“PASENSYA na kayo, ha. Ito lang ang nakayanan ko,” may bigat sa dibdib na wika ni Ericka habang ibinibigay sa mga bata na naging kaibigan na niya ang dala niyang mga burgers. Noong isang araw ay pinangakuan niya ang mga ito na dadalhan niya ang mga ito ng masarap na pagkain kapag napili siya bilang main model ng commercial shoot na matagal na niyang pinapangarap na mapili at gawin. Malaki ang paghanga sa kanya ng mga bata kaya naman alam niyang matinding umasa rin ang mga ito na mapipili nga siya sa pinapangarap na puwesto. Pero dahil bigo siya, nabigo rin niya ang mga ito.
“Ate Ericka, okay lang ito `no! At least, tinupad mo ang pangako mo sa amin. Isa pa, masaya na kami na napili ka sa pinapangarap mong role. Mapapanood ka na rin namin ng bongga sa tuwing makakasilip kami sa TV!” masayang wika ng labing tatlong taong gulang na si Almira. Sinegundahan naman ito ng dalawang nakakabatang kapatid nito na sina Leon at Rosielyn. Isang taon na rin niyang kilala ang mga ito at sa tuwing napapadaan siya sa may seaside sa Manila Bay, hindi puwedeng hindi sila magbabatian o magkukuwentuhan. Napalapit na ang mga bata sa kanya simula nang unang araw na mamalimos ito sa kanya.
Ulilang lubos na ang magkakapatid at nabubuhay na lamang ang mga ito sa pamamagitan ng pamamalimos sa sea side iat sa iba pang kalapit na lugar. Ayon sa kuwento ng mga ito ay iniwan raw ang magkakapatid sa isang ampunan pero ginustong tumakas roon dahil pinagmamalupitan ang mga ito ng may-ari. Simula noon, mas ginusto na lang ng magkakapatid na tumira sa lansangan. Mahirap man daw pero ang mahalaga ay magkakasama ang mga ito. Minsan na rin kasing tinangkang paglayuin ang mga magkakapatid nang muntik ng ampunin ang bunso ng mga itong si Rosielyn. Hindi naman gusto ng mga itong malayo sa isa’t isa kaya minabuti na lang ng mga itong lumayo at mamuhay ng ganoon.
Mabait ang magkakapatid. Hindi ang mga ito ang klase ng namamalimos na basta na lang lalapit sa `yo at hihingi ng pera. Madalas ay babatiin ka muna ng mga ito, magtatanong kung may magagawa ba ang mga ito sa `yo kapalit ng kahit kaunting pera na maibibigay mo sa mga ito. Nagustuhan niya ang ugali ng magkakapatid at dahil sadyang malapit siya sa mga bata, lalo na sa mga kagaya nito, tila naging panata na niya na tulungan ang mga ito kapag pakiramdam niya ay umaangat na siya.
Ngunit hindi kagaya ng mga inaasahan ng mga ito ang nangyari. Sa kabila ng sayang ipinakita sa kanya ng magkakapatid, hindi napigilan ni Ericka na hindi rin ipakita ang lungkot sa kanyang mukha.
“Bigo ako, kids.” Masakit na pag-amin niya sa magkakapatid.
Mula sa pagkagat sa mga burger na binili niya ay napatigil ang mga ito. Sandali pang napanganga. “`Wag kang mag-joke, Ate!” wika ni Leon. Nanlalaki ang mga mata nito. “Ang ganda-ganda mo, `di ka mapipili?”
“Napili naman ako. Pero minor role lang ulit,” napabuntong-hininga siya. “Baka nga hindi niyo pa ako makita dahil sa sobrang liit lang ng role na ibinigay sa akin. Hindi pa nagsalita,”
Napapalatak si Rosielyn. Tumingin ito sa Ate nito. “Ate, babalik ulit tayo sa simbahan. Hindi dininig ni Lord prayer natin. Baka kulang pa. Kumpisal rin tayo. Baka kasi nagiging bad na tayo kaya hindi tayo pinakinggan ni Lord.”
Bigla-bigla ay namilog ang mga mata ni Ericka. “Ipinagdasal niyo ako?”
“Oo naman, Ate. Ikaw pa! Siyempre, gusto namin ang the best para sa `yo. Isa ka kasi sa mga the best na tao, eh,” nakangiting wika pa ni Leon. “Baka nga kulang pa ang dasal natin, mga kapatid. Sige, mamaya babalik muli tayo.”
“Ang bait niyo talaga. Pero baka naman hindi lang dahil kulang kayo sa dasal. Baka lang talaga may kulang sa akin kaya hindi na naman ako napili,” malungkot naman na wika ni Ericka pagkatapos.
Dalawampu’t limang taon na ngayon si Ericka. Pitong taon na siya sa industriya ng pagmomodelo. Pero pakiramdam niya, hanggang ngayon baguhan pa rin siya. Taon-taon na lang siya nag-aabang kung kailan siya magkakaroon ng big break. Ang akala niya, ngayon na ang taon na iyon. Ang sabi kasi sa hula sa kanya sa taon na ito nang magpahula siya sa Quiapo, ngayong taon na raw siya sa susuwertehin. Pero nangangalahati na ang taon, iyon at bigo pa rin siya.
Mahirap at tila mailap man ang suwerte kay Ericka, mahal niya ang kanyang trabaho. Kaya kahit tila hindi siya mahal noon, nagtitiyaga pa rin siya. May mga biyaya naman siyang natatanggap pero panay maliit lang iyon. Sa loob ng pitong taon, labing limang beses na siyang nakasama sa mga commercial ads. Kaya nga lamang, panay minor role lamang iyon. May mga magazine at billboard ads na rin siyang naging proyekto pero kagaya ng sa mga commercial, puro minor rin iyon. Kahit sa mga ramp shows, puro minor role lang din ang nakukuha niya.
Eighteen years old si Ericka nang subukan niya ang mundo ng pagmomodelo. Nasa kolehiyo siya noon at nasa pangalawang taon sa kursong AB Communication. Dahil hirap sa buhay, ninais ni Ericka na makatulong sa pamilya. Nang alukin siya ng isa sa mga kaklase na sumali sa racket nitong pagsali nga sa mga iba’t ibang klaseng ads upang maging income, pumayag siya. Sinuwerteng natanggap siya sa isang commercial at kagaya nang hanggang ngayong role niya, minor rin ang una. Nasundan iyon at naging abala rin naman siya---isa sa mga dahilan kung bakit kinailangan niyang tumigil sa pag-aaral. Isama pa na noong taon rin iyon ay inatake sa puso si Nanay Teresita na siyang dahilan kung bakit na-paralyze ang kanang bahagi ng katawan nito.
Si Nanay Teresita at ang pamilya nito ang kumupkop kay Ericka simula nang abandunahin siya ng kanyang ina noong sampung taong gulang pa lamang siya. Isang prostitute ang kanyang ina at nang binalak itong pakasalan ng isang foreigner na naging customer nito, basta-basta na lang siyang pinaalis nito sa magiging maayos na buhay nito. Hindi raw kasi gusto ng foreigner na isama siya nito sa gagawing pamilya nito. Mas pinili nito ang foreigner kaysa sa sariling anak. Nang magdesisyon ang kanyang ina tungkol roon, hindi na iyon ipinagtaka ni Ericka. Noong una pa lamang naman ay wala na itong pagmamahal o pagpapahalaga sa kanya. Para kasi rito, isa lamang siyang pagkakamali. Isa lang siya sa naging bunga nang trabaho nito at ni hindi nga nito masabi kahit ang pangalan ng ama niya dahil sa iba’t ibang customer. Pero dahil kahit papaano, may konsensya rin ang kanyang ina ay binuhay naman siya nito. Kung may ipinagpapasalamat man si Ericka na naggawa ng kanyang ina sa kanya, iyon na lang siguro iyon.
Ngunit sa kabila ng lahat, hindi naman masasabi ni Ericka na masama ang buhay niya. Nang tanggihan siya ng kanyang ina ay buong loob naman na tinanggap siya ni Nanay Teresita---ang kapitbahay nila. Biyuda na ang babae at may isang anak na lalaki---si Matthew. Dalawang taon ang tanda sa kanya ni Matthew at dahil sa malapit na age gap, magkasundo sila. Ito ang itinuturing niyang matalik niyang kaibigan. Sa piling ng mag-ina ay naging maayos ang buhay ni Ericka. Hindi man ganoon karangya pero kontento na siya na may isang pamilyang tumanggap sa kanya sa kabila ng ginawa sa kanya ng ina. Maayos na pinalaki siya ni Nanay Teresita kahit na ba hirap rin ito sa buhay. Isa lamang itong labandera at matagal na rin na patay ang asawa.
Iyon ang dahilan ni Ericka kung bakit malalapit siya sa mga katulad nila Almira, Leon at Rosielyn. Kagaya ng mga ito ay masasabi niyang ulila na rin siya pero masuwerte siya dahil na rin may nag-ampon at tumanggap sa kanya. Gusto niyang tulungan ang mga ito dahil nakikita niya ang sarili sa mga ito. Kung hindi siya tinanggap ni Nanay Teresita noon, malamang ay ganoon ang buhay niya. Kaya bilang pasasalamat sa kanyang naging magandang buhay, sa maliit na paraan ay tinutulungan ni Ericka ang tatlong magkakapatid.
Hinawakan ni Rosielyn ang kanyang balikat. Pagkatapos ay mariing umiling ito. “Walang mali sa `yo, Ate Ericka. Ang ganda-ganda at ang bait-bait mo kaya! Tignan mo nga, naggawa mo pa kaming ibili pa rin ng burgers kahit hindi naman nangyari iyong ipinangako mo sa amin.”
Kiming ngumiti si Ericka. “Kulang pa `yan. Dapat ay marami pa nga akong nagagawa sa inyo...”
“Naiintindihan naman namin, Ate. Hindi naman kami humihingi nang malaki. Sapat na sa amin na kahit papaano, may tumutulong sa amin,” wika ni Leon.
“Isa pa, may pamilya ka, Ate. Dapat ay sila lamang talaga ang tinutulungan mo. Pero ito ka, kahit alam naman namin na kagaya namin, may problema ka rin na pang-pinansyal, tinutulungan mo pa rin kami. Kaya hindi mo kailangang humingi ng tawad sa amin.” Wika ni Almira.
Ginulo niya ang buhok ng tatlong bata. Tama ang mga ito, may problemang pang-pinansyal siya. Maaaring marami man ang nagsasabi na maganda raw ang trabaho ng modelo at tila kumikita ng malaki, kayang kastiguhin iyon ni Ericka. Paano kasi ay by project naman ang bayad sa kanila. Kung hindi sila mapili sa isang project, wala rin silang pera, wala silang suweldo. Isama pa na marami silang gastusin sa bahay dahil na rin sa lagay ni Nanay Teresita. Puro pa minor role ang ginagawa niya kaya mababa lang ang fee niya.
Dahil sa sakit ni Nanay Teresita, maraming gamot itong iniinom. Isama pa ang mga theraphy na linggo-linggong ginagawa rito. Hindi rin ganoon kalaki ang kita ni Matthew bilang isang factory worker. Kagaya kasi niya ay hindi rin nakatapos ng pag-aaral si Matthew. Sapat lang kung ituring ang kinikita nila at minsan pa nga ay kulang pa. Kaya kahit marami pa siyang gustong gawin sa mga batang kagaya ng tatlong magkakapatid, hindi niya maggawa. Tanging maliliit na bagay lang ang kanyang nakaya.
“Pero `wag kang mawalan ng pag-asa, Ate, ha? Darating rin ang panahon na magiging maayos ang lahat. Mapipili ka rin sa isang major role. Kaya cheer up na, Ate, ha. Ang sexy-sexy mo pa man rin ngayon!” sumipol pa si Leon pagkatapos.
Napangiti si Ericka. Kahit ang mga kasamahan sa ad shoot ay iyon rin ang sinabi. Kahit modelo, hindi si Ericka ang tipo ng tao na madalas na nagsusuot na damit na sexy. Madalas ay simple lamang siya---isa siguro sa mga dahilan kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa rin siya umaangat. Pero dahil ngayong araw ay pipili ng mga models para sa pinapangarap niyang commercial ad ay ibinigay na niya ang lahat. Commercial shoot kasi iyon ng isang skin product na paboritong-paborito niyang gamitin. Isa iyong dream come true sa kanya lalo na at nangungunang produkto iyon ng lotion sa bansa. Suwerteng sa pagkakataong ito ay napili ang ad agency kung saan siya naka-kontrata ang gumawa ng commercial ng mga iyon. Inabusihan rin sila ng director na magsuot nga ng sexy at damit na magpapakita ng balat dahil na rin sa klase ng produkto na gagawan ng commercial.
Pero sa kabila ng lahat, bigo pa rin si Ericka. Isa rin iyon siguro kaya nilukob rin siya nang matinding lungkot sa ngayon. Umasa siya at nabigo. Ibinigay na niya ang lahat, lumabas siya sa shell niya pero kulang pa rin. May mali pa rin. Pagkatapos ng meeting ay dumiretso siya sa sea side kaya naman nakita rin ng mga bata ang kanyang suot.
Nang matapos kumain ang tatlong magkapatid ay sandaling nakipagkuwentuhan ang mga ito sa kanya pagkatapos ay nagpaalam na sa kanya na aalis. Tuwing gabi kasi ay nagtatrabaho naman ang mga ito sa isang karinderya sa isang night market. Tumutulong ang mga ito roon kapalit ng libreng hapunan pagkatapos.
Niyakap niya ang tatlong bata bago ang mga ito umalis. Hinalikan pa siya ng mga ito isa-isa. Dahil sa ginawa, ramdam ni Ericka na nakaagaw sila ng atensyon. Noong una pa lamang, nang makita ng mga tao ang suot niya at suot ng mga ito at nilapitan niya ang mga ito, ramdam niyang ilang tao rin sa lugar na iyon ang nakatingin sa kanila na tila nagtataka. Pero kagaya ng dati, binabalewala lang iyon ni Ericka. Sanay na siya sa mapanghusgang mata ng mga tao. Ngunit sa pagkakataong iyon, hindi nabalewala ni Ericka ang lahat ng tingin nang paalis na siya sa lugar.
Maraming tao sa sea side, may iilan pa rin na nakatitig sa kanya na nang-uusig. Binalewala niya ang mga ganoong tingin pero hindi ang tingin ng isang lalaki. May ilang dipa ang layo nito sa kanya. Nakakunot-noo ito sa kanya at kahit nagtama ang kanilang mga mata, ni hindi man lang ito nag-iwas. Sa halip, lumalim pa ang pagkunot ng noo nito.
Tila nahawa naman si Ericka sa pagkunot ng noo ng lalaki. Sino ang lalaking iyon? Bakit tila kakaiba ang tingin ng ibinigay nito sa kanya kaysa sa karamihan sa mga tao roon? Bakit kakaiba rin ang naging reaksyon nito nang magtama ang kanilang mga mata? Sa halip na maglihis ito ng tingin dahil sa pagkahuli niya rito, tila mas lalo pa siyang tinitigan nito. Pero ang higit sa lahat na bakit...bakit tila naging kakaiba yata ang tibok ng puso niya sa simpleng salubong lang ng tingin nilang dalawa?
May kakaiba, naiisip-isip ni Ericka. Maaaring i-associate ni Ericka ang malakas na tibok ng puso sa kaba dahil sa kakaibang titig ng lalaking ito. Pero kahit isipin niya na ganoon, tila ayaw tanggapin ng puso. Iba ang kaba sa nararamdaman niya ngayon. May halong saya kasi ang malakas na tibok ng kanyang puso sa ngayon. Iyon ba ay dahil sa kabila ng kakaibang titig ng lalaki, kakaiba rin ang itsura nito? Tila hindi ito pangkaraniwang Pilipino. Sa mata pa lamang nito ay makikita na iyon---mayroon itong mapusyaw na kulay asul na mata.
Dahil na-curious na rin si Ericka sa ginawang pagtingin ng lalaki, hindi naman niya naiwasan na bukod sa mata nito ay tignan rin niya ang iba pang parte ng katawan at kabuuan nito. Kahit may kalayuan ito sa kanya, pansin agad niya na matangkad ito at bumagay rin doon ang lean na katawan nito. May pagka-caucasian ang itsura nito. Sa ulo nito ay may nakasuot na tila isang artist hat at naka-over-all. Parang ang weird ng itsura ng lalaki, lalo na at napansin niya na may bakas pa ng pintura sa over all nito. Siguro ay isa itong artist kaya ganoon. Ang outfit nito ngayon ay kagaya ng mga pintor na nagkalat sa mga streets sa Italya na napapanood niya sa mga pelikula. Dahil hindi uso ang ganoon sa Pilipinas, natagpuan niya na weird para sa kanya ang itsura nito. Pero kahit ganoon, hindi maitatanggi ni Ericka na guwapo ito. Iyon rin siguro ang dahilan kung bakit tumibok ng kakaiba ang kanyang puso.
Nakaramdam tuloy si Ericka ng pag-iinit ng kanyang mukha dahil sa lalaking ito. Sa kabila ng lahat, nagustuhan niya ang naging titig nito. Nagustuhan niya ito sa unang tingin pa lamang. Napakaguwapo nito. Pero nang makumpira niya ang nararamdaman ay dagli rin naman iyon nawala nang pagkatapos niyang pasadahan ng tingin ang lalaki ay siya naman ang pinasadahan ng tingin nito. Nawala ang masayang pakiramdam ni Ericka nang makitang nag-iba ang klase ng tingin nito sa kanya.
Tingin na nakakaloko. Tingin ng nagnanasa. Iyon ang nakikita niya sa mga mata nito. At nang ngumisi ito sa kanya, nakumpirma iyon ni Ericka. Bahagyang nanlaki pa ang mga mata niya. Dagling napalitan ng takot ang kanina ay masayang pakiramdam sa dibdib.
Bilang ganti sa kabastusang ginawa ng lalaki, ipinaikot ni Ericka ang mga mata saka dali-daling umalis sa lugar.
CEDRIC quickly pull away himself from the lady in bed after they both got their climax. Mabilis rin na inayos niya ang sarili. Nagbihis agad siya at kinuha ang kanyang wallet. Naglabas siya roon ng malaking pera at inilapag sa kama sa pagtataka ng babae.
“I’m not a prostitute!” reklamo pa nito pero nanlaki rin ang mga mata nang makita ang laki ng pera na kanyang inilabas.
“I don’t cradle girls with expensive jewelries so better accept it,” walang emosyon na wika ni Cedric.
“S-so that’s just it?”
Tumango si Cedric. “What do you expect?”
“What we have is wonderful. Kahit sandaling oras lang `yun, nag-enjoy ako. And I want more. Don’t leave so soon...” tumayo pa ito sa kama upang akitin muli siya. Ni hindi nito inalintana na sa pagtayo nito ay makikita ang hubad na katawan.
Lumapit sa kanya ang babae. Sinimulan nitong yakapin siya sa likod at halikan sa batok. Sinubukang pakiramdaman ni Cedric ang sarili niya. Pero mukhang hindi na talaga siya muling bibigay kagaya ng kanina. Inalis niya ang kamay na nakapulupot sa katawan niya. Lumayo siya rito.
“You didn’t satisfy me,” prangkang wika ni Cedric sa babae.
“What?” halos isigaw na iyon ng babae. Mababakas ang iritasyon sa boses nito. “Hindi mo puwedeng sabihin `yan. You melt into me. You performed really well! I conclude with that you enjoyed it, too,”
That was a lousy performance, babe, gusto sanang isantinig ni Cedric. Hindi niya sigurado kung ganoon lang talaga kababa ang standard ng babaeng ito o sadyang magaling lang talaga siya nang hindi niya sinasadya. Alam ni Cedric na hindi niya naibigay ang best niya dahil ramdam niya na may kulang. Pakiramdam pa nga niya sa dulo ay malaki ang pagkadisgusto niya sa kanyang sarili.
Maganda naman ang babaeng kasama niya. But her beauty is not that enough to satisfy him in bed. Kahit tila perpekto ito, sa pag-responde at sa ganda ng katawan, tila malaki pa rin ang kulang. Hindi ito ang hinahanap niya. Hindi ito ang kailangan niya. Gustong mapamura ni Cedric dahil sa kanyang ginawa at iniisip.
Two days ago, umuwi si Cedric sa Pilipinas galing sa Italy kung saan siya nakabase. He just suddenly wanted to go to his home country. Bilang isang painter, hawak niya ang kanyang oras kaya magagawa niya ang lahat ng gustuhin niya. Kung nanaisin niyang magbakasyon kahit may trabaho siya, magagawa niya. Pero hindi niya ugaling pagsabayin ang leisure at ang trabaho. Kapag nagtatrabaho siya, gusto niya ay naka-focus lang siya sa ginagawa. Ayaw niya ng distraction. Maraming mga araw na nagkukulong lang siya sa kanyang kuwarto tuwing nagpipinta siya. Hindi niya gustong lumabas, hindi niya gustong maistorbo. Lalo na sa tuwing matindi siyang dinadalaw ng kanyang inspirasyon. Pero dahil ngayon ay isa sa mga kaunting araw kung kailan hindi siya dinadalaw noon, kailangan naman humanap ni Cedric ng inspirasyon.
Sa paghahanap ni Cedric ng inspirasyon, naisip niya ang Pilipinas. He had a big project of painting beautiful sun set sceneries. Dahil alam niyang ang isa sa mga pinakamagandang sun set ay makikita sa bansang sinilangan, naisip ni Cedric na pumunta roon. Isama pa na ilang buwan na rin simula nang hindi siya nakakapunta sa Pilipinas. Gusto niyang bumisita.
Kahapon ay nagpunta na siya sa Manila Bay upang tignan ang tanawing gusto niyang magkaroon ng inspirasyon sa proyektong gagawin. Sandaling na-inspired siya at nakapagpinta ng ilang oras sa gabi hanggang sa hinila siya ng katawan upang matulog. Sa kanyang paggising ay nakapagpatuloy pa rin naman siya. Ngunit bandang alas-kuwatro ng araw ay tila nawalan siya ng gana. Tila nilisan siya ng inspirasyon. Kaya minabuti niya muling bumalik sa may sea side sa Manila Bay na makikitang napakaganda ng sun set. Pero sa pagbalik niya, lalong nawala ang kanyang sarili sa konsentrasyon. Nabaling iyon sa iba.
Sa isang babae.
Kilala si Cedric bilang seryosong lalaki. Madalas ay nilalarawan rin siya ng mga kaibigan bilang walang emosyon, brusko at masyadong matigas. Hindi naman itinatanggi iyon ni Cedric. Pero hindi ibig sabihin noon...hindi siya ang tipo ng lalaki na hindi naakit. Normal siyang lalaki. Naaakit rin siya.
Marami-rami na rin siyang babae na dinala sa kama kagaya ng babae ngayon. Kapag lumalabas siya, hindi miminsang naka-attract siya ng atensyon. Ngayon ngang gabi, dahil na rin sa nangyari sa sea side, ay ginusto niyang lumabas rin upang ilabas ang kakaibang init na naramdaman niya dahil lamang sa nakapagpagulo sa kanyang babae na nakita sa sea side. Nagpunta siya sa bar, ginulo ang sarili sa pag-inom at nang lumapit sa kanya ang isang babae na may kasamang interes, pinatulan niya ito. Napunta sila sa hotel pero kahit ganoon, hindi pa rin nawala sa isip ni Cedric ang babae sa sea side. Pinilit niya na ibaling ang nararamdaman rito sa babaeng kasama niya ngayon pero sa halip na masiyahan at makontento, nainis pa siya sa sarili.
“Now you know that I don’t,” hindi si Cedric ang klase ng lalaki na gustong mag-ingat sa kanyang mga sinasabi, lalo na sa mga babae. Hindi siya ang klase ng lalaki na mahilig magsalita at makipagkuwentuhan. Madalas na tahimik lang siya. Pero kapag nagsalita siya, madalas ay tumitiklop ang lahat. He was a frank man. Rude. Ilang tao na ang nagsabi sa kanya noon. But he doesn’t care. He doesn’t give even a single damn.
Akmang maglalakad na siya palabas ng hotel na pinuntahan nila ng babae nang magsalita muli ito.
“Ganoon na lang ba talaga iyon? I can’t believe this! I don’t even know your name!”
Ngumisi si Cedric. Naalala niyang palaging ganoon ang reklamo sa kanya ng mga babae kapag nililisan na niya ang buhay ng mga ito. Isang kasiyahan naman ni Cedric iyon. Kahit kanino ay hindi niya gustong magpakilala sa iba. Mananatiling misteryo sa karamihan si Cedric Guidicelli---ang masasabing isa sa mga pinakasikat at pinakamatagumpay na pintor sa buong mundo.
Sikat si Cedric---sa kanyang pangalan. Pero hindi ang kanyang mukha. Kilala siya bilang ang misteryosong pintor, ang misteryosong International Billionaire. Hindi kasi kagaya ng mga naging kaibigan niya sa Safe Haven na sina Nikos, Augustus, Ed, Jet at Vincent, hindi siya sumama sa mga photo shoots kapag gusto silang i-feature sa article. He wanted his privacy. He values it too much. Ayaw niyang kapag ginugusto niyang pumunta sa isang lugar ay pinagkakaguluhan siya kagaya ng mga kaibigan. Madalas ay kinakailangan pa ng mga ito ng sariling bodyguard para protektahan ang sarili ng mga ito. Dahil sikat, lalo na sa klase ng kasikatan pa na mayroon sila, kailangang mag-ingat talaga ng mga ito.
They were billionaires. Silang anim ang may-ari ng pinakamalaki at pinakamatagumpay na Group of Companies sa buong mundo---ang Haven Group of Companies. Dahil roon, prone sila sa panganib. Pero dahil hindi kilala ang mukha ni Cedric bukod sa kanyang pangalan, hindi siya. Iniiwasan niya na makipagkilala sa iba. O kung ginagawa man niya sa iba, iba ang sinasabi niyang pangalan. He doesn’t want to risk his privacy.
Isa siyang artist. Aminado siya sa kanyang sarili na malaki ang topak niya. Marami siyang mga weirdo na gawain. Kagaya na nga lang nang ginawa niya nang hapon na iyon. Dahil sa bigla-biglang kawalan niya ng inspirasyon, nagmadali siya na magpunta sa Manila Bay para lang makuha muli iyon. Hindi na siya nag-abala na ayusin ang sarili para lang masilayan ang dinadayong sun set. Nagpahatid siya sa driver sa normal painting attire niya, white shirt and an over all. Suot rin niya ang kanyang artist hat. Nakasanayan niya na magsuot ng ganoon dahil iyon ang palaging sinusuot ng taong nag-ampon sa kanya. Dahil gusto nitong maging katulad siya nito, sinanay siya nito na ganoon palagi ang suotin niya. Maayos naman kung titignan iyon pero dahil na rin sa ginagawa, ramdam niyang may ilan pang talsik ng pintura sa kanyang damit.
Hindi na inabala pa ni Cedric ang sarili na pansinin ang mga sumunod na sinabi ng babae. Hindi na importante sa kanya kung ano pa ang sasabihin nito. She was just one of the women who come and go in his life. Ni hindi nga siya na-satisfy sa kanilang gabi, sa kanilang ginawa. Hindi ito importante sa kanya. Hindi ito ang hinahanap niya.
Hanggang sa makauwi ay nasa mga nangyari pa rin sa biglaang pagpunta niya sa Manila Bay ang isip ni Cedric. That lady was still haunting his mind. Kakaiba ito. Ilang minuto rin niyang pinagmasdan ito habang tinutulungan at nakikipagkuwentuhan ito sa mga pulubi na nagkalat sa lugar. She seems to be one of a kind person. Soft-hearted, kakaibang-kakaiba sa kanya. Ngunit kahit ganoon, nagustuhan ni Cedric ang nakitang ginagawa nito. After all, isa lang rin siya sa mga may mahirap na pinagdaanan na kabataan. Kaya niyang makita ang sarili sa mga pulubi na iyon kaya ang gawan ng isang magandang babae nang mabuti ay magiging isang malaking bagay para sa kanya. Pero hindi lang iyon ang nagustuhan ni Cedric. Mas nakuha ng babae ang atensyon niya dahil sa itsura nito.
She was so beautiful in that red velvet dress. Tila out of place ito sa may sea side dahil na rin sa itsura nito. Iniisip ni Cedric na baka iyon ang dahilan kung bakit naagaw nito nang matindi ang kanyang atensyon. Kakaiba kasi ang suot nito, tila isa itong artista na galing sa isang photo shoot para sa isang sexy na magazine. And just because of that...he wanted her.
It was so instant. It seems so weird. Pero dahil kilala na rin ni Cedric ang kanyang sarili, hindi na niya gaanong ipinagtaka iyon. He was weird. With just that moment, in just a few minutes of looking at her, he had an unusual feeling inside him. Tila hindi lang iyon simpleng pagnanasa...tila may kakaiba. May naramdaman siya pero hindi niya gustong isipin kung saan. Nahihirapan siyang ipaliwanag. Pero kahit ganoon, hindi gusto ni Vincent na siya ang unang lumapit rito. Hindi niya gawain iyon. And when he saw him, nakita naman niya ang disgusto sa mukha nito dahilan para lumayo ito sa kanya...and just that, he lost the girl.
But still...she haunted him. Anong mayroon sa babaeng iyon?