KIMBURA Chapter 21

Elwood

“BAKIT ang tagal niya?” naiinip nang tanong ni Chloris. Late siyang pumasok sa time plane. May meeting daw kasi ang volleyball team nito.

Medyo nag-aalala na rin ako. At dinadagdagan ni Chloris ang pag-aalala ko sa paulit-ulit niyang tanong na iyon. Parang gusto ko nang pagsisihan na itinuloy pa namin ang misyong ito. We will never know kung makakayanan ni Anika ang mind cleansing procedure sa loob. Mahina si Anika. Hindi katulad nang dalawang naunang priestess na may alam na pagdating sa buhay ng mga witches.

Paano kung bumigay si Anika sa isang eksena mula sa kanyang isip? O sa kanyang nakaraan? Ang mga Orlithion ay pwedeng makita ang nakaraan na may kinalaman sa buhay nito. At nati-trigger iyon kung matindi ang pagnanais ng isang Orlithion. O kaya, paano kung bigla siyang sumama pabalik sa dating buhay na mayroon siya? Paano kung mas piliin nito ang buhay kasama ang mga poster parents nito. Ang buhay na hindi komplikado at walang pananib.

Masisira ang lahat. Maglalaho ang east priestess at ang marka niya. Kapag naglaho ang marka niya na siyang pinanggagalingan ng kapangyarihan niya, sira na ang lahat. Mawawala na kasi ang east priestess. Babalik sa mga normal na buhay ang mga priestess.

Noong sina Soleih at Ceilah pa ang sumalang sa House of Regrets, wala akong pakialam kung bumigay man sila o lumaban. Sa simula palang naman, halfhearted na akong buuin at gawin ang misyon ko. Wala akong pakialam kasi magawa man namin ang main ritual o hindi, wala nang epekto sa akin. Ligtas na ako mula sa panganib sa mundo namin. Nasa mortal world na ako, ano ang dapat ko pang alalahanin?

Pero ngayong si Anika na ang sumalang sa House Of Regrets, masyado akong apektado. Hindi ko na din maipaliwanag ang kaba. Siguro dahil nanghihinayang din ako sa nasimulan namin. We’ve been this far. Nandito na kami. Lahat sila, nag-e-effort.

Kahit ayoko at napilitan lang, ako pa din ang nagpasimula ng lahat ng ito. Ngayon pa ba masasayang ang nasimulan namin? At si Chloris, sobrang devoted siya na matapos ko ang misyon ko. Nangako raw siya kay Hino sa panaginip na tutulungan ako. Eh, ako nga itong ayaw magpatulong. Gusto kong makonsiyensiya na nagpapakahirap si Chloris sa akin, pagkatapos ako itong ayaw makisama. To the point na minsan na din itong napahamak at inakala ko pa ngang hindi na magigising.

Ah! Walang kahit anong salita ang pwedeng mag-describe kung gaano katindi ang naging takot ko ng mga sandaling iyon. No’ng araw na lumabas ang tornado kay Anika. Para ngang gusto kong magalit kay Anika dahil maski si Chloris, naapektuhan ng matindi ng mga oras na iyon. Kaya lang, wala din namang kasalanan si Anika. Hindi pa niya kayang kontrolin ang kakayahan at kapangyarihan na mayroon siya.

Tinadyakan ko ang konsiyensiya ko. Siya ang may gusto ng lahat ng ito, bakit ako makokonsiyensiya?

“Argh! Kasalanan mo, eh! Dapat kasi, hindi na natin ito sinimulan!” asar na paninisi ko kay Chloris.

Nag-aalala ako. Sobra. Paano nga kung hindi malagpasan ni Anika ang House Of Regrets? Paano kung mawala ang marka niya? Or worst, mapahamak siya. She was so vulnerable. At mas pinahina ng mga nalaman niyang hindi siya totoong anak ng mga Danfort.

But there was no perfect time para papasukin ang priestess na tulad niya sa House of Regrets, except now. In her most confused state. Iyon kasi ang mga panahon na lalabas lahat ng kahinaan at katanungan sa isip niya. Sa mga ganoong pagkakataon mas napu-purify at nake-cleanse ang isang nilalang. Lalabas lahat ng negative energies at nasa nilalang na kung ano ang pipiliin niya.

Ang House Of Regrets ay lugar ng walang katapusang kadiliman. Sa loob, lalabas ang iba’t-ibang room of decisions para sa taong pumasok doon. Ang bawat room ay maglalabas ng iba’t ibang tinig o scenario na nagpapabagabag sa isang tao. Kailangang pumili ng tao ng isang room. At ang room na iyon ang magiging choice of journey niya. Kung alin ang pipiliin niya, iyon ang journey na itutuloy niya.

At sana… sana piliin ni Anika na humakbang papunta sa silid kung nasaan kami.

“Bakit ako ang sinisisi mo? Ako ba ang nagpasimula ng lahat ng ito? Kung hindi ka dumating sa mundo namin, hindi sana kami nagugulo ng ganito. Lalo na ako. Mas ako ang apektado dito, ah?”

Medyo na-guilty na naman ako. Hindi nga naman siya dapat na nadadamay sa gulong ito. Isa lang siyang ordinaryong tao. Kung bakit ba naman kasi sa dinami-rami ng mga babae, si Chloris pa ang napili ni Hino na pagpakitaan sa panaginip? Hindi naman siya isa sa mga priestess.

“Hindi ko rin sana malalaman kung ano ang magiging future ng mundo. Hindi sana ako nagugulo nang ganito,” dagdag pa ni Chloris. Halata sa boses niya na mabigat ang loob.

“Kung bakit ba naman kasi kailangan mong magpaapekto sa future?”

“ ‘Di ba nga sabi mo nakikita mo ako sa future? Nare-reincarnate ako after two century. At malamang, mabuhay ako sa panahong ito.”

“Nah! Cyborg na ang mga tao sa panahon na ito at alipin na ng mga mayayaman ang mahihirap. Wala nang kaluluwa. Mas gugustuhin pa nilang mamatay kaysa mabuhay na nahihirapan. Kaya nga hindi na nagpadami ang mga tao sa panahong ito para matapos na ang paghihirap. Meaning, posibleng hindi ka na ulit ipanganak sa panahon na ito.” Napapalatak ako. “Saka… kung ano-ano ‘yang mga pinaniniwalaan ninyong mga tao. Walang reincarnation. Isang beses lang nabubuhay ang lahat ng mga nilalang. Kamukha mo lang ang mga nakikita ko after every two century. Baka naubusan na ng mukha ang designer ng mga tao. O pwedeng galing sa lahi mo ang mga iyon kaya kamukha mo.” Bigla ay pagmo-modify ko sa mga informations na sinabi ko sa kanya noon. Gusto ko lang tapusin na ang pag-aalala niya sa mangyayari sa hinaharap. Dapat pala, hindi ko nalang sinabi sa kanya noon ang nakita ko. Ginatungan ko lang kasi ang mga alalahanin niya.

“Nare-reincarnate kami! Hindi kagaya ninyo!” Nandidilat ang mga mata ni Chloris na ipinagpipilitan sa akin ang pinaniniwalaan niya. “Everyone here was an old soul. Ang pinakamatanda, `yong pinakabata. At ang pinakabata ang pinakamatanda. That means kasi na kamamatay pa lang niya. Old soul siya.”

“Tss…” Napailing-iling ako.

“We humans, are all old souls, continuously searching and meeting each other. Continously finding our mates and loving them. Living with them until the end of our time.”

Parang huminto ang pagtakbo ng isip ko nang mga sandaling iyon. Medyo may sense ang sinasabi ni Chloris. Upon what I saw in her future, paulit-ulit nga lang ang buhay nila. Paulit-ulit na namamatay, ipinapanganak, lumalaki at mahahanap ang soulmates daw nila, iibig at mabubuhay ng masaya hanggang sa tumanda at mamatay na ulit. May mga hindi sinuswerte at hindi ka-match ang mahahanap kaya hindi magiging smooth ang takbo ng buhay nila. That was the sense of human life. Finding and searching their soulmates. Live while they can be. At paulit-ulit lang iyon.

Hindi ko tuloy alam kung ano ang mararamdaman ko. I just felt empty. Parang laro ang buhay nilang mga tao. Pagalingan ng paghahanap sa isa’t-isa. Swertehan kung matatagpuan nila ang mga match nila.

“Hindi kami katulad ninyo o ng pinaniniwalaan mo na isa lang ang buhay. Kayo kasi, mahahaba ang mga buhay niyo kaya okay lang na isa langa ng buhay niyo. Kami, walang katapusan. Oo, mga mortal kami. Pero immortal ang reincarnation. Paulit-ulit na mabubuhay kami, just in His perfect time.”

Ugh. Wala nang sense kung makipagtalo pa ako kay Chloris. I know her. Ipagpipilitan at ipagpipilitan niya ang lahat ng pinaniniwalaan at hindi ko iyon magagawang baguhin kahit ano pang sabihin ko. Hindi ko alam kung matalino ba siya o sadyang sarado lang ang isip sa iba pang explanation patungkol sa mga bagay-bagay.

“Whatever.”

Umayos ako ng pagkakahilig sa couch na dinala ng android kong utusan sa harapan ng House Of Regrets. I need to relax myself while waiting for Anika to come out. Hindi ko puwedeng iparamdam o ipakita kay Chloris na maski ako, nag-aalala na rin. Anika should be here after thirty minutes. Pero mahigit isang oras na ang nakalipas, hindi pa din siya lumalabas. Sinong hindi mag-aalala?

Pero kung sakali mang may hindi magandang nangyari sa loob, sana, nalagpasan niya iyon. Pati sina Soleih at Ceilah, sana hinigop na palabas ng time plane na ito.

“Hoy, Elwood!”

Ayoko sanang dumilat pero hindi rin ako nakatiis sa matinis na boses ni Chloris. Sa pagmulat ko naman, nakita ko na lang na nilulusob na niya ako sa couch. Galit na naman siya. What’s new? Palagi naman siyang galit kasi pinapakita kong wala akong pakialam. Ayoko din namang ipakita na may pakialam ako kasi, ang dapat naman talaga, wala akong paki sa lahat ng ito. Siya lang naman ang may kasalanan kung bakit nagbabago ang outlook ko sa buhay.

“I-istambay ka na naman diyan. Wala ka talagang kwenta! Kung tine-train mo ba sina Soleih—”

“Tss! `Di ba, kaya ako nag-hire ng mga cyborg martial artists and witchcraft & wizardry trainor, para hindi ako mapagod? Bakit ko pa sila ite-train? May trainor naman na sila.”

“Why don’t you atleast checked them out—”

Natigilan sa pagbubunganga si Chloris nang marinig namin pareho na umiingit pabukas ang exit door ng House Of Regrets. Maski ako, parang nanigas sa pagkakaupo. Pigil ko ang hininga habang hinihintay na may lumabas. Gusto kong may lumabas. Kailangang lumabas ni Anika!

“Elwood…” Narinig ko ang kinakabahang pagtawag ni Chloris sa akin. Alam kong naiinip siya sa paglabas ni Anika. At umaasa.

Si Chloris na ang pinakapositibong nilalang na nakilala ko. Pero sa pagkakataong ito, alam ko, kaunting panahon na lang, bibigay na rin siya. Gusto ko na rin yatang mawalan ng loob sa nakikita ko sa kanya.

Ilang minuto pa ang lumipas, nananatiling blanko ang nakabukas na exit door. Wala pa rin. Ano’ng nangyari kay Anika? Na-dissolve ba ang marka niya? Nagpalamon ba siya sa mga negative emotions niya at pinili ang mas madali at hindi complicated na journey? Hindi. Hindi puwedeng mangyari iyon. Hindi siya puwedeng umurong. Kailangan namin siya!

Hindi ko gusto ang nakikita ko kay Chloris. Parang any moment, kakawala ang mga luha niya. Hopelessness ang dahilan. Ayokong makita iyon. Ayokong nakikita siyang umiiyak. Parang pinipiga ang dibdib ko. Parang sinasakal ang puso ko. Those tears were the last thing I wanted to see from her face.

“B-Bakit… hindi pa siya lumalabas?” Basag ang boses na tanong ni Chloris sa akin.

Parang ako ang nahirapan at naguluhan nang marinig ko iyon mula sa kanya. She couldn’t be loosing it.

Inabot ko ang kamay ni Chloris at mahigpit na hinawakan. I don’t want her to loose hope. Sabay kaming aasa. Lalabas si Anika sa House of Regrets. Alam kong lalabas siya. Naniniwala akong lalabas siya.

Five…

Four…

Three…

“Honestly, Sir. I don’t know now what my real purpose in entering the secret door was.”

Two…

No, please, Anika. Come out!

One!

Naipikit ko ang mga mata at tumalikod na nang wala pa ring lumalabas. Anika became our hardest challenge. Kung sa dalawang naunang priestess, hindi kami nahirapan, kay Anika ay nahirapan kami. Masyado naman kaming nag-alala. Masasayang kasi ang lahat kung magpapatalo siya sa kahinaan. At palagay ko nga, wala na. Tapos na ang lahat. Wala ring silbi ang pagpapakahirap namin na buuin ang grupo. Ano pa nga ba ang aasahan ko? The mission was really imposible. Hindi ba at may pasaway pang Serene na kahit aware na sa kakayahan at kapangyarihan niya, na kahit aware pa sa purpose niya, ayaw pa ring maki-cooperate sa amin? Dapat pa ba akong umasa?

Hinila ko ang kamay ni Chloris para yayain na siyang pumasok sa chateâu at puntahan sa training ang dalawa pa nina Soleih at Ceilah.

“Let’s go, Chloris. It’s okay. I-check natin ang dalawa kung nasa loob pa,” sabi ko na pilit inaalisan ng emosyon ang boses.

Mga hikbi ang naging sagot ni Chloris. Hindi ko rin maramdaman ang pagsunod niya sa paghila ko sa kanya. Para siyang itinirik na kandila sa kinatatayuan. At hindi ko siya kayang lingunin. Alam kong masakit ang makikita ko. Ayokong makita iyon. Ayokong makita siyang umiiyak.

“How come it was okay? Hindi siya lumabas. Is that mean, hindi na natin siya makukuha? Lahat nang nasimulan natin, mawawala na din?” Humihikbing tanong niya sa akin. Hindi ko alam kung paano ko iyon sasagutin.

Gusto ko na ring bumigay. Ano pa nga ba ang dapat isipin? It’s over. Kailangan ko na ding isara ang time plane.

Bakit pa ako aasa? Masasaktan din lang ako. Katulad noon. Umasa akong lalabas ang katotohanan pero hindi nangyari. Umasa lang ako sa wala. At ngayon, aasa na naman ako sa wala.

“Let’s go…” Poker faced na binitawan ko si Chloris. Mauuna na akong lumayo roon.

Kailangan ko na din sigurong simulang paliwanagan at pasalamatan ang dalawa na sina Soleih at Ceilah.

Pero bakit ganoon? Bakit ang bigat ng loob ko na nasira na ang lahat? Hindi ba’t sa simula pa lang, hindi ko naman gusto ang ginagawa ko? Hindi ko nga maintindihan kung bakit ko ba sinusunod ang mga gusto ni Chloris. Kung bakit ako nagpapadala sa lahat ng pangungulit niya… Tapos halos mabaliw ako sa pag-aalala kapag may nangyayaring masama sa kanya. Dapat nga matuwa ako na tapos na at nasira na. Wala na akong iintindihin. Hindi na din ako matutuliro at mag-aalala na pwedeng may mapahamak dahil sa misyon ko.

Isang malakas na singhap ang nagpalingon sa akin sa House Of Regrets. Kasabay niyon ang napakalakas na hagulhol ni Chloris. Nang tuluyan akong lumingon, nakita kong sinusugod ng yakap ni Chloris si Anika.

And Anika was sparkling while smiling. Her whole body was shining with yellow energies. That means…

She was already purified and cleansed.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.