HINDI tinupad ni Vincent ang sinabi nito na susunduin siya nito nang araw na magpadala ito nang bulaklak. Ganoon rin ang nangyari sa mga sumunod. Tumama man siya sa hinala na pumayag na ito na ma-engage sila, naramdaman naman niya ang malaking pagbabago nito.
Dapat ay inasahan na ni Jonabel na ganoon ang mangyayari. Pinagbabago ng panahon ang maraming tao. Isama pa na sinaktan niya si Vincent noon. Maaaring gumanti ito sa kanya sa pamamagitan ng panlalamig nito.
Ngunit kung ganoon, bagamat alam niya na hindi maiiwasan, gusto pa rin niya na baguhin. Naiintindihan niya si Vincent. Naging masakit ang ginawa niya rito. Deserve niya na tila balewalain na lang nito.
Pero ayaw niyang pumayag na basta na lang ganoon. Hindi ba at isa sa mga dahilan niya kaya siya pumayag sa plano ng mga magulang ay para na rin makabawi kay Vincent? Para maitama ang lahat. Naiintindihan naman niya na maaaring abala ito kaya hindi rin nito naasikaso ang kasal. Mas lumaki pa ngayon kaysa sa dati ang mga negosyo na hinahawakan nito. Pero kung hindi kayang mag-adjust ni Vincent, si Jonabel ang mag-a-adjust para rito.
Dalawang taon pagkatapos niyang maka-graduate ay ang itinakda nilang kasal ni Vincent. Pero dahil tumanggi siya ay hindi nangyari iyon. Masyado ng postpone kung tutuusin ang kasal kaya ngayong pumayag na ito na makipagbalikan, itinakda ang kasal sa lalong madaling panahon.
May itinalaga na wedding planner si Vincent kaya kung tutuusin ay hindi naman siya mapapagod sa kanilang kasal. Nakausap rin niya ang wedding planner at mabait naman ito. Nagustuhan niya lahat ng ideya na iminungkahi nito. Iilan lang ang mga bagay na kailangan ng presensiya nilang dalawa ni Vincent. Isa sa mga iyon ay ang pagsusukat ng isusuot nila sa kasal.
Alas tres ng hapon ang oras ng fitting ni Jonabel ng kanyang damit. Dahil simple lang ang wedding ayon na rin sa kagustuhan niya, simple lang din ang kanyang damit. Magaling na umayon naman sa kanya ang damit kaya mabilis rin na natapos ang kanya ang fitting. Wala rin naging problema sa kanya sa design na iyon.
Ang tanging problema na lamang ni Jonabel ay si Vincent. Gusto niyang kahit papaano ay makausap naman niya ito. Dapat ngayong araw ay kasabay rin niya si Vincent sa pagsusukat pero dahil abala na naman daw ito, hindi natupad iyon. Ang sabi nito ay susunod na lang ito pagkatapos ng meeting at mauna na raw siyang umalis. Pero hindi tinupad ni Jonabel ang gusto ng pakakasalan. Inantay niya ito kahit ito ang pinakahuli-hulihang customer sa shop na dumating.
“Ano ang ginagawa mo dito?” nakakunot ang noo ni Vincent nang makita siya. Mukhang nagulat rin ito.
Si Jonabel ay nagulat rin kahit na ba inaasahan niya ito. Hindi na niya matandaan kung kailan sila huling nagkita ni Vincent sa personal. Simula kasi nang maghiwalay sila ay tila iniiwasan na siya nito. Tanging sa mga business world papers kung saan madalas napi-feature niya nakikita si Vincent. Pero totoo nga yata ang kasabihan na iba ang karanasan na makita sa personal ang taong nakikita mo lamang madalas sa mga papel o di kaya ay telebisyon. Sa lagay kasi nila ngayon ay ganoon ang naramdaman ni Jonabel.
Malaki ang pinagbago ni Vincent nang maghiwalay sila. Guwapo ito noon pero tila mas naging guwapo ito ngayon. Nagkaroon ito ng mumunting laman na bumagay sa katawan nito. He looked so firm. Mas naging kaakit-akit itong tignan at hindi maintindihan ni Jonabel kung dahil ba iyon sa nasabik lang siya sa pagkakita muli kay Vincent. It was a disturbing yet wonderful feeling. Masaya siya na makita muli ito.
Sinagot niya si Vincent.
“Hindi mo na dapat ginawa iyon. Hindi ko hiningi iyon sa `yo.” Mataray naman na sagot nito sa kanya.
Hindi lang pala sa pampisikal ang nagbago kay Vincent. Pati ang ugali nito. Dati ay hinaharap siya nito na para bang siya ang makita lang siya ay buo na ang araw nito. Pero ano ba ang inaasahan niya ngayon? Halata namang iniiwasan siya nito, hindi siya nito gustong makita.
Pero pumayag siya na pakasalan. Surely, he still does feel something for me, right? Bulong ng hopeful na bahagi ng isip ni Jonabel.
Ngumiti si Jonabel. “Okay lang. Gusto ko ito. Gusto ko rin makita ka na isukat ang damit mo.”
Tumaas ang isang kilay nito. “Hindi ba masama iyon?”
“Ha? Hindi, ah. Ang masama ay kapag sa babae,” inilapat lang niya ang damit sa katawan niya at ipinasukat sa kasing katawan niya kaya sumunod pa rin si Jonabel sa tradisyon.
Hindi nagsalita si Vincent at nagpunta na sa kuwarto para isukat nito ang susuotin sa kasal. Matamang nag-antay siya hanggang sa maisuot nito ang damit. Nang lumabas ito ay muntik naman na mapanganga si Jonabel. Vincent looked so damn gorgeous.
Naguluhan si Jonabel sa nadarama niya. Lumakas ang tibok ng puso niya sa simpleng pagtingin lang kay Vincent. Hindi nakangiti si Vincent at tila wala rin sa mood pero kakaiba na ang kanyang nadarama. Paano pa kaya kapag nakangiti ito? Naalala niya noon na gusto niya si Vincent kapag nakangiti. Tila ba ligtas na ligtas siya kapag ganoon ang reaksyon nito. She felt comfortable. Ngayon ay ginugulo naman siya ng damdamin niya dahil sa kakaibang reaksyon nito kaysa sa nakasanayan niya.
Pero hindi ba dapat ay magustuhan niya iyon? Dati ay hinahanap-hanap niya ang ganoong damdamin kay Vincent. Pero ngayong nakuha na niya iyon ay hindi pa rin siya lubusan na maging masaya. Alam kasi niya na may mali dahil hindi na kagaya ng dati si Vincent.
Still, gusto niyang umasa. Alam niya na mayroon pa rin naman. Hindi papayag si Vincent na magpakasal sila kung wala na itong nararamdaman sa kanya. Gusto niyang ibalik ang dating sila. Ang dati...kung saan maayos ang lahat.
“Y-you look so gorgeus, Vincent. Bagay na bagay sa `yo. It fitted perfectly.” Like how you fit in my life.
“Kung ganoon ay wala na akong ipapabago pa dito,” wika nito at akmang babalik na muli sa kuwarto upang magbihis.
“Wait, iyon lang? Ganoon kabilis?”
Kumunot ang noo ni Vincent. “What’s wrong? Ikaw na mismo ang nagsabi sa akin na bagay sa akin ang damit. Bakit pa ako magrereklamo?”
Napakagat ng labi si Jonabel. Tama naman ito. Pero bakit ba tila may inaantay pa siya? Hindi na ito ang dating Vincent. Hindi na ito magpapasalamat sa mga papuri niya o hindi kaya ay ang matutuwa sa lahat ng mga sinasabi niya. Just thinking about it hurts.
Nagtuloy na si Vincent sa kuwarto. Sandali lang at nakalabas na muli ito at nakapagbihis. Nang akmang magsasalita ito sa kanya ay inunahan niya ito.
“Dinner, Vincent?” nilagyan pa niya nang ngiti ang mga labi niya sa pagbabaka sakali na maiba niya ang mood nito.
Sandaling tinitigan siya ni Vincent. “I’m busy. Sumaglit lang talaga ako dito.”
“But, malapit na ang kasal natin. Ni sa mga nakaraang araw, hindi man lang tayo nagkasama. I don’t think what’s happening to us is appropriate...”
Bumuntong-hininga ito. “Look, Jonabel.” Nasaktan si Jonabel na hindi siya nito tinawag sa pangalang ito lang ang tanging tumatawag sa kanya. “Alam mo na sa simula pa lang ay hindi na talaga appropriate ang relasyon natin. We are arranged to be married.”
Umiling siya. “Pero dati ay hindi ganoon ang tingin mo. Hindi ka ganito dati, Vincent. Humahanap ka ng oras sa kabila ng pagkaabala mo para sa akin.”
“Ikaw na hindi na ang dating babaeng kilala ko.” Mahahalata ang galit sa boses nito.
“Pero pumayag ka pa rin na magpakasal muli sa akin ngayon...”
Hindi nagsalita si Vincent. Matamang tinitigan siya nito. Nararamdaman ni Jonabel ang apoy sa mga mata nito. He looked mad.
“Wala ka na ba talagang nararamdaman para sa akin ngayon, Vincent? Alam ko na nasaktan talaga kita nang husto dati kaya hindi kita masisisi kung magalit ka sa akin nang ganito. Tanggap ko na kaya mo ako tinatrato ng ganito ay dahil gusto mo akong paghigantihan---“
He snapped. “Don’t assume too much,”
“Kung ganoon ay bakit mo ako tinatrato ng ganito? W-wala na ba talaga akong halaga sa `yo?” sa pagsasabi nang huling tanong ay muntik nang mabasag ang boses ni Jonabel. Sa kabila ng pagtanggi niya kay Vincent noon ay nanatili pa rin itong mahalaga para sa kanya.
“Kung wala ka ng halaga sa akin, hindi ako papayag sa ganitong sitwasyon.”
Nabuhay ang loob ni Jonabel. “Kung ganoon ay pumayag ka na makipag-dinner sa akin ngayong gabi. Lets talk...”
Umiling si Vincent. “I can’t. Sinabi ko na sa `yo na abala ako.”
“Vincent...”
“I’ll try next time.” Iyon lang at dire-diretsong umalis na ito sa harapan niya. Ni hindi man lang nagpaalam sa kanya.
Ganoon ba talaga ang may halaga pa rin? Kahit pagpapahalaga sa isang kaibigan ay hindi niya maika-categorize iyon. The pain is succumbing her. Pero kagaya ng dati, alam niya na deserve pa rin naman niya iyon. Ang mahalaga naman ngayon ay may pagkakataon pa rin sa kanila ni Vincent. Isang malaking bagay na sa kanya ang pagtanggap at pagpayag rin nito na bumalik sa kanya. Dapat ay hindi na siya humihingi nang sobra-sobra pa.
Pero dapat ay hindi habang buhay na ganito kami... bulong ng isang bahagi ng isip niya. Gustong gumawa ng paraan ni Jonabel. Pero paano siya gagawa ng paraan kung sa tuwing sinusubukan pa lang niya ay tinataboy na siya nito?
Hindi siya ang klase ng babae na mapilit. Hindi rin siya marunong mangulit. Dahil roon ay lalo siyang nahihirapan sa pagpapaamo kay Vincent.
Pero hindi siya maaaring sumuko. Sa kanilang dalawa ni Vincent, siya ang may kasalanan. Ito ang agrabyado. Kung hindi man niya maggawa ngayon, magkakaroon pa rin naman siguro siya ng pagkakataon. Umaasa siya roon.
KINABUKASAN ay nakatanggap si Jonabel nang isang malaking bouquet ng pink na rosas. Hindi pa man niya nababasa ang note na nakalagay ay may hinala na siya kung kanino iyon. Pakiramdam niya ay nabuo na agad ang araw niya kahit umaga pa lang.
“Sorry about yesterday,”
Iyon at ang pirma ni Vincent sa dulo ang nakalagay sa card. Binitawan niya ang roses at niyakap ang card. Kung ginagawa iyon ni Vincent sa kanya, ibig sabihin lang ay naapektuhan ito sa nangyaring pag-uusap nila kahapon. May pagpapahalaga pa rin ito sa kanya. Siguro ay kailangan lang talaga nito ng oras para maka-adjust sa mga nangyayari. Isang senyales ang pinakita nito ngayon.
Tama lang talaga na umasa siya.