If Only Love (Filipino) Chapter 28

Mahabang sandaling pinagmasdan ni Toni si Rushmore paggising niya. Mahimbing na mahimbing ang tulog nito sa tabi niya. Magdamag siya nitong binantayan kagabi. Marahil ay umalis ito noong panahong tulog siya para balikan ang mga bisita sa bakuran nito pero kapag naaalimpungatan siya ay lagi itong nasa tabi niya at muli siyang pinapatulog. Umuugong pa rin ang pandinig niya pero bahagya na siyang may naririnig.

Marami siyang kailangang gawin sa araw na iyon tulad ng pagpunta sa ospital para sa MRI niya. Wala pa siyang balak na bumalik ng Maynila. Alam niyang naghihintay ang mga reporters para pigain siya. Walang konsiderasyon ang mga ito sa paghihirap at sakit na dinaranas ng iba. They would happily see a person bleed to get juicier stories. Pero hahanap siya ng ospital sa Davao na pwedeng mag-monitor ng kalagayan niya. Nangako si Rushmore na aasikasuhin nito ang lahat. Alam niyang marami pa itong plano para sa kanya at hihintayin na lang niya kung anu-ano ang mga iyon. Pero handa na siyang harapin ang buhay ngayon. Hindi na siya tatakas. Nakita niya kung gaano kasaya ang buhay kung may nagmamahal sa kanya. Iyon ang pinakamasarap na pwedeng maramdaman ng isang tao. At maswerte niya na maramdaman iyon sa panahong nakabingit sa kamatayan ang buhay niya.

Death be damned. Lalabanan niya ang kamatayan niya para makasama si Rushmore. Kahit ano pang buhay ang naghihintay sa kanya, alam niyang makakaya niya ang lahat dahil nangako si Rushmore na hindi siya nito iiwan.

Matapos magsipilyo at maghilamos ay hindi pa rin gising si Rushmore. Nakita niya kung gaano kahirap ang trabaho nito sa sagingan. Sinabi nga ni Manay Doray na bago siya dumating sa bahay ay halos wala itong tulog dahil sa dami ng paperworks. Kaya naman daw ni Rushmore na kumuha pa ng ibang tauhan para doon pero gusto daw nitong maging abala. Pero dahil sa kanya ay mukhang ikokonsidera na nitong kumuha ng dagdag na tauhan. Oras na raw para pagtuunan nito ang sariling kaligayahan at hindi ang pagpapayaman.

Marami silang similarities sa isa’t isa. Both of them were driven. Kaya siguro nagkakasundo sila at attracted sila sa isa’t isa. Pakiramdam niya ay ito lang ang nakakaintindi sa kanya.

Lumabas siya ng kuwarto para maghanda ng agahan para dito. Breakfast in bed was in order. Simpleng pagsisilbi lang iyon kumpara sa mga ginawa nito para sa kanya. At balak pa niya itong pagsilbihan kapag gumaling siya.

She wanted to be everything to him – a friend, a lover and a wife.

“Good morning!” nakangiti niyang bati sa mga nagluluto sa kusina.

“Ma’am, bumangon na agad kayo? Masama pa po ba ang pakiramdam ninyo?” nag-aalalang sabi ni Manay Doray.

“Medyo umuugong pa po ang tainga ko pero maganda na po ang pakiramdam ko. Pasensiya na po pala sa nangyari kagabi.”

“Hindi mo naman kasalanan na sumama ang pakiramdam mo. May ibang pagkakataon pa naman. Pwede ka pa naman ipasyal ni Sir Rushmore sa sagingan at ipakilala sa lahat. Sa isang linggo birthday naman ng kapitan ng baranggay. Makakasama ka na doon.”

“Sana nga po.” Gusto rin naman niyang makihalubilo sa mga tao doon. Sa susunod ay hindi na siya magpapaawat. Wala na siyang pakialam kahit wala pa siyang marinig. Hindi niya hahayaan ang kawalan ng pandinig niya na pumigil sa kanya sa pagharap sa mundo.

Beef tapa ang napili niyang iluto para sa agahan ni Rushmore. Naghanda din siya ng vegetable omelet. It would be a long day for them. Kailangan nila ng maraming lakas.

“Manay Doray, gising na po ba si Rushmore?” naulinigan niyang tanong ng isang babae na pamilyar ang boses sa kanya. Si Lorna, ang malapit na kaibigan ni Rushmore. “Naku! Magugustuhan po niya ang tapa ng kalabaw na ihahanda ko para sa kanya. In-order ko pa po ito sa Nueva Ecija.”

“K-Kaso madodoble ang tapa. Nagluto rin kasing beef tapa si Ma’am Toni para kay Sir Rushmore,” nag-aalangang sabi ni Manay Doray at lumingon sa kanya.

Ngumiti siya kay Lorna. “Good morning!”

Namutla ito nang makita siya at nabitiwan sa counter top ang dalang paper bag. “W-What are you doing here?”

“Bisita ako ni Rushmore,” kalmado niyang sagot. Inaasahan niya na siya ang mas apektado sa muli nilang paghaharap lalo na’t noong una pa lang ay alam niyang gusto nito si Rushmore. Pero sa nakikita niya ay wala siyang dapat ikabahala.

“I mean what are you doing in the kitchen. Hindi basta-basta hinahayaan ni Mommy Mildred na may makialam sa kusina niya lalo na ang isang bisita lang. Ako nga natagalan bago niya hinayaang makialam dito sa kusina,” namumula sa inis nitong wika.

“Rushmore gave me the permission. Why don’t you take a seat first? Gusto mo ako na lang ang magluto ng dala mong tapang kalabaw?”

“Hindi. Ako ang magluluto niyan,” may kasungitang sabi ni Lorna at lumabas ng kusina.

“Pagpasensiyahan mo na si Ma’am Lorna. Mula nang umalis sa pag-aartista si Sir Rushmore, siya lang ang babaeng tinapunan niya ng atensiyon. Nasanay siya nang ganoon,” paliwanag ni Manay Doray.

“Hindi ko po pinakikialaman ang pagkakaibigan nila. Kaibigan po siya ni Rushmore kaya po iintindihin ko na lang.” Basta huwag itong magiging kontrabida sa kanila ni Rushmore.

Nakatapos na siyang magluto ng agahan ay hindi pa rin bumabalik si Lorna at hindi pa rin nagigising si Rushmore. Oras na siguro para gisingin niya ito. Kung ipaghahanda din ito ng agahan ni Lorna ay hindi na niya pagsisilbihan si Rushmore sa guestroom na tinutuluyan niya. Ipapahanda na lang niya ang agahan sa garden. Bilang konsiderasyon kay Rushmore ay pipilitin niyang maging friendly kay Lorna. Nagawa niyang pakisamahan ang ilan sa pinakamalalang tao sa industriya. Malalagpasan din niya ito.

Paakyat siya sa hagdan nang marinig niya ang pagsigaw ni Lorna. “Rushmore, anong ginagawa mo? Bakit idinala mo ang babaeng ‘yan dito?”

“She needs my help.”

“Pero matagal mo nang pinutol ang kaugnayan mo sa showbiz. Gusto mo bang magulo na naman ang mundo mo oras na kumalat na nandito siya sa farm mo? Dudumugin ka na naman ng mga reporters. Mai-stress si Tita Mildred.”

“I don’t really care about the reporters. At hindi naman siya mapupunta dito kung walang magsasabi. Hindi ko tatalikuran si Toni kung kailan kailangan niya ako. I will protect her and take care of her. Hindi ko kailangang magpaliwanag kahit na kanino.”

“Ako? Hindi mo ba naiisip ang nararamdaman ko? You are giving that woman the liberty as if she’s the mistress of the house. Tapos doon ka pa natulog sa kuwarto niya. Iniwan mo kami para lang gumawa ng milagro kasama ang babaeng iyon. Dumating lang ang babaeng iyan sa buhay mo, nakalimutan mo na ang mga dapat mong pahalagahan.”

“Lorna, masama ang pakiramdam ni Toni. Wala kaming ginawang masama.”

“Sinabi lang niya iyon para masolo ka.”

“Wala kang alam sa nangyayari. At sa palagay ko walang sinuman ang maaring kumuwestiyon sa pananatili ni Toni dito. Importante siya sa akin. She’s free to stay here as long as she wants. And I will stay with her as long as she needs me. Kahit kailan hindi ko pinanghimasukan ang buhay mo, Lorna. I hope you will do the same. Hindi ako papayag na may makialam sa mga desisyon ko. I answer to no one. Dahil para sa akin, wala akong ginagawang masama.”

“Ikaw siguro wala. Pero ang babaeng iyon… Rushmore, hindi maganda ang ugali niya. Even her family turned their backs on her.”

Nakagat niya ang labi. Ganoon na talaga kasama ang tingin sa kanya ng ibang tao.

“Stop it! You don’t know her personally. Hindi ako papayag na may sabihin kang masama sa kanya kahit pa kaibigan kita,” saway ni Rushmore dito.

“Hanggang doon lang? Kaibigan na lang talaga ako sa iyo? Rushmore, matagal akong naghintay sa iyo. A-Akala ko walang kahit sinong babae ang pwedeng maghiwalay sa atin. Hindi ako pumunta sa Amerika para makasama ka. Tapos mababalewala lang ako dahil sa kay Toni Fabregas. Ano ba ang mayroon sa kanya na wala ako? Because she sings like an angel and I can’t even sing a tune? Dahil ba mas maganda ang legs niya? Ano bang kulang? Kailangan bang mag-artista din ako?”

“Don’t do this to yourself. Kaibigan kita at mahal kita.”

“But not the way I want you to. Hindi ako susuko sa iyo, Rushmore. She’s just a temporary part of your life. Aalis din siya dito. Hindi ito ang mundo niya. Ako ang mananatili sa tabi mo.”

She felt sorry for Lorna. Matagal na nitong kaibigan si Rushmore. Matagal na nitong minahal. Masakit na tanggihan ka ng minamahal mo. Nagpapasalamat na lang siya na siya ang pinili ni Rushmore. Kung siya siguro ang nasa sitwasyon ni Lorna ay hindi niya kakayanin ang panibago na namang rejection.

“MASAYA si Doctor Pineda nang malaman niyang ipapadala ng ospital ang resulta ng bagong MRI ko. Akala daw niya wala na akong planong magpagamot. Nang sinabi ko sa kanya na may isang espesyal na taong nangumbinsi sa akin para magpagamot, mahahalikan daw niya ang taong iyon. Paano ba iyan? Mukhang magiging type ka ni Doctor Pineda? Okay lang sa iyo na magpa-kiss sa kanya?” biro ni Toni kay Rushmore habang katabi ito sa sasakyan. Kagagaling lang nila ng ospital sa Davao City para sa MRI scan niya. Sa Davao lang siya magpapa-scan at magpapa-test saka ipapadala ang resulta sa Manila. Ayaw pa kasi niyang bumalik ng Manila. Nasa Manila naman ang neurologist na may background sa otology na kailangan ng mga pasyenteng may acoustic neuroma gaya niya.

Kailangan pa daw niyang ihanda ang sarili sa surgery niya para matanggal ang tumor. Mahalaga daw na physically, emotionally at psychologically ready siya. Walang pag-aalinlangan niyang sinabi na handa na siya. Tanggap na niya ang sakit niya at handa na rin siya sa anumang kalalabasan ng surgery. At habang naghahanda sa surgery ay kailangan niyang ihanda ang sarili kung paano siya makikisalamuha sa mundo.

Nakakunot ang noo ni Rushmore at malayo ang tingin. Siniko niya ito. “Okay ka lang?”

“Ha?” tanong nito at gulat siyang nilingon. “May sinasabi ka ba?”

“Akala ko ako lang ang may diperensiya sa pandinig sa ating dalawa. May problema ba?”

Bumuntong-hininga ito at ginagap ang kamay niya. “Nabanggit sa akin ni Manay Doray na naabutan ka ni Lorna sa kusina at hindi maganda ang naging pagtanggap niya. I’m sorry.”

“Concerned lang siguro siya sa iyo dahil kaibigan ka niya. Alam mo naman kung gaano kapangit ang reputasyon ko. Na ultimo pamilya ko isinusuka na ako. Saka matagal nang tahimik ang buhay mo. Natural lang na isipin niya na baka magulo ka na naman dahil sa akin.”

“Matanda na ako. Hindi na ako kailangan pang intindihin. Ayoko lang ng trato sa iyo. Bisita kita. Sana man lang nirespeto niya iyon.”

“Maybe because she’s jealous. Noong unang beses ko pa lang kayong nakita, alam ko na may gusto siya sa iyo. She sees me as a competition.”

“Magkaiba naman kayo ng lugar sa buhay ko. No competition there.”

“Pero masakit sa isang babae kapag alam niyang hindi siya ang pinili mo na mahalin. You love her but not the way she wants you to.”

Natigilan ito. “Nakikinig ka ba sa usapan namin?”

“Hindi ako tsismosa,” aniya at iniwas ang tingin dito. Di naman niya sinasadyang makinig sa usapan. “Hindi ko kailangang marinig ang usapan ninyo. Alam ko naman kung ano ang sitwasyon. Naiintindihan ko kung bakit nalulungkot ka. Pakiramdam mo nasisira ang pagkakaibigan ninyo at di mo alam kung paano aayusin dahil magkaiba naman kayo ng bagay na gusto. Para sa iyo pakikisamahan ko siya para hindi ka na mag-alala.”

“Huwag mong poproblemahin ang tungkol sa amin. Ako ang bahala sa kay Lorna. Gusto ko na mag-focus ka sa special training mo.”

“Special training para saan?” tanong niya.

“You will know,” sabi nito.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.