International Billionaires Batch 2: The Wannabes Series 1 - 4 Chapter 8

International Billionaires Series Batch 2: The Wannabes

Book 2_Natalia Joy Ocampo

PAPUNTA si Cedric sa bahay ng kaibigang si Jet Martinez. Ilang linggo na rin simula nang dumating sa Pilipinas ang kaibigan para magbakasyon kasama ang pamilya nito. Ngayon lang siya nagkaroon ng oras para bisitahin ito. Naging abala kasi siya sa mga nakalipas na araw.

Na-miss na niya ang kaibigan. Actually, na-miss niya ang outside world. Halos isang buwan rin siyang nagkulong sa bahay ng anak na si Callisto. Nakigamit siya ng studio ng anak. May tinatapos siyang painting. Bukod pa roon, kailangan niyang samahan ang anak. Mag-isa lang ito sa bahay. Walang kasambahay ang panganay niya. Walang kasing nakakatagal rito dahil may anger management issue ito. Marunong naman ito ng mga gawaing bahay bukod sa isang bagay---ang magluto. Habang nanatili sa bahay nito ay pinagluluto niya ang anak.

Ngayon ay parehong tapos na sila ni Callisto sa project. Kilala na niya ang anak. Kapag tapos na ito sa isang painting ay natutulog ito nang napakahaba. Madalas ay tumatagal iyon ng mahigit isang araw. Kailangan nitong bawiin ang mga nawalang tulog. Sa tuwing gumagawa kasi ito ng painting ay halos hindi ito natutulog habang hindi pa nito iyon tapos. Kung natutulog man, sandali lang iyon. Tatlong oras na ang pinakamahaba sa isang araw.

Ngayong tulog si Callisto ay siya lang pagkakataon niya para makalabas. Ayaw niya itong iwan. Kahit twenty six years old na ang anak, pakiramdam niya ay ito pa ang bunso niya. Kakaiba kasi ang ugali nito sa naging mga anak nila ng asawang si Ericka.

Tanging sila lang na pamilya nito ang nakakatagal sa ugali nito. Sila lang kasi ang nakakaintindi rito at alam nilang hindi rin nito kaya na saktan. Kaya lang, siya lang ang available sa pamilya.

Nasa New York si Ericka para samahan ang bunso nilang si Caroline. Hindi naman asikasuhin ang unica hija niya. Pero dahil ngayon ay nasa huling taon na ito ng kursong Culinary, masyado itong ngarag sa mga gawain. Kailangan nito ng susuporta rito. Hinayaan niya na ang asawa ang sumama rito dahil mas maiintindihan nito ang anak dahil parehong babae. Ang pangalawa niyang anak naman na si Foro ay nasa France ngayon para sa isang modelling project. Isa itong International Model. Bukod pa roon, wala rin siyang aasahan sa pangalawang anak pagdating sa kapatid. Hindi magkasundo ang mga ito. Ang ama naman niya na pinakamalapit kay Callisto ay namatay na may isang dekada na ang nakalilipas.

Wala rin naman na aasahan si Cedric sa pamilya ni Ericka. Mahina na si Nanay Teresita. Samantalang wala lalo siyang aasahan sa itinuring na kapatid ng asawa na si Matthew. Nasa ibang bansa ito ngayon.

Pero sadyang minamalas yata talaga si Cedric. Nang makarating sa bahay ay nalaman niyang wala si Jet at kahit sino man sa pamilya nito roon. Nawala naman rin kasi sa isip niya na tawagan muna ito. Nasabik kasi siya na makita ang kaibigan. Matagal-tagal na rin nang huli silang magkita. Naka-base kasi ito at ang pamilya nito sa Spain.

Paalis na sana si Cedric nang may makaagaw sa atensyon niya sa may gate ng bahay. Napakunot-noo siya. The girl was familiar, especially her voice. Malayo sa kanya ang gate pero dahil napakalakas ng boses nito kaya umabot sa kanyang tainga.

“Edi pakitawagan si Analisse. Dali na, kailangang-kailangan ko talaga siyang makausap!”

“Kaibigan niya po kayo sabi mo, `di ba? Eh bakit wala kang cell phone number niya? Sinabing wala nga siya dito sa bahay!” Mukhang asar na rin ang kasambahay na kausap ng babae sa gate kaya malakas na rin ang boses nito. “Hindi ka namin kilala, Miss. Hindi ka namin puwedeng pagkatiwalaan. Mayaman ang pamilya ni Sir. Mahirap na at baka isa ka pa sa mga may masasamang balak sa pamilya at ginagamit mo lang si Ma’am.”

Naningkit ang mata ng babae. “Bahala kayo! Maghihintay ako dito sa labas kung kinakailangan! Kapag talaga dumating si Analisse, sasabihin ko sa kanya na pagalitan ka nang bonggang-bongga!”

Nagkibit-balikat lang ang kasambahay.“Bahala ka. Sa isang araw pa ang dating nila. May bagyo pa man. Bahala kang mabasa ng ulan at magkasakit diyan sa kakahintay!”

Tumalikod ang kasambahay. Siya naman na paglapit ni Cedric sa gate. Tinignan niya ang kasambahay. Mali para sa kanya ang ginawa nito. He felt sorry for the visitor though. Siya mismo ay nakaranas na itaboy, ang masaklap pa nga noon ay mula sa sariling ina niya iyon.

“Hindi mo dapat siya pinagsasalitaan ng ganoon. I’ll report this incident to Jet. Knowing my friend, nakakapagtaka na tumanggap siya ng isang tao mong may ganyang klaseng bibig.” May pagbabanta na wika ni Cedric sa kasambahay.

Namutla ito. “Sir Cedric---“

“Sir Cedric? As in, Mr. Cedric Guidicelli?!” Nanlalaki ang mata na wika ng babae. “Oh My God! Hindi ako makapaniwala na nagkita tayo ulit! Waah, Ang tagal kong hinintay ang pagkakataon na makita kayo ulit o kahit sino man sa pamilya niyo. Noon pa nga ay tumatambay pa ako sa Safe Haven, umaasa na pagtatagpuin ulit tayo ng tadhana, lalo na ang anak niyong si Callisto. Missed ko na po siya, sobra. Kumusta na po kayo?”

Natigilan si Cedric. Was this lady a fan of him and his friends? Hindi naman sila mga artista ng kaibigan ay sikat sila. They were known as the International Billionaires. They were one of the most successful people not only in the Philippines but only in the whole world. Dahil roon kaya may mga fans sila. Para na rin silang artista.

Pero ang babae na ito, bakit may pakiramdam siya na kilalang-kilala siya nito? Sinabi rin nito na na-miss nito ang panganay niya. Do they personally know each other? Kakaunti lang ang nakakilala sa panganay niya ng personal. Kahit siya ay pili rin ang pinagsasabihan ng personal na lagay nito. Kaya paano nasabi ng babaeng ito na na-miss na nito si Callisto? Magkakilala ba ito at ang anak bago nasira ang buhay ng anak niya?

“Okay lang naman ako. Ikaw ba---“

“Natalia po, Sir. Ako po iyong nakakalaro dati ni Callisto sa Safe Haven! May picture pa nga po kami. Teka…” Hinalungkat ng babae ang bag na hawak. Mula sa wallet nito ay may kinuha nga itong larawan. Nasa larawan nga kasama ang maliit na version ng babaeng kausap at ng anak niya noong maliit pa rin ito. “Ayan! Ayan ang patunay na minsan ay nakadaupang palad ko ang The Great Callisto Guidicelli,”

“You are a fan of my son?” Hindi na pinagdudahan ni Cedric na minsang nagkakilala ito at ang anak niya. At pamilyar nga ito sa kanya. Sa pagtagal rin ng pag-uusap nila ay parang naalala na niya ito. Maingay at positibong bata---iyon ang unang pumasok sa utak ni Cedric sa pagkaalala kay Natalia.

“Sobra po, Sir! Ang tagal ko na po pinangarap na makita siya ulit. Kaya lang, sadyang may pagka-bad luck yata ako,” pumait ang mukha ni Natalia. “Kahit po si Analisse ay hindi ako mabigyan ng information tungkol sa anak niyo. Wala daw siyang balita.”

It was my fault, sa isip ni Cedric.

“Kaibigan ka nga ng anak ni Jet. I bet, kasamahan mo rin siya sa Safe Haven?” Hindi lingid sa kaalaman ng marami na ampon lang ng kaibigang Doctor si Analisse.

Tumango si Natalia. “Room mates po kami.”

“So parang kami rin pala kayo at ang mga kaibigan ko…”

“Yes, Sir. Pero mas appropriate na tawagin kaming International Billionaires Wannabes. Hanggang pangarap na lang, eh!” Napangiwi si Natalia.

“You’ll have your luck in time…” Ngumiti si Cedric. Matagumpay man sina Cedric at mga kaibigan niya, dumaan rin sila sa paghihirap. Lalo na siya. “Nga pala, bakit mo ba hinahanap si Analisse?”

“Ah,” napakamot si Natalia. “Kahiya-hiya man na aminin po, Sir, pero manghihiram po sana ako sa kanya ng pera. Na-ospital po kasi iyong kapatid ko noong isang linggo. Hindi po kami makalabas dahil kulang sa pera. Ayaw po kasing tumanggap ng promissory note sa ospital.”

Kinuha ni Cedric ang wallet. “Magkano ba ang kulang?”

Nawindang si Natalia. “Naku, Sir! Hindi po. `Wag niyo po akong bigyan. Hindi ko rin naman po hinihingi ang hihiramin ko sa kaibigan ko. Ibabalik ko rin poi yon.”

“I insist,” Kinuha ni Cedric ang lahat ng cash sa wallet. Sa tantiya niya ay lagpas sa sampung libong piso iyon. Kaunti lang dahil hindi naman siya madalas na nagdadala ng cash. He used cards. Ibinigay niya kay Natalia ang pera sa kabila ng pagtanggi nito.

“Hindi po talaga, Sir. Hindi po ako nanghihingi. Dapat po ay may kapalit. Hindi po ako naniniwala sa easy-money. Dapat ay pinagtatrabahuhan po ang pera,” Kuntodo iling pa si Natalia habang nagpapaliwanag.

“Tinutulungan lang naman kita, Natalia. “

“Kahit po sa mga malalapit kong kaibigan, hindi ako tumatanggap ng walang kapalit, Sir.”

“Consider this money as a debt,”

“Paano ko po masisigurado na magpapakita po kayo sa akin kapag ready ko na ibalik?”

“Good point,” Iyon naman talaga ang balak niya. Alam niya ang pakiramdam ng wala dahil naranasan niya iyon noong bata pa siya. Ganoon rin ang asawa niyang si Ericka. Hindi niya oobligahin na ibalik ni Natalia ang pera.

“A-at okay lang ba po sa inyo kung hindi ko kaagad maibabalik ang pera? M-mahina lang po kasi ang trabaho ko ngayon."

“Wala kang stable job?”

Umiling si Natalia. “Rumaraket lang po ako. High school graduate lang po kasi ako.”

“Ah. Isa rin ba sa kailangan mo ay trabaho? Gusto mong tulungan ka?”

“Ay, sige, Sir! Ganoon na lang. Ihanap niyo na lang ako ng trabaho bilang tulong. Kay Analisse na lang po ako manghihiram ng pera at---“

“No. Narinig mo na sa kasambahay. Sa isang araw pa ang balik ni Analisse. Ilalabas mo na ang kapatid mo. Kuhanin mo na itong pera.”

“Pero Sir----“

“Consider the money as cash advance for your job.”

Napakamot ng ulo si Natalia. “Ano po bang trabaho pala ang ibibigay niyo sa akin? Ay, hindi naman po ako sa nagrereklamo. Nagtatanong lang po. Kahit ano naman po na trabaho ay tinatanggap ko.”

“Tell me your skills so I can decide,”

“Lahat, Sir! I’m good at all!” Ewan kung nagyayabang o confident lang ba sa sarili si Natalia sa pagkakasabi noon.

“All right. Sabihin mo sa akin kung ano talaga ang pinaka-talent mo at---“

“Magluto! Iyon nga po ang pinaka-pangarap ko, Sir!” putol ni Natalia. Napaka-enthusiastic ng tinig nito.

Doon muling natigilan si Cedric. If you’re worried about my health, just get me a cook, damn it! Naalala niyang sigaw sa kanya ni Callisto nang huli silang magtalo. Though alam niya na dala lang ng inis kaya sinabi iyon ng anak, gusto tuloy niyang seryosohin.

“M-may dumi po ba sa mukha ko, Sir? Shocks, nakakahiya!” Ilang beses na napahawak si Natalia sa mukha nito nang matulala si Cedric.

Pero matagal-tagal rin na naka-react si Cedric. Hindi niya pinansin kung nailang na ba sa pagtitig niya si Natalia. He wanted to know her more by looking at her face. Masisigurado ba niya na mapapagkatiwalaan niya ito? At higit sa lahat, malakas ba ang loob nito?

Nakikita naman ni Cedric na kay Natalia ang kailangan niyang katangian para sa isang kagaya ni Callisto. Nakikita niya ang isang kagaya nito---tumatanaw ng utang na loob. Nakikita rin niya si Ericka rito. Malaki ang pagmamalasakit sa pamilya. Gagawin nito ang lahat para sa pamilya nito.

Tumikhim si Cedric nang maka-recover. “Gusto mo na makita ulit si Callisto `di ba? Kapag pinakita ba kita sa kanya, paano ko masisiguro na hindi mo sisirain ang iniingatan niyang privacy?”

Lumabi si Natalia. “Naman, Sir! Edi sana matagal ko ng ipinagkalat na may picture kami once upon a time `di ba? Nirerespeto ko po ang privacy ni Callisto.”

May point si Natalia. “Kung ganoon ay binibigyan kita ng trabaho kasama si Callisto. My son needs a cook.”

Callisto values his privacy so much. Ayaw nito sa mga tao. May sarili itong mundo at sila lang na pamilya nito ang pinapapasok nito roon.

Ayaw ng anak sa mga kasambahay. Pero mas lalong ayaw naman niya na palagi na lang itong um-order sa mga restaurants. Bukod pa roon, kapag hindi nababantayan, hindi ito kumakain ng tama. May ulcer ang panganay niya, isa sa mga dahilan kung bakit hindi niya ito mapabayaan. Masama rito ang magpalipas ng gutom.

Pero iyon nga, tumatanaw ng utang na loob si Natalia. Masama ang ginagawa niya ngayon. Parang ibabaon niya si Natalia sa utang na loob, kagaya ng ama niya sa kanya noong nagkunwaring ampunin siya. But maybe he was a desperate man. Kailangan niya ng isang kagaya ni Natalia---positibo sa buhay at alam niya na hindi basta-bastang sumusuko.

Hindi rin naman masisisi si Cedric kung maging desperado siya. Nakakapagod rin ang buhay niya. Dahil sa nangyari sa anak may isang dekada na ang nakakalilipas ay hindi niya masasabing maganda ang pamilya niya. Ni hindi na nga niya maalala ang mga panahon kung kailan sila huling nagkasama-sama ng pamilya na buo. Kahit sila ng asawa ay bihira na magka-oras sa isa’t isa. Madalas ay sali’t salitan lang sila ng pagbabantay kay Callisto o kapag puwede ay silang dalawa na mismo. Pero dahil sa komplikadong lagay ng anak, halos hindi rin naman nila ma-enjoy ang company ng isa’t isa. Tuwing bakasyon lang ng anak na si Caroline sila nagkakaroon ng quality time. Malapit kasi ito sa kapatid, hindi kagaya ni Foro. Madalas ay ito ang nagbabantay kay Callisto kapag may oras ito.

Kailangan niya ng totoong magbabantay sa anak. Maaaring cook lang ito ng anak. Pero dahil demanding ito, ito rin ang magiging bantay palagi ni Callisto. Gusto ng anak na kapag nakaramdam ito ng gutom ay may pagkain ng naka-handa. Kapag wala pa, hindi na ito kakain. Ganoon ka-komplikado ang anak.

“Ay na-excite naman ako, Sir! Seryoso talaga kayo?”

“Seryoso ako. But I have a warning for you, Natalia. This job is not for the faint-hearted. My son has---”

“Naman, Sir! May mangyayari pa ba sa puso ko samantalang matagal na iyong kinuha ni Callisto?” Nagniningning ang mata na putol ni Natalia.

“Hmmm… You have feelings for my son?”

Humagikgik si Natalia. “Bata pa lang po ay crush ko na ang panganay niyo na iyon. Ang tagal-tagal ko nga po na hinintay ang pagkakataon para magkita muli kami. And this is it! Ang matagal ko ng hinihintay! Wala po sa akin kung mailap pa rin si Callisto. Ang mahalaga sa akin ay makikita ko siya ulit. Ang maganda pa ay makakasama ko siya. At siyempre, ang trabaho. Kailangan ko po kasi talaga. Kailangan ko ng pera. Maraming salamat po, Sir.”

Sandaling natulala na naman si Cedric sa mukha ni Natalia. Hindi lang gratefulness ang nakikita niya sa mukha nito. The excitement is there. Mukhang sincere na sincere ito sa sinabi. May feelings nga ito sa anak niya.

Naalala ni Cedric si Natalia sa ilan sa mga malalapit na kaibigan niya. Sina Augustus at Ed ay parehong na-in love sa mga naging kababata ng mga ito. At nakikita niya ang tingin na iyon ni Natalia sa dalawang kaibigan…

Kung in love si Natalia kay Callisto ay magandang balita iyon. Love is powerful. Naniniwala siya roon dahil pinagbago siya noon. Nang makilala niya ang asawang si Ericka ay naging maayos ang buhay niya. Paano kung ito na ang pag-asa niya para sa isang hopeless case kung ituring na iba na panganay niya?

Gustong maging positibo ni Cedric. Magiging maayos rin ang buhay ng kanyang anak. Maniniwala si Cedric kay Natalia.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.