Anika
NARAMDAMAN ko ang kamay ni Dach na nakatakip sa bibig ko habang tumitili ako ng malakas. Nangangatog ang katawan ko. Nanlalamig ang pakiramdam ko. Parang ayoko na lang gumalaw. Parang kahit anong gawin kong pagtakbo at pagtatago, masusundan at mapapanood pa din niya ang bawat kilos ko. Bakit ba kasi ako? Ano bang ginawa ko? Ano bang kasalanan ko?
“Huwag kang maingay. Walang ibang nakakakita niyan kundi tayo.” Mahinang bulong ni Dach sa akin na parang naninita. “Gusto mo bang mapagtawanan o masabihang nababaliw na?”
Napalingon ako kay Dach na nanlalaki pa din ang mga mata. Sobrang seryoso naman ng guwapo niyang mukha. Mas lalaking-lalaki siyang tingnan ngayon. Mas guwapo ang fierce blue niyang mga mata. Mas dark ang facial expression niya. Parang mas guwapo pa siya ngayon kaysa sa usual image niya. And because of that mas naging attracted yata siya sa mga paningin ko. Sa sobrang guwapo niya, parang gusto ko nang kalimutan na natatakot ako.
Ipinilig ko ang ulo ko at pilit ibinalik ang sarili sa sitwasyon namin. “Nakikita mo din?” gulat na tanong ko.
Tumango naman si Dach. “Oo, matagal na. No’ng ituro ko sa mga tropa ko, hindi daw nila makita. Ilang beses ko nang nakita ang mata na iyan nitong magbukas ang school year. Pero palaging `yong kanan lang. Ngayon lang naging magkapares ang nakita ko.”
Nandilat na naman ako sa pagkabigla. “Kaliwa lang ang nakita ko kanina sa classroom at hindi din nakikita ng mga classmates ko. Ngayon naman, naging dalawa na. At parang kilala ko ang mga mata na iyan.”
“Si Sir Dresdsnette.” Sagot naman ni Dach.
“Halata mo din?”
Tumango siya. “Nararamdaman ko na may kakaiba sa professor na iyon. At nasigurado ko na hindi siya normal nang bigla siyang mawala mula sa harap ng pinto ng e-library. Pero ilang minuto lang, lumabas siya mula doon bitbit ang isang libro. Akala niya siguro walang nakakakita sa kanya ng oras na iyon. Pero kitang-kita ko siyang nawala bigla. Akala ko namamalik-mata lang ako. Pero totoong nakita ko.” Sobrang seryoso ng boses ni Dach. Alam kong hindi siya para sumakay lang sa mga pinagsasabi ko.
“Anong gagawin natin? Pinipilit niya akong papasukin sa isang room sa lumang Science Building kanina.” Nagtindigan na naman ang mga balahibo ko pagkaalala ko sa eksena kanina.
“Ano?! Bakit ka ba kasi sumama sa kanya kanina?!” parang galit na sita sa akin ni Dach.
Napapitlig pa ako sa pagkabigla. Pero mabilis din naman akong nakabawi.
“Aba, malay ko bang doon niya ako dadalhin? Mag-uusap daw kasi kami. Saka… saka…” bigla kong naalala ang pakiramdam ko kaninang ngumiti si Sir Elwood sa akin. “Kasi kanina, `yong feels ko, naging light lang. Parang gusto ko lang sumunod sa kanya kahit ayaw ng isip ko. Kahit may bahagi ng isip ko na ayaw sumama, naramdaman ko na lang ang katawan ko na naglalakad kasunod niya.” Nilingon ko si Dach. “Parang enchantment. Parang compulsion.”
“Tss! Malamang nga na engkanto ‘yang si Sir, kaya huwag kang naglalalapit sa kanya. Iwasan mo na siya.” Strict na ang boses ni Dach. Na parang sinasabi nito na wala siyang ibang choice kundi sundin ang bilin nito.
“Teka nga pala.” Bigla kong sita kay Dach. “Bakit nandoon ka sa way papuntang old Science Building?”
Dach sighed and looked at me intently. Na-conscious naman ako sa tingin niya. Bakit ba kasi ganito siya makatitig? Parang concern na natatakot na kung papaano. Isa pa ulit buntong-hininga. Tapos biglang pumitik sa hangin.
“Ah! Naalala ko na! Bakit nawala iyon sa isip ko? Sinusundan ko nga pala kayo kanina no’ng makita kitang ang ganda ng ngiti kay Sir Elwood.”
Nagmura ng mahina si Dach. Napakunot-noo naman ako. Parang nag-iba bigla ang mood niya.
“O? Tapos? Bakit hindi kita nakita kanina kung talagang sinusundan mo ako?”
“‘Yon na nga eh. Akala ko, sinusundan ko kayo kaya lakad ako ng lakad. Tapos tinapik ako sa balikat ng classmate kong si Lexus. Nagulat ako na parang bigla akong nagising. Tinanong ako ni Lexus kung bakit daw ako lakad ng lakad ng pabalik-balik sa harapan niya. Sobrang seryoso pa daw ng mukha ko na parang may hinahabol.”
Isang malalim at nalilitong buntong-hininga na naman ang pinakawalan ni Dach. Kunot na kunot ang noo.
“Meaning, all the time na akala ko, nakasunod ako sa inyo ni Sir Elwood, nasa iisang lugar lang pala ako at naglalakad ng pabalik-balik. Nang sasabihin ko na iyon kay Lexus, biglang parang sumakit ang ulo ko. Naging blurred ang mga details hanggang sa nakalimutan ko na ang bagay na iyon. Iba yata ang nasabi ko o binalewala ko ang tanong at dumeretso sa paglalakad. ‘Di ko alam kung bakit sa way papuntang old building ako dinala ng mga paa ko. Pero alam kong nasa usual self ko ako. ‘Di ko lang maintindihan ang sarili ko kung bakit gusto kong pumunta doon. Ngayon ko lang naalala ulit nang sabihin mo at nang makita ko ang reaksiyon mo pagkakita kay Sir. Parang bigla akong nagkaroon ng temporary amnesia tapos ngayon ko lang naalala. Na-trigger nang sinabi mo na dinala ka sa old science building. O? Hindi ba? Parang may enchantment na nangyari sa akin. It also means na aware si Sir Elwood na pinapanood ko kayo. Malamang na inengkanto niya ako.”
Napaisip ako. At kinilabutan na naman sa nalaman kay Dach. Mukhang hindi na safe sa University namin kung ganitong may engkanto sa loob ng school. Baka sa susunod, mapa-ilalim na kaming lahat sa enchantment nila. Paano kung recruit pala ni Sir Elwood ang lahat ng nasa loob ng mahiwagang pinto na iyon? Kung sinu-sino man sila ay wala akong idea. Maliban kay Chloris. Siya lang naman ang nakita kong estudyante na lumabas mula sa old room—este secret room na iyon. Hindi naman kasi mukhang old. Creepy lang sa pakiramdam pero ang bongga ng carvings na design. Saka mukhang hi-tech nga. May bibigkasin lang na password at bubukas na.
“Dapat pala, sinilip ko ang loob.” Halos wala sa sariling nasambit ko.
“Ang alin?” Nagtatakang baling sa akin ni Dach.
Hinarap ko din siya. “`Yong loob ng room na pinagdalahan sa akin ni Sir. Naalala ko na sinabi niya kay Chloris na hindi ako makakapasok kung half-hearted ako sa pagpasok doon.”
“Si Chloris? `Yong sexy na captain ball ng volleyball team?” parang mas naging interested ang reaksiyon ni Dach.
Napairap tuloy ako sa kanya. Basta talaga sexy, ang bilis ng tainga nito. Buwisit lang! Kapag ako naging sexy, who you ka talaga sa ‘kin!
“Oo!” paangil na sagot ko nga sa walanghiya. Nakakaasar talaga.
“O? Ba’t nakaangil ka? Nagseselos ka na naman?” Nang-aasar na ang tono ni Dach. Parang hindi kami nanggaling sa nakakakilabot na sitwasyon ah. Tadyakan ko kaya ang walanghiyang ‘to nang magising naman?
I glared at him, instead. “Excuse me? Bakit ako magseselos? Gusto ba kita?”
Namalik-mata lang ba ako o talagang may nakita akong kislap ng masakit na damdamin sa mga mata niya? But then, naputol ang pag-iisip ko nang magsalita siya. “You sound like jealous and insecure.” Nakangisi na ang tukmol. Paano kong naiisip na nasaktan siya sa pagkaprangka ko?
“Insecure naman ngayon? Excuse me lang talaga, ha? Sumasama ang hangin dito sa paligid.” Pabigla akong tumayo sa pagkainis ko sa kanya.
Pero inabot niya ang right pulse ko at hinila ako pabalik sa damuhan. Napasalampak ako ulit.
“Huwag ka nang magselos. Mas sexy ka naman sa kanya, chubs.”
At pinisil-pisil niya ang mataba kong braso. Gusto ko na talaga siyang brasuhin. Siniko ko siya ng malakas. Napaigik siya.
“Aray naman! Napakamasokista mo talaga. Karinyo-brutal ka palagi.”
Pinandilatan ko siya. “Sawa ka na ba sa buhay mo, Dach?” Nabubuwisit na talaga ako. Baka maibuhol ko siya sa puno ng Acacia.
Nag-peace sign si Dach at kahit namimilipit, ngumiti pa din. “Peace na tayo, baka daganan mo ako.” Kasunod ang isang tawa.
“Aba’t!”
Bubuwelo na sana ako para sakalin ito pero biglang nagsalita sa seryosong tono si Dach.
“Iwasan mo na si Sir Dredsnette, ha? Baka kung ano’ng mangyari sa `yo kapag naengkanto ka niya.” Obvious at naririnig ko ang concern tone niya. Dahil doon kaya parang may hinaplos sa loob ng dibdib ko. Mainit na pakiramdam. Masarap sa damdamin.
Kailan ko ba unang naramdaman ang ganito kasarap at kasayang pakiramdam? Ah. Noong high school kami. Noong binu-bully ako ng mga classmates ko. Noong nasa last year siya ng senior high at nasa Grade X naman ako. Paano ko `yon makakalimutan? Ang sarap ng yakap niya sa akin habang umiiyak ako. Nakalimutan ko noon na buwisit at surot sa kaligayahan ang tingin ko sa kanya. Sabi pa niya…
“Tahan na, Anika. I will never let this happen again. I will never let anyone make you cry again. Pagbababasagin ko ang mga nguso nila!”
From that moment, alam ko na may mali sa nararamdaman ko. Bigla kasing nag-U-turn mula sa pagkaasar ang puso ko. I felt like he was a superhero. He was my superman from the bullies who always hurt me and made me cry. Kasi kahit naman inaasar niya ako, he always made sure I am safe and happy. He always made sure that I am fine. He always showed me his deep concern on me. Kaya nga siguro maging sa panaginip, ganoon ang role niya.
Pero alam kong walang ibig sabihin ang mga iyon. Magkaibigan naman kami maski paano kaya siguro normal lang ang mga ginagawa niya. Imposibleng dahil gusto niya ako.
Eh, kasi naman nga. Paano niya ako magugustuhan, an’lalaki ng mga braso ko? Nang mga hita ko. Hindi naman nga ako ang type niya kasi mahilig siya sa sexy.
Sinubukan ko naman mag-lose weight eh. For the sake na tigilan na niya ang kakatawag sa akin na Chubs. Pero wala talaga. Ang sarap kumain. Nabubuhay ang tao para kumain. Aba! Ang hirap namang baguhin ng sarili ko. Ganito na talaga ako.
`Yong friendship namin, alam ko namang walang limitations. Alam kong pang-forever ‘yon. Hindi mahaharangan ng taba ko ang samahan namin. Kaya lang kasi, kung ganitong hinahabol ako ng nakakatakot na mata mula sa mga ulap, idagdag pa ang mga panaginip ko na parang premonition, ibang usapan na iyon. Baka iwan na ako ni Dach dahil sa napasukan kong kung anong gulo. Hindi ko din naman gustong mapahamak si Dach. Nararamdaman ko kasi na kapahamakan ang ibig sabihin ng paglapit ni Sir sa akin.
Ano ba kasi ang nagawa ko at hinahabol ako ng mga mata ni Sir? Natatakot ako. Sobrang natatakot ako sa karanasang ito. Pero hindi ko masabi kay Dach. Kasi, baka pati siya matakot na din. Though, parang hindi naman niya ginagawang big deal ang nakikita. Hindi ko siya gets sa bagay na iyon. Something was strange with Dach. Bakit hindi siya kasing puzzled ko? Parang normal lang para sa kanya ang makipag-deal sa mga kakaibang bagay samantalang ako, gusto ko nalang bumulalas ng iyak dahil sa takot ko sa matang iyon.
“Hey! You look like crying!”
Bigla akong kinabig ni Dach palapit sa tabi niya. Inakbayan, saka niyakap. Hinagod pa niya ang likod ko.
“Don’t worry I’ll keep an eye on you. Hindi ka na niya mapipilit na madala sa kung saan.”
Natuluyan na iyong mga luha ko. Oo, sobrang natatakot nga ako. Pero mas lamang `yong pagiging touchy ni Dach kaya ako naiiyak. Nakakainis! Nakakainis kasi naaapektuhan na naman ako ng yakap niya. Bakit kailangan kong maapektuhan? Normal pa ba ito sa mga taong may tinginang magkaibigan?
“Saan bang banda sa old building `yong sinasabi mo na nakita mo si Chloris? Kailangan din natin siyang iligtas kay Sir Elwood”
Naasar ako sa tanong ni Dach kaya bigla akong kumawala sa kanya. Panira ng moment ang kalandian nito. Malamang kasi na gusto lang namang magpapogi points kay Chloris. Saka isa pa, mukha namang walang enchantment na bumabalot kay Chloris. Mukha naman itong normal no’ng kausap ko. Tinataray-tarayan nga lang si Sir. Kaya bakit namin ililigtas ang taong mukhang hindi naman nanganganib?
“She looks fine naman. She didn’t look like under some spell or something.” Malamig na ang tono ko. For obvious reason na naiinis talaga ako.
Makasarili na kung makasarili. Gusto ko na akin lang ang atensiyon niya. Ako itong may malaking problema. Nakakainis talaga! Oo, ayaw ko din naman siyang mapahamak kung sakaling madadawit siya sa gulo ko. Pero mas hindi ako papayag na mapapahamak siya dahil lang gusto niyang makalandi kay Chloris.
“Paano mo nasigurong gano’n nga kung nakita mong kasama siya ni Sir Elwood? Ikaw nga, sabi mo parang na-hypnotize ka. Paano kung ganoon din ang ginawa ni Sir kay Chloris? Malamang, nasa panganib siya.”
Nabuwisit na ako. Padabog akong tumayo at sininghalan siya. Balak pa yatang magpaka-superman sa lahat. “Hindi nga sabi! Alam kong normal siya. Nakakapagtaray pa nga kay Sir. At alam ko rin naman kung bakit ka nagkakaganyan! Gusto mo lang malapitan si Chloris. Gusto mo lang ng point of discussion kapag lumapit ka sa kanya, `di ba?”
Napatunganga sa akin si Dach. Parang nalilitong ewan sa reaksiyon ko. Ah! Bahala siya sa buhay niya. Talagang magpapa-sexy na ako. Promise talaga. At kapag sexy na ako, maglalaway siya sa kagandahan at kaseksihan ko!
Nilayasan ko si Dach at nagdadabog na lumakad palayo sa kanya. Panay ang tawag niya sa akin pero hindi ko na siya nilingon. Bahala siya sa buhay niya. Akala niya, ha? Kailangan ko na talagang kumilos. Kailangang makita niya rin ang mga assets ko.
Teka, bakit kailangan kong ipakita ang mga assets ko? Am I crazy?
Hindi ko nga siya gusto!