Abala lamang ako sa pagkakape rito sa balkonahe at kanina pa sinisilip ang tasa kung mauubos na ba. Para kasing hindi man lang nababawasan. Dahil mag-isa lang ako, iniiwasan kong pumunta sa mga lugar na hindi ko naman masyadong alam lalo na't napansin kong kaunti lang ang mga tao ngayon, baka wala akong mapagtanungan.
"Ija? May problema ba sa iyong kape, at kanina ka pa titig na titig diyan," boses ng isang matandang lalaki kung kaya't napalingon ako sa ibaba.
Napansin ko ang isang matandang bahagyang nakayuko at nakatayo lamang sa labas ng bakuran na aking tinutuluyan. Pasan nito ang isang basket na naglalaman ng mukhang mabibigat na bagay. Napangiti agad ako at saka umiling.
"Ayos lang po ako. Kayo po? Mukhang mabigat po dala ninyo," pagtutukoy ko sa mga bitbit niya.
"Ako'y maayos naman. Akala ko ay kung napaano ka na gawa nang pagtitig mo sa iyong tasa. Oh siya, mauuna n—"
"Teka lang po, hintayin ninyo po ako." Patayong saad ko saka inubos ang inumin at inayos ang sarili.
Tanging pajama lamang ang aking suot at ang itim na sando. Nakabagsak lamang ang itim kung buhok na medyo magulo pa. Hinihingal na napahinto ako sa tapat ng isang matandang lalaki, na naririnig ko pang tumatawa.
"Bakit ka sumunod? Nagpaalam ka ba sa iyong magulang?" pagtataka niya na inilingan ko.
"Hmm, day off ko po ngayon," sagot ko saka napatingin sa hawak niya. "Ako na po rito, samahan ko na po kayo." Pagkuha ko sa hawak niya na kaniyang tinanguan.
"Sakto! Ako'y hinihingal na rin. Puwede mo ba akong maihatid sa palengke? Malapit lang naman iyon, ija at sinisiguro kung hindi ka maliligaw," nakangiting sabi nito na sinang-ayunan ko naman.
Hindi ko maiwasang matuwa dahil sa pagiging madaldal ni tatay, mag-isa na lang pala siya sa kaniyang buhay dahil maagang nawala ang kaniyang asawa. Ang mga anak naman niya ay wala na siyang balita kaya mag-isa siyang nagtatrabaho upang makakain. Hindi ko maiwasang malungkot at maawa dahil nga sa mga nangyari. But then, he chose to smile.
"Alam mo ija, huwag lang matakot mag-isa, dahil darating sa punto ang gano'ng bahay. Ikaw ba ay may asawa na?" tanong nito at saka napahinto sa isang lilim.
Umiling ako. "Wala po e," sagot ko.
"Mabuti naman. Maging maingat ka sa mga lalaking makikilala mo, maging matalino sa pagpili, nariyan ang mga lalaking sa una lang magaling, mga lalaking pagsasawaan ka. Ngunit huwag kang matakot sumugal. Tandaan mo ija, na subukan mong sumugal sa pag-ibig, kaysa sa manatiling mag-isa kasama ang maraming katanungan," mahabang pangangaral nito.
Tahimik na lang na nakarating kami sa palengke na iyon, may kalayuan nga lang pero ang mahalaga ay alam ko agad ang daan pabalik sa tinutuluyan ko. Ibinaba ko na ang isang timba sa iskinita kung saan siguro siya nakatira.
"Hanggang dito na lang siguro. Ika'y mag-iingat sa daan, ija. Salamat ulit." Masayang kaway nito sa akin.
"Wala po yon, salamat po."
Hinihintay kong makapasok si tatay sa loob ng bahay nila bago tuluyang kumaway. Nang masara ang pinto ay agad akong lumingon sa daan at doon lang napagtanto na hindi ako pamilyarado sa lugar na ito. Pero kung lilingunin ko kung saan ako galing, mukhang magdadalawang-isip akong umuwi dahil sa buong paglalakad namin ay kay tatay lang ako nakatingin.
"Relax, Zeren, you can ask them," bulong ko sa aking sarili at napakamot na lang.
Mabuti na lang at may dala akong pera kaya hindi ko na sasayangin ang aking oras, mamaya na lang siguro ako mamomroblema kung paano uuwi. Namataan ko ang mga minatamis na pagkain, gusto ko sana bumili ng pasalubong ngunit matagal pa ako rito.
Nagpasya akong bilhin ang kalahating kilo ng mani na matamis, mahilig dito si Nikasha, at halos ito na lang ang kainin niya noon sa buong araw. Kung sakaling hindi ko man magustuhan, baka ibigay ko na lang sa ibang mangingisida na nakakausap ko. Bumili na rin ako ng mga gagamitin ko at mga prutas, hindi naman sa maarte ako sa binibigay nilang pagkain pero hindi kasi ako pamilyar sa mga pagkaing iyon.
Nang makuntento na sa pagbili ng kung ano-ano ay roon lang sumakit ang ulo ko. Tanghali na at kumukulo na ang aking tiyan. Gusto ko nang kumain. Ngunit hindi ko alam kung saan uuwi.
Yeah, right! Magtatanong na lang ako. Kaso nakakahiya.
Kinurot-kurot ko ang aking daliri at para bang nagbibilang ng mga taong nalalampasan ako kung kanino ako magtatanong. Nang mamataan ko si ate na malapit na sa akin ay agad ko itong nilapitan.
"Hi—" Hindi ko na naituloy ang dapat na sasabihin ko dahil sa pagliko nito sa gilid.
Naikagat ko na lang ang aking labi at saka napayuko. Ramdam na ramdam ko ang pag-iinit ng aking pisngi.
Kung nandito lang siguro si Veron, siya ang magtatanong. Ayoko namang maligaw.
Lumakad pa ako nang kaunti, ngunit gano'n na lang ang pagbagsak ng mga hawak ko dahil sa pagkatisod.
"Aww," bulong ko sa sobrang hapdi.
Nagkalat sa sahig ang mga pagkain at agad ko iyon na kinuha, kahit na hirap na hirap ay pinilit kong abutin ang iba at mabuti na lang ay may tumulong sa akin. Nagmamadali siyang inilagay ang ibang mansanas sa paperbag kaya tumayo na ako.
"S-Salamat po, Kuya. Pasensya na po sa abala," saad ko nang nakayuko.
Inabot nito sa akin ang paperbag saka ako napatingin sa kaniya. Balot na balot ito ng makakapal ngunit halata ang pawis sa damit. Nakasumbrero at hindi ko maaninag ang mukha dahil sa balbas niya na sumakop sa kalahati ng kaniyang mukha.
"May dugo ang daliri mo sa paa," mahinang saad niya na ikinagulat ko pa.
Bahagya ko sinilip ang tinutukoy niya ngunit umiling na lang ako.
"W-Wala po ito. Salamat po ulit." Pagyuko ko saka siya nilagpasan. Ngunit ako na rin ang kusang huminto dahil nakalimutan ko ang totoong pakay ko.
Ngunit sa pagharap ko sa kaniya ay nakatingin ito sa akin, akma na sana niya ako tatalikuran nang umabante ako.
"Hmm, sandali lang po. May itatanong lang po sana ako, kung okay lang?" mahinang saad ko kaya ito napabalik ng tingin sa akin.
Napansin kong mahigpit ang hawak niya sa isang supot ng bigas at kaunting ulam na mukhang kinatay na baboy.
"Ano yon?" malalim na boses na sabi nito.
"A-Ah, saan po ba rito yong daan pabalik sa pampang? Hindi ko po kasi matandaan kung saan ako dumaan kanina," nahihiyang saad ko.
"Diretsuhin mo lang iyon, tapos kanan. May makikita kang maraming puno na magkaaksunod, sa dulo no'n, matatanaw mo na yong pampang," pagpapaliwanag nito na titig na titig pa rin sa akin.
Hindi ko alam kung nagsasabi ba siya ng totoo dahil sa sobrang lakas ng kabog ng puso ko. Kusa akong napa-atras sa aking kinatatayuan at saka tumango nang kaunti.
"S-Sige po. Maraming salamat po," garagal kong saad saka tumalikod.
Pa-ika-ika ako kung maglakad dahil sa sobrang hapdi ng aking daliri sa paa. Malakas pa rin ang kalabog ng aking puso kaya mas binilisan ko ang paglalakad. Hindi ko maiwasang alalahanin ang mga tinginan niya sa akin, na mula ulo hanggang paa pa.
Sinunod ko ang kaniyang sinabi kahit na nag-aalangan, may mga tao naman sa daan at maliwanag pa kaya medyo kampante ako sa aking paglalakad. Bahagya akong tumigil at naupo sa sinasabi niyang maraming puno. Inilapag ko ang mga hawak ko saka pinagtuunan nang pansin ang ang paa.
"Mababaw lang pala," bulong ko.
Pero sobrang makirot ito. Humangin nang malakas kaya naipikit ko agad ang aking mga mata upang maiwasang mapuwing. Nang maramdaman kong unti-unting nawala ang malamig na hangin at siya namang paglitaw ng lalaki kanina sa aking harapan. Medyo malayo ito sa akin at dire-diretso lang siya kung maglakad.
Pinagmasdan ko lang ito hanggang sa tuluyang makapasok sa dulo, roon lang din akong nagdesisyon na maglakad at sundan siya. Ngunit nawala ang aking takot at pangamba dahil natatanaw ko na ang dagat. Napanguso na lang ako dahil sa mga inisip ko kanina tungkol sa lalaki.
Hindi ko masisisi ang aking sarili dahil sa itsura niya at mga matang matalim na tumingin sa akin kanina. Para siyang galit na hindi ko maintindihan.