FALSE alarm lang ang lahat.
Natapos ang kasal ay kibuin-dili pa rin ni Vincent si Jonabel. Ilang beses naman sinubukan ni Jonabel na makipaglapit muli rito pero tila iniiwasan siya nito. Ilang linggo bago sumapit ang kasal nila ay puro nasa business trip ito kaya hindi na talaga siya makagawa ng paraan para makalapit rito. Ngunit umaasa si Jonabel na ngayong kasal na sila ay magbabago iyon.
Makikita ang saya sa mukha ng parehong magulang nila ang saya nang matapos ang seremonya. Simpleng butterfly garden wedding ang kasal---ang kasal na matagal na niyang pinapangarap. Mahilig kasi siya sa mga paru-paro at alam iyon ni Vincent. Ito na rin mismo ang nagpaalala na iyon ang klase ng kasal nila para masunod ang kasunduan nila. Isa lang iyon sa mabibilang sa daliri ng isang kamay na ginawa ni Vincent na nagustuhan niya.
Piling-pili lang ang mga bisita. Halos mga kamag-anak lang nila iyon. Kahit ang mga kinukuwento sa kanya madalas na mga kaibigan ni Vincent na nakasama nito noong nasa ampunan pa ito ay wala roon. Sa parte naman niya ay wala rin siyang kaibigan dahil wala naman talaga siyang masasabing malapit sa kanya na kaibigan. Masyado siyang mahiyain para makipaglapit pa sa iba. Noon ngang magkarelasyon sila ni Minjoon, hindi rin niya hinahayaan na isama siya nito sa mga social parties ng mga kauri nito dahil na rin sa ugali niyang iyon. Ang alam lang ng lahat ay may non-showbiz girlfriend ito.
Maganda ang kinalabasan ng kasal---kung titignan mo ang lahat ng aspeto na mabibili ng pera. The venue, the displays, the ceremony and the food are perfect. Kagaya ng pinapangarap niyang kasal noon pa man. Pero sa kabila ng ganda ng kasal, hindi masasabi ni Jonabel na lubos na masaya siya. Masaya siya na makita ang saya sa mukha ng mga magulang at pati na rin sa mga magulang ni Vincent. Nakangiti rin naman si Vincent pero ramdam niya na may mali sa ngiti nito. Napatunayan niya iyon ngayon na nakapag-solo na silang dalawa pagkatapos ng lahat ng seremonya.
“Tutuloy na ba agad tayo sa Paris?”
Isang trip to Paris ang regalo ng mga magulang ni Vincent sa kanila ngayong kasal na sila. Nasabik siya sa ideya na iyon. Hindi naman sa pangarap niya na makapunta roon pero dahil alam niyang makakatulong ang aura ng lugar sa kanilang dalawa ni Vincent, nagustuhan niya. It is the city for lovers. Dahil gusto niyang bumalik ang nararamdaman sa kanya ni Vincent, magandang pagkakataon ang lugar na iyon.
Hindi pa rin binibitawan ni Vincent ang cell phone nito nang umiling. “Nope.”
“Kung ganoon ay saan tayo pupunta?” pagkatapos ng kasal ay may sumundo sa kanilang limousine. Ngayon ay nakasakay na sila roon.
“House,” simpleng sagot lang nito.
“Kanino?”
“Ours,”
“W-we have our own?” nagulat na tanong niya.
Tumango ito. “I bought that house years ago.”
Dapat ay manabik at maging masaya si Jonabel sa sagot na iyon ni Vincent pero hindi niya maggawa dahil na rin sa tila balewala lamang na pagkakasabi nito. “Really? That’s wonderful. Hindi mo sinabi sa akin ang tungkol doon dati. Sana ay nakatulong ako sa pag-aayos---“
“That was supposed to be my surprise gift to you then. Pero ako ang sinorpresa mo.”
Natahimik si Jonabel sa sinabi ni Vincent. Lalo na at naramdaman niya ang pait sa boses sa mga binitawang salita ni Vincent. Ipinapakita na naman nito sa kanya ang sakit na ginawa nito sa kanya. Pakiramdam ni Jonabel ay tila kinakain rin siya ng guilt. Nasasaktan siya sa kaalamanan na nasaktan niya si Vincent.
Hanggang sa makarating sila sa bahay na tinutukoy ni Vincent ay hindi na naggawa pa muling magsalita ni Jonabel. Alam niyang mali dahil sa halip na magpaliwanag siya, pinili pa niya na manahimik. Pero alam rin naman niya na may mali talaga siya. Kung hindi niya sana ipinaglaban ang sariling kagustuhan niya noon, hindi sana siya magkakaganito ngayon. Maayos naman sila dati ni Vincent pero sinira niya iyon. Now she was paying the price.
Napahanga si Jonabel nang makita ang bahay. May kalakihan iyon---mansion na kung maituturing. Pagpasok nila ng gate ay makikita ang malawak na hardin. Ilang metro rin ang iniandar ng sasakyan nila mula sa gate hanggang sa makarating sa pinakabahay. Pagpasok nila roon ay mas lalo pang napahanga si Jonabel. Kahit na hindi niya personal na natulungan si Vincent sa pag-ayos ng bahay na iyon ay tila nakuha naman nito ang nais niya sa isang bahay. Malaki pero komportableng tignan ang bahay. Simple lang kasi iyon at tila napaka-friendly ng blue, green and white interior noon---ang tatlong paboritong kulay niya. Tila pinaggawa ayon sa lahat ng kagustuhan niya ang bahay.
“Thank you, Vincent. I love it! Kilalang-kilala mo talaga ako,” nawala lahat ng kalungkutan niya sa pagkakita ng regalo nito sa kanya. Na-appreciate niya na lahat ng gusto niya ay talagang ang ipinaggawa ni Vincent. Pero ang pinakanagustuhan niya sa lahat ay ang kaalamanan na sa kabila ng paghihiwalay nila noon ay na-preserve pa rin ni Vincent ang bahay.
Hindi nagkomento si Vincent sa kanyang sinabi. Maya-maya ay niyaya siya nito sa pangalawang palapag ng bahay. Pinakita nito sa kanya ang masters bed room. Habang papasok ay nakaramdam siya ng kaba na may kasama rin na pananabik.
Kasal na sila ngayon ni Vincent. Sa kabila ng malamig na pagtrato nito sa kanya, hindi imposible na maaaring gawin rin nila ngayon ang ginagawa ng normal na mag-asawa. Isama pa na niyaya siya nito sa masters bed room.
Hindi maiwasan ni Jonabel na maging malikot ang isip. Kilala niya si Vincent bilang gentleman. Kahit ang mga halik nito ay mailalarawan niya na gentle rin. Hindi rin ito ganoong agresibo at nirerespeto siya. Katunayan na roon na inantay pa talaga nito ang pagka-graduate niya sa kolehiyo para mahalikan siya nang mas maayos. Naisip niya tuloy kung may mangyayari sa kanila, would he still be the same? Kahit na tila naging yelo na sa panlalamig sa kanya ngayon si Vincent, would he make love to her with fire? Kung may mangyayari ba sa kanila ngayong gabi...magagawa ba noon na baguhin ang lahat ng pagkakamali niya? Magagawa ba noong pabalikan ang damdamin na gusto niyang ipakita muli sa kanya ni Vincent?
Malaki ang kuwarto. Inilibot ni Jonabel ang paningin sa paligid noon at napansin agad niya ang isang cabinet kung saan may nakataob na mga picture frames. Na-curious siya. Lumapit siya sa cabinet at tinignan ang mga picture frames. May pumiga na mainit na kamay sa kanyang puso nang makita kung sino ang mga nasa larawan. Larawan nilang dalawa iyon noong mga panahon na maayos pa ang lahat sa pagitan nila. Halos nasa sampung picture iyon. Mga larawan ng mga importanteng okasyon sa buhay nila na magkasama sila at ang mga larawan kung saan gumagala o nagde-date lang sila. Bigla niyang naalala ang memorya at lalo niyang napagtanto kung gaano kalaki ang nawala sa kanya. Na-miss niya iyon.
“Napakaganda ng mga ito!” hindi niya maiwasan na mapabulalas. Inisa-isa niya ang pag-aayos ng picture frames. Itinayo niya ang mga iyon pero bago niya pa maggawa ang pag-aayos sa iba ay pinigilan na siya ni Vincent. Itinaob rin nito ang mga naayos na niya.
“Bakit?” nakakunot noong tanong ni Jonabel kahit na ba ramdam na niya kung bakit ginawa iyon ni Vincent. Ayaw lang niyang aminin sa sarili dahil masakit.
“Kaya nga nakataob `di ba? Dahil ayaw ko nang makita. Nakalimutan ko lang ipaalis kaya nandiyan pa ang mga iyan,”
Sa kabila ng sakit na naramdaman niya sa mga sagot ni Vincent ay hindi pa rin naiwasan ni Jonabel na magtanong. “P-pero bakit? Bakit mo pa ako dinala rito kung ganito mo rin naman ako tinatrato, Vincent? Pumayag ka na magpakasal sa akin. Kapag pakiramdam mo ay nababalewala mo ako, bumabawi ka sa akin. Pinapadalhan mo ako ng mga bulaklak. You did even bring me to this house. To this room.... You preserved this house. Pero kapag nakikita mo ako, nanlalamig ka sa akin. Nag-iba ka na ba talaga? Sinabi mo na mahalaga pa rin naman ako sa `yo pero bakit hindi ko maramdaman? Sinabi mo rin na hindi paghihiganti ang dahilan kung bakit ginagawa mo ito sa akin pero ganoon ang nararamdaman ko...”
Matamang tinignan siya ni Vincent. “So all those things...did it hurt you?”
Nagyuko ng ulo si Jonabel. Ayaw niyang ipakita rito na nasasaktan siya dahil tama lang naman iyon sa kanya. Pero hindi niya mapigilan ang sarili. Gusto niyang tanggapin na lang ang lahat pero alam niyang may mali. Kailangan niyang ipaglaban ang alam niyang tama. Lalo na ngayong kasal na sila. Paano siya makakabawi kay Vincent kung pilit siya nitong iniiwasan? Susubukan pa lang niyang lumapit rito ay lumalayo na ito. “Oo.”
“You deserved it.”
Tumingala si Jonabel. Alam niya na nararapat nga iyon sa kanya pero nagulat pa rin siya na marinig mula sa mga labi iyon ni Vincent. Tinignan niya ito. Hindi na ito diretsong nakatingin sa kanya. Naglihis na ito ng tingin. “Vincent....”
Sa halip na sumagot ay tumalikod ito sa kanya. Naglakad ito palayo. Sinubukan ni Jonabel na pigilan ito. Hinawakan niya ang kanang kamay nito. “Vincent, please. Mag-usap tayo. Ayusin natin ang lahat. Mag-asawa na tayo. Puwede bang ganito na lang tayo? Alam ko na malaki ang kasalanan ko sa `yo noon. Tanggap ko rin kung sasaktan mo ako pero sana pagbigyan mo naman ako ng pagkakataon na makabawi---“
“Stop it, Jonabel. Pupunta lang ako sa study. Saka na tayo mag-usap.”
“Palagi mo na lang akong itinataboy. Ano ang gagawin mo sa study? Magtatrabaho? Kasal natin ngayon! You should---“
“I don’t expect this to you. You’ve always been shy. Pero ngayon, tila nagiging nagger ka na. Isa pa matagal ng magkaibigan ang pamilya natin. Alam mo naman siguro kung gaano kalaking kompanya ang pinapatakbo ko. Lalo na ngayon. You can’t blame me if I’m always busy with my work.” Wika nito at hindi pa rin humaharap sa kanya.
“Hindi ka naman dating ganyan,”
“Dahil hindi ka na rin ganoon,” nagsimula na muli itong maglakad.
“Mas mahalaga na ba ang trabaho mo ngayon kaysa sa akin? Tao ako. May damdamin ako. Mas nasasaktan ako kaysa sa trabaho na iyan!” hindi niya napigilan na mapasigaw.
Tumigil ito at sandaling hindi nagsalita. “W-well, maraming mga tao ang saklaw ng trabaho ko. Kung hindi ko pagbubutihan iyon, mas marami ang masasaktan kaysa sa `yo na iisa lang. Kaya please... spare me the drama. Makikipag-usap ako sa `yo kung kailan ko gusto. Pabayaan mo ako. Tutal, pinabayaan ko rin naman ang lahat ng kasalanan na naggawa mo sa akin noon. Matuto ka na lang na magpasalamat dahil sa kabila ng nangyari, naggawa pa rin kitang tanggapin,”
Nagwawala na ang lahat ng damdamin sa puso ni Jonabel at gusto na rin niyang magwala ng mga sandaling iyon. Pero sa huling sinabi ni Vincent ay natameme siya. Tama ito. Hindi nga dapat siya nagrereklamo rito. Dapat ay tanggapin na lang niya ang kahit anong bagay na maibibigay nito sa kanya.
Kahit kalamigan pa iyon.
Nagkaroon talaga siya ng isang malaking pagkakamali. Kung hindi lang niya sinira ang dating magandang relasyon naman nila, hindi sana magkakaganoon. Hindi siguro siya makakaramdam ng kahungkagan ngayon kung hindi niya pinairal ang akala niya ay ipinagkait sa kanya noon. Naging matagas ang ulo niya at pinagsisihan niya iyon ngayon nang malaki.
Ni sa hinagap ni Jonabel, hindi niya man lang naisip na magiging ganoon ang unang araw ng kasal niya. Ngunit kahit ganoon, susubukan niyang magpakatatag. Kailangan niya. Ito ang consequences niya pagkatapos ng lahat.
“KAILAN ka babalik?”
Naramdaman ni Vincent ang “longing” sa boses ni Jonabel. Napapikit siya upang gupuin ang damdamin na isa-isang naglabasan sa loob niya. He felt guilty even though he loves the feeling that Jonabel misses him. Noong magkarelasyon sila ay sinasabi rin naman nito ang mga salitang iyon pero pakiramdam niya ay may kulang. Pakiramdam kasi niya ay hindi iyon sincere. Palaging siya pa ang unang magsasabi rito bago nito sabihin rin iyon.
Ngayon ay nabibigyang katuparan na ang mga pangarap niya para kay Jonabel. Ito ang nauunang tumawag sa kanya, tila may pakialam na ito sa kanya. Naisasaboses na rin nito ang mga gusto nitong sabihin. Hindi na ito ang mahiyaing babae na nakilala niya. Somehow, gusto niya iyon. Gusto niyang mag-grew si Jonabel. Na kahit papaano ay matuto itong magreklamo. Gusto rin niya na kahit papaano ay hinahabol-habol na siya nito. Na gumagawa ito ng effort na makipaglapit man lang sa kanya at makausap siya. Kahit na ba kaunti pa lang iyon.
Na-appreciate ni Vincent ang paglapit sa kanya ni Jonabel. Ang pagyaya nito ng dinner, ang pagkompronta nito sa kanya at pati na rin ang pagtawag nito sa kanya kahit na ba madalas ay hindi niya inaasikaso ito. Knowing Jonabel, mahirap para rito ang makipaglapit at ipilit ang sarili sa isang tao. Kaya nga kakaunti lang ang kaibigan at wala rin itong maituturing na matalik nitong mga kaibigan. Pero kahit ganoon, alam niya na malaki pa rin ang pagkukulang nito. Masyado siyang nasaktan sa ginawa nito.
“Hindi ko pa alam. Sasabihan na lang kita kapag natapos ko na ang lahat ng kailangan kong gawin rito,”
Kinabukasan pagkatapos ng kasal nila ay lumipad si Vincent patungo sa Pilipinas. Gusto niyang iwasan si Jonabel. Aaminin niyang matinding naapektuhan siya sa nakita rito kagabi. Naramdaman niya na tila nawalan ito ng kontrol. Nagustuhan rin naman niya na natututo itong lumaban pero dahil nasasaktan rin siya sa kaalaamanan na nasasaktan ito, kinailangan niyang umalis. Mali man pero malaking bahagi ng isip ni Vincent ang nagsasabi na nararapat lang naman rito ang sakit. After all, mas matinding sakit ang pinaranas nito sa kanya. Isama pa na tila kay dali lamang para rito na pumayag gayong alam nito ang ginawa sa kanya.
Minahal niya si Jonabel. Pero ayaw niyang maging tanga na ganoon na lang kadali na patawarin ito. Na masyadong maging bulag pagkatapos ng lahat. Sinaktan siya nito. Wala siyang kahit anong masama na ginawa rito noon. Lahat ng ibinigay niya rito ay mabuti. Lahat ay purong pagmamahal. He adored her. Pero naggawa pa rin siya nitong iwanan...
“Ano ba kasi ang ginagawa mo diyan? Ganoon ba talaga iyon ka-importante?” narinig pa niya na bumuntong-hininga ito sa kabilang linya. “Fine, kung magtatagal ka pa diyan, hayaan mong ako na lang ang pumunta diyan.”
Namilog ang mga mata ni Vincent. “Gagawin mo iyon?”
“Why not?” walang pag-aalinlangan na wika ni Jonabel. “Asawa mo na ako ngayon. Kung nasaan ka, dapat nandoon din ako. I need to take care of you.”
Sa huling salita nito ay napangiti si Vincent. Biglang naglaro sa utak niya ang imahe ni Jonabel na inaalagaan siya. Dahil hindi ito madalas na magpakita ng affection hindi kagaya niya, hindi nito naggawa iyon sa kanya noon. Minsan ay umaasa siya na balang araw ay magiging kagaya rin ito ng normal na girlfriend. Na aalagaan siya at lalambingin siya. Pero sa tuwina ay naiisip niya na ayaw naman niyang humingi nang malaki para rito. Sapat na sa kanya si Jonabel. Ayaw rin niyang baguhin ito dahil mahal niya ito sa kung ano ito.
“No worries. Kaya ko ang sarili ko.” Sa halip ay sagot niya. Kailangan niya pa rin na magpakatatag.
“Are you sure? Kumakain ka ba ng tama? Baka puro trabaho---“
“I’m all right. Huwag kang mag-alala sa akin.”
“Sigurado ka ba? Narinig ko na masyado daw mainit ngayon sa Pilipinas. Businessman ka. Madalas ka na naka-corporate attire. Baka pagpawisan ka nang husto diyan. Baka ma-heat stroke---“
Gusto ng matawa ni Vincent sa sinasabi ni Jonabel. Ganoon na ba talaga na nag-aalala ito sa kanya? Naririnig niya ang sincerity sa boses nito kaya naman sa kabila ng mga tila imposibleng pangyayari na pinag-aalala nito ay natutuwa pa rin siya. “You are over reacting, Jonabel.”
Bumuntong-hininga ito sa kabilang linya. “I just wanted to take care of you, Vincent. Gusto kong makabawi sa `yo. Pero hindi lang iyon. I am missing you. Ilang araw na tayong hindi nagkikita...”
Dalawang araw na siyang nasa Pilipinas. Kaiba sa sinabi niya kay Jonabel, hindi naman talaga siya nagpunta roon dahil sa business trip. Nagpunta siya roon para takasan ito. Isama rin na matagal na niyang hindi nakikita ang mga kaibigan at gusto niyang makibalita naman sa mga ito. Naka-leave siya sa opisina sa loob ng ilang linggo. Isama pa na kahit hindi naman siya naka-leave ay hindi mahirap para sa kanya na takasan ang mga responsibilidad niya sa negosyo kagaya na lang nang palagi niyang sinasabi kay Jonabel. Hindi rin naman ganoon ka-importante ang kanyang mga business trips nitong nakaraan bago ang kasal nila ni Jonabel. Iginiit lang niya iyon dahil gusto niyang magkaroon ng excuse para malayuan ang dalaga. Natatakot kasi siya sa nagiging bugso ng damdamin niya kapag napapalapit rito. Nahihirapan siyang kontrolin iyon. Nahihirapan siyang maging matigas na siyang dapat na ipakita niya sa dalaga. Apektado pa rin talaga siya kay Jonabel.
“Kailan lang tayo muling nagkalapit, Jonabel. Isama pa na madalas na wala naman talaga ako diyan sa tabi mo nitong mga nakaraan. You can’t missed me...”
“But I do, Vincent. I really do. I want you to be with you...”
Napapikit si Vincent. Napahawak rin siya sa kanyang dibdib dahil pakiramdam niya ay naging isang kabayo ang puso niya na may malakas na sumipa. Tumakbo kasi iyon nang mabilis. Nagustuhan niya ang nadarama. Ang mga sinabi ni Jonabel. Tila ba napakatotoo noon. Gusto niyang umasa. Gusto niyang maniwala. Tila gusto rin niya na pagbigyan si Jonabel. Ang pagbigyan ang relasyon nila.
Ginagawa niya ng mali ang lahat. Tumatakas siya sa kanyang problema. Hindi naman niya pinakasalan si Jonabel para gumanti rito. Gusto lang niyang saktan ito nang kaunti para naman kahit papaano ay maramdaman rin nito ang sakit na naramdaman niya noon dahil rito. Para maging patas sila. Ramdam naman ni Vincent na nagtatagumpay na siya. Pero tama na ba talaga ang lahat? Tama na ba na umayon na siya sa gusto ni Jonabel at sa gusto rin ng puso niya?
CHAPTER SIX
NAPAGDESISYUNAN ni Jonabel na magpunta sa Pilipinas. Hindi niya maaaring hayaan na gawin iyon ni Vincent. Masyado na niyang kinunsinti ang paulit-ulit nitong pagtanggi sa kanya. Kailangan na niyang gumawa ng malaking effort. In the first place naman, alam niya na dapat ay noon pa siya gumagawa noon. Pero dahil sa ilang beses na pag-reject sa kanya ni Vincent, tila nawawalan siya ng lakas ng loob. Isama pa rin na somehow ay iniintindi rin niya na maaaring totoo naman iyon.
Pero hindi na ngayon.
Kasal na sila ni Vincent at ramdam niyang patuloy lang nitong ginagawang excuse ang mga business trip para hindi sila magkasama. Nakumpirma rin niya iyon nang malamang naka-leave naman pala ito pagkatapos ng kasal ayon sa mga magulang nito. Hindi tungkol sa trabaho ang pagpunta nito sa Pilipinas.
Nalaman ni Jonabel mula sa mga magulang ni Vincent na sa penthouse ng Haven Group of Companies tumutuloy si Vincent kapag nagpupunta roon. Napagpasyahan niyang tumuloy na agad roon. Walang tao pero hindi iyon nagpapigil sa kanya para hindi antayin ang asawa. Kahit ilang beses na siyang sinisita ng guard dahil sa kakulitan niyang manatili ay hindi siya nagpaapekto. Ipinakita niya pa rito ang marriage contract nila ni Vincent para lang magtigil ito na sitahin siya dahil bawal raw pumunta ang hindi kakilala nito o `di kaya ay hindi inaasahan ng may-ari sa lugar.
Nag-antay si Jonabel sa pagdating ni Vincent. Napag-alaman naman niya ayon sa guard na sadyang doon nga umuuwi ang asawa. Umuwi rin daw ito roon kagabi. Sinubukan naman niyang tawagan si Vincent upang ipaalam rito na naroroon siya pero unattended ang cell phone nito. Matindi ang jet lag ni Jonabel at gutom na rin siya pero hindi siya sumuko sa pagbabaka-sakaling ang pagdating niya na iyon sa Pilipinas ang makakapagbago ng relasyon nila ng asawa. Kailangan na niyang gumawa ng paraan. Hindi rin siya maaaring umalis dahil baka kapag nakaalis siya ay dumating ito. Ayaw niyang mawala ang pagkakataon. Titiisin na lang niya ang mga sakit, gutom at pagod. Lilipas rin iyon.
Dumating naman si Vincent pagkatapos ng mahigit limang oras. Rumehistro agad ang gulat sa mukha nito nang makita siya. Mukhang wala itong kaalam-alam sa pagpunta niya kahit na ba ramdam niyang pinag-uusapan na sa buong opisina ang biglaang pagdating niya na malaki ang katayuan sa buhay ng isa sa pinakamalaking boss ng matagumpay na kompanya.
“Mabuti naman at dumating ka na, Vincent...” nanghihina na siya pero pinilit niyang patatagin ang boses.
“Hindi ka na dapat nagpunta pa dito, Jonabel! Hindi ba’t sinabi ko na iyon sa `yo? Masyado akong abala para---“
“Eh ano? Umuuwi ka naman siguro kapag gabi, hindi ba? Magkakaroon ka pa rin ng oras sa akin kahit kaunti. Asawa mo na ako ngayon. Kailangan rin na nasa tabi mo ako.”
“Ayaw kong isipin mo na na-neglect kita kapag nandito ka nga pagkatapos ay madalas naman na wala ako dito sa unit.”
“Sana naisip mo iyan bago mo ako iniwan na mag-isa sa Korea,”
Naramdam niyang bahagyang natigilan si Vincent sa sinabi niya. Matagal lang na nakatingin ito sa kanya. Binasag naman na sandaling pananahimik ang pagtunog ng cell phone nito. Naguluhan siya dahil unattended ang tinatawagan niyang cell phone kanina. Pero nang maisip na maaaring ibang cell phone iyon ay binalewala na lang niya. After all, businessman si Vincent. Necessary na magkaroon ito ng maraming cell phones para na rin paghiwalayin ang personal at pang-business nitong buhay. Ang alam lang niya ay sa pang-personal nito.
Nagpaalam si Vincent at kinausap muna iyon. Pagbalik nito ay may ibinigay itong susi sa kanya.
“Pumasok ka na. Make yourself feel at home. I need to go.”
“Wait, what?” nanlaki ang mga mata ni Jonabel. “Tatakasan mo naman ba ako muli, Vincent?”
“Kailangan kong magpunta sa office ng HGC. Something important came up,”
“At ako, hindi importante ganoon?” nagtatampo na talaga siya.
“I didn’t mean something like that. This is urgent, Jonabel. You need to understand,” mukhang nainis si Vincent sa pagrereklamo niya. Pero kung hindi niya gagawin iyon, kung pananatilihin niya ang pagiging mahiyain niya at madalas na hindi pagbubukas ng saloobin, walang mangyayari sa kanila ni Vincent. Hahayaan niya lamang na maging ganoon kalamig ang relasyon nila. Hindi niya puwedeng hayaan iyon.
“Naka-leave ka, Vincent. Inamin na sa akin ng mga magulang mo. Maaari ka na hindi magtrabaho. Tama ang hinala ko na iniiwasan mo nga ako. At ginagawa mo rin na excuse ang trabaho na iyan!” gusto na niyang mapaiyak sa sobrang sama ng loob.
Nagdilim ang mukha ni Vincent. “Bahala ka na kung ano ang gusto mong isipin pero kailangan kong umalis.” Tumalikod na si Vincent at nagsimulang umalis. Mabilis na naglakad ito papuntang elevator.
Kahit ramdam ni Jonabel na malapit na siyang panawan ng malay dahil na rin sa tagal sa pag-aantay ng kakaunti ang lakas ay pinilit niyang habulin ito. Naggawa naman niya na mahabol ang asawa bago pa man sumara ang elevator.
“You’re getting into my nerves, Jonabel...” inis na sabi sa kanya ni Vincent nang ipilit pa rin niya ang sarili dito. Sila lamang dalawa ang tao sa loob ng elevator.
“Kung hindi ako gagawa ng paraan, walang mangyayari sa atin. Tama na ang pagpaparusa sa akin, please. Hayaan mo naman na bumawi ako sa `yo. Ginagawa ko ang lahat ng ito para sa `yo. Hindi ko gawain ang maghabol pero ginagawa ko dahil gusto kong ayusin ang gulo na pinasok at ginawa ko...”
Pagkatapos masabi ni Jonabel ang mga salita ay biglang dumiklap ang ilaw ng elevator. Noong una ay naisip niyang dahil sa sama na nararamdaman kaya nangyari iyon. Akala niya ay nagha-hallucinate na siya. Pero nang maramdaman niyang bigla na rin tumigl ang elevator. Hindi lang iyon hallucination.
“Shit!” wika ni Vincent nang mag-dim ang ilaw ng elevator. Tumigil rin iyon sa paggalaw. Nawala ang mga numero sa screen. Dumilim sa loob at tila nawalan rin ng hangin.
“V-Vincent...” kinabahan si Jonabel. Tinawid niya ang distanysa sa pagitan nila at sinubukan na kumapit rito. Naramdaman naman niya ang kamay nito na hinanap rin siya.
“I’m here.” Naramdaman niya ang comforting na tono ni Vincent. Ibinalot rin nito ang isang kamay sa kanya. “We’ll be fine...”
Tumingala siya rito kahit alam niya na hindi niya makikita iyon sa dilim ng kinaroroonan nila. Pero masaya siya na mukhang nag-alala naman agad sa kanya si Vincent kahit na ba hindi niya pa nasasabi rito ang tunay na nararamdaman niya.
Yumakap siya kay Vincent. Alam niya na maaari siyang sabihan nang namamantala ng sitwasyon pero kailangan rin naman niya iyon. Pakiramdam niya ay kaunting-kaunti na lang ay bibigay na siya sa sama ng pakiramdam. Inihilig niya ang ulo sa dibdib ng asawa. She felt a little comfortable with their position. Ramdam kasi niya na kahit ano man na masama na mangyari sa kanya ay nandoon ito para sa kanya.
“Jonabel, are you okay?” tanong sa kanya ni Vincent nang maramdaman ang ginawa niya.
Sa halip na sumagot ay lalo siyang nagsumiksik dito.
“Maaayos rin ito. Let me check my phone and----“ napapalatak ito nang itaas ang cell phone. “Kanina pa nga pala drained ang battery nito. Drained na rin itong isa na ginamit ko kani-kanina lang. Ikaw, nasa sa iyo ba ang cell phone mo? We need to call for help.”
Sandaling nagdalawang-isip pa si Jonabel. Kahit masama na ang pakiramdam niya, kung ma-trap man sila sa elevator na ganoon ang sitwasyon nila, ayos lang sa kanila kahit magtagal pa sila. Nagugustuhan niya ang damdamin na ibinibigay sa kanya ni Vincent ngayon. Gusto niya na magkalapit sila. Maaaring noon ay hindi man niya naipapakita, nasasabi o naamin man lang sa kanyang sarili pero gusto rin naman niya na nasa tabi niya si Vincent. Mas lalo niyang napatunayan iyon noong nagkalayo sila at ngayon na rin na bumalik na ito sa piling niya. Hinahanap-hanap niya si Vincent at ang damdamin na ipinaparamdam nito sa kanya.
Ngunit nanaig kay Jonabel ang practical na pag-iisip. Kinuha niya ang cell phone pero mukhang mas nakiayon iyon sa kagustuhan ng puso niya. Drained rin ang battery noon.
“Damn it,” mahinang mura ni Vincent. “Bakit ngayon pa?”
Hinayaan lang ni Jonabel si Vincent sa pagrereklamo nito. Positibo naman siya na makakaalis rin sila agad roon. After all, eksklusibong elevator iyon patungo sa penthouse. Hindi hahayaan ng management na pumalya ng matagal ang madalas na ginagamit ng mga executives.
“You’re trembling...” naramdaman niya ang kaba ni Vincent nang maramdaman rin nito ang nararamdaman niya dahil sa pagsusumiksik niya rito.
“I’m just tired, that’s why,”
Naramdaman niya na nagtagis ang bagang ni Vincent. “Ilang oras ka na nag-antay sa akin sa pent house,”
“Hindi na importante iyon.”
“Answer me,” may pagbabanta sa boses nito.
“More than five hours, I think. I came straight from the airport...”
“What? Hindi mo dapat ginawa iyon! Ano pa ang nangyari? Did you have jet lag? Kumain ka ba? That’s a silly act to do!”
“I want to be with you, Vincent. Hindi na importante kung gutom, pagod o jet lag man ako. Wala ang lahat ng paghihirap na iyon kapalit ng ginawa ko sa `yo...”
“Bel...” humina ang boses ni Vincent.
Napangiti si Jonabel sa kabila ng sama ng pakiramdam. “A-and all the efforts, its paid off just by hearing my nick name again from you...”
Unti-unti nang nanlambot ang pakiramdam ni Jonabel kaya hindi na niya narinig pa ang sinabi ni Vincent. Pero kung ano man iyon, umaasa siya na maging maganda naman iyon. At kung ano rin ang mangyari sa kanya pagkatapos nito, umaasa rin siya na sana ay nasa tabi niya pa rin si Vincent. Na hindi na ito aalis muli o tatanggihan siya. Hindi na ito magtataas ng boses, magagalit sa kanya. Ayaw niya nang ganoon. Kinakain na siya ng masamang pakiramdam kapag naalala niya kung gaano niya kalaki at katinding nasaktan ito. Gusto niyang ibalik ang dati. Gusto niyang makasama si Vincent. Masaya siya kapag kasama ito na napagtanto niya lamang nang malaman niya nang mawala na ito sa piling niya...