INTERNATIONAL BILLIONAIRES BOOK 6: CEDRIC GUIDICELLI
teaser:
International Billionaires series 6:
Cedric Guidicelli
By Cady Lorenzana
“Siguro nga tama na isa kang distraction sa akin. But you are a beautiful one.”
Sa loob ng pitong taon ay isang struggling model si Ericka na matagal nang naghihintay ng big break. Kaya sa isang interview ay naisip niyang gumawa ng fabricated story na may “special someone” na siya. Ang dinescribe niya ay si Ric—ang guwapo, simple, pero may-pagka-weird na lalaking nakilala niya sa Manila Bay. Pero ang inakala ng lahat ay ang internationally-known elusive landscape painter ang tinutukoy niyang boyfriend. Dahil doon ay napansin siya at binigyan ng malalaking role sa mga pinapangarap na commercials.
At sa panahon ding iyon ay hindi siya tinigilan ni Ric na nag-a la stalker at sumusulpot saan man siya naroroon. Hanggang sa nagtapat ito na na-love at first sight sa kanya. Hindi naman maitanggi ni Ericka na mas lumalalim pa ang nararamdaman para kay Ric sa paglipas ng mga araw.
Pero hindi pala si Ric ang lalaking inaakala niya… See less
Comments
---
“MAMA, `wag mo po ako iwan dito...” halos lumuhod na si Cedric sa harap ng ina habang umiiyak. Pinipilit niyang kumapit rito kahit na ba halos ipagtulakan na siya ng ina sa madre na siyang kukuha sa kanya. Pinipilit siyang aluhin ng madre at tuluyan ng kuhanin sa ina para lalo na siyang hindi masaktan pero ayaw niyang bumitaw. Kahit ramdam niyang tila wala itong pakialam sa kanya at hindi siya mahal, hindi niya pa rin gustong malayo rito. Pagkatapos ng lahat, ina niya pa rin ito.
“Pumasok ka na, Cedric! Hindi kita kailangan sa buhay ko. Mas mapapabuti ka kung dadalhin kita rito!” galit ang boses nito pero hindi maggawang tumingin sa kanya.
Umiling siya. “Pero Mama...anak mo ako. `Wag mo akong pabayaan. `Wag mo akong iwan.”
“Hindi kita gusto! Hindi mo pa ba nararamdaman iyon? Magiging masama lang lalo ang buhay mo kung magpapatuloy kang sumama sa akin.”
“Hindi. Hindi ako naniniwala na ganoon. Ayaw kong maniwala na ganoon....”
“Puwes, ganito ang paniwalaan mo, Cedric.” Humarap na sa kanya ang ina. Namumula ang mukha nito, hindi niya nga lang mawari kung dahil ba iyon sa naiiyak ito dahil iiwan siya nito o iyon ay dahil sa galit na ayaw niyang makinig dito. “Magiging masama ang buhay ko kapag kasama kita. Habang kasama kita, lalo lang akong maghihirap. Hindi ko kailangan ng isang bata na sasabit-sabit sa buhay ko. Hindi kita kailangan. Ikaw ang malas sa buhay ko. Naiintindihan mo ba `yun? Malas ka! Simula nang dumating ka sa buhay ko, dumalang na ang mga proyektong dumating sa akin bilang modelo. Dapat ay inaasahan ko na `yun. Hindi maganda para sa mga modelo ang magkaroon ng isang anak. Sa pagbubuntis ko sa `yo, nasira ang inaalagaan kong katawan para sa career ko. Sa una pa lang naman dapat, hindi na kita binuhay!”
“Misis...” nagsimula nang makialam ang isa pang madre. Mukhang hindi nito nagustuhan ang pinagsasabi sa kanya ng ina.
Pero hindi tumigil ang kanyang ina sa paglabas nito ng saloobin. “Ang akala ko ay nakapulot na ako ng ginto nang makilala ko ang lintik mo na ama. Pero trinato niya lang ako na basura. Napakawalang hiya niya!”
Hindi iyon ang unang beses na naglabas kay Cedric ng saloobin ang ina. Sa edad niyang pitong taon gulang, pakiramdam niya ay masyado na siyang mulat sa buhay dahil na rin rito. Hindi maganda ang turing nito sa kanya. Hindi ito isang normal na ina. Madalas na umuuwi itong lasing at sa tuwing lasing ito, palagi nitong sinasabi kung gaano kasama ang kanyang ama. Na dahil raw rito, nasira ang buhay nito. Minahal kasi ito nang husto ng kanyang ina pero ibinasura lang sa huli. Nang malaman na buntis ito sa kanya, ni hindi man lang nagbigay ng naisin na pakasalan ito o panagutan. Basta na lang daw ito pinalayas ng ama sa buhay nito.
Tuwing lasing rin ang ina, madalas ay sinasaktan rin siya nito. Ngunit sa kabila ng lahat, ayaw pa rin na iwan ni Cedric ang ina. Ina niya ito, sa kabila ng lahat, gusto niyang maniwala na puwede itong magbago. Ngunit mukhang nagkamali siya. Halos ipagtabuyan na siya nito sa ampunan na iyon.
“At kagaya niya, hindi na rin kita gusto, Cedric. Hindi ko na kaya. Habang lumalaki ka, pakiramdam ko ay mas lalo akong nilalayuan ng grasya. Malas ka sa buhay ko, malas!”
“Mama...” nanghina si Cedric sa mga sinabing iyon ng ina. Masyado siyang nasaktan. Nang dahil roon, unti-unti na siyang napabitaw rito.
“Good bye, Cedric.” Iyon lang at nang makabitaw siya rito nang tuluyan ay lumayo na ito sa kanya. Naibigay na nito sa mga madre ang mga papeles niya kanina kaya wala ng problema talaga kung iiwan siya nito doon.
Sinubukan siyang aluin ng madre. “Tahan na, hijo. Huwag kang mag-alala. Hindi ka naman namin pababayaan rito...”
Hindi pa rin mapigilan ni Cedric na humikbi. Napakasakit pa rin ng lahat. Mahal niya ang kanyang ina sa kabila ng masamang ginagawa nito sa kanya. Ito lang ang pamilya niya. Ito ang kasa-kasama niya simula bata siya. Kung hindi siya mahal nito, hindi ba dapat ay matagal na siya nitong ipinaampon? Pero hinayaan siya nitong mabuhay sa poder nito sa loob ng pitong taon.
Hinawakan ng isa pang madre ang kabilang kamay ni Cedric. Sinusubukan siyang aluin nito. Napapiksi si Cedric sa ginawa ng madre at nanlaki ang mga mata nito nang makita ang dahilan kung bakit siya nagkaganoon.
“S-sinasaktan ka niya!” wika nito nang makita ang pasa sa kanyang kamay.
Itinago ni Cedric ang kanyang mga kamay. “W-wala po ito.”
Tumiim ang bagang ng madre. Pero pagkatapos ay lumambot rin ang mukha nito. “Magiging maayos ang lagay mo rito. Sisiguraduhin ko `yan,” sinubukan pang yakapin ng madre si Cedric na para bang gusto nitong iparamdam sa kanya na totoo ang sinasabi nito. Sandali pa na nag-alinlangan si Cedric pero tinanggap rin niya ang yakap. Nagustuhan niya ang pakiramdam pero hindi niya maggawang mailang. Lalo na at pagkatapos siyang yakapin nito ay hindi niya nagustuhan ang nabasa sa mga mata nito at ng isa pang madre na kasama nito.
Awa.
Nang yayain siya ng mga madre na pumasok na sa loob ng ampunan, ganoon rin ang nakita niya sa mga mata ng batang mukhang pinanood pa yata ang naging drama sa labas nang iwan siya ng kanyang ina. Lalong sumama ang pakiramdam ni Cedric dahil roon. Hindi niya gustong kaawaan siya. Naaalala niyang iyon na lamang palagi ang reaksyon na nakikita niya sa mga kapitbahay nila sa tuwing nakikita ng mga ito na sinasaktan siya ng kanyang ina. Kaysa ang kaawaan rin ang sarili niya, nahihiya pa siya kapag nakikita niya ang awa sa mga mata ng mga ito.
“Welcome sa Safe Haven. Ako nga pala si Nikos,” pagbati sa kanya ng isang lalaki na sa tantiya niya ay kaedad lang niya.
“Ako naman si Vincent,” wika ng kasa-kasama ng lalaki. Nagpakilala rin ang ilan sa mga batang pumaligid rito. Kumunot ang noo ni Cedric sa tila masaya pang aura ng mga ito sa kabila ng nakita niyang awa kanina sa mga mata nito pagkatapos ng nasaksihan sa labas na pamimigay na lang basta sa kanya ng ina.
Alinlangan na tinanggap niya ang mga pagpapakilala. Mukhang mababait naman ang mga ito pero hindi pa rin gusto ni Cedric ang pakiramdam. Hindi pa rin nawawala ang sama sa kanyang pakiramdam. Tumatak sa kanya na ang mga batang dinadala lamang sa mga ampunan ay mga batang ulila---mga batang nawawala o hindi kaya ay namatay ang mga magulang. Hindi siya ganoon. Buhay pa ang kanyang ina, iniwan lang siya. Maaaring buhay pa rin ang kanyang ama pero dahil sa sakim na pag-iisip ng ina, mas pinili nitong huwag siyang ibigay rito. Kahit ang ipakilala sa kanyang ama ay hindi rin nito ginusto kahit ngayong ginusto nitong basta na lang siya alisin sa buhay nito.
Napakasama ng pakiramdam ni Cedric. Napakasakit. Hindi niya gusto ang nararamdaman. Bakit siya ginanito ng kanyang ina? Tinitiis naman niya ang lahat ng galit at pananakit nito manatili lang siya sa piling nito. Oo, mahirap at aaminin niya na naapektuhan rin siya nang malaki sa pananakit na ginagawa nito. Pero sa kabila ng lahat, ina niya pa rin ito. Ito na lang ang kanyang masasabing pamilya. Ayaw naman niyang mawalay rito.
Pero pagkatapos ng lahat ng galit, sakit at mga pananakit, naggawa lang siya nitong iwanan. Pakiramdam ni Cedric ay naawa na rin siya sa sarili. Pero hindi. Ayaw niyang maging ganoon. Ayaw niyang maramdaman na ganoon siya.
“MAGHIWALAY na tayo!”
Hindi mapigilan ni Cedric na hindi makiusyoso sa nangyayari sa paligid niya lalo na at hindi naman kalakihan ang bahay na tinutuluyan niya sa ngayon. Tatlong buwan pagkatapos niyang dalhin sa Safe Haven Orphanage ay nagsimula ang mga nagtangkang umampon sa kanya. Ang unang nagtangkang umampon sa kanya ay middle-aged na negosyanteng mag-asawa. Kilala ito ng mga madre sa mga ampunan kaya naging madali rito ang ipagkatiwala siya. Nang makita raw siya ng mga ito ay instantly, nagustuhan siya ng mga ito. Gusto rin ito ni Cedric. Mukhang mabait ang mga ito. Ngunit bago pa man maasikaso ang pag-aampon sa kanya, namatay ang dalawa sa isang car accident.
Anim na buwan pagkatapos noon ay siya namang pagdalaw ng mag-asawang Delos Reyes. Okay naman ang mga ito pero hindi kagaya nang unang nag-ampon sa kanya, hindi agad ito pinagkatiwalaan ng mga madre. Bago lang kasing dumalaw ang mag-asawa at gustong siguraduhin ng mga madre na maayos siyang maalagaan ng mga ito. Itinuturing siya ng mga itong espesyal na kaso dahil na rin sa mga pinagdaanan niya bago siya dalhin sa ampunan.
Dahil roon, binigyan ng trial period ng mga madre ang mag-aampon. Sa loob ng tatlong buwan ay titira siya sa bahay ng mga ito para makita kung magiging maayos ang lagay niya roon. Linggo-linggo rin siyang binibisita ng mga madre para tignan kung ano ang nagiging lagay niya sa mga ito.
Sa una ay maayos naman ang mag-asawa sa kanya. Mabait ang mga ito sa kanya. Inaasikaso siya. Maayos ang buhay niya sa mga ito. Pero ilang linggo bago matapos ang trial period, halos araw-araw ay nag-aaway ang mga ito. Hindi nagkakasundo. Palaging galit ang mga ito, lalo na si Mr. Delos Reyes. Minsan na sinabihan pa nito na “puta” ang asawa nito.
“Siguro nga ay dapat na maghiwalay na tayo. Wala kang kuwentang asawa. Inutil. Baog!” sigaw naman ni Mrs. Delos Reyes.
Nakatikim ito nang malutong na sampal sa asawa. “Pinagsisihan ko na pinakasalan kitang babae ka!”
Pagkatapos nang matinding pag-aaway ay ibinalik siya ng mga ito sa ampunan. Parehong desisyon iyon ng dalawa. Kagaya noong una ay nasaktan rin si Cedric. Napalapit na siya sa dalawa. Ilang buwan rin sila na nagsama. Isama pa na umasa siya na kagaya ng sinasabi ng mga madre, magiging maayos ang buhay niya sa ampunan. Magiging maayos siya. Pero bakit ganoon ang nagiging buhay niya? Tila siya nagiging isang laruan. Pinagpapasa-pasahan.
Nagulat ang mga ilan sa kasamahan niya sa ampunan ng malamang hindi na naman naging matagumpay ang pag-aampon sa kanya. Hindi rin nakaligtas kay Cedric ang narinig niyang pinag-usapan ng dalawang batang babae na halos kasing edad lang rin niya. Hindi niya masasabing kasundo niya ang mga ito. Bihira siyang makipag-usap sa mga bata roon. Kung may kinakausap man siya, iyon ay ang mga kasamahan niya sa kuwarto na mga lalaki. Hindi niya gustong mapalapit pa sa iba.
“Bakit siya palaging ibinabalik?”
“Masama siguro siyang bata. Hindi ba’t hindi nga siya nakikipaglaro sa iba? Sumasama nga siya kayla Nikos pero madalas, tahimik lang siya,”
“Baka nga. O baka naman malas talaga siya. Hindi ba at iyon ang sinabi ng kanyang ina noong iwan siya rito sa ampunan? Malas siya kaya ginusto siyang iwan! Minalas rin siguro ang mga taong nag-aampon sa kanya kaya siya ibinabalik.”
Hindi pinansin ni Cedric ang narinig na usapan. Nagtuloy-tuloy siya sa kuwartong tinutuluyan niya sa ampunan. Doon ay nakita niya agad ang mga kasamahan niya sa kuwarto na sina Nikos, Augustus, Jet, Ed at Vincent. Nagulat ang mga ito nang makita siya. Nag-usisa ang mga ito pero hindi niya pinansin ang mga ito. Sa halip, kumuha siya ng papel at doon ay nagsimulang magpinta na para bang sa pamamagitan noon ay mailalabas niya ang kanyang nararamdaman. Ginamit niya ang water color na ginagamit nila sa eskuwelahan.
“Maganda sana. Kaya lang, ang didilim naman ng mga kulay na pinili mo, Cedric,” wika ni Jet. Lumapit ito sa kanya at tinignan ang ginagawa niya.
“`Wag mo akong pakialaman!” sigaw niya rito.
“Nalaman na namin ang nangyari sa `yo. Alam namin na nasasaktan ka kaya ganyan. Pero `wag kang mag-alala. Nandito lang naman kami palagi sa tabi mo. Sama-sama tayo.”
“Hindi ko kailangan ng kahit sino!” sigaw ulit niya. Pagkatapos ng lahat ng nangyari, gusto ng maniwala ni Cedric sa mga sinasabi sa kanya ng mga batang babae. Malas nga siguro siya. Mas mabuti na ngang ilayo na lang niya ang sarili sa iba.
Pero hindi nagpapigil ang mga ito. Niyakap pa siya ni Augustus. “`Wag kang mawalan ng pag-asa sa buhay. Magiging maayos rin ang lahat.”
“Iyan rin ang sinabi nila Sister. Pero anong nangyari sa akin? Iniwan ako ng ina ko, namatay ang unang dapat ay mag-aampon sa akin at ngayon, ibinalik na naman sa ampunan. Malas nga siguro ako. Malas!”
“Huwag mong isipin `yan. Kahit rin naman kami, iniisip na parang ang mamalas namin. Sino ba naman ang may gustong manatili sa ampunan? Kahit maganda ang turing sa atin rito, siyempre, maganda pa rin na may sarili tayong pamilya. Pero kahit isa, ni wala ngang magtangka na mag-ampon sa akin. Pero ayaw kong mawalan ng pag-asa. Darating rin ang araw na masasabi nating magiging maayos rin ang buhay natin,” si Ed ang nagsalita.
Natigilan si Cedric. Tumingin siya sa mga ito. Napakunot ang noo niya. Hindi man kasing sama ng nangyari sa kanya ang mga nangyari sa mga ito, pare-pareho rin silang naiwan. Naiwan ng kani-kanilang mga pamilya. Pero tila hindi pa rin nawawalan ng pag-asa ang mga ito.
“Huwag mong ilayo ang sarili sa mga tao, Cedric. Hindi lang ikaw ang natatanging bata sa mundo na dumaranas ng hirap,” si Nikos ang nagsalita.
Matagal lang siyang nakatitig sa mga ito. Hindi niya gustong tanggapin ang sinasabi ng mga ito. Hindi na niya kaya. Masyado na siyang nasaktan. Ngunit kahit ganoon, isa lang ang kayang gawin niya sa ngayon. At iyon ay ang pagtanggap ng pagpasok ng mga ito sa buhay niya kahit papaano.
SIYAM na taong gulang si Cedric nang may mga dumating na bigating bisita sa Safe Haven Orphanage. Lahat ay masaya, tila umaasam na isa sa mga mapipili na maampon ng mga ito. Pero hindi si Cedric. Sa kabila ng pagtanggap niya kayna Nikos bilang kanyang mga kaibigan, hindi na rin niya gustong umasa muli pa na magiging maayos ang lahat. Na balang araw, may mag-aampon rin sa kanya nang matagumpay kagaya ng kagustuhan ng mga kaibigan niya.
Maayos na siya sa Safe Haven. Hindi na niya kailangan ng mag-aampon pa. Natuto na siya dati. Mas gusto niyang nandoon na lang sa Safe Haven. Mababait naman ang mga tao roon. Masaya na siya sa buhay niya. Kaya naman ngayong araw, sa halip na makisali sa mga activity para lalong makilala ng mga foreigner na may balak raw na mag-ampon, pinili niyang magkulong na lang sa kuwarto at doon ay gumuhit at magpinta na siyang paborito niyang ginagawa.
Ayon sa mga madre at kasamahan rin niya sa orphanage, malaki raw ang talento niya sa pagguhit at pagpinta. Proud ang mga ito sa kanya at nang dahil roon, madalas na naka-display sa lobby ng orphanage ang gawa niya. Hindi iilang tao ang nakapansin noon. Nang dahil rin doon, mas marami ang nagkainteres sa kanya. Mayroon kasi siyang kakaibang talento. Pero sa tuwina ay umaayaw si Cedric. Madalas siyang nagdadahilan sa mga madre dahil na rin sa mga naging karanasan niya noon. Hindi naman siya pinipilit ng mga ito at hinahayaan na lamang sa gusto niya.
Hindi gusto ni Cedric na mapansin kaya pinili niya na magtago. Nag-concentrate na lang siya sa pagguhit at pagpinta. Para sa kanya ay ito ang tamang oras para gawin iyon. Pakiramdam kasi niya ay mas nakakagawa siya ng hilig kapag walang taong nakapaligid sa kanya. Gusto niya na mag-isa lang. Ayaw niya ng istorbo. Naiirita siya. Abala ngayon ang mga kasamahan sa orphanage kaya ramdam ni Cedric na makakapag-concentrate siya. Nasa kalaliman siya ng ginagawa nang biglang bumukas ang pinto.
Napatigil si Cedric sa ginagawa. Sumigaw siya pero hindi lumingon. “Hindi ako pupunta sa activity! Leave me alone!”
Sanay na ang mga kaibigan niya sa bruskong ugali niya kaya hindi na niya ikinahihiya ang sinabi.
“After looking at your paintings in the lobby, I don’t think I can afford to leave you alone, ragazzino,”
Dahil hindi pamilyar sa kanya ang boses at kakaiba ang accent ng sumagot, napalingon na si Cedric. Sandali pa siyang natulala nang magtama ang kanilang mga mata ng lalaking inistorbo siya. Pareho sila ng mata ng lalaki---light blue eyes. Isa iyon sa mga dahilan kung bakit sa kabila rin ng talento niya, maraming gustong mag-ampon sa kanya. Sa murang edad kasi, makikita na raw na makisig siya. Maganda raw kasi ang kulay ng kanyang mga mata. Kakaiba, kagaya rin ng kanyang brown na buhok. Ayon sa mga madre, baka raw iyon ay namana niya sa kanyang ama. Baka raw foreigner ito. Nasa ganoon rin ang kanyang paniniwala kahit hindi iyon inamin ng kanyang ina pero binabalewala na lang niya iyon kagaya ng pagbalewala niya sa lungkot ng pag-iwan sa kanya ng ina sa ampunan. Naging napakasakit ng lahat at sa kanyang murang edad, itinanim na niya ang galit sa lahat ng mga nang-iwan sa kanya. Pero kahit ganoon, hindi na niya gustong balikan ang mga ito. Pagkatapos ng lahat, ni hindi rin naman talaga siya ginusto ng mga ito. Isang pagkakamali lamang ang lahat. Isa lang siyang pagkakamali.
“You’re the artist of those paintings and drawings in the lobby, right? The nun told me you might be in your room because you don’t like to join those kind of activities. She was about to accompany me when something came up. She just told me the way here.” Pagpapaliwanag pa nito kung paano siya nito natunton.
“I-it doesn’t matter. I don’t want anyone here. Leave me alone!” naintindihan ni Cedric na maaaring isa ito sa mga sinabing dadalaw na foreigner kaya sinubukan niyang mag-ingles. Dahil sa mga sponsors ng ampunan, nagagawa nilang mga bata roon na mag-aral. Maganda ang turo sa eskuwelahan kung saan sila enrolled kaya masasabi ni Cedric na kaya rin niyang makipagsabayan sa lalaki kung makikipag-usap ito sa kanya.
“You’re rude.” Komento nito sa kanya. Pero sa halip na mainis o magalit, ngumiti pa ang lalaki. “I like it.”
Kumunot ang noo ni Cedric. Kahit sanay na ang mga tao sa orphanage sa brusko niyang ugali, madalas ay napapagsabihan pa rin siya dahil doon. Masama raw iyon. Kaya bakit ganoon ang reaksyon ng lalaki?
Lumapit sa kanya ang lalaki. Nagkaroon siya ng pagkakataon na tignan ang itsura nito. Napansin niya na tila may pagkakahawig silang dalawa. Kapareho ng kanyang mga mata ay pareho rin ang kulay ng kanilang buhok. Matangos rin ang ilong niya kagaya nito pero dahil noong bata pa siya ay nadapa siya na naging sanhi para mabali ang isang buto sa kanyang ilong, medyo crook iyon. Nakaramdam ng kakaiba si Cedric habang nilalapitan siya nito. Pero kaiba niya, tila wala namang pakialam ang lalaki. Tinignan nito ang ginagawa niya.
“Very nice. I like you already.” Tumango-tango pa ang lalaki saka nagbigay nang malaking ngumiti.
“I-I don’t want to be liked,”
Tumaas ang isang kilay ng lalaki. “And why? The kids outside seems so desperate to be adopted. While you---“
“I don’t want to. And I don’t want to be adopted. I don’t want to be with anyone!”
Natigilan ang lalaki sa kanyang sinabi pero ngumiti rin pagkatapos. “I am a famous Italian painter, just so you know. And I understand why you don’t want to be with anyone. Most artists are like that. I am, too. And because of that, you just made me want you more.”
“You don’t understand. I don’t just want anyone while working. I don’t want to be adopted. I don’t want to have another family that will love me then in the end will just---“
“That’s not a problem, ragazzino. You’ll have me as a family but you can expect me not to love you.”
Kumunot ang noo niya. Puwede ba iyon? Gusto siya nitong ampunin pagkatapos ay hindi siya nito mamahalin? Gusto siya nitong gawing pamilya pero hindi siya pahahalagahan?
“I’m not capable of any emotion. I can’t love. But I want someone to call as a family. I want someone to continue my legend as I grow older. To support me. And because I think you have the talent and the same capabilities as me, I want you to be that one. I want to adopt you.”
Natulala si Cedric pagkatapos ay napaisip sa mga sinabi nito.
GINUSTO ko ito, pagkumbinsi ni Cedric sa sarili. Naging matagumpay ang pag-aampon sa kanya ni Mr. Maximo Guidicelli. Sa kabila ng tila hindi katanggap-tanggap na dahilan nito para gustuhin siyang ampunin na tanging sa kanya lang naman ibinunyag nito, pumayag siya sa gusto ng Ginoo.
Sa lahat ng gustong mag-ampon sa kanya, si Mr. Guidicelli lang ang hindi nagbigay sa kanya ng matinding affection. Kahit siya ay naguguluhan sa sarili pero tila nagustuhan niya ang ganoon. Ituturing siya nitong isang pamilya pero hindi mamahalin kagaya nang inaasahan niya na makukuha sa mga dating nagtangkang mag-ampon sa kanya pero sa huli ay nabigo lang. Dahil yata roon, parang gusto na lamang niya na hindi na mahalin pa. Sa murang edad niya, natakot na siyang mabigo. Pero dahil kakaiba ang gusto ng sikat na pintor, alam niya na hindi siya mabibigo. Sa una pa lamang ay hindi na siya nito pinaasa ng bagay na pinaasa siya ng mga tao sa kanya. Hindi na siya mabibigo.
Pero hindi lang iyon ang dahilan ni Cedric. Nalaman rin kasi niya na pagkatapos ng naging activity ay napili ang limang malalapit na kaibigan niya na ampunin. Ibig sabihin ay aalis na ang mga ito ng orphanage. Maiiwan siyang mag-isa roon. Maayos naman siya na mag-isa pero ayaw niyang maiwan. Hindi niya gusto ang ibang bata sa ampunan. Kaya minabuti na lamang ni Cedric na kagaya ng mga ito ay magpaampon na rin siya. Kung titignan rin naman ang kanyang hinaharap, sa tingin niya ay mas makabubuti siya roon. Pareho sila ng hilig ni Mr. Guidicelli. Hindi man siya makakatanggap ng kahit anong pagmamahal rito, masasabi naman niyang magkakasundo sila dahil na rin sa klase ng pamumuhay nito.
Noong una ay alinlangan ang mga madre tungkol sa pag-ampon rin sa kanya. Nang nag-CI kasi ang mga ito tungkol sa pintor ay hindi naging maganda ang resulta noon. Hindi raw maganda ang lifestyle ni Mr. Guidicelli at bukod sa single ito, napag-alaman na babaero rin ito. Pero nang si Cedric mismo ang namilit sa mga madre ay nag-isip ang mga ito at sa huli ay nagtagumpay ang pintor na maampon siya.
Tinotoo ni Mr. Guidicelli ang pangako nito sa kanya. No emotions attached. Kung ang iba niyang mga kaibigan ay madalas na dalawin at padalhan pa ng mga nag-ampon rito bago maging legal ang pagkuha sa mga ito sa ampunan, hindi siya. Nakikipag-communicate ito sa mga madre pero hindi sa kanya. Ang mga tauhan rin nito ang personal na pumupunta sa Pilipinas para ayusin ang mga papeles ng pag-aampon sa kanya.
Ngayon ay nasa Italy na siya. Dapat ay maging masaya si Cedric dahil naging matagumpay ang pag-aampon. Ginusto niya iyon. Ipinilit niya iyon. Pero hindi niya maintindihan ang kanyang nararamdaman sa ngayon. Tama ba ang kanyang naggawa? Tama ba talaga na pumayag siya at ipinilit pa iyon? Kaya ba talaga niyang mabuhay ng walang pagmamahal?
Kaya ba niyang mabuhay na tila nag-iisa?
Iyon ang nararamdaman ni Cedric. Ipinasundo man siya ni Mr. Guidicelli sa tauhan nito pero ramdam niyang ang layo-layo naman nito sa kanya. Napakapormal. Napakatahimik. Gusto naman niya ang tahimik pero bigla yata siyang natakot. O ang nararamdaman niya ay lungkot lamang dahil na rin sa nagkahiwa-hiwalay na sila ng mga kaibigan?
Sa kabila ng pinagdaanan, pinahahalagahan pa rin nang matindi ni Cedric ang mga naging kaibigan sa ampunan. Gusto niya ang mga ito. Matagal rin ang pinagsamahan nila. Mahirap na mawalay siya sa mga ito dahil nasanay na siya sa mga ito. Pero umaasa pa rin naman siya na magkakaroon pa rin ng komunikasyon sa mga ito. Pagkatapos ng lahat, magkakaibigan ang mga nag-ampon sa kanila.
Humanga si Cedric sa ganda ng bahay ni Mr. Guidicelli nang makarating siya roon. Nanlaki ang kanyang mga mata at nanabik. Lalo na nang makita niya na hindi lang basta-basta ang bahay. Napupuno ng murals ang dingding, pati na rin ang kisame noon. Humanga siya sa ganda ng paintings at pati na rin sa laki ng bahay. “It looks like a palace,” hindi niya maiwasang mabanggit.
“Because it really is.” Napalingon si Cedric nang marinig ang boses. Nakita niyang nakatayo si Mr. Guidicelli hindi kalayuan sa kanya. “My house is what you called an Italian Palazzo. It is a palace built by wealth families of the Italian Renaissance.”
“A-and the murals... you painted it?”
Tumango ito. “And someday, I want you to paint here, too. The east wing is not yet painted like this.”
Umiling si Cedric. “I don’t know how to make murals. I never try. I think I can’t. Its heard it is not that easy.”
“Everything in life is not easy. You should remember that. And you’ll learn how to. You will paint murals. You’ll be like me now you’re here.”
Sinalubong ni Cedric ang tingin ng matandang lalaki. Punong-puno ng determinasyon ang mukha nito. “I can’t do everything. You can’t force me. You should not force me.”
Mapanuksong ngumiti ito. “I want to. And what I want, you will do. Welcome to a Guidicelli life, figlio mio,”