Anika
“Hi, taba!”
Napalingon ako sa sumisigaw mula sa likudan ko. Papasok na kasi ako sa University sa tahimik na komunidad ng Cavite.
Teka! Bakit ba ako lumingon? Si Dach, or Dmitri Chad del Fierro, itong tumatawag sa 'kin. Sabi ko nga pala, hindi ako lilingon kapag tinawag akong 'taba' ni Dach.
Oo nga pala. Bago ko makalimutan. Nasa iisang University kami nitong kababata ko. Itong si Dach, third year na sa course na Commerce. The blue-eyed hunk. Guwapo, mayaman, matalino, sporty at higit sa lahat, kilabot ng mga babae. In short, perfect daw at isa sa mga nasa top ranking/group. Isa siya sa mga star students ng university namin. Madaming mga babae at mga nagpapanggap na babae ang humaling na humaling sa kanya. Pero hindi ako isa sa mga iyon.
Ah, ako? Anika Danfort at your service. Isa sa mga freshmen ng college namin. Culinary ang course ko. For obvious reason na palagi akong gutom. At para lang malinaw, isa ako sa mga students na parang wallflower lang. Hindi masyadong napapansin dahil pangkaraniwan.
Magkababata kami ni Dach. Sabay na lumaki at nagkaisip. Hindi pala, mas matanda pala siya sa akin ng dalawang taon. Kasing edad niya ang Kuya ko. Si Kuya Art. Kaya lang, naaksidente siya noong bata pa kami. Mahal na mahal ko ‘yang si Kuya kahit lagi silang magkatulong ni Dach sa pang-aasar sa akin. Over-protected si Kuya sa akin. At sa totoo lang, sobrang miss ko na siya.
Si Kuya at si Dach talaga ang mag-best friend. Palagi lang akong epal sa samahan nila. Pero no’ng mawala na si Kuya at palagi akong umiiyak dahil nami-miss ko ang kapatid ko, biglang naging malapit sa akin si Dach. Parati niya akong inaasar ng kung ano-ano kapag nalulungkot ako at umiiyak kasi hinahanap ko ang kuya ko.
Sabi niya, he can be my Kuya in replacement of my real brother. `Yong paraan ng pang-aasar at minsang pang-aaway sa akin ni Kuya, ginagawa din ni Dach sa akin. Don’t get me wrong. Normal sa mga magkakapatid ang cat-dog relationship. At naging ganoon na ang relasyon namin ni Dach, kahit hindi kami magkapatid. Kasing sobra ng Kuya ko ang pagprotekta niya sa akin. Hindi ko lang siya tinatawag na Kuya. Ayoko lang. Or siguro, dahil deep inside, ayoko talaga siyang maging kapatid. Isa lang ang Kuya ko. And Dach was way different from being my brother. Hindi ko masyadong maipaliwanag kung bakit ganoon ang pakiramdam ko. Basta, eversince I understand life, I know and felt that Dach isn’t a brother material for me. He will never be. Because…
I don’t know. Basta ayaw ko siyang maging kapatid. Period.
He and his family was a close friend for us. A friendly neighborhood. Wala akong matandaang sitwasyon na nag-away o nagkatampuhan ang mga pami-pamilya namin. Madalas nga si Dach sa amin at ganoon din ako sa kanila. Since childhood days hanggang sa ganitong college na kami at malapit na ding mag-step up sa adulthood.
Pero hindi ko naman maramdaman ang pagiging adult ni Dach. Kasing kulit pa din siya ng dati. Wala na yata talaga siyang ipagbabago.
“Chubs! Hintayin mo ako.”
Ramdam ko 'yong pagtakbo ni Dach papalapit sa 'kin. Hindi ko alam kung lilingon pa ba ako. Chubs na 'yong tawag niya sa 'kin. Hindi na 'taba'. Pero pareho pa din ng meaning. So, hindi pa din ako lilingon.
“Kanina pa akong sumisigaw, Chubs ah. Bakit hindi mo ako nililingon?” sabi ni Dach na kasabay ko na maglakad.
Ewan ko ba bakit na naman 'to nakasulpot. Nagpa-photocopy lang ako at ang dami naming habulin na requirements para sa finals. Sa'n ba 'to galing? Parang kabute lang. Sulpot ng sulpot.
“Hoy, Chubs!!!” Sumigaw na siya sa tapat ng tainga ko. Napahawak tuloy ako do'n.
Tumilapon yata 'yong tutuli ko. Pati eardrums ko, gusto din mabasag sa lakas ng sigaw niya. Mula sa kabilang tainga hanggang sa kabila pang side 'yong trauma na ibinigay ng sigaw niya.
Hinampas ko nga ng mga pinaphotocopy ko 'tong ugok sa tabi ko.
“Gunggong ka! Mabibingi ako sa sigaw mo ah!” angil ko sa kanya.
Parang may umuugong na halimaw sa loob ng tainga ko. Papatayin ko talaga 'tong lalaking 'to kapag nabingi ako.
“Ah, hindi pa ba? Akala ko, nabingi ka na talaga. Kanina pa ako salita ng salita at tawag ng tawag sa 'yo, hindi mo ako pinapansin.”
“Naririnig kita. Sadyang hindi lang kita iniintindi.” Inirapan ko siya sabay martsa palayo.
Sumunod na naman siya. “Bakit?”
“Anong bakit? Hindi naman ako ang tinatawag mo. Taba ka ng Taba, Chubs ka ng Chubs.”
“O, eh 'di ba ikaw naman 'yon?”
“Bastos ka, ah!” Pinandilatan ko nga siya ng mga mata. Kulang na lang tumirik ang mga mata ko sa pandidilat sa kanya. “Hindi ako mataba! I am voluptuously sexy!”
Humulakhak ang demonyong si Dach. Gusto ko siyang sakalin. Sobra. Pero kasi, baka mapingasan ang kagwapuhan ng pogi niyang leeg.
Deym! Bakit ko naiisip na pogi siya? Wait nga, Anika?!
“Indenial!” sabi niyang humahalakhak pa.
Binatukan ko siya. Ang gunggong, nakatawa pa din.
“Pero 'wag kang mag-alala, mahal pa din naman kita kahit Tabachoy ka!”
“Ano?!” Pakiramdam ko uusok ako sa inis sa kanya. Talagang literal niyang sinabi ang forbidden word na...
Teka...
Teka...
“M-Mahal mo ako?”
Ngumiti na naman siya. At parang na-triple ang bilis ng tibok ng puso ko dahil sa guwapong ngiti na 'yon. Gusto kong mawala sa sarili. Hindi ko maintindihan. At lalong hindi ko mapigilan ang pagkakagulo ng laman loob ko. Bakit ganon?
“Siyempre kaibigan kita eh.” Sabi niyang ginulo pa ang buhok ko.
Namatay 'yong babago palang na bumabangong damdamin sa dibdib ko. Pero kahit ganoon, hindi pa din humihinto sa pagwawala ang puso ko. Lalo na no'ng abutin niya ang kamay ko at hilahin.
“Saka, baka mawalan ako ng aasarin kapag hindi kita minahal.” Ang lapad ng ngiti niya. Ako naman, parang naiputan ng Ibong Adarna. Nanigas na ako sa kinatatayuan ko. Ayoko nang kumilos.
Hindi ko kasi maintindihan kung ano ba ang nararamdaman ko. Kung natutuwa ba ako o nadidismaya.
Mahal niya daw ako. Mahal niya daw ako kasi kailangan niya akong mahalin. Kundi, mawawalan siya ng laughing stocks. Meaning, clown ang tingin niya sa 'kin.
Dahil do'n, nahimasmasan ako. Ibinalya ko 'yong kamay niya na nakahawak sa 'kin. Sa lakas ng pagbalya, muntik pa siyang ma-out of balance.
Clueless na tinitigan ako ni Dach. Bubuka palang ang bibig niya para magtanong, pero inunahan ko na siya.
“Lumayo-layo ka sa 'kin, ha? Baka daganan kita.”
'Yon lang at kumaripas na ako ng takbo pabalik sa University.
“Dahan-dahan, nalilindol ang mga tao sa pagtakbo mo.” Pasigaw na habol niya.
“Hayup ka!” asar na sigaw ko din.
Masikip na masikip ang dibdib ko, hindi lang dahil nababalutan ng taba, kundi dahil sa tindi ng sama ng loob.
“Chubs! Oy! Ang pikon naman nito!”
Pakinig ko pa din ang sigaw niya pero hindi ko na inintindi. Pikon nga siguro ako. Pero hindi sa dahilang iniisip niya. Sanay naman na akong parating tinutukso ni Dach. At okay lang sa akin 'yon. Ang totoo, nagpe-pretend lang ako na naaasar. Pero natutuwa talaga ako sa mga banterings namin. Para sa 'kin kasi, bonding na namin 'yon since pareho na kaming nagiging busy sa studies namin. And soon, sa future works namin kapag naka-graduate na kami.
Pero ang hindi ko talaga matanggap at hinding-hindi ko matatanggap kahit kailan, 'yong kailangan niya akong mahalin kasi mawawalan na siya ng maaasar.
Laughing stocks niya lang ako. Mahal niya lang ako dahil kailangan. Parang napilitan. Ang sakit kaya no'n!
Anika
“Run, Anika! Run!”
Pagkarinig ko sa boses na iyon, tumakbo nga ako ng napakabilis. Hindi ko alam kung kaninong boses ang naririnig ko pero base sa timbre ay panglalaki iyon. At pinatatakbo ako. Hindi ko din maintindihan kung saan nanggagaling ang napakatinding takot na mayroon ako sa dibdib ko habang tumatakbo sa walang hanggang kadiliman. Nasaan ba ako? Ano bang nangyayari? Bakit ako nandito? Bakit ako tumatakbo?
At narinig ko sa may puno ng tainga ko ang malasingasing ng ahas na tunog. Ramdam ko din ang lamig na tanda na nasa tabi ko lang ang kung anong nilalang. Nang may biglang dumaklot sa akin. Parang malamig na higanteng kamay na nakapigil sa mga braso at katawan ko. Parang mahigpit akong hinahawakan ng malabakal sa lamig na higanteng kamay. Nakaangat na din ako sa ere pero wala akong makitang kahit anong uri ng nilalang. Tanging tunog lang ng parang sumisingasing na ahas.
“Akin ka na, Anika! Akin ka na!”
Dumadagundong ang napakalaking boses. Katulad ng malaking boses ni Spirit of Death sa mga horror movies na napapanood ko. Nanghilakbot ako at parang tumindig na yata ang lahat ng balahibo na mayroon sa katawan ko.
Sino ang may-ari ng malaking boses na iyon? Sino din ang dumaklot sa akin? Nasaan ba ako? Ano ba talagang nangyayari? Nagtitili ako ng malakas at pumalag ng pumalag pero hindi ako makakawala sa parang anino na higanteng kamay. Napakadilim pa din ng paligid at mas lalo akong natatakot dahil sa kadilimang iyon.
“Anika!”
“Anika!”
Naririnig kong may mga tumatawag sa akin. Hinanap ko ang pinanggalingan ng mga boses. At unti-unti, lumabas mula sa kadiliman ang tatlong babae na naka-school uniform. Schoolmates ko sila. Kilala ko sila sa pangalan at ranggo sa University namin dahil mga popular students sila. Pero hanggang doon lang. Duda din ako na kilala nila ako dahil isa lang akong simpleng estudyante.
Pero sa paraang natatakot at nag-aalalang tingin nila habang nakatitig sa akin na nakalutang sa ere, para bang pakiramdam ko, malalim ang bind namin sa isa’t-isa. That somehow ay malalapit kami sa isa’t-isa.
“Open your mouth, little thing.”
Narinig ko na naman ang malaki at nakakahindik na boses. Bago pa ako makapagtanong, naramdaman ko nang unti-unting bumubuka ang bibig ko. Kahit anong pigil at pag-ikom ko sa bibig ko, pilit itong bumubuka. Sa panggigilalas ko, may nagfo-form na figure sa harapan ko. Parang itim na anino na nagkokorteng higanteng ghost na katulad ng figure ni Casper. Pero may higanteng hood ito at mapupula at mababalasik na mga mata, malaking bibig pero walang ngipin o kahit pangil kung isa nga itong halimaw. Iyon lang ang mayroon sa bandang mukha ng black figure at mas lalo akong nasindak. Wala itong noo, kilay, ilong at iba pang detalye ng mukha. Tanging mababalasik na pulang mga mata at malawak na bibig. Gumuhit ang malawak na bibig sa isang nakakasindak na pagngiti. Pagkuway ngumanga at itinapat sa akin.
Gusto ko nang mawalan ng ulirat. Nararamdaman ko kasi na parang hinihigop niya ang kaluluwa ko. Parang gusto niya akong kainin pero ang kaluluwa ko lang at hindi ang katawan. Narinig ko ang sigaw ng tatlong babaeng schoolmates ko. Sa peripheral vision ko, nakikita kong nilalabanan nila ang dambuhalang dark shadow. Pero walang match ang ginagawa nila. At kahit anong piglas ko, hindi ako makawala. Kahit anong panlalaban ko, parang walang silbi. Anino lang naman siya, bakit niya ako nahahawakan? At bakit ang lakas niya? Pakiramdam ko ay unti-unti nang humuhulas ang kaluluwa ko sa katawan ko at nahihigop ng napakalakas na pwersa.
“Anika!”
At sa pagkagulat ko, para akong pinaliguan ng pag-asa nang marinig ko ang boses ni Dach. Si Dach! Dumating si Dach!
Nahinto ang paghigop sa akin ng dark shadow. Makakahinga na sana ako ng maluwag pero nakita ko si Dach na nakalutang na din sa ere. Duguan na ang mukha at mga braso. Parang may malaking sugat sa may noo niya at doon nanggagaling ang dugo na pumapaligo sa kanya. May nakasakmal ding dambuhalang kamay sa katawan niya pero hindi naman napipigilan ang mga braso kaya sige ito sa pagpapa-ulan ng kung anong kulay dilaw na enerhiya galing sa kamay nito. Kadalasan ay sa direksyon ko kung saan may nakasakmal ding dambuhalang kamay. Parang ini-aim niyang mapakawalan ako ng dark shadow. Hindi ko maintindihan kung paano iyon nagagawa ni Dach. Bukod sa napakaimposible. At bakit ganoon? Walang match ang kung anong yellow energies na ibinabato ni Dach sa dark shadow!
“Masyado kang nagpapakabayani! Tutal ay ginusto mong ibigay ang buhay mo para sa babaeng ito, sige, pagbibigyan kita.”
Naging nakapalakas ng tili ko nang sa isang iglap, isinubo ng dambuhalang dark shadow si Dach. Sigaw nalang niya ang naririnig ko kasabay ng napakahaba kong tili.
“No!!! Dach!!!”
Isa pa ulit babae ang lumitaw at nakalutang sa ere. Pinaulanan niya ng nagbabagang bolang apoy ang dark shadow. Kumikinang na pula ang mga mata niya, pero duguan din ang katawan. At habang naglalabas siya ng bolang apoy, bumubugalwak ang dugo mula sa kung saang-saang parte ng katawan niya. Unti-unti, nararamdaman ko ang pagluwag ng dambuhalang kamay na nakasakmal sa akin.
PABIGLA akong bumangon. Sisinghap-singhap pa ako at hinahabol ang hininga. Ramdam ko din na basang-basa ako ng pawis.
Panaginip.
Hindi.
Bangugot iyon! Napakasamang bangungot. Kaya pala lahat ay hindi kapani-paniwala. Akala ko, totoo na. Sa sobrang takot ko sa panaginip ko, parang gusto ko nalang bumulalas ng iyak. Pero pinakatatagan ko ang loob ko.
Napalingon ako sa paligid. Nasa loob ako ng madilim kong silid. Agad kong hinila ang switch ng ilaw at bumaha ang liwanag. Hindi ko alam kung dapat ba akong ma-relieve dahil alam kong hindi totoo ang lahat. Pero bakit ganoon? Nasa dibdib ko pa din ang napakatinding takot. Napakalakas pa din ng kabog ng dibdib ko na para bang totoong nanggaling ako sa eksena sa panaginip ko.
At si Dach?
Tuluyan na akong napahagulhol ng iyak nang maalala ko ang anyo ni Dach sa panaginip ko. Duguan pero hindi kakikitaan ng panghihina. Pursigido siyang mapakawalan ako ng dark shadow. At parang walang pakialam sa sariling kaligtasan. Dach was always like that, ready to protect me. Pero hindi ko gusto ang eksenang iyon na halos ibuwis na nga niya ang buhay para sa akin. At ang ending ng panaginip ko…
Ayoko!
Bumaba ako ng kama. Binuksan ko ang panel window at sumilip sa labas, particularly sa bahay nina Dach na kitang-kita naman mula sa kinaroroonan ko. Patay ang mga ilaw maski sa silid ni Dach. Lalo tuloy akong nilamon ng takot at kaba. Alam ko naman at malinaw na sa akin na panaginip lang iyon. Pero hindi ko kayang ipaliwanag ang hindi nababawasang takot sa dibdib ko para kay Dach. Sana naman ay walang nangyaring masama sa kanya. Sana ay okay siya.
Ayos lang sa akin kahit walang kamatayan ang pang-aasar niya. Kaya kong makipag-deal sa bagay na iyon. Pero hindi ko yata kayang tanggapin na may mangyayaring hindi maganda sa kanya.
“Dach…”
At sa pagkagulantang ko ay sumindi ang ilaw sa silid niya. Nagbukas ding bigla ang panel window doon at dumungaw si Dach. Sa kabiglaan ko, hindi ko maintindihan ang gagawin. Isinarado ko ang panel window at lumayo sa bintana. Napatingin din ako sa wall clock. Alas dos ng madaling araw. Nagising lang din siguro si Dach.
Parang unti-unti, nagawang kumalma ng pag-aalala ko sa kanya. Dach is fine. He was safe, of course. Dahil panaginip lang iyon. Malayo sa reyalidad. Tama. Iyon ang dapat kong isipin.