BATA pa lang si Jonabel ay ramdam na niya na may problema siya sa pamilya niya. Mahigpit ang mga magulang niya. Ni hindi siya nagkaroon ng normal na kabataan dahil hindi nito gusto na makipaglaro sa ibang mga kapitbahay nila o kaya sa ibang lugar. Kung gusto niyang makipaglaro, kailangan ang mga ito pa ang pumunta sa bahay nila para makapaglaro sila.
Dahil roon, lumaki siya na mahiyain. Hindi siya marunong makipagkaibigan dahil madalas ay kinukulong lang siya ng mga magulang sa bahay. Natatakot kasi ang mga ito na may mangyaring masama sa kanila dahil sa katayuan ng pamilya nila. Mayaman sila at prone sa mga kidnappers ang mga kagaya niya. Bata hanggang magdalaga siya ay may nakatalagang bodyguard sa kanya. Hindi siya mapalapit nang basta sa iba-iba dahil na rin nire-report ng bodyguard niya sa mga magulang ang kung sino man na nilalapitan niya. Hindi naman niya gusto ng ganoong klase.
Labing pitong taong gulang siya nang malaman niyang ipinagkasundo siya sa anak ng kaibigan ng magulang niya na si Vincent. Kung may masasabi man siyang kaibigan, ang lalaki lamang iyon. Kaya lang, kapag nakakasama niya ito ay tila nahihiya at naiilang siya. Lalaki kasi ito at para bang nakakailang na magsasama siya sa isang kagaya nito kahit nab a magkasundong-magkasundo ang dalawang pamilya nila.
Kahit palagi rin siya nitong dinadalaw sa bahay at maayos naman si Vincent ay hindi niya maiwasan na maramdaman iyon. Likas na siguro sa kanya ang pagiging mahiyain. Pero kahit ganoon, pinipilit naman niya na pakisamahan talaga ito. Alam rin niya na makabubuti rin ito sa kanya kaya pumayag siya na magpakasal rito. Naiintindihan rin naman niya na kailangang gawin iyon ng mga magulang para maisalba ang negosyo nila na muntik ng malugi noon. Naiintindihan rin naman niya ang paghihigpit ng mga magulang ay para sa ikabubuti rin niya.
Tinanggap ni Jonabel ang tadhana niya. Kahit alam niyang tila may kulang sa nararamdaman niya kay Vincent, hindi na niya inisip iyon.
Hanggang sa makilala niya sa personal si Minjoon.
She was starstruck by him. Lalo pa siyang nagulat nang malaman na may interes ito sa kanya. Hindi niya inaasahan iyon. Nang tinanong siya nito kung puwede ba raw siyang ligawan ay lalo lang siyang nagulat. At nagulo rin at the same time.
Ipinagkasundo na siya kay Vincent. Kaunting panahon na lang rin ay ikakasal na sila. Dapat ay hindi na niya inaasikaso si Minjoon at kakaibang naramdaman niya nang malaman niya na may gusto ito sa kanya. Pero dahil gusto rin naman niyang i-discover kung ano ang damdamin na iyon, pinagbigyan niya ang sarili niya.
Niyaya siya ni Minjoon sa isa sa mga concerts nito. VIP ang ibinigay na ticket sa kanya. Pumayag siya. Iyon ang unang beses na nakanood siya ng concert nito kahit na ba dati pa naman ay crush niya ito dahil na rin alam niyang pagbabawalan siya ng mga magulang niya. Hindi gusto ng mga magulang niya ang rockstar. Ayaw ng mga magulang niya na nakikinig siya sa mga musika na tinutugtog nito. Pero sa kabutihang palad, out of the country ang mga magulang niya nang mismong araw ng concert. Isama pa na simula nang naggawa niyang magtrabaho ay lumuwag na ang mga ito sa kanya. Tinanggal na nito ang bodyguard niya kaya wala nang magsusumbong sa mga ginagawa niya.
Hindi inaasahan ni Jonabel nang dalhin siya ni Minjoon sa mismong stage. Isinayaw rin siya nito roon na para bang napaka-espesyal niya. She felt very flattered. Kinantahan rin siya ng lalaki. Sa unang pagkakataon sa buhay ni Jonabel, naramdaman niya na tila tumigil ang mundo. Lumakas rin ang tibok ng puso niya.
Lalo siyang nagulo sa pangyayari. Gusto niya si Vincent. Ilang beses na naman niyang sinasabi iyon sa sarili niya pero hindi ba at kailanman, hindi niya masabi na mahal niya ito? Kahit na ilang beses na itong nagsasabi sa kanya na mahal siya nito, hindi niya maggawang ibalik rin iyon rito.
Napagtanto ni Jonabel na baka kaya ganoon ay hindi si Vincent ang nakatakda sa kanya. Maaaring itinakda ang pagpapakasal sa kanila, pero hindi niya ito mahal. Kaya ba niyang mabuhay ng ganoon? Masaya man at gusto rin niya si Vincent, hindi naman niya nararamdaman rito ang kakaiba at matinding nararamdaman niya para kay Minjoon.
Mahal niya si Minjoon. Hindi lalakas ng ganoon ang tibok ng puso niya kung hindi matindi ang nararamdaman niya. Gusto lang niya si Vincent. Malaki ang pagkakaiba niyon.
Naging mailap ang kalayaan sa buhay ni Jonabel pero sa unang pagkakataon, binago niya ang nakatakda. Kahit alam niya na marami ang masasaktan, mas pinanaig niya ang pag-ibig. Ipinaglaban niya si Minjoon.
DALAWANG linggo na ang nakalipas nang makipaghiwalay si Jonabel kay Vincent. Naging malaking gulo iyon---lalo na nang malaman iyon ng pamilya niya. Naging mahirap para kay Jonabel ang desisyon pero ayaw na niyang maging mahina pa kagaya ng dati. Masaya man siya na kasama si Vincent pero alam niya na may kulang pa. Isang pang-habang buhay na commitment ang kasal. Kung pakakasalan niya ito pero hindi naman niya masasabi na mahal niya ito, hindi ba at malaking kalokohan lang iyon?
Pero wala na rin naman naggawa si Vincent, ang mga magulang nito at magulang niya sa desisyon niya. Pumayag ang mga ito na makipagkalas siya kay Vincent nang makita kung gaano siya ka-persistent. Ipinakita rin niya sa mga ito ang sakit na nararamdaman niya dahil sa ginawa ng mga ito sa buhay niya.
“Naging mabait na anak ako sa inyo, inintindi ko kayo. Sana naman ay pagbigyan niyo ako sa pagkakataong ito...” umiiyak na wika niya sa mga magulang noon.
Naging matagumpay man sa pangungumbinisi sa kabila ng kaguluhan, hindi nakaramdam ng saya si Jonabel nang malaya na siyang magkaroon ng relasyon kay Minjoon. Oo, gusto niya ito. Mahal niya ito. Kakaiba ang saya na makasama niya ito. Proud rin siya sa sarili dahil naggawa niyang ipaglaban ang pag-iibigan niya. Pero kapag kasama niya si Minjoon, nakokonsensya siya. Naalala niya si Vincent. Alam niya na matinding sinaktan niya ito.
Tama ba talaga ang ginawa niya? Ilang beses na tinanong ni Jonabel iyon sa sarili niya. Nagulo na naman siya. Ginulo talaga ng pagdating ni Minjoon ang buhay niya. Mahal niya ito pero nakikita rin naman niya ang mga kamalian. Masyado siyang nakonsensya sa ginawa niya kay Vincent.
“I think I love you, Minjoon. Its just that, I feel so guilty for breaking up with Vincent...” sagot niya kay Minjoon nang magtaka ito sa mga pananahimik niya. Ang akala nito ay nanlalamig siya rito lalo na nang halikan siya nito at hindi niya maggawang tugunan iyon. Inisip niya na maaaring kaya nagiging ganoon siya sa relasyon nila ay dahil na rin sa nakokonsensya siya sa ginawa niya kay Vincent. Mahal siya nito. Umasa ito nang malaki na sa huli ay sila ang magkakatuluyan.
“S-so what do you want to do then?”
“This relationship is not right....” naglihis siya ng tingin mula sa nobyo.
“But you love me! It should be right.”
“I hurt Vincent. I feel so guilty. If this is love...why would I be guilty? Why am I not that happy? I’m so sorry, Minjoon...”
Pinuntahan niya si Vincent pagkatapos ng pakikipaghiwalay niya kay Minjoon. Masaya naman siya na makasama ang minamahal pero tila may hinahanap siya. Hindi kasi siya mapakali. Kung iyon ba ay ang konsensya niya na sinaktan si Vincent ay hindi rin niya maggawang maipaliwanag. Pakiramdam niya ay naging impulsive siya sa piniling desisyon.
Nagpunta siya sa condominium unit ni Vincent sa pagbabaka sakali na makikita niya ito roon. Sinubukan niyang tawagan ito pero hindi nito sinasagot ang phone. Nakita naman niya si Vincent roon. Pero hindi ito nag-iisa.
May sarili siyang susi ng unit nito na nakalimutan niyang ibigay rito nang maghiwalay sila kaya naging madali sa kanya ang pagpasok. Alam niya na hindi dapat niya ginawa na basta-basta iyon pero masyado na siyang nagulo ng mga damdamin niya na hindi na rin niya maggawang mag-isip nang matino. At nang makita si Vincent at ang babaeng kasama nito sa kama ay lalong nagpagulo ng isip ni Jonabel.
Hindi niya mahal si Vincent `di ba? Pero bakit ang makitang may kasamang bagong babae ito ay nasaktan siya? Nasasaktan rin siya sa kaalaman na nasasaktan niya ito. Hindi man ganoon katindi ang damdamin na naibibigay nito sa kanya hindi kagaya kay Minjoon, pero pakiramdam niya ay mas mahalaga pa ito kaysa kay Minjoon. Ganoon nga ba talaga ang hindi mahal?
Tulog si Vincent at ang babaeng kasama nito sa kama pero alam niya, base na rin sa itsura ng mga ito ang kung ano lang ang ginawa ng mga ito. Mukhang mabilis lang siya napalitan ng dating fiancé sa ibang babae. Ganoon naman ba talaga ang mahal na mahal siya? Humahanap kaagad ng kapalit niya?
Nasaktan siya sa nakita pero siya rin naman ang nagbigay ng permiso kay Vincent na gawin iyon. For the pain, she deserved it.