Anika
“MS. DANFORT.”
Nahigit ko ang aking hiningi pagkakita kay Sir Elwood sa mismong harapan ko. Napalingon tuloy ako sa pinanggalingan ko. Nakapagtataka naman. Kaka-dismiss lang namin sa klase niya. Paanong nauna pa siya sa akin dito sa corridor?
“Can we talk, Ms. Danfort?”
Ano ba ang isasagot ko? Alangang sabihin kong ‘hindi’ eh obvious naman sa paraan ng pagtitig niya kung gaano ito ka-persistent kung makatitig.
“T-Tungkol po saan, Sir?” Alanganin kong tanong din.
Naramdaman kong parang humapdi na naman ang birthmark ko. Nahawakan ko ‘yon subconsciously. Gusto kong mapangiwi dahil habang patagal ng patagal, pahapdi ng pahapdi.
“Anything wrong?” Nakahalata yata si Sir at umaktong hahawakan ako.
Ang bilis ng reflexes ko. Bigla akong humakbang patalikod. “No, Sir. Okay lang po ako.”
Eveytime na nasa paligid si Sir, lagi akong nakakaramdam ng chills. Para bang palaging magyeyelo ang lugar sa tuwing ‘andito siya. Natatakot ako sa aura ni Sir pero wala naman sa hitsura niya ang gagawa ng masama. Actually, he was nice when he wanted to be nice. Pero mas madalas na tahimik siya. Reserved type si Sir. Mukhang istrikto pero hindi rin. Kasi minsan nagjo-joke naman siya na obviously ay napulot niya lang sa internet. Siguro, gusto niya ding maki-reconnect sa amin na mga estudyante niya. Pero waley lang talaga. Kaunting practice pa.
“Are you afraid of me, Anika?” Titig na titig na naman si Sir sa akin. At bakit ba ganito si Sir? Parang palaging may magnet ang mga mata niya na hinihigop ang kaluluwa ko. Parang palaging may laser beam na sinisilip ang pagkatao ko.
Ang weird lang ni Sir sa true lang. Pero wala naman nga siyang ginagawang masama so, ako yata ang weird.
Ah! Ano ba?!
“No, Sir. Bakit naman po ako matatakot sa inyo?” tanggi ko pa. Pero sa totoo lang, gusto nang manigas ng buo kong katawan dahil sa chilling effect ni Sir.
“Then, try to relax yourself, okay?” Ngumiti siya sa akin.
Sa true lang, gusto kong isipin na may compelling power si Sir. Nang ngumiti kasi siya, para akong ini-compell na mag-relax. Naging at ease na kasi ako at nagawa ko na ding ngumiti sa kanya.
Tumango ako kay Sir Elwood. “Ano po palang pag-uusapan?”
“Sumama ka sa akin.”
Bago pa ako makasagot, tumalikod na si Sir Elwood. Wala akong choice kundi ang sumunod sa kanya. As much as I don’t want to follow him pero `yong mga paa ko, sinasabi na sumunod ako kay Sir. Unti-unti ding nawawala ang paghapdi ng birthmark ko. Ano bang problema ko at ang weird talaga ng pakiramdam ko today?
Dumeretso kami ni Sir sa lumang science building. Dapat kasi ipinapa-demolished na iyon at luma na nga. May bago na din namang itinatayo na building. Pero for the sake of art students, film makers at iba pang estudyante na nagbe-benefit sa nabubulok na building, hindi iyon magawang ipa-demolish. Maganda daw kasi iyong backdrop para sa projects and activities ng mga nasabing estudyante. Para daw hindi na kakailanganing maghanap pa ng lugar. Eh, parang pang-horror naman ang theme. Ni hindi nililinisan ang mga gumagapang na bagin at damo. Parang tapunan ng mga rape-slay victims or pugad ng mga masasamang elemento.
Anyway…
“Sir, bakit po tayo nandito?”
Hindi ako nakatiis na hindi magtanong nang maramdaman na umaakyat na kami sa second floor ng old building. Aba! Paano kung biglang lumindol? May fault line pa naman kami sa nagbabantang lindol ngayon. Eh ‘di na-tegi kami ng walang kalaban-laban. Ni hindi pa nga ako gumagradweyt at nagkaka-lovelife, mate-tegi agad ako. Maawa’t mahabag naman! May pangarap pa ako.
“May ipapakilala lang ako sa `yo. You are one of them, you know?”
Nang lumingon si Sir at ngumiti na naman, parang kinilabutan ang buo kong pagkatao. Bakit ganito si Sir? Bakit parang kamukha siya ng guwapong King of Extrajudicial Killings na si Yagami Light ng Death Note?
O baka ako lang ito? Masyado kasi akong hooked sa anime na iyon. Hanggang ngayon, after halos isang dekada ko nang napanood at paulit-ulit na pinapanood ang Death Note, hindi ko pa din pinagsasawaan. Masyado na sigurong na-absorb ng system ko ang anime series na iyon.
“Huwag kang matakot sa akin, Anika.” Sa tono ni Sir, parang gusto niyang matawa.
Pero ano bang nakakatawa eh talaga namang ang creepy ni Sir. At anong sinasabi nito na I’m one of them? Sinong them?
“We’re here.”
Huminto si Sir sa tapat ng isang malaking pinto. Paglapit ko doon, nakita ko kung gaano kaganda at kakaiba ang design ng pintuan mismo. Pati doorjamb, may nakaukit din na designs na hindi ko maintindihan. May mga calligraphy and characters na ni minsan, hindi ko pa nakita maski sa internet. Pero maganda naman ang pagkakabuo. Hindi ko lang maintindihan ang designs. Ethnic na medyo animated. Hindi ko ma-gets.
“Aperio!” narinig kong sambit ni Sir sa katamtamang lakas.
Nagulat ako at napaurong nang makita kong bumukas ang pinto nang mag-isa. Sa panahon ngayon, lalo at nasa modern world na, hindi na dapat masyadong kakaiba kapag nag-automatic open ang isang pinto gamit lang ang password. Uso na kasi ang voice detector sa mga machineries ngayon. Pero kasi, iba ang feels ko dito sa nagbukas na pinto.
Unang-una, ang awkward na may magarang pinto sa loob ng nabubulok na building. At hi-tech pa kung magbukas. This is really impossible. At hayun na naman kasi ang chills na nararamdaman ko, everytime na nasa paligid si Sir. Ano bang malay ko kung may halimaw na itinatago si Sir sa loob ng silid na iyon?
Teka, sabi niya na I am one of them. So, ang tingin ba ni Sir sa akin ay halimaw? Baka gusto nitong masaksak ng ballpen?
“Come on, Anika. Huwag kung ano-ano ang iniisip mo. I just really need your cooperation so, please.” Sabi niya sa akin na talagang gustong magpagulo ng isip ko.
“Sir—”
“Hindi kita dadalhin sa lugar na mapapahamak ka. Actually, it was the safest place for a people like you. Puwede ka ditong matulog na hindi tumatakbo.”
Huh? Ano daw?
“Like me? Ano bang tingin niyo sa akin, Sir?”
Tumiim na naman ang tingin ni Sir Elwood sa akin. At natatakot ako sa kanya kapag ganito siya kung tumingin.
“You are special, Anika. You are one of the special or the chosen students or whatever you call that.”
Hindi ko siya maintindihan. Gusto ko nang kumaripas ng takbo. Natatakot ako sa kanya. Baka kung anong gawin niya sa akin. Kahit naman voluptuous ako at slim si Sir, lalaki pa din siya. Wala pa ding match ang lakas ko sa kanya.
Kaya lang kasi, humapdi na naman ang birthmark ko. Bakit ganoon? Pakiramdam ko, tuwing magre-refuse ako sa gusto ni Sir, sumasakit ang balat ko sa balikat. Pero baka sign nga iyon ng danger. Baka kailangan ko ngang lumayo at binababalaan ako ng birthmark ko?
Teka, saan nanggaling ang kabaliwang iyon?
“Sir, no. I have to go. May group study—”
“Elwood? ‘Andiyan ka na pala. Bakit hindi ka pa pumasok?”
Naputol ang pagtanggi ko nang mula sa parang enchanted door, lumabas si Chloris. Siya `yong sikat na fourth year Communication Students. Bukod kasi sa maganda eh athletic din. Sikat siya sa school dahil captain ball ng volleyball team. At isa din siya sa tatlong babae na nakita ko sa panaginip ko. Ah, hindi. Apat na babae iyon. Ang huli ay ang babaeng may kakayahang maglabas ng bolang apoy mula sa mga palad niya.
My dreams seem to be so crazy and out of this world. Baka dala na iyon ng kaadikan ko sa panonood ng anime. Pero ang hindi ko talaga ma-gets, bakit kasama ang mga taong ni hindi ko naman ka-close o personal na kilala sa mga panaginip ko? We seems to be very close to each other kung ipagtanggol at tulungan nila akong makawala sa dark shadow.
Teka? Anong ginagawa ni Chloris dito? At bakit ganoon niya i-address si Sir? Parang ka-edad at ka-level lang namin kung kausapin niya.
“Paano ako papasok? Ayaw niya ngang pumasok? Alam mo namang hindi makakadaan sa barrier ang mga half-hearted lang ang pagpayag sa invitation.” Nagsusungit namang sagot ni Sir Elwood kay Chloris.
Hindi ko sila maintindihan. Ano bang pinag-uusapan nila?
“Ikaw na ang makipag-usap sa kanya.”
“Estudyante mo siya, ‘di ba? Eh ‘di ikaw ang makipag-bargain.”
Dumilim bigla ang mukha ni Sir Elwood. Kung ako ang pinanlisikan niya ng mga mata, baka sumiksik na ako sa isang tabi. Pero si Chloris, parang walang pakialam sa galit na reaksiyon si Sir. Teka, may relationship ba ang mga ito? Relatives? Pero hindi naman kasama sa chismis sa buong University na may lahing European ang pamilya ni Chloris. May Spanish blood ito, iyon ang alam ko.
“Lintik! Sino ba ang nangungulit sa akin patungkol sa mga panaginip niya? Sino ba ang may gustong ipunin silang lahat dito, ha? Ako ba? Ako ba?”
Panaginip?
Ramdam kong nabubuwisit na si Sir kay Chloris. Mukhang maigsi lang ang pisi ng pasensiya niya. What else would I expect? Reserved type nga siya eh. Ewan ko nga kung bakit bigla niya akong kinausap.
“Kasalanan ko ba? Kasalanan ko? Kung hindi ka pumasok-pasok dito sa mundo namin, ga-graduate sana akong tahimik ang buong college life ko. Tahimik na sumasamba sa anime boys ko at tahimik na nag-aaral. Hindi itong gabi-gabi akong hindi pinatatahimik ng mga eksena sa mundo niyo. Gabi-gabi akong nananaginip na palaging tumatakbo at may humahabol na hindi ko naman alam kung anong klaseng elemento!”
Napasinghap ako! Pareho kami ni Chloris. Pareho kaming ginugulo ng kung ano sa panaginip. Pareho kaming hinahabol ng dark shadow sa hindi namin alam na dahilan.
“At kasalanan ko din ba ‘yon? Kasalanan ko bang nananaginip ka? Saka, nakakatulog ka naman ng maayos sa loob. Protected ang lugar at panahon na iyan. Ano pang nirereklamo mo?” Halos umusok ang bumbunan ni Sir.
Paanong nagagawa nilang magkasama sa iisang team kung ganito na wala na silang ibang ginawa kundi ang magsinghalan? Saka hindi ko sila maintindihan talaga.
“Ah, Sir, aalis na po ako. Kailangan ko na talagang umalis.”
Napasinghap ako kasi mas tumindi ang hapdi ng birthmark ko. Ano ba talaga ang nangyayari sa akin? Anong klaseng mga nilalang ba ang mga kaharap ko? At bakit humahapdi ang birthmark ko habang kasama ko sila at nagre-refuse akong mag-stay?
Kikilos na sana ako para makatakas sa dalawang nag-uumpugang bato nang bigla akong pigilan ni Chloris sa braso.
“No. Hindi ka puwedeng umalis—”
“Ahhh!” Napadaing ako sa sakit.
Hinawakan lang ako ni Chloris sa braso pero pakiramdam ko, dinampian niya ako ng nagliliyab na baga sa balat. Bigla din akong binitawan ni Chloris. Nahaplos ko ang bahagi ng braso na hinawakan niya. Unti-unti nang nawawala ang init, pumalit iyong pakiramdam na mainit na malamig. Parang menthol na ipinahid sa balat ko. Nanlaki ang mga mata ko sa sobrang pagtataka, pagkatakot at pagkalito. Sino ba sila? Anong klaseng mga nilalang sila? Bakit ganito ang epekto nila sa akin?
“Look, Anika. You had to stay with us. We need your cooperation.”
“No! Ayoko! Natatakot ako sa inyo!” Hysterical na ang boses ko na hindi ko naman namamalayan. Alam ko ding nanlalaki ang mga mata ko sa pagkagimbal.
Wala na akong maintindihan. Maliban sa katotohanang isa lang ang malakas na damdaming bumabalot sa akin.
Takot.
Natatakot ako sa kanila kahit hindi naman sila mga pangit. Natatakot ako, hindi dahil sa hitsura kundi dahil sa aura nila.
“Anika… Hindi mo naiintindihan. Ipapaliwanag ko palang sa ‘yo. Ang nararamdaman mo, kasama iyan sa challenge para matanggap mo kung ano ka. Mahahawakan lang kita ng maayos kung tatanggapin mo sa sarili mo ang misyon mo. I can’t interact kung palaging naka-raise ang blocker mo.” Pilit paliwanag ni Chloris sa akin pero nagsarado na ang utak ko at takot na lang ang nangingibabaw sa akin.
“I’m just a normal student. At kayo ay hindi. Sigurado ako.” Naglipat-lipat ang tingin ko sa kanila ni Sir Elwood. Kaya pala may pakiramdam ako na may mali kay Sir. Hindi siya isang professor. Hindi malayo ang edad niya sa amin. Kung alien man siya o ano, wala akong idea. Pero alam kong hindi siya normal na tao. At kung anuman ang kailangan nila sa akin, wala akong maibibigay dahil wala naman akong alam. “Hindi ako katulad niyo. So, please, lubayan niyo na ako!”
Pagkatapos kong sabihin iyon, nagtatakbo na ako palabas ng haunted building. Mahapding-mahapdi pa din ang birthmark ko pero mas nararamdaman ko ang panginginig. Takot na takot ako. Kay Sir Elwood. Kay Chloris. Bakit ganoon ang pakiramdam nang hawakan niya ako? Nakikita ko namang madaming estudyante ang nakakasama niya at nahahawakan din niya pero kahit minsan, hindi ko nakitang may nasaktan sa paraan ng paghawak niya. Ano bang problema ko?
Ako ba ang may mali?
Ako ba? O sila?
At anong klaseng mga nilalang sila?
Tuloy ako sa pagtakbo hanggang makarating sa may field. Maraming mga estudyante roon. Dapat maramdaman ko na ang safety. Pero hindi. Kahit madami nang tao sa paligid, hindi ko mahanap ang dating security at normal na ambience. Pakiramdam ko, may nakasunod na mga matang pinapanood ako.
Gusto ko nang maiyak. Paranoid lang ba ako? O talagang may nagmamatyag sa akin?
Hanggang mabunggo ako sa matigas na kung ano. Hindi ko din nagawang maghanap ng makakapitan kasi, disoriented nga ako. Nahulog na lang ako sa damuhan. Ang kasunod kong narinig, ang humahalakhak na kung sino.
Putris lang! Sino ba ang walanghiyang ito at nakuha pa akong pagtawanan matapos kong matumba? Ito na nga ang may kasalanan, hindi man lang magawang mag-sorry!
“Para kang bolang tumatalbog diyan sa field, chubs!”
Natigilan ako nang marinig ko ang boses ni Dach. Dapat ay binabanatan ko na siya ng maaanghang na salita dahil nang-aasar na naman ang tukmol. Pero hindi ko magawa. Mas lumalamang ang mahapding pakiramdam sa balikat ko. Napansin ko din na paparating si Sir Elwood.
Bumalik na naman ang takot ko sa kanya. Lalo pa at tumitindi na naman ang hapdi ng birthmark ko habang papalapit si Sir.
“Aray…” Narinig ko ang mahinang daing ni Dach. Napahawak pa siya sa bandang may tainga. Sa right ear niya at hinahaplos iyon. Parang may kung anong kinukutingting sa likod ng tainga niya pero hindi ko na nga napagbigyan ng pansin dahil mas abala ako sa hapdi ng balikat ko.
“Tulungan mo ako, Dach. Ilayo mo ako dito.” Naiiyak ko nang pagmamakaawa sa kanya na abala pa din sa paghaplos ng likod ng tainga niya.
Kung hindi lang dahil sa sitwasyon, hinding-hindi ako hihingi ng tulong sa kanya. Pero natatakot na nga akong talaga at wala akong ibang mahihingian ng tulong kundi siya.
Lumipad ang atensyon ni Dach sa akin. Nalilito at nag-aalala na ang ekspresyon niya. Napadaing naman ako dahil tumitindi na ang sakit sa balikat ko. Nilingon ko din si Sir Elwood. Malapit na siya. Malapit na malapit na siya. Gusto ko nang bumulalas ng iyak dahil sa matinding takot.
Gusto ko nang maghysterical! Siya ba ang dahilan ng paghapdi ng birthmark ko? Kung siya nga, kailangan ko nang makalayo sa kanya.
Pero bigla kong naramdaman ang kamay ni Dach na hinihila ako patayo.
“Ano bang nangyari? Bakit ba takot na takot ka?” Nagtatakang tanong ni Dach habang tinutulungan akong tumayo. Nakikita ko din ang bahagya niyang pagngiwi na parang may iniinda. Kinuha niya ang bag ko at siya na ang nagbitbit.
“Umalis na tayo, dali!” Nagmamadaling sambit ko. Bigla akong napahawak sa balikat ko. Talagang masakit na masakit. Kinagat ko na lang ang pang-ibabang labi at impit na napadaing.
“Ano bang nangyari sa `yo?” Parang gusto akong alugin ni Dach. “May ginawa ba sa `yong masama ang professor na iyon?”
Nakita kong nagdilim ang mukha ni Dach. Parang nag-apoy din sa galit ang mga mata niya.
“Umalis muna tayo Dach. Mamaya ko sasabihin sa `yo. Bilisan mo na kasi! Tara na!” Histerikal na ako nang magsimulang humakbang at tumakbo palayo.
Nakailang lingon ako sa pinanggalingan namin para alamin kung sumusunod ba sa amin si Sir Elwood. Nakahinga lang ako ng maayos nang makitang sa ibang direksiyon naman dumeretso si Sir. Dumeretso kami ni Dach sa ilalim ng punong Acacia na nasa freedom park. Sumalampak ako sa lilim noon at sumunod naman si Dach sa akin. Sumalampak siya sa tabi ko. Unti-unti na ding nawawala ang hapdi. Pero ni hindi pa ako nakakabawi ng maayos na paghinga nang mapatili ako.
Mula sa pwesto ko, nakita ko na naman ang kumukurap na mata na cloud formation. Parang mata ni Sir Elwood na nakatitig sa akin. And this time, hindi na iyon left eye. Isang pares na iyon ng mga mata!