Last Night's Fantasy (Compilation of Gothic Romance) Chapter 2

HINDI alam ni Lathan kung paanong papayapain ang napakagandang dalagang umiiyak roon sa harapan niya. Nakakatakam ang amoy ng enerhiya ng dugo nito ngunit nakapagtatakang nagagawa niyang pigilan ang sarili na tikman man lang ito. Hindi niya magawang sumimsim kahit kaunti dahil may kung anong pumipigil sa kanyang galawin ang dalaga sa halip, mas malakas ang pagnanais niyang protektahan ito.

Ano na naman ba itong napasukan niya? Dagdag trabaho na naman ba ito?

Kanina nga lamang ay hindi niya nagawa ang trabaho niyang pigilan ang bampira ng kaluluwa na iyon sa paglamon sa kaluluwa ng bago nitong biktima. Oo, bampira. At isa rin siyang bampira.

Sa makabagong panahon ngayon, naglabasan na ang iba’t-ibang uri ng bampira. Hindi nalang ang mga popular na Immortal Vampires ang nagliliwaliw sa kabilang dimensyon ng mundo. Katunayan ay naglaho na nga ang mga ito at nagpanibagong uri.

May tatlong uri ng bampira na ngayo’y nagpapakalat-kalat sa elemental na mundo at nakikigulo na rin sa realidad.

Ang una ay mga Sanguine Vampires o mga Sanguinarian, ang mga ito ay ang maalamat na bloodsuckers, pinakamakapangyarihan at pinakamapanganib na bampira, subalit hindi na sa paraan na tulad ng alamat ng mga bampira. Hindi nagliliwaliw sa mundo ang mga Sanguinarian para humigop ng dugo ng mga tao. Ang mga bampirang ito ay nag-aanyong physical signs ng mga sakit na may kinalaman sa kakulangan ng iron at dugo sa katawan ng tao, na ang tanging gamot ay ang pagsasalin ng dugo sa biktima. Dahil ang dugo ng biktima ay sinisipsip na ng Sanguine na nasa loob ng katawan ng biktima. Poryphia ang isang halimbawa ng structure ng mga Sanguinarians.

Ang pangalawa ay mga Soul Suckers o ang mga bampira ng kaluluwa, na humihigop naman ng kaluluwa ng mga tao. Ang uri ng mga ito ang garapalan at pisikalan kung kumitil ng buhay. Kapag na-establish ng mga ito ang eye contact sa biktima ay wala nang kawala ang biktima. Sa pamamagitan ng nakakarahuyong halik ay magagawang higupin ng SoulSucker ang kaluluwa ng biktima. Nag-aanyong kaakit-akit ang mga ito o di kaya ay kawangis ng kakilala ng biktima upang mas madaling makakain, subalit kapag napunan ang pagkauhaw sa kaluluwa ay lalabas ang tunay na nakakahindik na anyo, partikular ang mabalasik na pulang mga mata ng mga ito.

Isa na nga ang nakasagupa niya kanina. Isang Avergou. Mula sa angkan ng mga Avergou ang nakita niya kanina. Ang mga Avergou ang grupo ng malalakas at makakapangyarihang Soul Sucker ngayon. At patuloy sa pagpaparami ang Avergou clan. Ibigsabihin na dumadami ang mga ito, dumadami rin ang kakompetensiya nila sa pagkain. Dumadami rin ang mga dapat nilang paslangin. Higit sa lahat, mas tumataas ang posibilidad na maubos ang mga tao.

Ang mga Soul Sucker ay mahigpit na kakompetensiya ng mga AstralVampires o Dreamscape na tulad niya.

Dapat ay walang pakialaman ang tatlong uri ng bampira na nasa elemental na mundo. Subalit dahil inuubos ng mga Soul Suckers ang dapat sanay pagkukunan ng pagkain ng mga Astral Vampires na tulad niya, wala silang ibang pagpipilian kundi sugpuin ang mga Soul Sucker.

Kailangan din naman nilang mabuhay. Kung walang taong mananaginip, walang pagkain ang tulad nila. Kaya heto siya ngayon, isa sa mga kailangang pomrotekta sa mga taong pinupuntirya ng mga Soul Suckers.

Kung tutuusin sila na ang masasabing pinakamabuti sa tatlong uri ng mga bampira. Oo nga at nauuhaw rin sila sa dugo ng tao. Subalit hindi sila literal na humihigop ng dugo dahil sa panaginip lamang ng tao sila umiinom ng dugo. Nag-iinvade sila sa panaginip ng tao at kinokontrol ang panaginip ng mga iyon para makakain. Sila ang may kagagawan ng madidilim at nakakatakot na panaginip ng mga tao. Sa paggising ng biktima ay makakaramdam ng pagod at kakulangan ng enerhiya subalit mababawi naman ng mga ito iyon sa pamamagitan ng pang-araw-araw na healthy living.

Hindi ba’t makatarungan pa rin naman ang paraan nila ng pagkain?

Tulad ng mga maalamat na bampira, hindi rin nila kayang lumabas at mabilad sa init ng araw. Masusunog ang mga balat nila. Kaya’t sa umaga, natutulog sila at nag-a-astral travel. Sa gabi, naglalamyerda at ginagawa ang misyon ng pagtugis sa mga Soul Suckers. But when they find out that the coast were clear, bumabalik sila sa pagtulog para kumain.

Ang mga Dreamscape ay masasabing may special bond sa mga tao. Sila rin kasi ang mga imahe sa panaginip ng mga tao na nakakalimutan ng mga ito sa paggising.

As for the astral travellers, sa totoo lang, walang problema sa mga astral travellers kung nasa astral plane ang mga iyon dahil mas madali nga para sa mga Astral Vampires na tulad niya na kumain kung nasa astral plane ang mga ito. Para isang bagsakan nalang. Pero kapag kasi may ganitong astral body na nagpapakalat-kalat, nagkakaroon siya ng problema. Madali kasing manganib ang isang astral body kung wala sa astral plane. Madaling mabibiktima ng mga Soul Suckers. Kung nasa astral plane ang isang astral body, hindi iyon mapapakialaman ng mga Soul Suckers dahil may pumoprotekta sa astral plane. Ang mga tulad lang niyang Astral Vampire ang may kakayahang sumakay sa astral plane.

At dahil dumarami ang populasyon ng mga taong nagsasagawa ng astral projection na hindi sumasakay sa astral plane, dumadami rin ang mga prone sa pagiging biktima ng mga Soul Suckers. Kung hindi poprotektahan ng isang astral ang astral body at maging ang pisikal nitong katawan, mas madali iyong mabibiktima. Kaya nga ba gusto niyang mayamot sa mga pasaway na astral travellers.

Pero iba ang kaso ng babaeng kaharap. Hindi nito ginusto ang nangyaring paghiwalay nito sa sariling katawan. Gusto niya itong tulungan. Pero ang ibigsabihin rin noon ay isasalin niya ang enerhiya niya rito. Hindi pwede. Wala na siyang maibibigay dahil malaki rin ang nawala sa kanya dahil sa engkwentro niya kanina sa Avergou na iyon. Ni hindi pa nga siya nakakapag-hunt ng sapat para sa kailangan ng kanyang katawan.

At heto na naman ba siya? Dapat ay pumapasok na siya sa panaginip ng isang mortal para makakain, tutal naman ay nagapi na niya ang Soul Sucker na nakadestino sa lugar na iyon. Ang lugar kung saan rin siya nakatokang magbantay. Pero paano siya kakain ngayon kung may isang kaluluwa na iyak ng iyak sa harapan niya at nararamdaman niyang nangangailangan ng tulong? Kung hindi man kanyang tulong ay tulong ng iba. Pero paano? Paano niya ito tutulungan?

Sa kauna-unahang pagkakataon ay may tila kung anong mabigat na damdamin siyang nararamdaman habang naririnig ang pag-iyak ni Scylla. Hindi siya dating ganoon. Ang mga tulad niya ay binansagang ruthless and heartless. Mga walang awang humihigop ng enerhiya ng mga tao. Mga walang pusong nagbibigay ng masasamang panaginip sa mga mortal. Ni minsan ay hindi siya nakaramdam ng awa sa kanyang naging mga biktima. Ngunit ito, hindi pa nga niya ito nagiging biktima ay tila may kung anong pinipiga sa loob ng kanyang dibdib habang umiiyak ang dalaga.

Pakiwari niya, hindi nararapat na umiyak ang mga tulad nito. Napakaganda nito. Hindi nararapat na umiyak ang isang tulad ni Scylla. Hindi nararapat na lumuha ang magagandang mga mata na taglay nito.

Hindi naman dating issue sa kanya kung mabuti o masama ang kaniyang biktima. Ang mahalaga ay nakakakain siya. Kaya ngayong nararamdaman niya ang mabuting aura ng magandang dalaga, at pinagtutuunan niya iyon ng pansin, parang nais niyang magtaka sa sarili. Ano bang nangyayari sa kanya? Bakit siya masyadong naaapektuhan ng presensiya ni Scylla? Bakit siya naaapektuhan sa panangis nito? Bakit may malaking bahagi niya ang nagnanais na tulungan ito?

Isa itong mortal, source of food para sa mga tulad niya. Hindi siya dapat nagkakaroon ng pakialam rito o sa kahahantungan nito.

Kaya lang…

Nakakapunit ng kung anong damdamin ang bawat tunog ng hikbi at panangis nito… ang bawat pagbukal ng masasaganang luha sa tila kulay mainit na tsokolateng mga mata nito… napakagaganda ng mga iyon at sa paningin niya, hindi iyon nararapat na malunod sa mga luha.

Napabuntong-hininga nalang si Lathan saka nilapitan si Scylla na nasa astral form. Nasa kanyang pisikal na katawan siya pero dahil isa siyang Astral Vampire ay may kakayahan siyang makita ang mga astral body maski nasa ganoon siyang anyo.

“Huwag ka nang umiyak. Makakahanap ka din ng solusyon. Makakabalik ka din sa katawan mo. Sa ngayon, bumalik ka muna sa kung nasaan ang katawan mo at bantayan iyon. Protektahan mo laban sa mga masasamang elemento.”

Huminto sa pag-iyak si Scylla.

“You mean, demon?” takang tanong nito.

Tumango siya. “Alam mo naman siguro na dahil kaluluwa ka ngayon, ibigsabihin ay nakatawid ka sa kabilang dimensyon ng mundo. At ang mundo na kinatatawidan mo ngayon ay binubuo ng mga mapanganib na elemento. May mabuti, subalit mas marami ang masasama.”

“Pero mabuti ka naman, di ba?” Tila pagkukumpirma nito.

Mabuti nga ba siya? Mabuti bang maituturing ang nabubuhay sa pakikihati sa enerhiya ng mga tulad ni Scylla? Siguro, mabuti rin silang maituturing dahil inililigtas nila ang mga tao sa higit na mas masama kesa sa kanila. Pero, hindi niya masabi kung mabuti nga ba siya. Dahil bali-baligtarin man ang mundo, inaagawan pa din nila ng enerhiya ang mga taong dapat ay tahimik na namumuhay sa mundo.

Nagkibit-balikat nalang siya. “I was called a demon too, you know?”

Nakita niya ang iba’t-ibang damdamin sa mga mata nito. Takot, pangangamba, pagtataka. Ngunit mas nangingibabaw ang huli. Tila ayaw pa nitong maniwala.

“I’m Lathan. I’m a vampire.”

The lady’s jaw dropped down. “No?” mahinang sambit nito sa namimilog na mga mata. Tila ayaw maniwala.

Hindi niya alam kung ituturing na mabuting bagay iyon. Kung hindi ito naniniwala, hindi ito matatakot sa kanya. Ayaw niya sa ideyang matatakot ito sa kanya dahil…

Dahil ano nga ba?

Dahil gusto niya itong makilala pa ng lubos. Gusto niya itong makasama at makausap. Hindi niya alam kung bakit, pero sa tinagal-tagal na nila sa mundo bilang mga astral vampires, na sa totoo lang ay may anim na daang taon na din, hindi siya nakaramdam ng ganoong klase ng paghahangad na makasama ang isang astral body.

Hindi, kailanman.

At nakakapagtaka talaga ang nararamdaman niya sa mga sandaling ito. Gusto niyang tanungin ang sarili kung bakit ganito ang nararamdaman niya subalit wala rin naman siyang mahagilap na sagot sa tanong na iyon. Basta isa lang ang sigurado niya, gusto niya ang pakiramdam na kaharap, kausap at kasama si Scylla at ayaw niya ang pakiramdam na natatakot ito sa kanya.

Pero hindi naman niya maililihim rito ang katotohanan sa kung anong uri ng nilalang siya. Matatakot ito, oo. Pero mas mabuting alam nito ang totoo. Na ang kaharap nito ay isang parasite, isang bampira.

“Yes… I’m a dreamscape vampire, also known as the Astral Vampire.” Pilit pagtatapat niya.

Bahala na kung ano ang iisipin nito, ang mahalaga, alam nito ang totoo. Besides, malilimutan rin naman nito ang natuklasan kapag bumalik na ito sa katawan nito.

Bigla siyang nahimasmasan. Ngayon lang yata siya naging tanga sa buong panahon ng existence niya. Bakit hindi niya naisip agad ang bagay na iyon? Malilimutan rin siya nito sa pagbabalik nito sa katawan nito, kaya big deal pa ba kung magsabi siya ng totoo o magsinungaling?

“No!” giit pa din nito sa nahihindik na reaksyon.

Naalarma siya. Iyon na nga ba ang ayaw niya. Ang makaramdam ito ng takot sa kanya. Hindi niya gusto ang pakiramdam na natatakot ito sa kanya.

Bakit nga ba?

Nagkibit-balikat siya. Kailangan niyang ipakita na wala lang sa kanya ang reaksyon nito. Maybe, it will lessen the panic and fright brought by the thought that she was facing a beast right now.

“Go back to your body and protect it. I need to eat.”

Kumilos na siya upang iwan ang nagugulantang na kaluluwa. Hindi niya kayang tingnan ng matagal sa ganoong reaksyon si Scylla. Parang biglang bumaba ang kanyang self-esteem.

Nah! Kulang lang siya sa pagkain. Maiging kumain muna siya. Nakakagutom rin ang makipaglaban sa isang Soul Sucker na higit ang lakas laban sa mga tulad nila.Sa dinami-rami ng grupo ng mga Soul Sucker, bakit ang mga Avergou pa ang lumitaw sa bansang iyon at nakikiagaw sa kanilang pagkain? Ang mga Avergou na siyang pinakamalakas na angkan sa lahat ng mga Soul Sucker sa mundo! Hindi tuloy sila makakain ng sapat dahil malalakas ang mga kalaban nila.

Kumain?

Hindi ba’t pagkain na nga ang nasa kanyang harapan kanina? Bakit pa niya iyon pinakawalan?

Nah! Bakit nawala sa isip niya na pagkain rin si Scylla?

‘Because you weren’t on your astral form, idiot!’ pagbibigay katwiran niya sa iniakto.

Kaya lang, ngayong matutulog na siya para kumain, bakit hindi naman niya maramdaman na gusto niyang kumain kay Scylla?

Dahil nanganganib ang buhay nito sa mga pagkakataong iyon. Kung kakainin pa niya ang enerhiya at sisipsipin ang dugo nito, baka mamatay na ito.

Tama. Iyon nga. Naaawa siya kay Scylla. Iyon ang pinakasolidong dahilan kung bakit siya nakakaramdam ng ganoon sa magandang dalaga. Awa ang nararamdaman niya rito. Awa lang…

Awa lang…

Kahit paano ay may konsiderasyon rin naman ang mga tulad niya. Hindi sila pumapatay. Parasite sila pero hindi naman to the extent na papatayin na nila ang biktima. Dahil kapag nangyari iyon, mawawalan sila ng manufacturer ng pagkain. Hindi sila tulad ng mga Sanguines o mga Soul Suckers na walang pakialam kung mamatay ang biktima basta’t nakakain.

Subalit, sa kanyang kaibuturan, parang hindi niya talaga kayang ikonsidera na pagkain si Scylla. Hindi niya kayang kumain ng enerhiya nito gaano man nakakatakam ang amoy ng enerhiya ng dugo ng dalaga.

Hindi madaling magpigil na tumikim man lang ng enerhiya ni Scylla, pero nakapagtatakang nagawa niya. Nagawa niyang pigilan ang pagkatakam roon.

PINALIS ni Lathan ang bibig bago ipinasyang bumalik sa kanyang pisikal na katawan. Kagabi, maski magdamag siyang nasa astral form ay di naman niya nagawang kumain. Magdamag lang din kasi niyang binantayan si Scylla nang hindi nito napapansin. Naroroon lang ito sa tabi ng sarili nitong katawan at binabantayan iyon. Habang tila iniiyakan ang kapatid nitong nagbabantay lang din sa labas ng ICU.

Bwisit!

Nakakainis!

Gutom pa siya pero hindi na siya makapag-concentrate sa pagha-hunt dahil parati niyang naiisip si Scylla.

Ayaw man niya pero tila may kumudlit sa kanyang damdamin dahil sa sitwasyon nito. He wasn’t supposed to feel anything lalo pa nga at sino ba ang babaeng iyon para maawa siya? Dapat ay hinihigop nalang niya ang dugo nito at di na siya nakokonsensiya. Hindi rin siya dapat na umaaktong mabuti sa harapan ni Scylla. He was a beast. And he should act like a beast. Anong pakialam niya kung matakot man ito o hindi sa kanya?

Kung tutuusin, hindi niya rin dapat na iniisip na tulungan ito. Hindi niya dapat maramdaman ang pagnanais na tulungan ang babae.

But what happened to him back then?

Hayun siya at sa halip na magpakabundat sa astral plane ay magdamag na binantayan lang ang babae. Hindi siya umalis ng ospital na hindi mag-uumaga. Delikado para sa kanya ang masinagan ng araw pero ginawa pa rin niya para sa magandang babae, matiyak lang na walang nagkalat na masamang elemento sa paligid nito. Sa pagsapit ng liwanag, nawawala na ang mga mapapanganib na nilalang ng dilim kaya napanatag na siyang iwan si Scylla. Subalit ano itong ginagawa niya?

Ano bang mali sa kanya? Bakit siya nagkakaganito? Bakit kailangan niyang mag-alala ng ganoon para sa kaluluwang si Scylla?

“Gising ka na din?”

Napalingon si Lathan sa nagsalita. Si Helios, kapatid niya ito at kapapasok lang sa silid niya. Sa mga ganitong oras, dapat na tulog pa ito. Nakadungaw pa ang araw sa labas. Ang mga magulang nga nila ay malamang na nasa kung saang astral plane pa naroroon ngayon.

Tumango lang siya at bumangon na. Madilim na madilim sa loob ng kanilang tahanan. Isang abandonadong mansiyon roon sa malaki ngunit lumang subdivision ng Quezon City.

Pinaniniwalaan ng mga residente sa lugar nila na pinamumugaran iyon ng masasamang ispiritu kaya’t walang nagtatangkang pasukin iyon. Namatay kasi sa loob ng mansion ang may-ari. Inuuod na ang katawan noon ng matuklasan ng mga pulis. Magmula noon ay walang nagtangkang pumasok roon maski kamag-anak ng may-ari. Tila nawalan na ang mga iyon ng pakialam.

At pabor naman sa pamilya Monfort, ang pamilya ni Lathan, dahil nagkaroon sila ng pamumugaran. Sa isang banda ay tama rin ang mga taong nag-iisip na pinamumugaran iyon ng masasamang ispiritu, dahil ang mga tulad nilang bampira ay itinuturing na masama ng mga tao. At wala silang pakialam sa bagay na iyon. Ang mahalaga ay patuloy silang nabubuhay sa mundo.

At sino nga naman ang maglalakas-loob na puntahan ang abandonadong mansyon, na maski araw na araw ay napakadilim sa loob? Wala maski kaunting liwanag na tumatagos roon. Subalit dahil may kakayahan silang makakilos sa dilim ay di naman nila alintana ang madilim na loob ng mansyon.

“Oo. Hindi na ako makatulog.” Sagot niya kay Helios.

“Ako din. Teka…” Tumitig sa kanya si Helios. “Hindi ka ba nakakain ng maayos kagabi? Mukhang hindi pa sapat ang nakain mo ngayon. Bakit hindi ka ulit mag-hunt?” suhestiyon pa nito.

“Hindi na ako makakapag-hunt.”

Naglakad siya patungo sa isang bahagi ng silid. Naghanap siya ng pwedeng maisuot at magamit. Iyong hindi tatagusan ng init ng araw. Nahagip ng paningin niya ang shades sa ibabaw ng mesita sa tabi ng kama, iyon ang ginagamit niya kapag gusto niyang sumilip sa labas. Inabot niya iyon saka muling bumalik sa pagbubutingting sa tokador.

“Alas-dos pa lang ng hapon. Lalabas ka ba? Bakit hindi ka nalang mag-hunt para kung sakaling makasagupa mo ang isa sa mga Avergoumamaya ay may lakas ka. Alam mo namang maski mapaslang natin ang nakatoka sa kahit saang lugar ay may ipapalit at ipapalit ang angkan nila.”

Sandali niyang nilingon si Helios. Saka muling bumalik sa pagbubuklat ng mga gamit. Dagling nakalapit sa kanya si Helios at pabaklas na inilayo siya sa tokador na pinaghahalungkayan niya ng mga gamit. Sumalya siya sa kama.

Hindi nito nagustuhan ang pagwawalang bahala niya sa mga payo nito.

“Anong iniisip mo at lalabas ka ng ganitong oras? Ilang oras nalang at didilim na. Bakit hindi mo nalang hintayin iyon?”

Padarag na tumayo muli si Lathan.

“Ganito ka rin naman noon. Parati ka ding lumalabas maski tirik ang araw.” Sikmat niya rito.

Nakakatandang kapatid niya si Helios. Walo sila sa loob ng abandonadong mansyon na iyon. Ang kanilang mga magulang, siya, si Helios ang tatlo pa nilang kapatid na sina Ailister, Azriel at Lori, ganun dinang pinsan nilang si Axyl. Namatay na ang mga magulang ni Axyl.Nakasagupa ng mga iyon ang patriarka ng mga Avergou at sabihin pang napakalakas ng angkan na iyon ng mga soul sucker.

Bukod sa kanilang mga magulang na siyang namumuno sa tahanan, si Helios ang isa pa nilang higit na iginagalang dahil ito ang panganay.

Hindi niya ugaling pakialaman ang mga personal na aktibidades nito kaya’t inaasahan niya na ganoon din ang gagawin ni Helios.

“May mahalaga akong inaasikaso kaya ako lumalabas.” Sambit bigla ng kapatid.

“Ah, talaga?” sarkastiko niyang tanong. “Ako din. May mahalaga akong aasikasuhin.”

Umiinit ang ulo niya. Hindi niya alam kung ano ang pinagmulan. Basta ang alam niya, gusto niyang lumabas ngayon dahil kailangan niyang…

Kailangan niyang puntahan si Scylla.

Heck! Dahil kay Scylla, ang dati niyang hindi gawaing pagsagot-sagot kay Helios ay ginagawa na niya ngayon. What is happening to him now?

Ah, hindi. Hindi niya gustong gawin iyon. Pero hindi rin naman niya pwedeng sabihin rito ang totoong dahilan ng paglabas niya.

“Gusto mong mapahamak?”

Alam niyang nagkakaganoon lang si Helios dahil nag-aalala ito sa kanya. Bilang panganay ay obligasyon na rin nitong protektahan ang mga kapatid nito kapag ganoong nagha-hunt ang mga magulang nila. At alam niya rin na higit nitong alam ang dapat sa hindi dapat dahil mas malawak ang karanasan nito sa labas kapag ganoong kalat ang liwanag.

Subalit masidhi ang pagnanais niyang makalabas. Kailangan na niyang makalabas. Hindi na niya mahihintay ang paglubog ng araw bago muling masilip si Scylla.

Sa estado ng babae sa mga sandaling iyon, alam niyang nagliliwaliw na ito sa kung saan dahil sa magulong sitwasyon. Kung ordinaryong astral traveller lang sana ito, maski kahit gabi nalang siyang lumabas para makita ito.

“Anong pinagkaabalahan mo kagabi at hindi ka nag-hunt sa kahit saang astral plane?”

Hindi niya sinagot ang tanong ng kapatid. Tiyak na hindi nito magugustuhan ang dahilan niya.

Isang makapal na itim na leather jacket ang nahagilap ni Lathan. Isinuot niya iyon at izinipper. Tamang-tama na hanggang sa may labi niya ang matatakipan ng pinaka-collar ng izinipper na leather jacket. Pati ang hood ay iniayos na rin niya. Iyong tipo na takip na takip ang kanyang mukha. Saka inabot ang shades at isinuot rin.

“What were you thinking doing that, Lathan? Kailan ka pa natutong sumuway sa patakaran ng tahanang ito?” matigas na saad ni Helios.

Binalingan niya ito. “Hindi ako magtatagal. Babalik ako kaagad.” Tinapik-tapik ni Lathan sa balikat ang kapatid nabakas pa din ang pag-aalala. “Kaya ko ang sarili ko, huwag kang mag-alala. Gaya mo, importante rin ang dahilan ng paglabas ko.”

Hindi niya masabi rito ang totoo. Hindi niya pwedeng sabihin. Dahil hangga’t maaari, ayaw ng mga magulang nila ang kumonekta sila sa mga tao sa ganoong anyo. Ayaw ng mga iyon na maging attach sila sa tao dahil iyon raw ang magpapahamak sa kanila.

Hindi naman niya planong sumuway. Ang totoo, hindi siya magpapakita kay Scylla. Babantayan lang naman niya ito. Hindi niya mapigilan pero nag-aalala siya. Kagabi na makita niya itong gulong-gulo habang umiiyak, hindi niya mapigilan ang makaramdam ng kirot sa dibdib. Maski bampira siya, may damdamin pa rin naman siyang gumagana.

Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ni Helios. At alam ni Lathan, iyon ang paraan ng pagsuko at pagbibigay ng kapatid sa kanyang nais. Mabilis na lumabas siya sa abandonadong mansyon at tiyak ang daan na nagtungo sa ospital. Bilang bampira, isa sa mga kakayahan nila ang mabilis na pagkilos.

Mas binilisan pa niya.

Gusto na niyang makita si Scylla…

SA ISANG cafeteria di kalayuan sa ospital kung saan naka-confine ang katawan ni Scylla, doon niya naisipang tumambay. Naiinip na siyang magmukmok sa loob ng ICU. Bukod roon, awang-awa na siya sa kapatid. Magdamag na dilat ang kuya Timothy niya. Palagay nga niya ay wala itong balak na pumasok ng trabaho. At kung magpatuloy ang ganoon, paano na ang negosyo nila? Baka mapabayaan na nito iyon. Masasayang ang mahabang panahon na pinagpaguran nito dahil lang sa nangyari sa kanya.

Ano kaya kung sumapi nalang siya sa katauhan ng iba para maiparating sa kuya niya ang kanyang mensahe?

Tama!

Bigla siyang napatayo. Nababasa at napapanood niya sa mga movies na pwede namang ipossess ang katawan ng isang tao. Kailangan lang niyang maghanap ng prospect.

Nagmasid-masid siya sa paligid. Sa pagkakaalam niya, iyong mga weak at stressed out na tao ang madaling i-possess. Sandali pa at nakakita na siya ng tila nangangalumata sa puyat na babaeng costumer. Nakahalumbaba iyon paharap sa panel wall at wala sa sariling nagmamasid sa labas. Mukha itong may malalim na iniisip o pinoproblema.

Malapit sa may pinto ang mesa nito. Nilapitan niya ang babae. Sandali siyang umusal ng panalangin at patawad sa itaas sa kanyang gagawin bago sinubukang pasukin ang katawan ng kawawang babae.

Subalit.

Nakailang beses na siyang umupo sa kinauupuan nito, ilang beses na niyang ginaya ang posisyon nito pero hindi niya magawang makapasok.

Tumayo muli si Scylla at naghanda na sa muling pagsubok ng may biglang humaklit sa braso niya. Sa bilis ng pangyayari, ni hindi niya namalayan kung paanong nakarating sila sa madilim at tagong bahagi sa gilid ng cafeteria.

Napamulagat pa siya nang mapagsino ang lalaking bigla nalang dumakip sa kanya mula sa kanyang maitim na balak.

“L-Lathan?” bulalas niya matapos nitong hubadin ang itim na shades nito sa mata.

Ang ipinagtataka niya ay bakit parang balot na balot ang katawan nito. Makapal ang itim na leather jacket nito at nakazipper hanggang ilalim ng mapupula nitong labi. Nakatalukbong ang hood ng jacket sa ulo na kulang nalang ay ibalot nito sa mukha…

Bigla niyang naalala ang sinabi nito sa kanya kagabi. Na bampira raw ito. Hindi siya ganoon kakumbinsido nang ipagtapat nito ang bagay na iyon sa kanya. Dahil kung totoo ngang may bampira pa sa panahong ito, nalipol na sana ang napakalaking populasyon ng Maynila.

Pero hindi rin naman niya maialis sa isip ang eksena na natunghayan niya kung saan hinigop ng isang lalaki ang kaluluwa ng babae. Ang bagay na iyon ang medyo gusto niyang paniwalaan dahil kinabukasan nga ng umaga ay natuklasang patay na ang babae sa parking area ng ospital. Kung ganoong namatay nga ang babae ng biglaan, posible ngang nahigop ang kaluluwa nito ng estranghero, o tamang sabihing, nang halimaw na iyon.

“At ano sa palagay mo ang plano mong gawin?” paangil na kastigo sa kanya ni Lathan.

Napamaang tuloy siya rito. Palagay niya ay may ideya na ito sa balak niya sanang gawin sa babae kanina.

“Hihiramin ko lang naman ang katawan niya. Gusto ko kasing makausap si Kuya.”

“Hindi mo pwedeng pakialaman ng ganoon nalang ang katawan ng iba. Bakit hindi ka nalang humingi ng tulong sa akin para makausap ang kapatid mo?”

Nangunot ang noo niya. Ano bang problema nito? Bakit siya nito pinakikialaman sa diskarte niya samantalang wala rin naman itong mai-suggest na solusyon sa problema niya ngayon.

“Bakit ka ba bigla nalang sulpot ng sulpot? Kagabi, basta mo nalang ako iniwan kung kailan kailangan ko ng kausap. Tapos ngayon na may naisip na akong solusyon sa problema ko, bigla kang haharang?” inis na niyang sikmat rito.

“Kung gagamitin mo ang katawan ng babaeng iyon na dapat ay natutulog na ngayon, babawasan mo lang ang pagkain ng mga tulad namin.”

Napasinghap siya. “Pagkain? Kinakain niyo ang mga taong natutulog?” hilakbot na sambit niya. Parang ayaw niyang maniwala. Maraming taon na siyang natutulog, bakit hindi pa siya nakain ng bampira? O baka yung mga may sakit at mahina lang ang… “Huwag mo akong kakainin, please! Natutulog lang ang katawan ko, mahina iyon at—”

“Nah! Hindi namin pinapatay ang mga source of food namin. Nakikiamot lang kami ng blood energy niyo sa panaginip. Pero hindi namin iniintensyon na patayin kayo.” Palatak nito.

Nakahinga siya ng maluwag. Akala talaga niya, pinapatay ng mga ito ang mga pagkain ng mga ito. Pero teka…

“Anong klaseng bampira kayo? Bakit ganun kayo kumain? Bakit sa panaginip lang?”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.