International Billionaires 5 - 6 Chapter 14

“DO YOU have a boyfriend?”

Sandaling natigilan si Ericka nang marinig ang tanong na iyon ng baklang interviewer. Naalala niya ang payo sa kanya ng isa sa mga kaibigan na kapwa modelo. Kapag daw sumasagot sa mga tanong, dapat daw ay mala-“showbiz” rin ang sagot. Ituring daw nila na celebrity ang kanilang sarili kahit na ba hindi naman sila ganoong kasikat.

Binigyan ng malihim na ngiti ni Ericka ang interviewer. “I have someone special,”

Tumango-tango ang bakla. “Showbiz kung showbiz talaga, ha?” komento nito. “But is he showbiz or non-showbiz, too? I’m curious. Kahit hindi ka pa ganoong kasikat at struggling pa lang kung maituturing, you have your own beauty. I kind of like you. I feel that someday, may future ka. And we all know the latest in our showbiz community today. Madalas ay dinadala ng kung sino man na boyfriend ng isang modelo ang mga struggling o aspiring models na girlfriend nila. It can always be the other way around. Its an issue with Miley Cyrus and his ex-fiance, Liam Hemsworth. Ganoon rin ang issue tungkol sa bago niyang boyfriend na si Patrick Schwarzenegger. Aspiring model and actor kaya pumapatol raw sa mga sikat para mas maka-gain ng popularity para lalong sumikat. What do you think about that tactic, Miss Macaranas?”

Sandaling natulala si Ericka sa sinabi ng interviewer. Dahil isa lang naman na pagkukunwari ang tungkol sa pagkakaroon niya ng “someone special” sa kanyang buhay, hindi siya nakapaghanda na maaaring magtanong pa pala nang husto ang interviewer na ito. Isama pa na hindi naman talaga niya masasabing kailangan pa niyang paghandaan ang interview. After all, isa lang iyong interview tungkol sa mga struggling at aspiring models sa Pilipinas. Sa isang tabloid lang rin mapa-publish iyon. Maaaring tulong sa career niya dahil kahit papaano, ma-e-expose siya, pero dahil hindi naman iyon ganoon kalaki, hindi na lang din pinaghandaan ng mabuti iyon ni Ericka. Binigyan lang siya ng ilang tips ng isa sa mga kaibigang model kaya niya nagagawang sumagot kagaya ng isang celebrity.

Pero hindi nagustuhan ni Ericka ang sumunod na tanong ng interviewer. Oo, nahihirapan na siya at tila nawawalan ng pag-asa na balang araw ay darating na sa buhay niya ang matagal ng inaantay na break. Pero hindi naman niya gustong gumamit ng isang tao para lang sumikat. Alam niya ang tama at mali. Kahit nakapagsinungaling na rin naman siya sa interviewer, inilabas niya ang kanyang totoong saloobin.

“Kung sikat man siya, hindi gustong gamitin siya bilang daan ko para sa pagsikat. Its my stair, its my journey. Sabi nga nila, there is no elevator to success, you have to take the stairs. Mas gugustuhin ko ang ganoon kaysa ang gamitin siya para sa pagsikat ko.”

“Oh... showbiz pa rin ang sagot ko! So ano nga? Is he showbiz or non-showbiz? How is he looking? What is his job? May plano na ba kayong magpakasal? Anong pakiramdam niya sa trabaho mo ngayon?”

Tila nagiging personal na ang mga tanong. Pero ipinagsawalang-bahala na lang ni Ericka ang mga iyon. After all, mismong ang bakla ang nagsabi na gusto siya nito. Tila may malaking interes ito sa kanya. Kaya siguro nagiging ganoon ang mga tanong nito ay para na lang din sa sarili nito. Makakatulong rin naman iyon sa kanya. Nag-isip na lang si Ericka ng kanyang maaaring isagot sa kanyang ginawang kasinungalingan.

Matagal-tagal rin bago nakapag-isip si Ericka. Sa edad niya, wala pa siyang nakakarelasyon. May mangilan-ngilan na nanliligaw pero dahil mas gusto niyang i-focus ang pansin sa kanyang career, hindi niya pinapansin ang mga iyon. Isama pa, wala pa rin naman nakakapagpaiba ng tibok ng puso niya.

Maliban sa isang tao.

Sa kabila ng masamang karanasan ni Ericka sa lalaking iyon, hindi rin niya maitatanggi na nagustuhan niya ito. Nang maisip ang lalaki ay iyon na lamang ang kanyang inilarawan dahil hindi rin naman siya ganoong kahanda.

“Well, he is an Italian,” wika ni Ericka. Kamukha ang lalaking iyon ang isa sa mga kaklase niya noong high school na may lahing Italyano kaya iyon ang kanyang naisip. Pareho kasing light blue ang mga mata nito. “And a painter,” dugtong niya nang maalala kung anong nahulaan niyang maaaring trabaho ng lalaki dahil na rin sa suot-suot nito nang una niya itong makita.

Kumunot ang noo ng interviewer pero hindi na ito muling nagsalita. Hindi na rin ito nag-usisa. Nagsulat na lang ito sa notebook nito at nang matapos ay matamang tinitigan siya. Gusto na rin mapakunot noo ni Ericka dahil naramdaman niyang tila may nag-iba yata rito pagkatapos marinig ang sagot niya. Ngunit bago pa makapagsalita si Ericka, nagpaalam na sa kanya ang interviewer. Hindi na lang rin inintindi ni Ericka ang kakaibang iginawi ng interviewer dahil para sa kanya ay wala naman siyang nasabing masama sa paglalarawan niya sa lalaki. Isang figment of her imagination lang rin ang “someone special” na na-describe niya. Doon naman nagsimulang mag-iba ang ginawi ng interviewer, hindi sa pagsisinungaling niya tungkol sa existence kuno ng someone special sa buhay niya.

Pero sa kabila ng lahat...parang bigla yatang kinabahan si Ericka.

NAGISING si Ericka sa masayang tawag sa kanya ng manager ng ad agency kung saan siya nakakontrata. May bago raw siyang project. Kakaiba ang boses manager ng agency nang tawagan siya. Tila sabik na sabik ito. Dahil doon, nasabik si Ericka. Umaasa siya na baka dumating na ang suwerte niya!

Dumating siya sa opisina at halos lahat ay nakangiti sa kanya. Kahit ang mga dating empleyado na dinadaan-daanan lang siya ay binati pa siya ngayon. Hindi man “congratulations” para magkaroon naman siya ng hint na mukha ngang dumating na ang suwerte na inaantay niya, masaya na rin siya. At least ngayong araw, pakiramdam niya ay respetado siya ng mga tao.

Isa iyon sa hindi nagugustuhan ni Ericka sa trabaho niya. Isa rin dahilan kung bakit nade-depress na siya na hanggang ngayon ay hindi pa rin siya nadidiskubre. Hindi pa siya sumisikat. Ang tingin pa rin tuloy sa kanya ng mga tao ay mababa kaya hindi siya madalas bigyan ng mga ito ng ganoong klase ng pagbati hindi kagaya ng ilang kasamahan niyang modelo roon na sikat na. Hindi niya maramdaman na respetado siya.

Hanggang ngayon.

Gusto ni Ericka na aliwin ang sarili sa ginagawa ng mga tao sa kanya sa kabila ng pagtataka. Nang dumating siya sa mismong opisina ng manager ay naging maganda rin ang pagbati nito sa kanya.

“Ah, finally, our star arrived!” nakangiting wika ni Miss Leonor---ang manager ng ad agency. Sinalubong siya nito at niyakap. Nasa opisina nito pati ang baklang stage director ng agency. Sandaling napakunot noo pa si Ericka sa sinabi at ginawa ni Miss Leonor. Pero napangiti rin.

Star? Kailan pa ako naging star? Gustong maibulalas ni Ericka. Pero inaliw na lang niya ang sarili sa natatamasa sa ngayon. She felt overwhelmed.

Baka nga ito na ang lucky day ko. Ito na ang big break ko!

“Aw, Ma’am. Thank you. So ano po ang dahilan kung bakit niyo ako pinapunta rito?” nang tawagan siya nito kanina ay sinabi nitong sa opisina na lang siya nito kakausapin.

Nagniningning ang mga mata ni Miss Leonor. May ibinigay itong dyaryo sa kanya. “Bakit hindi mo naman sinabi sa amin, Ericka? Edi sana, matagal ka ng sumikat!”

Nakakunot noong kinuha ni Ericka ang dyaryo. Naisip niyang baka iyon ay ang article na ginawa ng baklang nag-interview sa kanila kahapon. Tama naman ang naisip ni Ericka. Pero hindi ang mga nakalagay roon.

“What?!” nanlaki ang mga mata ni Ericka nang mabasa ang nilalaman ng artikulo sa diyaryo. Muntik na rin niyang maihampas iyon. Hindi iyon ang inaasahan niya na mababasa sa article. Surely, ang nag-interview noon sa kanya ay magaling talaga na writer. At hindi lang basta isang writer...dahil hindi makatotohanan ang isinulat nito sa article.

“Bakit mo ba nilihim-lihim pa na boyfriend mo ang misteryosong sikat na pintor na iyon? Marami sa amin ang gustong makilala siya. Ni hindi nga siya nagpapakita ng personal sa mga tao.”

Napakagat-labi si Ericka. “Actually---“

“Cedric Guidicelli is a very private person. Pero ngayon, masasabi nating hindi na. Dahil naggawa mong sabihin na sa isang interview na boyfriend mo siya. How really nice. Paniguradong magiging eye candy ka ng mga tao. At dahil diyan... ibibigay namin ang malalaking pending projects ng agency sa `yo. All major role. You’ll have your big break!”

Nanlaki ang mata ni Ericka. Mula sa kanyang pag-aalinlangan dahil sa maling balita, nilukob naman siya ngayon nang matinding kasiyahan. Sandaling nawala sa isip niya na magpaliwanag. “Talaga po?”

“You’ll be the agency’s superstar! Sisikat ka na!” sabik na sabik pa na wika ng director. Sinabi nito ang mga posibleng proyekto na ibibigay sa kanya dahil sa naging balita ngayon.

Masyadong na-overwhelm si Ericka. Halos tango lang siya nang tango habang sinasabi ng director kung ano ang magiging posibleng proyekto niya. Nasabik siya sa ideya. Ito na ang katuparan ng pangarap niya.

Inisip ni Ericka ang maaaring mangyari sa kanyang buhay. Magiging maayos ang buhay nila. Makakabili siya ng magandang bahay, matutulungan niya nang husto si Nanay Teresita, maaari nilang mabigyan pa ito nang hustong pag-aalaga kapag naging mayaman siya. At ang mga bata...ang advocacy niya na makatulong sa mga ulila ay mas lalo pa niyang magagawa ng matagumpay.

Ang saya-saya ni Ericka.

“Thank you so much po. I can’t contain my happiness. This is all a dream come true!” wika niya nang matapos ang pag-uusap.

“Alam ko, hija. Ikaw ba naman kasi. Kung sinabi mo lang agad na ang Italyanong pintor pala na iyon ang nobyo mo, edi sana, matagal ka na naming inalok ng magandang role dito sa agency.”

“Italyanong pintor---?” sa sinabi ni Miss Leonor ay bumalik muli si Ericka sa realidad. Naalala niya ang nabasang maling sinulat ng writer. Dahil sa pagkukuwento niya rito ng “fictional boyfriend” niya, inakala nito na ang ikinukuwento niya ay si Cedric Guidicelli. Hindi naman nito tuluyan na sinabing ganoon pero in-assume nito na base sa mga kuwento niya, iyon ang lalaki. Hindi niya maintindihan kung bakit nito ginawa iyon. Pero kung ano pa man ang dahilan ng interviewer, isa lang iyong maling pagkakamali.

Ni hindi niya kilala si Cedric Guidicelli. Naririnig niya ang grupong kinabibilangan nito pero hindi naman siya iyong tipo ng babaeng mahilig sa mga sikat, hindi niya binigyang pansin ang mga iyon. Dahil doon, hindi niya inakala na maaaring may pagkakahawig pala ang paglalarawan niya sa fictional boyfriend niya at pati na rin sa Cedric na iyon. Nagulat siya sa mga pangyayari pero sa kabilang banda, may isang bahagi ng puso ni Ericka na nagustuhan ang nangyari.

Isa man na malaking pagkakamali iyon ay naging maganda ang dulot noon kay Ericka. Nirespeto siya ng mga katrabaho niya at ngayon ay mabibigyan na siya nang malaking proyekto. Dalawang pangarap ang natupad dahil sa maling impormasyon na iyon

“Cedric Guidicelli! May romantic affair pala kayo. Hindi ka naman nagsasabi. But well, kilala na namin si Cedric. Siya ang miyembro ng International Billionaires na kahit kailan, hindi nagpapakita sa madla. Masaydong masikreto. Kaya siguro ginusto mo rin na isekreto ang lahat.”

Napakagat-labi si Ericka. Gusto niyang itama ang lahat ng pagkakamali. Alam ni Ericka na mali...pero nakakatukso ang sarap na tinatamasa niya ngayon. Pagkatapos ng pitong taon, ngayon lang niya naramdaman ang ganitong klase ng sarap. Tila ba sabik na sabik sa kanya ang mga tao, tila ba napakaimportante at espesyal niya. She was beyond overwhelmed...

Bahala na nga! Naisip-isip ni Ericka. It was good to have little white lies and innocent prank sometimes anyway.

DAHIL sa tagumpay na tinamasa, naisip ni Ericka na pumunta sa sea side upang bisitahin ang magkakapatid na Almira, Leon at Rosielyn. Gusto niyang ibahagi sa mga magkakapatid ang nangyari ngayong araw. Hindi siya nagdala ng pagkain sa mga ito dahil ang balak niya ay ang yayain mismo ang mga ito sa isang fast food chain para doon ang mga ito i-treat. Pero sa kasamang palad, hindi niya nakita ang tatlong magkakapatid sa sea side.

Napaupo sa tabi si Ericka. Sabik pa man rin siya. Masaya siya at alam niyang magiging masaya rin ang tatlo sa ibabalita niya. Kaya naisip niya na antayin na lang ang mga ito. Baka may pinuntahan lang ang mga ito sa oras na iyon at babalik rin sa lugar maya-maya. Gustong-gusto niyang makasama ang tatlo.

Inaliw na lang ni Ericka ang sarili sa panonood ng magandang sun set. Nagustuhan naman niya iyon. Naalala niyang noon, palagi siyang nalulungkot tuwing nakikita niya iyon. Paano kasi, pinaalala sa kanya ng sun set na patapos na naman ang araw. Panibago na namang araw, panibagong araw na aasa siya at ano? Hindi na naman matutupad. Madalas ay iniiwasan niyang panoorin iyon kapag napapatambay siya sa sea side para puntahan ang magkakapatid. Pero hindi na sa pagkakataong iyon. Natupad na ang ilan sa mga pangarap niya. Sisikat na siya!

Napakasaya ni Ericka. Ngayon ay hindi na siya nalulungkot dahil sa pagtatapos ng araw, alam niyang unti-unti na niyang maisasakatuparan ang pangarap. Bago siya umalis ng agency ay pinapirma siya ng mga ito ng kontrata sa endorsement ng shampoo. Hindi man nangunguna ay kilala ang shampoo na iyon kaya lalong naging buo ang araw ni Ericka. Siya rin ang main role sa commercial.

Pero habang inaaliw ni Ericka ang sarili, may isang bulto naman ng katawan ang humarang sa kanyang magandang scenery. Napakunot ang noo niya dahil hindi lang iyon basta humarang na dumaan. Matagal itong nakaharap sa harap niya habang nakaupo siya sa isa sa mga benches. Itinaas niya ang tingin kung sino ba ang taong iyon at nagsalubong ang kanilang mga mata. Ganoon na lang ang panlalaki ng mata ni Ericka nang makita ang pamilyar na mukha ng lalaki sa kanya...

Ang pinagkuhanan ko ng image ng fictional boyfriend ko! Naisip agad ni Ericka sa halip na ang kadigu-disgustong ginawa nito sa kanya nang araw na magkita rin sila sa lugar na iyon.

Kagaya noong una, hindi nagsalita sa kanya ang lalaki. Nilapitan lang siya at matamang tinitigan. Dahil nasalubong niya ang light blue na mga mata nito, nabasa niya agad ang emosyon noon. Mukhang galit ito habang nakatingin sa kanya. Bahagyang nagulo si Ericka. Bakit naman ito magagalit sa kanya?

Nagulat si Ericka sa pagdating at paglapit sa kanya ng lalaki. Hindi niya inaasahan iyon. Hindi rin niya inaasahan na sa pangalawang pagkakataon, sa kabila ng hindi niya nagustuhang ugali nito nang makita siya, ay may kakaiba na namang naging tibok ang puso ni Ericka. Sa halip na matakot at kabahan, may kasarapan na naman siyang nararamdaman mula roon. Pero ayaw magpaapekto ni Ericka sa kakaibang ginagawi ng kanyang puso. Tinaasan niya ng kilay ang lalaki.

“Anong problema mo?”

Gumalaw ang ulo nito. Nagtaas rin ito ng isang kilay sa kanya. “Anong problema ko? Ikaw ang may problema, Miss.”

Kumunot ang noo ni Ericka. “Problema? Ako ang may problema? Samantalang ikaw itong lumapit sa akin at hinaharangan ang view ng sun set sa harap ko!”

Napansin niya na kumuyom ang kamay ng lalaki. Hindi niya talaga maintindihan ito. Bakit ito mukhang galit sa kanya? Pagkatapos nang unang pagtatapo nila sa sea side ay ngayon na lang sila muling nagkita nito. Wala siyang masasabing naggawa niyang masama rito para umasal ito ng ganoon sa kanya. Maliban na lang sa pagkuha niya ng inspirasyon rito tungkol sa imahe ng fictional boyfriend na ginamit niya sa interview. Hindi naman nito alam iyon kaya bakit ito magre-react ng ganoon?

“Hindi kita maintindihan, Mister. Bakit ikaw pa ang galit sa akin? Samantalang ikaw itong tumingin sa akin nang nakakadiri nang---“

“Kung ganoon ay naalala mo ako.” Wika ng lalaki. Ngayon ay mukhang nasiyahan na ito. Medyo nawala na ang galit na nakita niya sa mata nito.

“Paanong hindi? You are disgusting! Para kang---“

“Ikaw ang may kasalanan. You shouldn’t be looking like that in public.”

Alam naman ni Ericka iyon. Kahit siya rin naman ay hindi nagustuhan ang suot niya noon pero kailangan. Nakalimutan rin niyang magdala ng pamalit kaya napilitan na lang siya na magpunta sa park na iyon na ganoon ang itsura. Somehow, sinsisi rin ni Ericka kung bakit nabastos siya. May kasalanan rin siya. Pero mas sinisisi niya ang lalaking ito.

“Isang free country ang Pilipinas. Walang masama kung magsuot ako ng sexy in public,” katwiran ni Ericka.

“Still...bodies like that should be outlawed.”

Tumaas ang kilay niya. Sino ba ang lalaking ito? Bakit tila ang laki ng pakialam nito sa kanya? Isa pa, bakit magaling yata itong mag-ingles?

“Whatever. Kung sino ka man, hindi ka na rin dapat nakikialam. Hindi kita kilala.”

Sandaling kumunot ang noo nito. Pero maya-maya ay tumango-tango ito. “Hindi mo ako kilala. Interesting.”

Tumaas ang isang kilay ni Ericka. “Bakit, sikat ka ba?”

Mataman na tinignan ni Ericka ang lalaki. Nakaramdam na naman siya ng kung ano sa puso niya pero pinilit niyang huwag pansinin iyon. Hindi pamilyar sa kanya ang lalaki. Mukhang hindi rin naman ito sikat base sa ayos nito. Hindi kagaya noong una ay hindi na ito mukhang pintor. Casual lang ang suot nito---isang simpleng collared shirt at pantalon. Naka-tsinelas lang rin ito. His get-up was so ordinary. Dahil doon, hindi niya masasabing sosyal o mayaman ito kaya nakakapagtaka ang ikinikilos nito sa kanya.

Hindi nito sinagot ang kanyang tanong. Dumilim muli ang mukha nito. “Nakita ko ang article tungkol sa `yo sa dyaryo...”

Bahagyang napakunot noo si Ericka. Ganoon na ba talaga siya kasikat para makilala ng estranghero dahil sa article na iyon? Tumingin-tingin siya sa paligid. Wala siyang nakikitang nakatingin sa kanya. Hindi naman siya pinagkakaguluhan. Kung sikat talaga siyang maituturing, sana ay may nakikita man lang siya na curious na nakatingin sa kanya. Pero hindi.

Hindi rin naman inaasahan ni Ericka na pagkaguluhan siya. Oo, naisama siya sa isang article at may larawan naman siya roon. Pero hanggang article lamang iyon. Hindi pa iyon sa TV. Isa pa, napakaordinaryo ng itsura niya ngayon kaysa sa itsura niya doon sa picture kung saan maganda ang pagkaka-make up sa kanya. Mahirap pa na ma-distinguish siya kaya ayos lang sa kanya na maglalabas sa publiko ng hindi pinagkakaguluhan. Iniisip rin niya na hindi naman ganoon ka-celebrity ang Cedric Guidicelli na iyon. Member lang ito ng isang sikat na grupo ng mayayaman pero hindi isang artista para pagkaguluhan na lamang talaga ang buhay. Pero dahil mayaman ito at nakakabit ang pangalan nito sa pinakatagumpay na Group of Companies sa buong mundo, asang-asa ang mga tauhan sa ad agency na mas mapapansin ang agency dahil na rin sa kanya. After all, nabubuhay ang ad agency sa iba’t ibang negosyo na nais magpa-advertise.

“Iyon ba ang dahilan kung bakit nilapitan mo ako? Dahil nakita mo ako sa diyaryo? Nang dahil ba doon kaya ka naging interesado sa akin?”

Matagal-tagal bago ito nag-react. Tumango ito.

“Well, salamat kung ganoon. Mahilig ka pala na magbasa ng tabloid. Weird,” bahagya pa siyang napangiwi. Turn off sa kanya ang nalaman. Mahilig ito sa showbiz. Hindi ba’t bading lang sa mga lalaki ang mahilig sa ganoon? Gusto niyang pangilabutan sa iniisip niya. Malaking sayang ang lalaki. Sayang rin sa kanya. Gusto pa man rin niya ito. Gusto niyang sapukin ang kanyang ulo. Pakiramdam niya ay naloko siya.

Kumunot ang noo ng lalaki saka tinigan siya. “Anong weird roon?”

“Nang una kitang makita, you looked serious. Mysterious. Parang wala sa mukha mo ang magbabasa ng tabloid,”

“At ano ang nakita mo sa akin?” pag-uusisa pa nito.

Nagkibit-balikat si Ericka. Dahil tila nanghihinayang at nawalan na rin siya ng gana dahil sa pag-amin ng lalaki, sinabi niya ang iniisip. “Akala ko, isa ka lang simpleng lalaki. Weird rin pala kasi kakaiba ang suot mo. May pintura pa ang damit mo. Inakala ko na isa kang pintor.”

“Pintor nga ako.” Pag-amin ng lalaki. “A-at iyon talaga ang dahilan kung bakit kita nilapitan.”

“Ha?” bahagyang naguluhan si Ericka. Bahagya rin siyang nalungkot. Oo, nanghihinayang siya at tila nawalan ng gana dahil sa biglang naisip sa totoong estado ng lalaki pero ang maisip na hindi rin naman pala talaga siya nito nilapitan dahil baka maaaring nagkagusto ito sa kanya kagaya na lang nang naramdaman niya rito nang una silang nagkita ay nagkaroon nang malaking epekto sa kanya. “Ano ang ibig mong sabihin?”

“I want you to be my next project. My next subject. I want you to be my model.” Walang katakot-takot na sabi nito.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.