KIMBURA Chapter 8

Anika

WALA akong choice. Ang aga-aga, hindi pa ako nakakapag-breakfast, nasa bahay na si Dach at sinusundo ako. Kailangan daw na maaga kami sa University para makasalisi kami sa secret room doon sa lumang science building. Okay na din siguro iyon. Naka-skip ako sa masarap na breakfast na inihanda ni Mama. Dahil nag-iisa na lang akong anak at wala na nga si Kuya, way back when he was still eight years old, lahat ng gusto kong pagkain, niluluto ni Mama. Kaya nga ako lumaki nang ganito. Malusog. Kasi lahat ng pagkaing gusto ko, nakakain ko. Plus, may food business din kami. Mahilig kumain ang parents ko at pati na din ako. Kaya restaurants na ang ginawa nilang source of income.

Anyway, back to Dach. Heto nga. Papunta kami sa creepy building. At nakailang pabalik-balik na kami sa second floor, hindi namin makita `yong sinasabi kong malaki at magandang pintuan. Iyon ang room na pagdadalahan sa akin kahapon ni Sir Elwood. Sigurado akong dito iyon sa second floor. Pero bakit wala? Bakit wala ang pinto?

“Are you sure na sa floor na ito iyon? Baka sa ibang floor,” pangungulit pa rin sa akin ni Dach. Nakailan na siyang tanong, nabubuwisit na naman ako.

Para sa ngalan ng paglandi, binubuwisit at kinukulit ako? But I know and I can see from his serious and eager handsome face, he was more of curious to what’s behind the secret door. Kahit naman ako, curious din sa kung ano ba ang mayroon sa loob ng room na iyon. Chloris looks fine nang makita ko siyang papalabas so, meaning, baka harmless ang room. Ni hindi kasi ako sumilip. Puro kadiliman lang ang napansin ko nang bumukas nang kaunti ang pinto. Pero kasi, mas lamang ang takot ko kaysa curiosity kaya talagang ayokong pumasok.

“Ang kulit, ha? Nasabi ko na ngang oo, `di ba? Dito nga iyon. Sigurado akong dito iyon.” Asar nang sagot ko. Isa pang tanong nito at batok na ang isasagot ko.

“Then, why can’t we see it?”

“Aba, malay ko?” Inirapan ko siya.

Better na din siguro na hindi namin nakita. Gusto ko na ding kalimutan ang tungkol doon. I was so creep out yesterday. At ayoko nang bumalik ang pakiramdam na iyon. Gusto ko nang bumalik sa dati kong buhay.

“Are you looking for the door?”

Pabigla kaming napalingon sa nagtanong. Mula sa likuran ang boses at kilala ko ang boses na iyon.

“Serene?”

Siya ‘yon. Siya ‘yong isa sa mga nasa panaginip ko. Kasama siya sa panaginip ko. Ang babaeng nakakabuo ng fire ball. Duguan din siya sa panaginip ko. Pero… bakit siya nandito?

Nakangiting lumapit sa amin si Serene. Alam mo ‘yon? `Yong ngiti ng mga taong parang hindi masaya. Mga taong suplada. Ah, si Serene nga pala, siya `yong leader ng grupo ng mga sosyal na babae sa campus. University Queen, kumbaga. Pinapangarap ng mga lalaki. Paano, sexy, maganda at makinis. Ewan ko lang kung matalino siya. Wala naman akong pakialam sa mga magaganda at perfect. Because I am not perfect. Nakaka-bitter at nakaka-insecure. They were out of my league.

Anyway, bakit alam niya ang tungkol sa pinto?

“If you were looking for it, sorry, hindi n’yo makikita. Only Chloris and Elwood can make the door visible. Sila lang ang may alam ng chants or spell para palabasin ang secret door. Siguro dahil, sila naman ang may pakana ng lahat ng ito.”

Nag-igkasan ang kilay ko. Bukod sa hindi niya ini-a-address nang tama ang creepy professor, hindi pa din kasi nasasagot ng sinabi ni Serene ang mga tanong ko. Bakit niya alam ang tungkol sa pinto at kina Elwood at Chloris? Is she one of them? Nilingon ko si Dach na nasa tabi ko. Only to find out na halos lumuwa na ang mga mata nito sa nakakasilaw na ganda ni Serene. Siniko ko nga siya sa tagiliran. Napaigik naman siya at natauhan.

“Teka, kulto ba ng magaganda ang binubuo ni Sir Elwood?” Nilingon ako ni Dach. “Bakit kasama ka?”

“Bastos ka, ah!”

Tinadyakan ko nga siya sa binti. Ano ang ibig niyang sabihin? Na hindi ako maganda? Oo na. Tanggap ko nang hindi ako maganda. Kailangan ba niyang ipagduldulan pa sa mukha ko ang bagay na iyon?

Kahit binabatukan ako ng konsiyensiya ko dahil panay ang igik ni Dach sa tabi ko at naglupasay pa sa sahig, sinakal ko ang “konsiyensiya” ko. Dapat lang `yan kay Dach. Aba! Nakakarami na siya, ah!

Pero baka nga napalakas masyado.

“Oh! I’m outta here. Nakuha ko na ang kailangan ko. Ciao!” Tumalikod at naglakad si Serene palayo sa amin.

“Anong kailangan?” pahabol na sigaw ko.

“You,” maigsi niyang sagot nang hindi lumilingon.

“Ako?”

Kibit-balikat ang sagot nito. “Gusto ko lang makita ka. Makaharap.” Saka tumalikod na.

I was so curious. Hindi ko maintindihan kung bakit gusto niya akong makita. Anong importanteng bagay na mangyayari kung magkaharap man kami?

Gusto kong maintindihan ang mga sinasabi niya. Maigsi ang mga sagot niya. At parang madaming nakatagong sekreto sa likod ng mga titig niya sa akin kanina. Pakiramdam ko, may malaki siyang kinalaman sa akin. Saka, obviously, may alam siya sa mga nangyayari. Kailangan ko ring malaman kung ano ba ang mga iyon. Kaya kahit naiilang ako sa kanya, hinabol ko pa rin si Serene.

“Bakit gusto mo akong makaharap?” tanong ko habang sinusundan ko si Serene.

Bigla siyang lumingon sa akin saka ngumisi na parang may malalim na ibigsabihin. Nagulat ako sa facial reactions niya. Ginapangan din ako ng kilabot sa paraan ng pagtitig niya. Kasabay ng pagkislap ng mga mata ni Serene sa parang pulang liwanag ang biglang paghapdi na naman ng birthmark ko. Napahawak tuloy ako sa balikat. Bigla naman akong hinila ni Serene. Inalis niya ang kamay kong nakahawak sa mahapdi kong balikat, saka, walang ingat niyang hinila ang “vest” ko pahubad sa akin.

“Ano ba, Serene?!”

Pinilit ko siyang pigilan sa ginagawang panghuhubad sa uniform ko pero mas malakas siya sa akin sa hindi ko maipaliwanag na dahilan. I can feel like her aura was burning me. I don’t know how she did that. Pero ganoon ang nararamdaman ko.

Hindi ako tinigilan ni Serene hanggang sa lumabas na ang balikat ko sa kakahila niya sa uniform ko. Doon mismo sa may birthmark. Titig na titig siya doon at patindi nang patindi ang sakit. Mahapdi na mainit. Parang sinusunog.

“Here’s the answer,” nakangiting sabi ni Serene pero ang mga mata, parang nagwa-warning ng panganib.

Paano niya nalamang may birthmark ako roon?

“Ano’ng ginagawa mo?!” galit na sigaw ng papalapit na si Dach.

Nataranta naman ako at pilit na inaayos ang sarili ko. Ayokong makita ako ni Dach na ganito. Halos lumabas na ang isang cup ng brassiere ko dahil sa ginawa ni Serene. Pero si Serene, hindi ako pakawalan. Parang hindi ito matatapos sa pagtitig sa birthmark ko.

“Huwag kang lumapit, Dach! I’m fine! Hindi niya ako sinasaktan,” sigaw ko naman sa nasa likuran.

Ramdam ko kasi ang mga footsteps niya. Papalapit ng papalapit sa amin. What took him so long para hindi agad makasunod? Baka namimilipit pa din sa tadyak ko kanina. Nakonsensiya tuloy ako.

Napalingon ako kay Dach na huminto na sa paglapit, a meter or two, away from us na mukhang nahuhulaan ang dahilan ng panic ko sa paglapit niya. Dahil makikita niya ang hindi dapat makita.

Nakahinga ako nang maluwag. Nakikita ko na nag-aalala na naman ang guwapong mukha niya. At gusto ko na namang matunaw sa mga titig na iyon. Pero pinili kong ibalik sa kaharap ang atensiyon ko. But the glimpse from the sparkling birthmark on my shoulder just caught my eyes. Nagliliwanag na naman iyon… sa kulay yellow!

Ano ang nangyayari? Bakit kumikinang na naman ang birthmark ko? Anong ibigsabihin nito? Bakit ba kasi ako may ganito?

“That’s the reason why Elwood and Chloris were interested at you,” sabi ni Serene.

Noon lang niya ako pinakawalan. Noon ko lang din nagawang ayusin ang sarili ko.

“Mayroon din ako niyan,” sabi ni Serene na biglang hinila paitaas ang skirt. Sa mid part ng thigh niya, may birthmark din. Triangular shape din pero wala namang kahit anong guhit. Basta triangular shape lang, naka-embose din sa balat niya at nagliliwanag sa pula. Gulat na napatingala ako kay Serene.

“Mahapdi ito dati. Noong hindi ko pa tanggap. Noong hindi ko pa naiintindihan. At noong hindi ko pa mai-absorb ang lahat. Pero ngayon, hindi na masyado. O baka naging manhid na lang ako at nakasanayan na ang mahapding epekto.” Binitiwan niya ang skirt at naitago na ulit ang birthmark niya. Hinarap ulit ako ni Serene. Mga ilang sandali niya akong tinitigan bago muling nagsalita. “Apat tayong pre-destined priestess. Iniipon tayong lahat nina Chloris at Elwood para sa isang napakahalagang misyon. At hindi maisasagawa ang ritwal na balak gawin nina Elwood kung wala ang mga priestess na mayroong malalakas na kapangyarihan ng bawat elemento, dahil iyon ang magfo-form ng matinding mahika para matalo ang kalaban at maibalik ang kalayaan sa mundong pinaggalingan ni Elwood. Dalawa na ang nahanap nila. At dahil may marka ka ng simbolo ng hangin, ibigsabihin na ikaw ang air priestess. At kailangan ka nila kaya laging nakamatyag ang mga mata ni Elwood sa ‘yo.” Mahaba niyang paliwanag.

At parang gusto ko nalang mapanganga. Nananaginip na naman ba ako? Hindi totoo ang conversation na ito, ‘di ba? Napaka-imposible ng mga pinagsasabi ni Serene. Parang plot sa isang fantasy series ang mga sinasabi niya. Anong ritwal? Anong mahika? Wala akong mahika na makakatulong sa kanila. Simpleng pagpapapayat nga lang, hindi ko magawa, rituals and magics pa kaya? Kung may magic ako, e’di sana ini-magic ko na ang katawan ko para sumexy ako. ‘Yon lang naman ang frustration ko sa buhay sa ngayon eh.

At sinong kalaban nina Sir Elwood? Kung totoo nga ang sinasabi ni Serene, then why me? Bakit kailangan ako pa ang isa sa mga nagkaroon ng birthmark na may malaki palang tungkulin na kasama?

Okay, ipagpalagay na pinaniniwalaan ko ang malaking kalokohan na ito ni Serene. Then, nasaan ang sinasabi niyang kapangyarihan ko? Bakit hindi ko kayang mag-magic? Ano pa ang kakailanganin ni Sir Elwood sa akin eh wala naman sa akin ang kapangyarihan ng elementong sinasabi niya. Hindi ako ang kailangan nina Sir Elwood. Nagkakamali lang si Serene. Baka na-misidentify lang ako ni Sir Elwood.

“Ang paghapdi ng birthmark mo, isang palatandaan na hindi pa aware sa kakayahan o hindi pa tanggap na may kakayahan. Kailangan pa din nila iyang palabasin sa ‘yo.” Sabi ni Serene habang nakatitig sa akin. “Imposible ding na misidentify ka lang. Hindi magsisinungaling ang birthmark na mula pagkapanganak palang ay meron ka na. And besides, sa laki ng mga mata ni Elwood na nasa kalangitan, imposibleng magkamali pa siya ng taong nahanap.”

Nanlaki ang mga mata ko. Bakit ganoon? Bakit parang sinagot ni Serene ang mga tanong na nasa isip ko? Narinig ba niya ang iniisip ko? Ugh. Imposible. Baka coincidence lang. Baka sadyang sasabihin niya iyon dahil kaduda-duda naman talaga ang mga pinagsasabi niya. Isang malaking kalokohan ang lahat ng mga naririnig ko mula sa kanya.

Bumaling si Serene sa labas ng building at dumeretso ang tingin sa kalangitan. Napapitlig pa ako nang makita ko na naman ang cloud formation na may mga mata ni Sir Elwood. Both left and right na naman ang nandoon. Matiim na nakatitig sa akin at nagdadala iyon ng matinding kilabot sa katauhan ko. Napasinghap na naman ako dahil humahapdi na naman ang birthmark ko habang nakatitig ako sa mga matang iyon.

Nalilito at nahihiwagaang humarap ako kay Serene. Gusto kong magtanong pero hindi ko na mahanap sa isip ko ang mga bagay na gusto kong itanong. Siguro dahil ang mas una at gustong-gusto kong gawin ay ang ilayo ang atensyon ko sa cloud formation. Hindi ko kayang tagalan ang nakakakilabot na tingin na iyon ng mga mata sa akin. At kaya pala agad na nalaman ni Serene kung nasaan ang birthmark ko. Dahil noong dumaing ako at hinawakan ko ang balikat ko, na-gets niya na nandoon ang masakit. Nandoon ang birthmark na sumasakit.

Ugh, wait… Ano itong iniisip ko? Pinapaniwalaan ko ba talaga ang mga kalokohan ni Serene? Kaya lang, may mga bagay sa mga sinabi niya na medyo nag-e-encourage sa akin na maniwala.

Pero hindi eh. Imposible eh. Napakaimposible.

“Hanggang doon lang ang kaya kong i-relay sa ‘yo. If you have questions or if you wanted to know everything, better asked Elwood.” Narinig kong sabi niya. Umakmang tatalikod na. Nang marinig ko ang sarili kong nagsasalita.

“Ayokong lumapit kay Sir. Natatakot ako sa kanya.” Hindi ko napigilan ang takot na kusang kumawala sa boses ko. I also felt like crying. Hindi ko nga alam kung bakit ang dali para sa akin na ipakita sa kanya ang vulnerability ko.

Biglang tumawa si Serene. Pero walang enthusiasm. Ipinagtaka ko man iyon, hindi ko na nabigyan pa ng focus.

“Silly girl. Sa guwapong iyon ni Elwood, natatakot ka?”

“At bakit hindi mo man lang siya i-address na Sir? Professor siya dito.” Hindi ko din napigilang itanong ang bagay na iyon. “Hindi ka ba natatakot sa puwede niyang gawin since parang hindi siya normal na tao?”

Umiling-iling si Serene. “Hindi lang parang. Hindi talaga siya ordinary. And no. No way I’m going to address him Sir. Bukod sa halos kaedad lang naman natin siya, hindi niya tayo gagawan ng masama. One. Si Chloris ang una niyang makakalaban. Two, kailangan niya tayo. And three, we had the power of our own. Bukod pa sa will power natin na mas malakas sa kahit anong chants and spells.” Kumindat si Serene sa akin.

Anong powers? Anong chants and spells? Para sa mga witch lang iyon, `di ba? At `yong sinabi niya na ‘tayo’, ano `yon? Hindi ko ma-gets? Bakit kasama ako? Hindi naman ako witch.

“I have to drop my good-bye. May klase pa ako,” sabi niya. “Don’t worry. Elwood is harmless. I swear. You better be with him and his group habang hindi pa lumalabas ang kakayahan mo. You better enter the secret door, Anika. Be with them. ‘Yon nga lang, hindi niya ako maire-recruit na sumama sa grupo niya. I can handle and protect myself, alone.” Pagkasabi noon ay iniwan na ako ni Serene. Still hanging and had lots of questions.

Hindi ko na siya nagawang habulin. Nawiwindang kasi ako sa mga pinagsasabi niya. Wala akong maintindihan. Narinig at na-absorb naman ng utak ko ng tama ang lahat ng sinabi niya pero hindi ko pa rin maintindihan. Kung alam pala niya na harmless si Elwood at alam niyang kailangan din siya ng grupo ni Elwood, then bakit hindi siya sumasama sa mga iyon? Samantalang ako, parang ini-encourage pa niyang sumama? What’s wrong with her? May loophole sa mga action at mga sinasabi niya. Kaya parang ang hirap ding paniwalaan ni Serene eh.

“Ano’ng nangyari?”

Noon ko lang naramdaman si Dach na lumapit sa akin. Hinubad niya ang coat at ibinalot sa akin.

“Sinaktan ka ba niya? Bakit ka niya hinuhubadan? At bakit hindi ka lumaban? Sa laki mong `yan, kaya mo siyang balyahin.”

Naiinis na binalingan ko si Dach. Hinubad ko ang coat niya at ibinalya sa kanya. Nababalot nga siguro ng taba ang figure ko. But that doesn’t mean na malakas na ako por que malaki akong babae. Ano ba ang akala niya sa akin? Sumo wrestler?

Kahit naiinis, pinigilan ko ang sarili na saktan ulit siya. Iniwan ko na lang si Dach doon. Bahala na siyang maghanap mag-isa sa Secret Door. Basta ako, out na ako sa lahat ng iyon. Bahala na sila sa mga buhay nila. Babalik na lang ako sa dati kong buhay. Sa piling ng mga masasarap na pagkain.

Eeer! Wait. Kailangan ko na rin palang pigilan ang sarili ko na kumain dahil kailangan ko nang maging healthy and sexy.

Makikita mo, Dach! Se-sexy rin ako. Humanda ka!’

Sumasalit at nagpupumilit na namang puamsok sa utak ko ang mga pinagsasabi ni Serene. Parang paulit-ulit kong naririnig ang mga iyon. Nararamdaman ko ring mahapdi pa rin ang birthmark ko. Pero pinipilit kong burahin ang lahat ng iyon sa sistema ko. Kailangan kong magpokus sa tunay kong buhay. Sa karaniwan kong buhay. Ayoko nang dagdagan pa ang mga poproblemahin ko.

Serene

“That silly, girl.” Sabi ko sa aking sarili habang papalayo sa old Science Building.

I am still torn between letting her be with Elwood and his gang or push her to stay away with them. Malaki kasi ang chance na magawa ni Elwood ang mission niya. Misyon niya na kasama kami ni Anika. Misyon na mailigtas ang buong Kimbura. At hindi pa pwede. Hindi pa pwedeng ma-fulfill ang mission. May kailangan pa akong gawin bago nila isagawa ang ritwal.

Ugh, hindi naman nila iyon magagawa na wala ako. I am still part of it.

Ipinagpapasalamat ko pa noon na hindi pa nati-trigger na lumabas ang kakayahan at kapangyarihan ni Anika. Palagi kasi akong nakabantay sa kanya kahit pa palipad-lipad ako sa iba’t-ibang bansa para hanapin ang portal pabalik ng Kimbura. Kaya alam kong nananatiling naka-hide ang kakayahan niya. That means na marami pa akong oras. Pero nitong nakaraan, nalaman ko na nakikita niya ang mga clone eyes ni Elwood sa kalangitan. That means na nati-trigger na ang kapangyarihan niya na magparamdam. Lumalabas na ang pagka-Kimburian niya. Dahil ang tanging makakakita lamang ng salamangka ng isang Kimburian ay kapwa din nito Kimburian lamang. And I am running out of time. Kailangan kong mapigilan ang mission ni Elwood. Kailangan ko pa ng oras pero papaubos na iyon ng papaubos.

Isang lingon ulit sa old building. Naririnig ko pa ang kulitan nina Anika at Dach. Gusto kong mailing sa napakaliit na pinoproblema ni Anika. Kung nalalaman lang nito, may mas malaki pa kaming problema bukod sa pagpapapayat niya.

“You need to stay with them to protect yourself from simulacrums.” Nasambit ko ng mahina.

At katulad nang pagdedesisyon ko noon na iwan si Anika sa tapat ng isang bahay sa loob ng isang malaking subdivision, iiwan ko din siya sa pangangalaga ni Elwood. I know, she’ll be safe if she blend in with them.

Galit nga siguro ako kay Anika noon pero nahimasmasan din ako nang ngumiti ang baby nang magising. At sa isang hagikhik ng inosenteng sanggol, nalusaw ang galit at sama ng loob ko. Hindi din naman niya kasalanan na ipinanganak siya. Matagal nang nakasulat ang tadhana namin dahil kailangan kami ng buong Kimbura.

How did I know? I saw from the locket watch owned by Princess Kaline—Anika’s mother and an Orlithion princess. That locket watch can made someone travel back in time. Made someone saw, feel and hear what happened from the past. And that is how I understand everything. Sa locket watch din na iyon, nakapaloob ang malaking bahagi ng kapangyarihan ni Prinsesa Kaline na ipinamana niya kay Anika bago niya isinakripisyo ang sarili na malamon ng simulacrum. Brilliant, indeed. Halos wala ding nakuhang kapangyarihan ang simulacrum sa kaluluwa ni Prinsesa Kaline.

Pwede ko namang angkinin ang locket watch, pero… hindi ko magawa. May bahagi ko ang nagsusumigaw na gawin ang mas tama. It was Anika’s precious thing. Not mine.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.