Last Night's Fantasy (Compilation of Gothic Romance) Chapter 25

NAKATINGALA si Axyl at pinapanood ang bilog na bilog na buwan. Ano kaya ang iniisip nito?

Malakas na nagbuntong-hininga si Lori para agawin ang atensyon ng nananahimik na binata. Lumingon ito sa kanya, saka ngumiti.

“Hindi ka pa rin pumupuwesto?”

“My coast was still clear. I can sense it.”

Natahimik na ulit ito. Tahimik naman talaga si Axyl. Kung minsan, nakikipagbiruan ito sa mga kapatid niya pero mas maraming pagkakataon na tahimik ang binata. Ganoon na ito magmula nang pumasok siya sa pamilya.

Ayon sa mga kapatid, nagsimula lang itong maging tahimik at seryoso nang sabay na mamatay ang mga magulang ni Axyl dahil sa pakikipaglaban sa mga patriarka ng mga Avergou. Kaya naman nauunawaan niya ang matinding galit nito sa mga Soul sucker. Damang-dama niya ang matinding poot nito at walang takot na pakikipaglaban sa mga kaaway. Na para bang hindi na mahalaga rito kung mabubuhay pa ito matapos ang bawat laban.

Ah. Axyl has his own issue. Katulad niya. Pero sa magkaiba nga lang silang paraan.

Papatalikod na si Lori nang marinig na magsalita si Axyl.

“I understand your feeling of being lonesome.”

Napalingon siya sa pinsan. Lumingon din ito sandali sa kanya, saka muling ibinalik ang tingin sa bilog na buwan.

Napakaganda ng buwan na para bang kumikinang iyon sa madilim na gabi. Pero alam niya na sa likod ng kagandahang iyon ay ang mga nakakatakot na eksenang nagtatago sa likod ng kadiliman. Kung may kilabot iyong hatid sa pakiramdam ng mga tao, sa kanya ay isa na lang iyong pangkaraniwang pakiramdam.

“Iba kasi talaga kapag tunay mong pamilya ang nakakasama. Kapag tunay mong mga magulang… kapag tunay mong mga kapatid.” Bumuntong-hininga ito. “I missed my family too.” Lumingon sa kanya. “But they were gone…” His eyes were full of mysteries. Sa isang sandali, sumiklab ang matinding galit sa mga mata nito at tila nag-aapoy na asul ang mga iyon. Pero mabilis din nitong nakontrol ang sarili at bumalik sa normal. “They were gone, and I move on. Ganoon din ang gawin mo, Lori. Forget the past and continue to live.” Marahan nitong tinapik ang kanyang pisngi, saka walang paalam na sumampa sa veranda at nagpatalon-talon sa mga puno at bubungan na naaabot ng kanyang tanaw. Hanggang sa mawala na ito nang tuluyan sa kanyang paningin.

Hindi kasintalas ng mga senses ng mga ito ang sa kanya. Kung hindi pa niya gagamitin ang anulum commode, mahihirapan siyang alamin ang mga bagay-bagay na madali lang para sa mga Monfort.

And yes, she was different. Pero hindi ang pagkakaiba niya ang pumigil sa mga Monfort para mahalin siya at ituring na totoong pamilya.

Hinaplos ni Lori ang singsing . Ni hindi niya namalayan na naglalandas na pala ang mga luha sa kanyang mga pisngi. Ano ba ang iniiyakan niya? Ang pagkakaroon ng isang pamilyang kahit hindi kanya ay itinuturing siyang kaisa? Dapat nga na matuwa siya, hindi ba?

Oo, masaya naman siyang natagpuan siya ng mag-asawang Monfort at inakong sarili ng mga ito. Kahit pa ang ibig sabihin niyon ay gagampanan niya ang pagiging isang nilalang na hindi naman siya. At least, she felt love. Hindi kagaya sa totoo niyang mga magulang na kinasusuklaman siya.

Gumuhit ang hapdi sa kanyang dibdib nang muling sumagi sa isip niya ang alaala ng kahapon. Mga panahong wala pa siya sa pangangalaga ng mga Monfort. Mga panahong ipinagtatabuyan siya ng sariling ina.

“Lumayo ka sa akin!”

“Hindi kita anak! Anak ka ng halimaw!”

“Umalis ka na!”

Marahas na pinalis ni Lori ang mga luha saka tumalon palayo sa veranda. Tama na ang drama. Kailangan na rin niyang pumuwesto.

NAGPAPALUTANG-LUTANG ang astral body ni Theron sa tapat ng isang tenement building. Sigurado siyang doon sa lugar na iyon siya dinala ni Lori sa unang gabi ng paghaharap nila. Malapit lang sa isang exclusive subdivision ang lugar at sa mga night clubs and bistro bars. At katulad ng mga nagdaang gabi, hindi siya gumamit ng protection spell para malalapitan pa rin niya ang babaeng bampira. Pero sa malas, wala na naman ito sa kahit saan.

Hindi naman niya maistorbo sina Scylla at Lathan dahil sa mga ganitong oras at pagkakataon lamang nagkakapanahon sa isa’t isa ang magkasintahan. Bumuntong-hininga si Theron at nagbalak nang bumalik sa kanyang katawan nang may mapansin mula sa kung saan.

Kilala ni Theron ang pigura. At hindi siya pupwedeng magkamali. Sa tama ng liwanag ng buwan, sigurado siyang si Ms. Castellejo ang nasa madilim na bahagi ng tenement. Nakatitig sa kanya ang mapupula at maiilap nitong mga mata. Bigla siyang nakaramdam ng kakaibang sindak at panganib sa aura nito.

Oo, sa una palang ay lagim ang hatid ng aura ni Ms. Castellejo kay Theron. Pero iba ang pakiramdam niya ngayon. Mas mapanganib, mas nakakatakot, at mas nakakalito ang lungkot sa mga mata nitong tila inaanyayahan siyang lumapit at samahan ito sa kung saan.

“Ms. Castellejo…” mahinang sambit niya. Sigurado siyang hindi iyon si Lori dahil iba ang aura nito ngayon.

Tumalikod si Marjayrie sa pagtataka niya. At nagsimulang maglakad sa madilim na gilid ng building. Ang kasunod na niyon ay water part ng lugar. Ipinagtaka rin niya na hindi ito dumaan sa concrete bridge na nasa kaliwang bahagi. Ano ba ang ginagawa nito roon?

“Ms. Castellejo, wait!” tawag niya.

Pero hindi pa man siya nakakalayo nang may dumaklot sa kanya. Sa isang sandali ay nasa balkonahe na siya sa seventh floor ng tenement building.

“Stay here, you idiot!” Gigil na singhal sa kanya ni Lori sa pagkagulantang ni Theron.

Saan ito nanggaling? At wala rin ito sa astral form nito, paano siya nitong nadaklot?

“`Yong babae. Tatalon yata sa tubig,” nalilitong sabi ni Theron.

“Eh, di tumalon siya. Hindi naman niya ikamamatay `yon,” asar na sabi ni Lori na bigla na ring nawala sa paningin niya at sinundan ang pinuntahan ni Marjayrie.

Bigla siyang naalerto. Nagpakita sa kanya si Lori tapos ay hahayaan lang niya itong makalayo?

No way! Marami silang dapat pag-usapan. Marami siyang gustong itanong sa babaeng bampira. Kaya mabilis na lumipad si Theron sa tinalon na lugar ni Lori at ng babae.

Noon natuklasan ni Theron ang isang bagay na nakalimutan at hindi agad niya naisip. Hindi si Marjayrie. Castellejo ang nakita niya. Nasa astral form siya kaya imposibleng makita siya ng ordinaryong tao lang. Higit sa lahat. Walang ordinaryong tao na ganoon kabilis kumilos.

Dahil ngayon, nagpapambuno sina Lori at ang babae. Sa bilis ng kilos ng bawat isa, hindi iyon masundan ng kanyang mga mata. At nakakahindik ang bawat eksena. Ang pagsakmal ng babae sa leeg ni Lori at ang paghiyaw nito sa sakit nang pilit na pinabubuka ng babae ang bibig nito ay halos ikapugto ng kanyang hininga.

Uusal na sana ng orasyon si Theron para ipanlaban sa babaeng hindi niya alam kung anong uri ng halimaw, nang may dumating na lalaki. Mabilis na nadaklot niyon ang babae at nailayo mula kay Lori. Nahulog ang katawan ng babaeng bampira sa concrete bridge at mabilis iyong sinaklolohan ni Theron.

“Ano’ng nangyayari? Sino ang lalaking iyon? At ang nilalang na umatake sa `yo?” Pahangos na daluhong ni Theron kay Lori.

Hinahaplos ni Lori ang leeg nito habang pilit hinahabol ang paghinga.

“Bumalik ka sa astral plane. Mas safe doon. Kung ayaw mo naman, bumalik ka na sa katawan mo,” pabalewalang sagot at utos ni Lori.

Dinig niya ang pagsinghap nito na para bang nasasaktan o nahihirapan.

“Saan ka nasaktan? Ano ang pwede kong gawin?” Puno ng pag-aalalang ininspeksyon ni Theron ang babaeng bampira.

Gusto tuloy niyang sapakin ang sarili na wala man lang siyang nagawa para dito. Ni hindi niya naisip na mas malakas ito kesa sa kanya.

“Leave me alone…aww!” Naipagaspas nito ang kanang kamay sa ere. At namimilipit sa sakit na hinawakan nito nang mahigpit ang kanang pulso, tila nagpipilit tikisin ang mahapding pakiramdam.

Noon lang napansin ni Theron na hitsurang nag-aapoy na asul ang suot na ring band sa ring finger ni Lori. Ang ipinagtataka niya, bakit hindi na lang nito hubarin ang singsing? At lalo niyang ikinalito nang hawakan niya ang singsing ay hindi naman iyon kasing-init ng katulad ng nakikita niya.

Kung ganoon, ang may suot lang ang nakakaramdam ng nakakapasong init?

Sinubukang alisin ni Theron ang ring band pero hindi niya mahubad sa palasingsingan ni Lori. Bigla rin nitong hinaltak ang kamay niyang pilit humuhubad sa ring band.

“Ano ba, Lori? Papatayin ka sa sakit ng singsing na `yan!” galit na sita na niya sa babaeng bampira.

Ano’ng problema nito at pinagtitiyagaan ang nagbabagang singsing na iyon?

“Wala kang pakialam!” Paangil na sigaw nito sa kanya at hinila ang katawan palayo kay Theron.

Mabilis namang nakakilos ang binata para pigilan si Lori. “Ano bang problema mo? Hubarin mo ang singsing na iyan!” Patuloy na sita ni Theron sa puno ng pag-aalalang tono.

Namilipit na at lahat sa sakit si Lori pero hindi nito hubarin ang singsing. At nagngingitngit si Theron dahil wala siyang ibang nagawa kundi ang yakapin ito nang mahigpit na para bang may magagawa iyon.

“Please… hubarin mo na `yan,” puno ng pagsuyo at pag-aalalang pakiusap ni Theron sa babaeng bampira.

“Napaka… lakas niya.” Bumubuga ng hanging daing ni Lori. “Hindi ko mai-handle—”

“Ang alin? Sino?” Nalilito man si Theron pero pinipilit niyang unawain ang sinasabi ni Lori.

“S-si… G-Ganaiah Avergou. A-ang panganay na A-Avergou.”

Wala siyang naintindihan sa mga pinagsasabi ni Lori. Ang nasa utak lang niya ay ang pagsaklot ng matinding pag-aalala para dito. Naglalabas ng init ang katawan ni Lori na sa palagay niya, nag-penetrate sa mga ugat nito ang init na hatid ng ring band nito. At lumalabas na iyon sa kung saan-saang bahagi ng katawan ng bampira.

“A-ano’ng gagawin ko? Ano’ng dapat kong gawin?”

Nasisindak si Theron sa nakikitang paghihirap ni Lori. Ang katawan nito ay parang naglalabas ng napakainit na steam. Wala siyang nakuhang sagot kaya lalo siyang nataranta. Aalugin sana niya ito nang maramdamang unti-unting nawawala ang ibinubugang mainit na steam mula sa katawan ng babaeng bampira. Sandali pa at nagbago na rin ang kulay ng ring band. Ang nag-aapoy na asul ay naging kulay-ginto na.

“Are you okay, Lori?”

Ni hindi napansin ni Theron ang paglapit sa kanila ng lalaki. Ito ang sumaklolo sa babaeng bampira kanina.

“Y-yes. Thank you, Axyl,” tila nanghihina pa ding sambit ni Lori.

Magkakilala ang mga ito? Siguro ay magkapamilya dahil may bahagyang pagkakahawig ang dalawa.

Sa lalong panggigilalas ni Theron ay inabot ng lalaki ang baba ni Lori. At hindi niya agad nahulaan ang sumunod na eksena. Hinalikan nito ang babaeng bampira!

Hinalikan nito si Lori!

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.