Last Night's Fantasy (Compilation of Gothic Romance) Chapter 5

“Hi!”

Biglang napabaling si Scylla sa kung sinong nagsalita sa kanyang likuran. Babae, na may maputlang complexion. Strikta ang dating ng magandang mukha nito ngunit palakaibigan naman kung ngumiti.

Oo, ngumiti ito sa kanya. Gusto niyang magtaka. Kilala ba siya nito? Paano itong nakarating doon ng di niya namamalayan? At higit sa lahat, paanong nakikita siya nito?

“S-Sino ka?”

Noon lang niya napansin na tulad niya ay nasa astral body rin ang babae. Paunti-unti ay humakbang ito at sa bawat paghakbang nito papalapit sa kanya ay damang-dama niya ang hilakbot sa panganib na tila nag-aabang sa kanya.

“Kaibigan… isa akong kaibigan…” mahinahon at may ngiti pa rin sa mga labing sambit nito habang hindi humihinto sa paglapit sa kanya. “Na may matinding pangangailangan.” Tumalim bigla ang paningin ng babae. Noon lang niya napansin na itim na itim ang mga mata nito at tila naghahatid sa kanya ng kilabot ang itim na mga matang hindi kababakasan ng buhay.

Nanginig siya bigla! Gusto niyang tumakbo, tumakas mula rito.

Pero saan siya pupunta?

Isa pa, sinabi ni Lathan na huwag siyang aalis roon. Nagtitiwala siyang hindi siya ipapahamak ni Lathan. Iniligtas na siya nito minsan. Hindi nito gagawin iyon kung hindi ito mabuting nilalang maski paano. Isa pa, hindi ba’t hindi naman nito inilihim sa kanya kung anong uri ng nilalang ito? Kung may masamang motibo at nais siyang ipahamak ni Lathan, hindi na nito gagawin ang mga iyon.

Kaya lang, sa pagkakataong ito. Na may lumalapit sa kanyang panganib, dapat pa ba talaga niyang pagtiwalaan si Lathan? Paano kung ipinain lang siya nito sa babaeng ito na tila may masamang tangka sa kanya?

Nasa astral form rin ito, hindi kaya…

Sa isang iglap ay nasa harapan na niya ang babae, malapit na malapit ang mukha nito sa kanya at nakakapangilabot ang mga mata nitong nakatitig sa kanya. Hindi niya rin maramdaman ang kakayahang kumilos. Napapikit nalang siya nang lumabas na ang mga pangil ng babae.

Tama ang hinala niya, kalahi ito ni Lathan!

Hihigop ito ng enerhiya sa kanya. At dahil marupok ang pisikal niyang katawan ngayon, siguradong ikamamatay niya kung aagawan pa siya nito ng enerhiya na taglay ng kaluluwa niya. Naramdaman niya ang malamig na paghawak ng kamay ng babae sa kanyang balikat at ang paglapit ng mukha nito sa kanyang leeg.

“Pa-share naman ako ng konting blood energy mo. Kaunti lang naman…” nakakapanghilakbot na bulong nito sa kanyang tenga.

Hindi niya alam ang sasabihin. Gusto niyang kumilos pero paano? Pareho man silang nasa astral form, alam niyang higit itong malakas kesa sa kanya. Ano ang gagawin niya?

“Wag, please!? Ayoko pang mamatay…” pagmamakaawa niya rito.

Mula sa kanyang leeg ay ramdam at dinig niya ang tila natatakam na paghugot nito ng hininga.

“Hindi naman kita papatayin. Magse-share ka lang naman sa akin. Mababawi mo din ang kukunin ko sayo sa paggising mo.”

Pero ang masaklap na bagay ay hindi naman niya alam kung kailan siya magigising at kung mababawi pa nga niya ang kukunin nitong enerhiya sa kanya dahil wala namang kasiguraduhan kung kailan o kung magigising pa nga ba siya.

“Huwag ako, please…” Nakapikit pa ring pagmamakaawa niya.

“Huwag ka namang madamot, kaunti lang naman e.”

May matalim at malamig na kung ano ang tila tumutusok sa kanyang leeg nang sa isang iglap ay mawala iyon Nawala rin ang malamig na kamay na nakakapit sa kanya at napalitan ng tila mas malaking kamay na mahigpit na nakakapit sa braso niya. Napamulat tuloy siya ng mga mata. At ang bumungad na sa kanya ay ang pagsalya ng babae. Tumagos ito sa railings ng rooftop ngunit agad ding nakabawi. Nagpalutang-lutang sa ere ang babae saka sila tiningnan ng masama.

Sila?

“Ano bang problema mo, Lathan?”

Noon lang niya napansin si Lathan sa kanyang tabi. At habang minamasdan niya ito, saka naman niya napansin na nasa astral form na din pala ito.

Natatakot na yumakap si Scylla sa lalaki. Agad naman siya nitong kinabig palapit sa katawan nito. Wala siyang maramdamang init, pero kakaiba ang proteksyon na dala ng presensiya ng lalaking bampira.

“Leave her, alone. Mag-hunt ka sa ibang astral plane, Lori.” Paangil na sabi nito sa babae.

“Bakit pa? Nauna ako sa kanya. Maghanap ka ng sayo.”

“She is mine!” He hissed.

“What? Teka, bakit ka ba nang-aagaw? Hindi mo naman ugaling mang-agaw a?” tila nagtataka nang tanong nito.

“Nauna ako sa kanya, so get lost.”

Asar na umalis ang babae na tinawag ni Lathan na Lori.

Noon siya nakahinga ng maluwag nang mawala ang babae. Teka? Magkakilala ang dalawa?

“Forgive my sister. Bunso kasi, kaya sanay na napagbibigyan parati.” Paumanhin ni Lathan sa kanya saka siya marahang pinakawalan.

Parang nais pa nga niyang magreklamo. Gusto niya ang pakiramdam na nakayakap sa bampira. Wala man ang init ng katawan ng isang tao rito subalit kakaiba ang damdamin na dulot nito sa kanya. Masarap sa pakiramdam. Gusto pa niyang magbabad sa mga bisig ni Lathan.

“Bakit hindi mo nalang sinabi sa kanya ang totoo?” nagtatakang tanong niya.

“Anong totoo?”

“Na kaibigan mo ako kaya ayaw mong kumain siya sa akin.”

“Nah! Hindi kita kaibigan.” Marahas na binitiwan siya nito.

Napasimangot tuloy siya.

“Hindi mo ako kaibigan? E ano palang turing mo sa akin at parati mo akong ipinagtatanggol?”

Sandali siyang binalingan ni Lathan, pagkuway nag-iwas ng paningin.

“Source of food.” Malamig na anito. “Kapag magaling ka na, kapag nakabalik ka na sa katawan mo, siguradong madalas ka nang makakaranas ng OBE. Dahil doon, madalas na kitang makikita sa astral form mo at makakakain ako sa pamamagitan mo. I had branded you as mine, so, wala kahit na sino sa mga Monfort ang magtatangkang kumain sa pamamagitan mo, ako lang.”

Hindi niya gusto ang narinig. Source of food. Iyon ang tingin nito sa kanya. Pero maski magkaganoon, hindi niya maramdaman ang pagkamuhi sa lalaki. Wala siyang maramdaman na ganoon. Besides, hindi niya rin naman maramdaman na itinuturing siya nitong kuhanan ng pagkain.

Kapag may ganoong pagkakataon na pinoprotektahan siya nito laban sa mga nilalang na pwedeng magpahamak sa kanya, pakiramdam niya, pinoprotektahan siya nito ng may pagmamalasakit at hindi dahil itinuturing siyang source of food.

Kaya naman, itinuon nalang niya sa ibang bagay na sinabi nito ang kanyang isip.

“Anong OBE? Tsaka bakit hindi tumatawag ng kuya sayo yung Lori? Akala ko ba, bunso siya?” pabalewalang tanong nalang niya.

“OBE, Out of the Body Experience. Karaniwan sa mga naco-comatose na nakaranas ng OBE at nakaka-recover muli ang katawan, nananatili na sa kakayanan nila ang mag-OBE. Meron na nahihirapang linangin ang kakayahan na iyon pero natural na maranasan iyong muli ng mga na-comatose sa paggising nila. Sa mga tulad nila, mas madali kaming mga astral vampire na makapag-hunt. Una kaming sumibol sa US, na-adopt namin ang American way hanggang sa paglipat namin rito sa bansa niyo. Napadpad lang kami rito sa Pilipinas dahil dumarami na ang mga astral vampire roon at nagkakaroon na ng lacking sa pagkain. Dito naman sa Pilipinas maraming source of food kaya dito na kami tumigil.

…Kaya lang, sa pagtigil namin rito, natuklasan namin na nandito din ang angkan ng mga Avergou. Nauna lang siguro kami ng mga sampong taon sa kanila. Noon, masarap pa ang buhay namin dito sa bansa niyo dahil anumang oras ay nakakakain kami. Pero nang lumitaw rito ang mga Avergou, nahati na ang panahon namin sa pagha-hunt at pagprotekta sa inyo laban sa mga Avergou. Sa halip na mag-hunt lang, nakikipaglaban din kami sa gabi. Halos sa araw lang kami nakakakain. At konti lang din ang nakakain dahil kumpara sa mga natutulog sa araw, mas madami ang natutulog sa gabi kung kelan nagkalat naman ang mga soul suckers.”

Napatango-tango nalang siya. “Madami ba kayong mga astral vampires?”

“Dito sa bahaging ito ng Pilipinas, kami langmgaMonfort. Hindi ko sigurado kung may nag-migrate na iba pang pamilya ng mga astral vampires dito sa bansa niyo.Wala namang pakialamanan ang bawat pamilya, pwera kung ang pakikialam ay magaganap sa loob mismo ng isang pamilya, mga miyembro ng pamilya. Pagdating naman sa mga Soul Suckers, wala pa kaming nabalita na ibang Soul Suckers maliban sa mga Avergou.”

“Ah, yun naman pala. Nasaan ang pamilya mo pala? Pwede mo ba akong ipakilala sa kanila?”

Kumunot ang noo ni Lathan. “Bakit kita ipapakilala?”

“Wala lang.” kibit-balikat niya. “Kasi di ba, minarkahan mo na ako bilang pagkain mo. Para incase makita ako ng mga kapamilya mo, hindi nila ako pagtangkaang kainan kasi kilala na nila ako.”

“Nah. I’ll just leave it to Lori. Siguradong nasabi na niya ang nangyari ngayon sa pamilya ko.”

Nawalan na ng sasabihin si Scylla. Hindi na siya makaisip ng dahilan para mapilit itong ipakilala siya sa pamilya nito. Bigla kasi siyang na-curious nang malaman na may pamilya si Lathan. Hindi niya alam kung saan nanggaling ang pagnanais niyang makilala ang pamilya ng mga bampira pero matindi ang pagnanais niyang makaharap ang mga iyon.

“Mababait din ba sila tulad mo?” naitanong nalang niya.

“Hindi ako mabait.”

“Mabait ka kaya. Ikaw na ang pinakamabait na bampira na nakilala ko.” Malambing na sambit niya. Para naman medyo bumait-bait na ito sa kanya. Masyado kasi itong seryoso. Magsasalita lang ito kapag may sasaguting tanong niya.

“Para namang napakadami mo nang bampira na nakilala?”

“Wala pa nga e. Ikaw pa lang at si Lori. Parang ayoko pa ngang maniwala na bampira kayo. Pero sa mga naranasan ko nitong nakaraan―”

“Save your breath, Scylla.” He hissed.

At sa kabila ng paraan nito ng pananalita ay hindi niya maunawaan kung bakit nakakaramdam pa din siya ng kakaibang tuwa. She loves the way he uttered her name.

Hays!

Ano bang nangyayari sa kanya? Bakit niya naiisip ang mga bagay na iyon?

Tss!

“You know what? Sa halip na sayangin mo ang oras at enerhiya mo sa pagtatanong ng mga bagay-bagay na makakalimutan mo rin lang naman kapag nagising ka na, bakit hindi mo nalang igugol ang oras mo sa pag-iisip ng mga bagay-bagay na makakatulong sa pagbabalik mo sa katawan mo?”

“Makakalimutan? Makakalimutan ko ang Out of the Body Experience na ito? At… pati na din ikaw?”

“Oo.”

Napanganga siya. Ayaw niya sa ideya na iyon.

Makakalimutan niya si Lathan!

Ayaw niya yatang makalimutan na minsan sa kanyang pagiging kaluluwa ay nakakilala siya ng napakagwapong astral vampire na maski masungit at distant ay naging saviour naman niya.

‘Gaga! Pagkain ang tingin niya sayo kaya ka niya pinoprotektahan. Kung sa karne, pinatataba muna niya ang baboy bago ipakatay.’

Binalewala ni Scylla ang nakakainis na bahaging iyon ng kanyang isip.

“Pero sabi mo na magkakaroon ako ng kakayahan na mag-OBE. Mas mai-establish iyon sa akin dahil nangyari na ito habang coma ako?”

“Oo nga. At sa tuwing gagawin mo iyon, makakakain naman ako.”

Gusto na yata niyang mainis rito. Puro pagkain ang nasa isip nito.

“Pwede bang magseryoso ka?!” sigaw niya rito.

“Seryoso ako.” Kalmado pa ding saad ni Lathan. “Gusto mong makita kung paano kami kumain?”

Hindi siya nakapagsalita. Gusto ba niya? O gusto niya lang na makita ng harapan at mapatunayan sa sarili na totoong bampira ito? Na totoong astral vampire ito at kumakain ng blood energy ng mga kaluluwa ng mga tao na tulad niya.

“Halika.”

Sa isang sandali ay nakabig siya ni Lathan at lumipad sila sa kung saan. Kung paglipad man nga ang tawag roon. Masyado kasing naging mabilis ang pagkilos nito. Ni hindi niya matandaan kung saan-saan sila nagpupunta ni Lathan. Ang sumunod na paligid na kanyang natunghayan ay tila isang komunidad ng mga astral body na masayang nag-uusap, naglilibang at kung anu-ano pa. Para iyong isang mundo na pulos mga astral body ang naroroon. May kanya-kanyang ginagawa at pinaglilibangan.

“Astral plane ang tawag rito. Ito ang mundo kung saan madalas nagtitipon ang mga astral traveller. At sa mga ganitong mundo din kami madalas nagha-hunt.Sa ganito kasi madaling kumain.” Bumitiw si Lathan kay Scylla at pagkuway bumulong sa kanya. “Manood ka.”

Sa isang mabilis na kilos ni Lathan ay naiwan siya sa kanyang kinatatayuan habang pinapanood kung paanong guluhin ni Lathan ang maayos at masayang komunidad ng mga astral bodies. Nagkanya-kanyang takbuhan ang mga naroroon. Kanya-kanyang pulas upang isalba ang mga sarili. Ang kanina ay tila bagong paraiso, bagong mundo para sa mga ito ay naging magulong-magulo.

Parang dinidelubyo.

May nahagip na isang babaeng astral si Lathan at walang babala na kinagat iyon sa leeg. Makalipas ang ilang sandali ay pinakawalan nito iyon. Ang sumunod na eksena ay naglaho na ang babaeng astral. Mula sa tagiliran nito, nakita niya ang silver cord nito na tila hinihila ito palayo sa lugar na iyon habang muling nanghuhuli ng bagong biktima si Lathan.

Kung tama ang hinala niya, hinila ito ng silver cord nito para makabalik na sa katawan nito. Ibigsabihin din ba noon na lalabas na isang bangungot ang nangyari sa babae sa pagbabalik nito sa pisikal na katawan? Ito ba ang pinagmumulan ng mga bangungot ng mga simpleng tao? Si Lathan at ang mga kauri nito, sila ba ang naghahatid ng bangungot sa mga tao?

Sinasabi ni Lathan na hindi sila pumapatay, pero may mga namamatay sa bangungot. Ibigsabihin ba noon, na ang lalaking ito ay isa sa mga dahilan ng maraming kaso ng mga namatay sa bangungot?

Parang ayaw niyang maniwala. Posible ba talaga ang lahat ng ito? Posible ba talagang may mga astral vampire?

Ano pa ba ang ayaw niyang paniwalaan?

Nakita na nga ng dalawang mga mata niya kung paano kumain ang tulad ni Lathan. Kapag bumalik siya sa katawan niya, matutulad din siya sa mga astral na source of food nina Lathan. Dapat ay natatakot o nagagalit siya sa lalaking bampira. Pero bakit hindi iyon ang nararamdaman niya? Bakit hindi siya makaramdam ng takot o galit sa lalaking ito na tila isang parasite na nang-aagaw ng enerhiya ng mga tulad niya? Mapanganib si Lathan. Dapat siyang umiwas rito. Subalit hindi iyon ang nararamdaman niya ngayong nakaharap na si Lathan sa kanya habang nagpapahid ito ng gilid ng labi na may bahid pa ng dugo.

“L-Lathan…” kanda-utal na sambit niya sa pangalan ng lalaking papalapit sa kanya.

Dapat ay nanginginig na siya ngayon sa takot rito. Pero hindi iyon ang nararamdaman niya ngayon. Wala siyang makapang takot. Hindi niya magawang matakot kahit pa ano ang natuklasan at siguro, kahit ano pa ang matutuklasan niya patungkol rito. Because deep inside her, she felt a security with him. Siguridad na hindi siya masasaktan ng kahit sino. Dahil maski ito, na ang turing sa kanya ay isang source of food, ni minsan ay hindi naman siya inagawan ng enerhiya. Ni minsan ay hindi ito tumikim ng blood energy niya.

Iyon siguro ang dahilan kung bakit hindi niya magawang kilabutan sa kabila ng nakakahindik na eksenang nakita niya, kani-kanina lang.

“Naniniwala ka na ba na isa nga akong bampira?”

Napatango nalang siya.

“Pagkain din ang turing ko sayo, tulad nila.”

“Oo nga. Naniniwala ako sa bagay na iyon.”

“Natatakot ka na ba?” tanong pa nito na lalong nagpatanga sa kanya.

Intensyon ba nito na takutin siya kaya ipinakita sa kanya kung paano kumain ang tulad nito? “Natatakot ka na ba na matulad sa kanila?” tanong ulit ni Lathan.

“Hindi.” Lakas-loob na tugon niya. At totoo naman iyon. Hindi siya makaramdam ng takot rito. Dahil kung talagang intensyon nitong kumain sa kanya, noon pa sana nito ginawa. Pero hindi. Sa halip, pinoprotektahan siya nito. “Hindi ako natatakot, kasi sabi mo naman, hindi niyo pinapatay ang biktima niyo, nakikihati lang kayo sa energy nila. Hindi ko naman siguro ikamamatay ang pagkabusog mo kapag kumain ka sa akin.”

Isang ngiti ang sumilay sa mga labi ni Lathan. Hindi niya alam kung paanong nangyaring sa kabila ng lahat ng natuklasan niya, sa kabila ng sitwasyon niya, masaya siyang makita ang ngiting iyon ni Lathan. Dahil sa pagkakataong ito, hindi aral, nagpipigil o pilit ang ngiti nito. Sa halip, totoong ngiti iyon. At parang wala na siyang gustong gawin ngayon kundi panoodin ang totoo at napakagwapong ngiti ng bampira.

Darn!

No one had the right to be this gorgeous! He was such a dangerously gorgeous male vampire specie.

“Good. Ang takot ang pumapatay sa mga biktima namin. Kung hindi naman sila labis na nasisindak at nagagawa pang makabalik ng mga kaluluwa nila sa katawan, mabubuhay pa din sila.” Tila paliwanag ni Lathan sa kanya. At bakit ba parating kinakailangan nitong ipaliwanag ang lahat sa kanya? Bakit kailangan niyang maunawaan ang paraan nito ng pamumuhay nang hindi ito kinamumuhian?

Tama, palagay niya, ipinapakita at ipinapaliwanag nito ang lahat sa kanya dahil ayaw nito marahil na mamuhi siya sa paraan ng mga ito kung paano mabuhay?

“Kaya kung natatakot ka, mas maiging huwag ka nalang bumalik sa katawan mo. Dito ka nalang. Hindi kita pakikialaman kung mananatili kang ganyan.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.