Last Night's Fantasy (Compilation of Gothic Romance) Chapter 16

NAPABALIKWAS ng bangon si Lathan. Alas sinko na ng hapon. Papalubog na ang araw. Pero hindi na siya makakapaghintay ng isang oras pa bago lumabas. Kailangan na niyang mapuntahan si Scylla. Mabilis na bumangon siya at naghanap ng maipoprotekta laban sa liwanag ng papalubog na araw. Mahina pa din siya maski maghapon at magdamag na siyang namamahinga. Hindi na kasi siya nakapag-hunt matapos mabugbog ng malakas na enerhiya na nagmula kay Scylla. Kailangan niyang makausap ang dalaga para alamin kung saan nito nakuha ang ginamit na spell nang mag-astral travel kagabi.

“Saan ka na naman pupunta?”

Sandaling nilingon ni Lathan ang nagsalitang si Helios.

“Diyan lang.” matipid na tugon niya at nagpatuloy sa paghakbang.

Ngunit sa pagbaling niya ay ang dalawa naman ni Azriel at Ailister ang nabungadan niya. Nakaharang ang dalawa sa daraanan niya.

“Hindi ka pwedeng lumabas.” Sabi ni Ailister.

At hindi iyon simpleng pangungusap lamang. Nagbababala ang mga mata ng dalawa niyang kapatid. Kilala niya ang mga ito. Kilala niya ang ganoong uri ng tingin. Basta nagpasya na ang mga ito sa isang bagay, hindi na iyon magbabago.

Mula sa isang bahagi ay lumabas naman sina Lori at ang pinsan nilang si Axyl. Tulad nina Ailister at Azriel, nasa mukha rin ng mga ito ang determinasyong harangan siya sa kanyang pag-alis.

Tinamaan naman ng lintik!

Nagkaisa na yata ang buong pamilya niya na pigilan siya. Kaya nga siya bumangon ng ganoong oras dahil inaasaahan niyang matutulog na ang mga ito at sasalakay sa mga astral planes. Ano at gising na gising pa rin ang mga ito? Ang mga magulang lang yata nila ang nagha-hunt na ng mga sandaling iyon.

“Tigilan mo na ang kahibangan mong iyan, Lathan!” Galit na tinig ang narinig ni Lathan mula sa kung saan.

Naipikit niya ng mariin ang mga mata. At pati pala ang kanilang mga magulang ay ipinagpaliban ang pagha-hunt para siguraduhing hindi siya aalis. Full force na ang buong Monfort sa pagharang sa kanya.

“Hindi pa ba nagsilbing aral sayo ang nangyari kay Helios?” tinig naman ng kanyang ina. “Mahirap magtiwala sa tao. Karamihan sa kanila ay traydor. Mababaw silang magmahal. At hindi ka maililigtas ng pagmamahal mo sa kanya sa sandaling piliin niyang talikuran ka na. Hindi pa ba malinaw sayo ang nangyari kagabi? Ayaw na niya sayo. Bakit mo ipipilit ang sarili mo sa kanya? Dumating na sa hangganan ang tinatawag mong pagmamahal niya sayo. Napag-isip-isip niya siguro na hindi naman kayo para sa isa’t-isa kaya gumawa na siya ng harang para hindi mo na siya malapitan. Pakiusap anak. Kalimutan mo na ang Scylla na iyon—”

“Ayoko!” awat niya sa ina. “Hindi ganoon kadali ang hinihiling ninyo. Nakita niyo naman siguro. Tatlong taon. Tatlong taon na pinilit kong sundin ang gusto ninyo pero walang nangyari. Kung pipilitin niyo ulit akong bumalik sa buhay ko sa nakaraang tatlong taon, maigi pang hiniling niyo nalang na mamatay na lang ako. Mas maigi pang tapusin niyo nalang ang buhay ko. Dahil mas madali iyon, kesa sa hinihiling ninyo na talikuran ko si Scylla.”

“Masyado nang malaki ang naisugal mo sa kanya, anak.” Sabi ng kanyang ama. “Pinapabayaan mo ang sarili mo. Maski hindi ka makapag-hunt, makasama mo lang siya. Pinapahamak mo ang sarili mo.”

“Napakatigas ng ulo mo, Lathan! Kung ayaw mong matulad sa akin, sundin mo kami. Hindi kami kailanman maghahangad ng ikapapahamak mo.” Si Helios ang nagsalita.

Napabaling siya sa nakakatandang kapatid. “Bakit hindi mo ako maintindihan? Nagmahal ka din ng hindi natin kauri. Higit kanino man rito sa atin, ikaw ang dapat na nakakaunawa sa akin!”

Hindi nagsalita si Helios. Sigurado siyang maski paano ay umayon ito sa sinabi niya. Subalit para mas lalo itong i-provoke ay nagpatuloy siya sa pagsasalita.

“O baka naman, hindi mo talaga minahal si Chloris kaya ganoon ka nalang kadaling sumuko? Ni hindi mo inalam kung ano ba ang totoong dahilan ng biglaan niyang pagtalikod sayo noon. Nag-settle ka nalang sa sarili mong conclusion.”

Nagtagis ang mga bagang ni Helios.

Sa isang iglap ay naroon ito sa harapan niya at madilim ang mukhang kinukwelyuhan siya. Ngumisi siya. Nakakaasar. Wala siyang pakialam kung ano ang gawin nito sa kanya ngayon. Hindi siya natatakot na matikman ang galit nito dahil sa pagkakasundot niya sa malaki nitong ego. Ang gusto lang niya, malinawan ito at makuha ang pinupunto niya.

“Well, hindi ako katulad mo, Helios. Hindi ako kasing duwag mo. At hindi rin ako matatahimik na hindi ko naririnig ang panig ni Scylla. Mahal ko siya. Nagtitiwala ako sa kanya. Susuko lang ako kung sa kanya mismo manggagaling na dapat ko na siyang sukuan. Pero hangga’t alam ko at nararamdaman ko na mahal niya ako, hinding-hindi ako hihinto sa pagmamahal at pagtitiwala sa kanya.”

Unti-unti, lumuwag ang pagkakahawak ni Helios sa kuwelyo ng kanyang damit hanggang sa tuluyan na siya nitong pakawalan. Wala ring sali-salitang tumalikod ito sa kanya at bumalik sa silid nito.

Naging marahas nga siguro siya sa pananalita sa nakatatandang kapatid. Hindi niya isinaalang-alang ang damdamin nito. Pero gusto niya lang itong maimulat sa kung anuman ang kanyang ipinaglalaban. At sigurado siya, sa naging kilos ni Helios, nalinawan at nakuha nito ang kanyang punto.

“Masyado yata kaming naging maluwag sayo, Lathan.” Sabi ng kanyang ama, pagkuwan.

“Yun din ang naiisip ko.” Sang-ayon ni Lori.

“Nagmamahal lang daw siya.” Tila nakakaluko pang kantyaw ni Ailister.

“Ganyan ba talaga ang nagagawa ng pagmamahal?” Pumapalatak namang saad ni Azriel.

Napalingon tuloy siya sa nakababatang kapatid. Isa-isa niyang tiningnan ang mga kasama.

“Hindi niyo siguro ako mauunawaan ngayon. Pero kapag nagmahal kayo, maiintindihan niyo rin ako.”

Sa lahat ng naroroon, tanging ang kanilang ina lamang ang lumambot ang ekspresyon. Siguro, dahil maski paano, nauunawaan nito ang nararamdaman niya. Noong mga panahon na halos ayaw na niyang kumilos para mabuhay ay ito ang parating nagbibigay sa kanya ng motivation. Parating umaalo sa kanya. Siguro, nakaya niya ang tatlong taon na wala si Scylla dahil na rin sa panunuyo ng kanyang ina.

Lumapit ito sa kanya at hinaplos ang mukha niya.

“Bumalik ka na sa silid mo. Mag-hunt at magpalakas. Pagkatapos noon, papayagan ka na naming makita si Scylla. Pero pakiusap, huwag ngayon. Huwag mong ipagsapalaran ang kaligtasan mo. Dahil kung gagawin mo iyon, siguradong mas hindi matutuwa si Scylla kung malalaman na nagpapabaya ka sa sarili dahil sa kanya.”

Maski paano ay natauhan si Lathan sa sinabi ng ina. Tama ito. Hindi nga magugustuhan ni Scylla na ipahamak niya ang kanyang sarili. Pero nais na niya itong makita at makausap. Kailangan na niya itong makausap. Hindi siya matatahimik na hindi nalilinawan ang tanong sa kanyang isip.

Paano nito nagawang gumamit ng ganoon kalakas na pwersa para ipahamak siya? Saan nito nakuha iyon? At ang Theron na iyon, bakit magkasama na naman ang dalawa samantalang alam naman ng dalaga na naiinis siyang makita na malapit ang mga ito sa isa’t-isa? Pinili pa talaga ni Scylla na iwan siya at sumama sa Theron na iyon.

Ah! Magtutuos sila ng lalaking iyon!

Walang salitang tinalikuran niya ang lahat at bumalik sa silid niya. Kailangan niyang mag-hunt. Kailangan niya ng sapat na lakas at enerhiya para sa sandaling magharap sila ni Theron ay kaya na niyang pantayan ang anumang ritwal na ginagamit nito para protektahan ang sarili laban sa mga tulad niya. At ang ritwal na sigurado niyang siya ring gamit ni Scylla.

“OH, hi Theron! Wala si Scylla. Kaaalis lang niya.”

Nagtaka pa si Timothy na makita si Theron sa ibaba. Nakilala na niya ang binatang businessman noon sa isang business conference na dinaluhan niya. Nagulat nga siya na malaman na magkakilala pala ito at si Scylla. May hinala siya na kung hindi man nanliligaw ang binata sa kanyang kapatid ay posibleng may relasyon na ang mga ito dahil parati na ding magkasama. Hindi naman siya nagtatanong kay Scylla. Ayaw niyang pakialaman ang personal na bagay patungkol sa kapatid. Pwera nalang kung ito mismo ang mag-open sa kanya. And besides, he had nothing against Theron. Medyo weird nga ang tingin niya sa binata. But he was sure he is a good person. Suits well for his dearly sister.

“Hindi si Scylla ang ipinunta ko rito.” Tumayo si Theron marahil bilang senyales ng paggalang.

Napakunot-noo siya na lumapit sa couch na kinaroroonan ni Theron. Habang itinutupi ang manggas ng longsleeve polo ay tumatakbo sa isip niya ang kung anong pwedeng sadya nito roon. Kung siya ang sadya nito, hindi niya ito mahaharap ngayon ng maayos. Pupunta pa sila ni Pitch sa couturier para tingnan kung maayos na ang gown ng kanyang bride. Metikulosa ang kanyang fiancee at nais na masiguradong maayos ang lahat bago ang kasal.

“So, ano pala ang sadya mo, bro? Sobra bang urgent. May pupuntahan kasi ako. Actually,” napasipat siya sa kanyang relos. “Late na nga ako.” Nag-aalalang saad niya.

Malamang na simangutan na naman siya ng husto ni Pitch mamaya.

“Sandali lang naman ito.” Pagpipilit ni Theron.

Napabuntong-hininga siya. “Tungkol ba saan?”

“Tungkol kay Scylla.”

Napakunot-noo naman siya. Sa tono kasi ni Theron, tila may malaking problema patungkol sa kapatid niya. Pero wala naman siyang nakikitang kakaiba sa kapatid. As a matter of fact, mukhang masaya pa nga si Scylla nitong nakaraan. Ang aga nitong umuwi, taliwas dati. At gusto niya iyon. Ayaw niya na pinapagod ng husto ng kapatid ang sarili nito sa pagtatrabaho. Nakokonsensiya nga siya dahil si Scylla mismo ang nag-udyok sa kanya na mag-leave muna para matutukan ang preperasyon sa kasal niya. Ito tuloy ang gumagawa ng maraming trabaho sa opisina na dapat ay siya.

“What seems to be the problem?” nagtatakang naitanong na ni Timothy kay Theron.

“Perhaps, you know something about the guy named Lathan.”

Naging curious na siya sa tinutumbok ni Theron. Kamakailan lang ulit nagtanong si Scylla patungkol kay Lathan. Pagkatapos ngayon ay heto naman si Theron at inuungkat ang patungkol rin sa parehong tao.

“Y-Yeah. Why?”

“He is the main problem. Tulungan mo akong mailayo si Scylla kay Lathan.”

“Ha?”

Naguluhan yata siya. Hindi nga niya nakikitang kasama ni Scylla si Lathan. Ito pa nga ang alam niyang madalas na kasama ng kapatid. Kaya, ano itong sinasabi ni Theron na kailangan nilang paglayuin ang dalawa?

“I don’t get it. Is this something about jealousy? You know what, dude. Hindi ko kasi ugaling makialam sa mga personal na—”

“Pero kailangan mo nang makialam ngayon, Timothy. This is a serious thing now. Dahil manganganib lang siya kung parati silang magkakasama!” giit na ni Theron. Halata ang panic sa boses nito.

“Ha? Anong ibig mong sabihin?”

Bumuga ng malalim na buntong-hininga si Theron. And… “Lathan is a vampire.”

Noon nanlaki ang ulo ni Timothy. Anong sinasabi ni Theron? Anong bampira? Paano nitong nasabi na…

Bigla ang daloy ng analisasyon sa kanyang isip. Ang hitsura ni Lathan. Ang pale complexion nito. Ang nakakakilabot na aura nito nang una at huli nilang paghaharap. Ang mabilis na paglalaho nito nang gabing iyon na dumalaw ito sa ICU. Susundan pa sana niya si Lathan noon para magpasalamat pero paglabas niya ng ICU ay para itong bulang biglang naglaho. Ni walang nakapansin rito na dumaan sa hall way samantalang may mangilan-ngilang tao roon. Na nang tanungin niya ay sinabing walang napansin pwera sa tila hanging malamig na mabilis ang pagdaan.

Hindi kaya… totoo nga?

Kinilabutan bigla si Timothy. Pero sapat ba ang lahat ng iyon? Hindi nga ba’t matagal na niyang kinalimutan at hindi pinansin ang patungkol roon lalo pa nga at wala namang masamang nangyari ng gabing iyon. Katunayan ay tinulungan pa siya ni Lathan na mas tumatag ang loob at hindi mawalan ng pag-asa.

Pero aaminin niyang naging malaking palaisipan para sa kanya si Lathan nang magtanong si Scylla ng patungkol rito. Mukhang walang masyadong alam si Scylla patungkol kay Lathan. At ngayon, heto naman si Theron na nagsasabi ng mga bagay na hindi kapani-paniwala patungkol kay Lathan.

“Alam kong hindi madaling paniwalaan pero ipapaliwanag ko sayo ang lahat.”

MASAMA ang gising ni Scylla nang umagang iyon. Ilang araw na kasi siyang hindi nakakapag-OBE, hindi niya tuloy makausap si Lathan. Hindi rin naman siya dinadalaw ni Lathan sa pagsapit ng dilim. Kung bakit ba naman kasi sa tuwing matatapos siyang maghapunan, inaantok na kaagad siya at nakakatulog ng mahimbing at magigising ng madaling araw. Nahihiwagaan na siya sa kanyang body clock samantalang hindi naman siya ganoon dati. Kahit gaano siya kapagod sa trabaho, hindi siya ang tipo na kapag napalapat ang likod sa kama ay makakatulog na.

“Good morning, Sis. How was your sleep?” Nakangiting bungad ng kanyang kuya.

Naupo na ito sa pwesto nito sa hapag. Mukhang masaya ito ngayon. Well, parati naman itong masaya at excited magmula nang mag-asikaso sa nalalapit na kasal. Pero kakaiba ang saya nito ngayon. Para itong nabunutan ng napakahabang tinik sa lalamunan kung makaasta.

“Okay naman, kuya. Dere-deretso ang tulog ko.” Nakasimangot na tugon niya.

“Hmm. Good to hear that.” Walang anuman na hayag nito at naglagay na ng pagkain sa plato. Ganoon na din ang ginawa niya. “Siya nga pala, okay na din ang gown mo na susuotin sa kasal ko. Dumaan ka sa couturier para mai-fit mo na at kung may gusto kang ipaayos o ipabago. ”

Tumango nalang siya para wala nang madaming usapan pa. She felt so depressed at the moment. Hindi niya kayang sabayan ang lively mood ng kapatid. Ang kaya nalang niyang gawin ay sabayan itong kumain. Iyon ang isang bagay na di pwedeng ipagpaliban. Sa bahay, parati silang sabay mag-agahan, pwera kung nagmamadali ang isa. Nitong nakaraan ay sabay na din silang nagdi-dinner. Nami-miss na daw kasi siya nito kaya tuwing hapon at alam nitong oras ng iuuwi niya ay tatawagan na siya nito para sabihing sa bahay na mag-dinner.

Alam niyang bumabawi lang ang kapatid dahil naging abala ito ng nakaraan kaya di na niya ipinagtaka kung bakit tuwing hapon ay naging routine na nito ang tawagan siya para paalalahanan na sabay silang magdi-dinner.

Yun nga lang, pagkatapos ng dinner, nakakatulog na siya at umaga na nagigising. Hindi na niya nakakasama si Lathan. Miss na miss na niya iyon. Bukod roon, may mga bagay pa siyang dapat na ihingi ng tawad kay Lathan pero di na niya nagawa. Baka sumama na ang loob nito sa kanya.

Haist!

‘E kung sa katanghalian ka nalang kaya mag-OBE?’

Napapitik si Scylla sa hangin. Oo nga! Bakit hindi niya naisip iyon? Pwede naman siyang mag-OBE kahit anong oras. Hindi naman iyon tuwing gabi lang ginagawa o pwedeng gawin. Tama. Mamaya, pagpasok niya sa opisina at wala siyang masyadong gagawin ay magpapahinga muna siya sa nap room ng kanyang opisina.

“Ahm, kuya. Got to go, marami pa akong gagawin sa office e.”

Napakunot ang noo ng kanyang kapatid. Siguro ay nagtaka ito na makita ang pagmamadali sa kanya.

“Maaga pa a? Ubusin mo muna ang pagkain mo.”

Umiling si Scylla. “Sa office na ako magsusundo ng breakfast. Madami kasi talaga akong trabaho ngayon. Tapos pupunta pa nga ako sa coutourier.”

Napilitang tumango ang kapatid niya. Humalik siya sa pisngi nito at nagmamadaling hinablot ang kanyang bag at iba pang gamit.

Halos liparin na niya ang pagpunta sa opisina. Kailangan niyang matapos ng mas maaga ang mga dapat tapusin para naman may oras siya sa pamamahinga. Hahanapin pa din niya si Lathan sa iba’-ibang astral planes.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.