International Billionaires 5 - 6 Chapter 15

“HULI ka!” bahagya pang napapitlag si Cedric nang malakas na sumigaw ang kaibigan na si Vincent. Naramdaman niya ang hawak nito sa kanyang balikat, senyales lang na nasa malapit na ito. Kaya bago pa naging alerto si Cedric para itago ang kanyang ginagawa, nasilip na agad iyon nang isa sa pinakamaloko niyang kaibigan.

Kasalukuyan na nasa Golden Cash clubhouse si Cedric. Naroroon siya sa private area na pagmamay-ari ng grupo nila. Dahil wala naman silang usapan na magkikita-kitang magkakaibigan, naisip niya na wala namang iistorbo sa kanya kung nandoon siya kaya naging feel free siya na huwag magtago sa isa sa mga kwarto at minabuting sa garden ng private area niya gawin ang ginagawa.

“Damn it. `Wag ka ngang mang-gulat!” sinubukan niyang isara ang screen ng kanyang laptop upang hindi na nito tuluyang makita ang ginagawa niya pero nanatiling makulit ang kaibigan. Pinigilan nito ang kanyang ginagawa para lokohin siya.

“At `wag ka rin mang-stalk ng babae,” ngingisi-ngisi ito pagkatapos magkaroon ng hinala sa ginagawa niya. “But she’s beautiful.”

“Shut up, Vincent. Lahat naman ng babae, maganda para sa `yo.” May pagkababaero ang kanyang kaibigan kaya naman hindi niya nagustuhan na sinasabi-sabihan niya ng ganoon si Ericka. Hindi niya gustong may nagkakagusto sa babae, lalo na ang isa pa sa mga kaibigan niya. Pakiramdam niya ay mapapaaway siya.

Kumunot ang noo nito. Tumaas ang isang kilay at maya-maya ay napangisi. Hindi rin nagustuhan ni Cedric ang ngisi na ibinigay nito. “You looked mad. That’s something serious. Girlfriend mo ba ang babaeng ito? Kailan mo siya ipapakilala sa amin?”

Si Cedric naman ang bahagyang naguluhan sa sinabi nito. Kumunot ang noo niya. Hindi nakilala ni Vincent ang babae? Hindi pa nito alam ang balita? Kung ganoon, ipinapaliwanag noon kung bakit hanggang ngayon, hindi pa rin siya kinukulit ng kanyang mga kaibigan.

Maraming taon na ang lumipas pero hanggang ngayon ay in touch pa rin si Cedric sa mga naging kaibigan. Kahit naging mahigpit sa kanya ang nag-ampon na si Mr. Maximo Guidicelli, pagdating naman sa kanyang mga kaibigan ay hindi ito. Basta hindi niya napapabayaan ang trabaho niya ay hindi naman ito nagrereklamo.

Sa pananatili ni Cedric kay Mr. Guidicelli ay mas nahasa pa ang talento niya. Hindi niya masasabing nagkaroon siya ng maraming masayang oras na kasama ito dahil na rin sa kakaibang ugali ng lalaki. Mahigpit ito sa kanya. Ang gusto nito, palagi lang na naka-focus ang atensyon niya sa pagpipinta. Kahit ngayong malaki na siya ay gusto pa rin nitong kontrolin ang buhay niya. Parang mas naging determinado pa nga ito. Paano kasi ay matanda na ito, kakaunti na ang nagagawang mga painting. Halos hindi na kumikita ito. Madalas ay sa kanya na lang ito nakaasa. Ang pagme-maintain ng palazzo nito ay libong euro na ang halaga. Marami itong employed na tauhan na siya na rin ang nagpapasuweldo. At dahil mabisyo ang nag-ampon sa kanya, malaki ang gastos nito sa pang-araw-araw kahit na ba kumikita nang malaki ang isa lang sa mga obra nito. Mahilig itong mag-Casino at gumamit ng ilan na rin sa pinagbabawal na gamot. At ang pinakamatindi, hilig ni Maximo Guidicelli na mambabae.

Matikas pa rin naman si Maximo Guidicelli kahit na ba senior citizen na itong maitituring ngayon. Sixty one years old na ito. Matanda na ito at medyo hirap na rin na makapagtrabaho pero hanggang ngayon ay hindi pa rin nito inaalis ang bisyo sa buhay. Kaya kahit paminsan-minsan ay nakakapagpinta pa rin ng mga ito, madalas ngayon ay siya na ang sumusuporta rito.

Wala namang kaso kay Cedric ang pagsuporta na ngayon sa nag-ampon. Kahit masasabi niyang hindi naging magandang ehemplo sa kanya ang nag-ampon, malaki pa rin ang utang na loob niya rito. Dahil dito, mas nahasa pa ang galing niya sa pagpipinta. Madalas man siya na napapabayaan nito sa pang-emosyonal na aspeto, binabalewala na lang niya iyon. Pagkatapos ng lahat, ipinaliwanag rin naman ng lalaki na sa una pa lang ay wala na naman talaga siyang makukuha rito pagdating doon. Financially naman, hindi siya pinabayaan nito. Legally ay inampon rin siya nito. Ibinigay sa kanya ang pangalan nito.

Isa si Cedric sa tinitingalang pintor, hindi lang sa buong Italya o Pilipinas kung hindi sa buong mundo. Laman ng mga malalaking art gallery sa Italy at iba’t ibang bansa ang mga paintings niya. Marami rin siyang nagiging commission o projects na mga painting na ipinapagawa ng ilan sa mga pinakamayamang tao sa mundo. Isa na nga roon ang proyekto niya ngayon na pagpinta ng iba’t ibang paintings ng magagandang sun set na ayon sa personal assistant niya ay pinagagawa raw ng may-ari ng pinakamalaking advertising agency sa New York.

Sa edad ni Cedric na tatlumpu’t apat, napakalaki na nang tinamasa niyang tagumpay. Maaari nga na tumigil na siya sa pagpinta dahil na rin sa laki na ng kinita niya. Kaya na niyang mabuhay nang masagana sa pera lang na iyon habang buhay. Pero hindi iyon gusto ng nag-ampon sa kanya. Ang gusto nito ay magtrabaho pa siya para mas lalong lumaki ang kita niya. Pumapayag naman siya sa gusto nito dahil may punto ito. Kahit malaki ang kinikita, kung patuloy niyang susuportahan ang nag-ampon sa mga bisyo nito, mabilis rin iyong mawawala sa kanya.

Pero sa kabila ng lahat, hindi lang naman ang pagpipinta ang masasabing ikinabubuhay ni Cedric. Malaki rin ang investments niya sa Group of Companies na itinayo nilang magkakaibigan---ang Haven Group of Companies. Hindi man niya personal na hinahawakan iyon ay malaki naman ang pera na ibinigay niya para gamitin na capital noon. He invested in the company. Dahil isa iyon sa pinakamatagumpay na kompanya sa buong mundo, hindi lang rin basta-basta na pera ang nakukuha niya roon. He gained a lot of profit just by investing money into it. Silang anim ay may kanya-kanyang investment sa kompanya at nang dahil roon, kinilala silang International Billionaires.

“Hindi ko siya girlfriend,” sagot ni Cedric sa kaibigan. Hinayaan na niya ito sa gusto nitong gawin dahil nahuli na rin naman siya nito. Pero gusto rin na kastiguhin ni Cedric ang sagot. Maaari nga pala niya na sabihin na girlfriend ang babae. Dahil nagpapanggap ito na ganoon.

Hindi kagaya ng akala ng babae, hindi siya mahilig magbasa ng tabloid. Pero dahil sa kalokohang ginawa nito na dinawit pa siya, naggawa niyang magbasa noon. Updated ang personal assistant niya sa lahat ng bagay na may kinalaman sa kanya lalo na at protocol niya rito na kapag may mga balita na lumabas tungkol sa kanya, masama man o mabuti, ay irere-report nito agad iyon sa kanya. Dahil roon, nalaman niya ang kalokohang ginawa nito.

Cedric wanted to confront Ericka. Sa totoo lang ay ipinahanap rin niya ito kaya natunton niya agad ito nang araw rin na lumabas ang balita. Kaya lang, kagaya noong una ay sa sea side rin sila pinagtagpo. Tila tuloy naging coincidence lang ang kanilang pagtatagpo muli at hindi sinadya.

Tumatak man masyado kay Cedric ang una nilang magkikita, hindi niya akalain na sa susunod nilang pagtatagpo ay ganoon ang mangyayari. Gusto niyang makita muli ito pero hindi sa ganoong paraan. Ito pa mismo ang gumawa ng paraan...isang paraan na nakakagalit para sa kanya. Gusto niyang alamin kung bakit naggawa nito iyon, at kung paano siya nito nakilala. Pero kahit si Cedric ay nagulat rin sa kaalamanan na mukhang hindi naman siya nito nakikilala. Paano naggawa nitong gamitin ang pangalan niya? Paano siya nito nakilala?

Pero alam ni Cedric na magiging mahabang paliwanagan kung sakaling aminin niya ang lahat at komprontahin ito. Habang tinitignan niya ito, mukha naman itong inosente sa nangyari kahit hindi nito itinanggi ang tungkol sa pagkakasama nito sa diyaryo. Naguguluhan siya pero may isang bahagi ng isip niya na parang ayaw itong komprontahin agad. Gusto niyang madiskubre ang lahat sa paraang hindi rin nito malalaman na iniimbistigahan niya kung bakit nangyari iyon. Magulo pero ganoon ang nararamdaman ni Cedric. O gusto lang talaga niyang magkaroon pa nang panahon para makasama ang babae?

The girl haunted him. Hindi ba’t gusto niyang gumawa ng paraan para makita muli ito dahil roon? Binigyan siya nitong dahilan. Pero kung sakaling komprontahin niya ito agad, baka hanggang ganoon na lang ang maging ganoon na lang ang pagkakilala nila sa isa’t isa. Surely, may kasalanan ito sa kanya. She dragged his name. Ginulo nito ang privacy niya at nagsabi ng mga kasinungalingan sa tao tungkol sa kanya. Kailangan niyang parusahan ito. Pero may isang bahagi rin naman ng puso niya na hindi gustong gawin iyon. Kaya gumawa siya nang ibang paraan upang mapalapit rito na hindi nalalaman na ang dahilan talaga ng paglapit niya rito ay dahil sa charade na ginawa nito na kasama siya.

“Eh kung ganoon, sino siya? Bakit tila interesado ka sa kanya?” nanunukso pang tanong ni Vincent. “You’re stalking her. Ngayon ko lang yata nalaman na nag-stalk ka ng babae. This is something new...something worth celebrating. So should I call the guys?”

“Stop it, Vincent. I’m not stalking the cara. I-I just want her to be my model. I’m just persuading her.”

“Model? So you’ll paint a portrait? Hindi ba at puro landscapes lang ang madalas na ginagawa mo? Why the sudden change of subject?”

Sandaling natigilan si Cedric. Pero nunca niyang ipapahalata sa kaibigan na nalito siya sa tanong nito. Paano nga ba siya magdadahilan? Hindi siya handa. Alam kasi niya na kaya lang naman talaga niya inalok ito na maging ganoon ay sa pang-sarili niyang dahilan.

“B-bakit, masama na ba ngayon na magkaroon ng sudden change of heart?” nahiling ni Cedric na sana, hindi nahalata ng kaibigan ang bahagya niyang panginginig.

Nagkibit-balikat si Vincent. “If you say so. Pero dapat hindi na rin kita inaasar. Malaki ka na. Masaya nga iyon na lalagay ka na sa tahimik. Baka kapag naging ganoon ay mabawasan ang pagkasuplado mo. It is a good thing,” pero hindi pa rin mapigilan ng lalaki na mapatingin sa laptop niya. “But she is really beautiful. Totoo bang model lang ang gusto mong gawin sa kanya? Hindi mo siya girlfriend? Dahil kung---“

“Itigil mo na ang pagiging babaero mo, Vincent. She’s off limits,” binigyan niya ng nambabata na tingin ang kaibigan.

Itinaas ni Vincent ang kamay. “Okay, fine. She’s all yours,”

Hindi na pinansin ni Cedric ang naging mapanuksong tingin ng kaibigan. Iniba na rin naman nito ang usapan pero kahit ganoon, pakiramdam niya ay hindi pa rin nawawala sa isip niya ang babae. Kahit na matagal-tagal na rin silang naghiwalay, takbo pa rin ito nang takbo sa kanyang utak. Ni hindi na niya maggawa muling magtrabaho dahil ginugulo siya ng babae.

Dapat ay mainis si Cedric dahil dito. Bilang artist, ang pinakaayaw niya ay ang magkaroon ng distraction sa buhay. Kaya nga sa edad niya ay wala pa siyang masasabi na naging seryosong relasyon niya. Puro fling lamang. Ayaw niya ng distraction sa buhay. But this girl... she seems something. May kakaibang panghalina ito sa kanya kahit na ba hindi pa sila nagkakaroon nang maayos na pagkikita at pagpapakilala. Sinasakop nito ang utak niya sa paraang kakaiba, nakakatakot pero masarap. Dahil doon, masasabi rin niya na tama si Vincent sa binibintang nito sa kanya. Nagre-research siya tungkol sa babae at natagpuan na lang niya ang sarili na tinitignan ang facebook account nito.

Gusto niyang makita ang babae. Kahit na tinanggihan siya nito at nahirapan siyang tanggapin iyon, he still wanted to see her. After all, hindi naman niya rin masisisi kung bakit naggawa nitong matakot sa kanya. Hindi rin siya nito kilala. Ang akala nito ay simple lamang siyang pintor na inaalok ito na magmodelo. Napag-alaman niya na isang aspiring model ang babae pero hindi nito gustong magmodelo para sa kanya. Para sa isang painting niya na kung sakaling mapagtatagumpayan niya, mas malaki pa ang isisikat nito.

Ngunit sa kabila ng lahat, may malaking bahagi ng isip ni Cedric na ayaw sukuan ang babae. Kailangan niyang mahanap ito. Gusto niyang makasama ito. Kung hindi man ito pumayag sa palusot niya sa pagkuha rito bilang kanyang modelo, puwes ay gagawa siya ng ibang paraan.

NAPAKALAKI ng ngiti ni Ericka habang sakay siya ng tricycle papunta sa orphanage na madalas niyang dinadalaw. Dahil sa tinatamasa na rin niyang suwerte ngayon, mas nagkaroon siya ng urge na tumulong lalo. Namili siya ng grocery at iba pang mailuluto para magpa-feeding program sa orphanage. Hindi iyon ang unang beses na ginawa niya iyon pero mas masarap ang pakiramdam niya ngayon dahil sa pagkakataong iyon, alam niyang mas mapapasaya niya ang mga bata roon. Marami siyang napamili dahil nabigyan siya ng advance payment para sa malaking commercial na gagawin niya.

Nang makababa si Ericka ng tricycle ay nagpatulong siya sa driver na ipasok sa orphanage ang kanyang ipinamili. Nang matapos siyang magbayad at magpasalamat sa driver ay napakunot ang noo ni Ericka nang tila out of nowhere ay sumulpot mula sa kung saan ang isang hindi niya inaasahan pero hindi rin naman maalis-alis sa utak ni Ericka na lalaki.

“Hey,” bati nito sa kanya. Pero kagaya nang dati, hindi naman naggawang ngumiti ng pintor na lalaki na nakita niya sa park.

“Hey yourself,” nakakunot ang noo na wika ni Ericka. “Anong ginagawa mo rito?”

Nagtaka si Ericka. Tinanggihan niya ang alok nito na maging modelo nito. Kahit pangarap niya na yumaman, masusisi pa rin siya sa mga proyektong ibinibigay sa kanya. Hindi siya ganoon katiyaga upang mag-pose nang matagal para lang sa isang pintor. Hindi rin niya gaanong kakilala ito. Ni hindi niya nga alam kung sino ang lalaki. Kung ano ang pangalan nito. Paano kung niloloko lamang pala siya nito na isang pintor ito? Hindi pa man rin maganda ang una nilang pagkikita. Binastos siya nito. Paano kung bastusin rin siya nito habang ipinipinta siya nito? Kahit na ba may kakaibang atraksyon siyang nararamdaman rito, mas pinanaig ni Ericka ang sinasabi ng kanyang isip. Hindi siya dapat basta-bastang nagtitiwala.

Ang akala niya ay susuko ang lalaki pagkatapos niyang tanggihan ito. Hindi rin naman kasi siya nito tinangkang habulin. Pero nagkamali siya. Mukhang hindi ito basta-basta sumusuko. Sinundan pa siya nito. Kung paano nito naggawa iyon, bahagyang ikinabahala ni Ericka. Bahagya lang dahil kahit papaano ay nagustuhan niyang hindi pa rin pala sumusuko ang lalaki. Nalungkot rin kasi siya na parang sinukuan lang siya ng lalaki---ibig sabihin ay hindi naman talaga ito ganoon kainteresado sa kanya.

Nagkibit-balikat ito. “Ikaw, anong ginagawa mo rito?”

Sinabi ni Ericka ang dahilan. Tumango-tango ang lalaki. “I’ll help,”

“Sigurado ka?” nagulat si Ericka na gustong tumulong nito pero in the other hand, ikinatuwa niya iyon. Sa totoo lang ay problema nga niya ang tutulong. Si Matthew sana ang kasa-kasama niya ngayon pero dahil biglaan naman itong pinapasok ng boss ay hindi ito nakasama. May mga madre man sa orphanage na handang tumulong ay ramdam ni Ericka na mahihirapan rin siya. May kaunting games rin kasi siyang inihanda para kahit papaano ay mapasaya niya ang mga ito. Kailangan rin niya ng katulong para roon.

“Subukan mo,” nauna pang pumasok sa kanya ang lalaki. Ito rin ang nag-ayos ng mga gamit. Tila ba sanay na sanay itong tumulong. Nang makita rin nito ang mga bata sa orphanage na pinuntahan nila ay kinumusta nito ang mga iyon. Kahit ang mga madre sa orphanage ay ganoon rin ang ginawa ng lalaki.

Bahagyang ipinagtaka ni Ericka ang ginawa ng lalaki. Mukhang sanay na sanay itong tumulong. Para bang alam na alam nito ang ginagawa sa isang feeding program. Nag-supervise rin ito sa ilang activities na pinaggawa niya sa mga bata. Nang magpa-games siya sa mga bata ay aktibo rin ito. Pinag-drawing niya ang mga ito at ang kung sino man na may pinakamagandang drawing ay bibigyan niya ng price. Nag-allot siya ng isang oras para sa pag-drawing ng mga ito. Ang may tatlong pinakamagandang drawing ang bibigyan niya ng premyo.

Nagbantay lang si Ericka habang ang lalaki ay nagra-rounds para tignan ang mga bata. Naobserbahan niya lalo ito. Ilang beses nitong pinuna ang mga drawings ng bata. Hindi pa rin ito ngumingiti pero hindi naman ito iyong tipo ng masungit sa pagpuna ng nakikitang mali nito sa drawings ng mga bata. Sa halip pa nga ay tinuruan nito ang mga bata na mas lalo pang maayos ang pagguhit.

“Ang dami niyo po alam, Kuya. Artist po ba kayo?” tanong pa ng isang bata.

Simpleng tumango lang ang lalaki. Kahit ilang beses rin na nagpasalamat ang mga bata sa turo na ibinigay nito ay tila hindi rin iyon dinibdib ng lalaki. He looked so humble. Kahit ilang papuri ang natatanggap nito mula sa mga bata dahil sa malaman nitong pagtuturo ay tango lang ito nang tango.

Pakiramdam tuloy ni Ericka ay lumalambot ang kanyang puso habang tinitignan niya ito. Hindi naman pala talaga ito masama kagaya nang una niyang nakita. May soft spot ito para sa mga bata. Hindi man niya nakikita na nagbibigay ito ng masayang emosyon, ang makitang bukal sa loob nito ang pagtulong ay dagdag points para kay Ericka.

“Infairness naman ineng, ang guwapo ng kasama mo ngayon, ha. Nobyo mo ba siya?” pag-usisa ng isa sa mga madre sa ampunan.

Namula si Ericka. Tumanggi siya.

“Naku, sayang naman. Napakaguwapong lalaki. Hindi lang marunong ngumiti pero mukhang marunong makisama. Mukhang mabait,”

Ganoon rin ang nasa isip ni Ericka. Kagaya ng mga nangyari, hindi niya inaasahan na matatagpuan niya na ganoon naman pala ang lalaki. Kahit ni hindi niya pa alam ang totoong pangalan nito, dahil sa mga nakita niya rito ngayon ay unti-unti na nitong nakuha ang kanyang tiwala.

Pumili si Ericka ng tatlong pinakamagagandang drawing. Halos lahat ng mga iyon ay nabigyan ng personal na instruction ng lalaki. Dahil may awarding, mayroon rin na picture taking. Niyaya niya ang lalaki na sumama sa picture taking dahil nakita niyang ang tatlong napili niya ay personal na tinuruan rin nito. Tumanggi ang lalaki pero nayaya rin sa huli. Mukhang ilang pa ito sa pagpapalarawan. Pero nang lokohin sila ng mga madre at bata na sila naman ang magpakuha ng larawan ay hinapit pa siya agad nito. Bahagyang nagulat si Ericka sa nangyari, pero pumayag rin. Nang matapos ay tinignan niya ito na nakita niyang tumingin rin pala sa kanya pagkatapos. Nakahawak pa rin ang mga kamay nito sa kanyang baywang. Nakahapit pa rin sa kanya.

Kahit kailan ay hindi ginusto ni Ericka na mapalapit sa kahit sinong lalaki. Kahit kay Matthew ay hindi niya gustong magkaroon nang malapit na physical contact gaano man sila ka-close sa isa’t isa. Naiintindihan ni Matthew iyon. Madalas ay naiilang siya kapag napapalapit siya sa isang lalaki. Dapat ay maramdaman rin ni Ericka iyon ngayon. Pero sa halip na lumayo, tila nagustuhan pa ni Ericka ang closeness nila ngayon ng lalaki. Tumitibok na naman ng kakaiba ang puso niya, mas malakas pa iyon kaysa noong una silang nagtagpo. Sa pagkakadikit rin niya sa lalaki ay tila may kuryenteng dumaloy rin sa kanyang balat. Nakakagulat pero kagaya ng tibok ng puso niya, iba rin ang pakiramdam. Mas maipapaliwanag na masarap iyon kaysa sa nakakatakot. At nang lumayo ang lalaki sa kanya ay bahagya pang nalungkot si Ericka na natapos na agad ang moment na iyon.

Nang matapos ang feeding program at nagpaalam na sila sa mga bata at madre ay hindi pa rin naman umaalis sa tabi niya ang lalaki. Nagustuhan naman niya na sinusundan pa rin siya nito dahil iyon talaga ang gusto niya. Kailangan niyang magpasalamat sa lalaki sa pagtulong nito sa kanya. Tutal may natira pa rin naman siyang pera para mai-treat ito kahit papaano.

Pagkababa nila ng tricycle na inupahan niya ay naramdaman kaagad niya na hindi naging komportable ang lalaki. Kagaya rin ng hindi nito pagiging komportable sa loob ng tricycle. Paano naman kasi ay dinala niya ito sa bangketa.

“`Wag mong sabihin na dito ka nakatira? Malapit rito?” wika ng lalaki nang makababa sila.

“Kung ganoon... okay lang ba sa `yo na ihatid ako sa bahay?”

Kunot ang noo na tinignan siya nito. “Hindi pa ba obvious sa ginagawa ko?”

Shocks. Ano ba talaga ang gusto ng lalaking ito sa akin? Naisip-isip ni Ericka. Gusto raw nito na maging modelo siya pero bakit iba ang pakiramdam ni Ericka? Ganoon ba talaga dapat kapag sinusuyo na maging modelo? Gusto pa na ihatid sa bahay?

Nagulat man si Ericka ay hindi rin niya maiwasan na mapangiti. “Hah! So determined. Pero hindi naman talaga ito ang papunta sa bahay namin. One jeep away pa. Kaya kita dinala rito para ma-treat naman kita sa ginawa mong pagtulong sa akin.”

“Treat? Dito sa bangketa?” bahagyang nanlaki ang mata nito.

“Oo. Kakaunti na lang ang pera ko kaya pagpasensyahan mo na. Dito na lang tayo sa paboritong isawan ko ikaw iti-treat, ha? Sana okay lang sa iyo.”

Nakakunot ang noo nito pero tumango rin. Napansin niya na mukhang hindi komportable ang lalaki pero hindi rin naman ito nagsasalita. “Ito ba ang unang beses mo na kumain sa ganitong lugar?”

Sandaling natigilan ang lalaki habang kumakain. Umiling ito.

“Talaga? Napapansin ko kasi, mukhang kanina ka pa hindi nagiging komportable. Noong nasa tricycle, dumating tayo sa bangketa at ngayon naman ay nasa isawan tayo. Mukhang hindi ka sanay sa mga gawaing pang-mahihirap.”

“I’ve done these things already,”

“Isa pa `yan. Magaling kang mag-ingles. Sabihin mo nga sa akin, mayaman ka ba?”

“Interview ba ito?”

Umiling si Ericka. “Hindi naman. Pero kailangan kitang makilala. Alam mo `yun, dapat talaga matakot ako sa `yo kasi bigla-bigla ka na lang sumusulpot sa tabi ko. Oo, tinulungan mo ako ngayon pero hindi iyon sapat para pagkatiwalaan na kita nang husto. Pagkatapos ng lahat, hindi maganda ang unang ipinakita mo sa akin.”

“Kung tinatanong mo kung mayaman ako para masigurado kung malaki ang ibabayad ko sa `yo para maging modelo ko, mayaman ako. Kaya kitang bayaran nang malaki para lang mag-pose ka bilang modelo ko.”

“Anong kaintere-interesante sa akin para maging modelo mo?”

Tinitigan siya nito nang mataman. Napansin niyang sandali rin na nagulo ito. Pero maya-maya ay nakabawi rin. “S-sikat ka na ngayon. Kung magagawa kitang maging modelo sa painting ko, umaasa ako na sisikat rin ang painting ko.”

Pero isang kalokohan lang ang lahat ng iyon, gusto sanang itama ni Ericka ang mali. So far, masasabi niya na nakatulong talaga ng malaki ang naging pagkakamali na iyon. Pero dahil wala pa naman na nagiging damage ang pagkakamali, pinili ni Ericka na panagutan na lang rin ang lahat.

Napalunok muna si Ericka bago nagsalita muli. “I-iyon lang talaga? Paano kung hindi mo naman ikasikat ang tungkol sa pagiging sikat ko “kuno” ngayon? After all, hindi naman talaga ako masasabing sikat na sikat at---”

Naputol ang pagsasalita ni Ericka nang magkibit-balikat ito. “Gusto ko lang.” Wika nito saka ipinagpatuloy ang pagkain. Mukhang naging komportable na rin naman ito hindi kalaunan. Walang tanong-tanong rin na kinain nito ang pagkaing nasa harap.

Puwede bang gusto mo na lang din ako? Naisip-isip ni Ericka nang titigan na lang niya ito pagkatapos. Magkaharap sila sa upuan kaya naging madali para sa kanya na lalong titigan ito. At sa bawat pagtitig ni Ericka, pakiramdam niya ay lalong naloloka ang puso niya dahil lumalakas lalo ang tibok ng puso noon. Napakaguwapo talaga ng lalaki. Kahit napaka-weird ng ugali nito, may mala-anghel itong mukha. Inamin na ni Ericka sa sarili na physically attracted na talaga siya rito. Hindi rin naman talaga masama na magustuhan niya ito lalo na sa mga nakita niyang ipinakita nito sa kanya ngayong araw.

“What? Bakit mo ako tinitignan nang ganyan?” tanong nito nang mapansin ang kanyang matagal na ginagawa.

Hindi na nagpakeme pa si Ericka. Ngumiti pa siya. “Gusto ko lang din.”

Tumaas ang isang kilay nito. “Ako yata ang dapat matakot sa `yo.”

Tumawa siya. “Hindi, ah. Open book naman ako, eh. And hey---open book ni hindi ko man lang pala pormal na naipapakilala sa `yo ang sarili ko `no? Ako nga pala si Ericka.”

“Alam ko. Nabasa ko ang tungkol sa article sa `yo sa diyaryo, remember?”

“Oo nga pala. Pero ikaw, ano bang pangalan mo? Ni hindi mo man lang---“

Bago pa man matapos ni Ericka ang kanyang sinasabi ay inilahad ng lalaki ang kamay nito sa kanya. “I’m Ric. Ric, without “K.” R-I-C. You can call me Ric.”

Tinanggap ni Ericka ang pagpapakilala nito. Nahawakan niya ang kamay nito at nang muling dumapo ang tila kuryente sa kamay niya sa ginawa, mas lalong nasigurado ni Ericka ang nararamdaman.

May kakaiba, malaki at matindi talaga sa lalaking ito na hindi niya maipaliwanag.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.