Pero hindi siya mananatili doon habambuhay. Naroon lang siya para takasan ang mundo, ang mga problema niya. She was enjoying his love while she still can. Hindi niya alam kung anong kahihitnatnan ng buhay niya.
“Tutulong na lang po ako sa inyo. Baka po pwede rin ninyo akong maturuan ng bagong putahe.”
“Sige. Sabi naman ni Sir Rushmore hayaan namin kayo dito basta huwag kayong hahayaang mapagod.”
“Wala pong problema.” Hindi lang niya masabi na mas gusto niyang nagtatrabaho at napapagod. Mas normal ang pakiramdam niya. Hindi niya naiisip na may sakit siya. At sa ilang araw na kasama niya si Rushmore, she never felt so healthy.
Hindi niya napansin ang paglipas ng oras dahil sa dami ng kailangang lutuin. Animo’y may piyesta silang pinaghahandaan. Hanggang makaramdam siya ng pagod at antok. Nang tingnan niya ang oras ay pasado alas tres na ng hapon. Ipinilig niya ang ulo. Nahihilo na siya sa antok.
“Magpahinga muna kayo, Ma’am. Kami na po ang bahala dito,” sabi ni Manay Doray.
Pinunasan niya ng tuwalyita ang kamay. “Sige po.”
“Mamayang gabi tiyak na mag-e-enjoy kayo sa salo-salong ihinanda namin. Baka ipakilala na kayo ni Sir Rushmore sa mga kanayon namin bilang nobya niya.”
Natawa lang siya. “Hindi ko po iniisip iyon.” Pero dahil nabanggit nito ay di niya mapigilang kiligin. Sasabihin na ba ni Rushmore sa lahat na siya ang babaeng mahal nito?
She felt a bit bad. Parang mali na isipin ng lahat na nobya siya ni Rushmore. She was just enjoying this feeling but she couldn’t commit in a relationship. Unfair kay Rushmore.
Paggising niya ay masakit ang ulo niya. Alas siyete na ng gabi ngunit mukhang hindi pa nagsisimula ang kasiyahan dahil wala siyang ingay na narinig mula sa labas. Muli siyang bumalik sa higaan para matulog pa ng bahagya. Baka sakaling paggising niya ay wala ang sakit ng ulo niya.
Nakakatulog na siya ulit nang bumukas ang pinto ng kuwarto ay pumasok si Rushmore. Umupo ito sa gilid ng kama at bumangon siya. Ngumiti ito at bumuka ang bibig ngunit wala siyang marinig. Wala na naman siyang marinig.
Ngumiti siya at hindi nagpahalata dito. “Magpapahinga lang ako ng konti pero lalabas din ako.”
May sinabi pa ito at kinintalan siya ng halik sa noo bago umalis.
Nanlamig ang buong katawan niya. Wala talaga siyang marinig. Pilit siyang bumalik sa pagtulog. Dati kapag nawawala ang pandinig niya ay itinutulog lang niya. Paggising niya ay okay na siya.
Naidlip siya. Paggising niya ay wala na ang sakit ng ulo niya. Akala niya ay ayos na ang lahat ngunit ugong lang ang naririnig niya. Sumilip siya sa gilid ng bahay kung saan naka-set up ang kasiyahan. Nagkakatuwaan na ang ibang mga bisita. May nagkakantahan at nagsasayawan. Kaya ba niyang makihalubilo sa mga ito nang wala siyang naririnig? Kaya ba niyang magkunwari na normal siya? Paano niya gagawin iyon?
Nakita niya si Rushmore na nakikipag-kwentuhan sa mga bisita at sa mag-asawang Mang Andoy at Aling Bertha. Kumabog ang dibdib niya nang naka-abrisyete dito si Lorna. Hindi niya alam na imbitado din pala ito doon.
Tumawa si Rushmore at ang iba pa sa sinabi nito. Mukhang kasundo ng mga tao doon si Lorna. Isinara niya ang bintana at nanlulumong umupo sa kama. Imposibleng magpanggap siyang normal. Mahirap gawin iyon kundi naman niya naririnig ang sinasabi ng mga ito. Wala siyang magagawa kundi magkulong sa tahimik niyang mundo. Muli ay nakaramdam na naman siya ng pag-iisa.
Kung hindi siya gagawa ng paraan para matalo ang kahinaan niya ay wala siyang puwang sa tabi ni Rushmore.
"NAKAKAINGGIT sila Nanay Bertha at Mang Andoy, hindi ba? Fifty years na silang kasal pero mahal pa rin nila ang isa't isa," sabi ni Lorna na ihinilig ang katawan sa kanya. "Sana ganyan din tayo."
"Ikaw ba kailan magkaka-boyfriend?"
"Alam mo naman na may isang lalaki lang akong hinihintay para pakasalan. Hinihintay ko lang na mag-propose siya sa akin."
Alam niyang siya ang tinutukoy nito. Mga bata pa lang ay malapit na sila sa isa't isa at di kaila sa kanya na gusto nitong maging higit pa sila bilang magkaibigan. Subalit alam niyang malawak pa ang mundo. Gusto ng ama nito na mag-aral ito sa Amerika ngunit gusto nitong manatili sa tabi niya. She won't grow up at all. At gusto niyang mag-explore pa ito at malaman ang totoong gusto nito sa buhay bago ito magdesisyong siya nga talaga ang mahal nito.
"Boss, nasaan na 'yung magandang bisita ninyo? 'yung kasama ninyo sa batis. Baka gusto ninyong ipakilala sa amin,” sabi ng isa sa trabahador na si Mang Kanoy.
"Amo, 'yun na ba ang pakakasalan ninyo? Artista ba 'yon? Parang nakikita ko sa TV,” anang bata-bata pa na si Totoy.
"Sino ang bisita mo?” tanong ni Lorna at ihinarap siya dito. “Hindi ko alam na may bisita kang babae. Naglilihim ka ba sa akin?"
"Bakit naman ako maglilihim? Wala naman akong ginagawang masama. Makikilala mo rin siya."
"I hope it's not Toni Fabregas. You know that I don't like her."
"Why?"
"Dahil... May nagsabing magkasama kayo sa Boracay at hindi mo ako isinama doon,” anito at dinuro siya sa dibdib.
Hindi napigilang lumabas ang mga bali-balita tungkol sa kanila ni Toni ngunit hinayaan na niya si Mommy Jho sa press release. Ang mahalaga ay walang gugulo sa kanila ni Toni.
He patted her head like a good girl. "Be nice to my visitor. Ikaw ang bestfriend ko. Gusto ko magandang impresyon ang matanim sa isip niya sa mga tao dito. Kung pwede nga maging malapit kayo sa isa't isa."
"Gaano ba kaimportante ang bisita mo at kailangan kong pakisamahan?"
Isang mahiwagang ngiti ang ibinigay niya dito. "Susunduin ko lang siya."
Hindi maipinta ang mukha nito. Malaki ang posibilidad na hindi maganda ang maging pagtanggap nito sa pananatili ni Toni sa bahay niya. Kailangan siya ni Toni ngayon lalo na't hindi niya alam kung paano ito kukumbinsihing magpagamot.
Iyon ang pinakamalaking problema para sa kanya. She may not be suicidal anymore but she didn't want to live longer than possible. Ayaw na nitong labanan pa ang sakit nito. Hindi niya alam kung paano ito kukumbinsihin na labanan ang pagsubok na iyon.
"Manay Doray, si Toni po?" tanong niya.
"Pinuntahan ko na sa kuwarto niya at kagigising lang po niya. Baka po lumabas na din siya. Baka po nagpapaganda pa iyon para sa inyo."
"Pupuntahan ko po siya."
Kinatok niya ang pinto ng kuwarto at tinawag si Toni. Nang walang sumagot ay binuksan niya ang pinto at pumasok. Nakahiga pa rin ito patalikod sa kanya. Mukhang natutulog pa ito. Nagdalawang-isip siya kung gigisingin niya ito o hahayaang matulog. Pero tiyak na magagalit ito sa kanya kapag hindi niya ito ginising man lang. Excited ito kanina na makihalo sa mga taganayon. Tumulong pa ito sa paghahanda ng pagkain. Ito rin ang pinakamagandang pagkakataon upang makilala ito ng lahat. Hindi bilang artista kundi bilang babaeng mahalagang parte ng buhay niya.
Magaan niyang niyugyog ang balikat nito. "Toni, wake up."
"Iwan mo muna ako. Masama ang pakiramdam ko."
Hinaplos niya ang buhok nito. "Anong masakit sa iyo?" Hindi ito sumagot. "Hindi ka pa kumakain. Gusto mo padalhan kita ng pagkain para makainom ng gamot?"
"Pabayaan mo na ako."
"Okay. Magpahinga ka muna. Sasabihin ko sa mga bisita na masama ang pakiramdam mo. Anong gusto mong kainin?"
Isang hikbi ang pinakawalan nito sa halip na sumagot. Hindi maganda ang hinala niya sa nangyayari.
Ihinarap niya ito sa kanya. "Naririnig mo ba ako?"
"Okay na ako. Kailangan ko lang magpahinga. Bumalik ka na sa mga bisita mo."
"Naririnig mo ba ako?"
"Pasensiya ka na..."
Iba ang sagot nito sa mga tanong at sinasabi niya. Mukhang hindi lang simpleng sakit ang nararamdaman nito. Kailangan na lang niyang kumpirmahin ang hinala niya.
Inilabas niya ang cellphone at nag-type ng mensahe para dito. Naririnig mo ba ako?
Humagulgol ito ng iyak at yumakap ng mahigpit sa kanya. "Rushmore, wala na naman akong narinig. Akala ko kapag gumising ako babalik na ang pandinig ko. Nawala na ang sakit ng ulo ko pero hindi bumalik ang pandinig ko. Hindi ko na maririnig ang sinasabi ninyo. Hindi ko maririnig ang tugtog. Hindi sila masisiyahang kasama ako. Ayokong mangyari ito pero wala akong magawa."
Tama nga ang hinala niya. Lalo niyang hinigpitan ang pagyakap dito. He could feel her pain, her frustration. At nang mga oras na iyon ay hindi niya alam kung anong gagawin para gumaan ang loob nito. There was nothing she could do to help her out or bring back her sense of hearing. Nagsisimula na rin siyang ma-frustrate.
Anong gusto mong mangyari?
"I want to be normal. Gusto kong mabuhay ng normal. Alam ko na hindi madali iyon pero gusto pa kitang makasama ng matagal."
His heart swelled. Sa wakas ay nagkaroon na ito ng lakas ng loob na lumaban. Then you have to fight to survive. Nandito lang ako para umalalay. Sabihin mo lang sa akin kung anong gusto mong tulong.
Tumingala ito sa kanya. "Kaya mo ba akong mahalin kahit na wala na akong marinig? Ang magiging pasanin mo habambuhay?"
Yes. Mamahalin kita kahit na ano pang mangyari sa iyo o kung anuman ang mawala sa iyo. I promise that i will stay beside you. Kahit na iwan ka ng lahat, hindi pa rin ako mawawala sa tabi mo. Will you give me that same commitment. Lalaban ka ba para sa akin?
"Oo. Kahit masakit, kahit na nakakatakot, lalaban ako para makasama ka. I want to be the girl who will hold your hand. Ayokong iwan ka kahit na kailan. Ayokong iwan ka nang hindi lumalaban."
Lumaban ka hindi lang para sa akin. Lumaban ka para sa sarili mo at para sa pangarap mo.
"You are my light, Rushmore. Nang inakala ko iniwan na ako ng lahat, ikaw ang nandiyan para palakasin ang loob ko. You gave me a reason to live another day before. Now you give me a reason to fight and live longer. Ikaw na lang naman ang nagpapasaya sa akin ngayon."
Iyan ang Toni na kilala ko at minahal ko. Handang lumaban para sa sarili niya. You are a strong woman. Walang kahit anong sakit na pwedeng magpabagsak sa iyo.
"Sa palagay mo ba makakaya ko pang mabuhay ng normal kahit na wala akong marinig?"
We'll sort things out. Alam ko na mahirap pero dito lang ako sa tabi mo. I will do everything to make things more bearable for you.
"Kaya ko ang lahat basta huwag kang mawawala sa tabi ko. Hangga't mahal mo ako, hinding-hindi ako susuko. I love you, Rushmore. I want to be your girl in the real sense of the word. Gagawin ko ang lahat para makasama ka."
Kinintalan niya ito ng halik sa noo. Yakap pa rin niya ito kahit na marinig niya ang panatag nitong paghinga at mahimbing na itong nakatulog. Maraming pagsubok pa ang dadating kay Toni. Malupit ang mundo sa mga katulad nito. Pero narito siya para protektahan ito. Di siya aalis sa tabi nito hangga’t kailangan siya nito.