SI LATHAN ang karga-karga ng lalaki. Tuluyang bumuhos ang takot at pangamba kay Scylla. Anong nangyari kay Lathan? Saan ito dadalhin ng lalaking iyon?
Nagpasya siyang lumabas ng ospital. Hahanapin niya si Lathan. Kailangan niyang mahanap si Lathan…
“Saan ka pupunta?”
Isang kamay ang pumigil sa braso ni Scylla sa tangka niyang paglabas ng madilim na silid na iyon.
“L-Lori…” sambit niya nang mapagsino ang pumipigil sa kanya. Nasa astral form pa rin ito tulad ng una at pangalawang beses niya itong makaharap.“Si Lathan. Nakita ko siyang bitbit ng isang lalaki. Hahanapin ko siya!” nagpilit siyang kumawala sa pagkakahawak ni Lori.
“Huwag ka nang mag-alala pa. Iuuwi na siya ni Ailister.”
“Ailister?”
“Kapatid namin.” Bumuntong-hininga ito. “Malaki ang pinsala ni Lathan dahil hindi basta-basta ang engkwentrong namagitan sa kanila ni Lach. Dahil napatay ni Lathan ang bunso ng mga Avergou ay labis ang pagkagalit ni Lach. Galit ang mas lalong nagpalakas sa kanya habang naglalaban sila ni Lathan. Bukod roon, hindi gaanong nagha-hunt si Lathan nitong nakaraan kaya kakaunti ang enerhiya niya sa katawan. Oo at likas kaming malalakas subalit kailangan rin naman naming kumain para mapanatili ang kakayahan namin. At dahil wala nang ginawa ang hibang kong kapatid kundi ang bantayan ka, napapabayaan na niyang imintina ang enerhiya na kailangan niya.” Tumalim ang tingin ni Lori sa kanya. Pagkuway lumambot rin. Pinakatitigan siya nito. “Utang na loob, tanggapin mo na ang alok ko. Umalis ka na sa dimension na ito ng mundo. Bumalik ka na sa totoo mong buhay at wag mo nang guluhin ang kapatid ko. Ipinapahamak mo lang siya.”
Hindi makapaniwalang napailing-iling si Scylla. “H-Hindi… W-Wala akong ginagawang masama sa kanya. Hindi ko naman siya…”
Bigla siyang natigilan matapos mag-sink in sa utak ang mga sinabi ni Lori. Napapabayaan ni Lathan ang sarili dahil sa pagbabantay sa kanya. Kung ganoon, nasa paligid lang palagi si Lathan at nakabantay. Hindi lang ito nagpapakita sa kanya. Pero bakit? Bakit hindi nagpapakita si Lathan sa kanya? Hindi ba at sa huli nga nilang pag-uusap ay hiniling nitong manatili siya sa mundo nito? Bakit ngayon, patago nalang siya nitong bantayan?
“Tama. Wala kang ginagawa. Wala ka pang ginagawa pero malaki na ang epekto mo sa kapatid ko.” Narinig niyang hayag ni Lori. “Kung kahit kaunti ay may pagmamalasakit ka para kay Lathan, iwan mo siya at tanggapin ang alok ko. Bumalik ka na sa mundo mo. Kapag ginawa mo iyon, pareho kayong magiging ligtas. Pwede pa naman kayong magkita sa panaginip.”
“Panaginip…” sambit niya.
Pero hindi lang hanggang doon ang gusto niya.
“Hindi pwede ang iniisip mo, Scylla. Hindi kayo pwede.”
Napapikit ng mariin si Scylla. Totoo naman ang sinasabi ni Lori. Pero bakit parang ang sakit? Bakit parang ayaw niyang tanggapin? Ang isiping aalis na siya sa dimension na iyon ng mundo at malilimutan ang patungkol kay Lathan ay parang isang punyal na itinatarak ng paulit-ulit sa puso niya.
Subalit kaya ba niyang maging makasarili? Kaya ba niyang manatili sa dimensyong iyon ng mundo kung ang kapalit ay kapahamakan ni Lathan?
Isang mahabang buntong-hininga ang pinakawalan niya bago hinarap si Lori.
“Pwede ko bang makausap muna si Lathan bago ko tanggapin ang alok mo?”
“Bakit pa?” kunot-noong tanong nito. “Sasabihin mo ba sa kanya ang iniaalok ko?”
“Hindi.” Umiling si Scylla ng maraming beses. “Gusto ko lang siyang makausap kahit sa huling pagkakataon.”
“Balewala rin iyon. Makakalimutan mo rin siya sa pagbabalik mo sa mundo mo.”
“Maski pa. Gusto ko pa din siyang makausap… at…” Isang buntong-hininga na naman. “Gusto ko siyang makasama maski sa huling sandali man lang.”
Nang hindi sinasadyang mag-OBE siya, isa lang ang hinahangad niya, ang makabalik sa katawan niya. Subalit ngayon, bakit nahahati na ang kanyang nais? At lumalamang ang kagustuhan niyang manatili sa ganoon. Panandalian lang ang kanyang buhay pero gusto niyang igugol ang malaking porsyento noon na kasama si Lathan. Gusto pa niya itong makasama.
“Sige. Titingnan ko ang magagawa ko.” Pagkawika noon ay naglaho na si Lori sa kanyang mga paningin.
Napakabilis ng mga pangyayari. Na kung iisipin ay para bang isa lang iyong panaginip. Na hindi totoong kausap niya ang babaeng bampira.
Ganoon din ba ang mangyayari kapag bumalik siya sa katawan niya. Magiging isa nalang panaginip si Lathan sa kanya? Isang napakagandang panaginip?
Pero mukhang hindi ganoon. Tila maski sa anyong panaginip ay hindi na mangyayari pa.
Dahil mabubura ito sa kanyang alaala.
At parang ang sakit-sakit noon.
Bakit?
Umiibig ba siya? Iniibig na ba niya ang immortal na si Lathan kung kaya’t ganito nalang ang pakiramdam niya?
ALAS-SINKO ng hapon.
May araw pa rin. Pero hindi na makakapaghintay pa si Lathan na bumaba ang araw. Maghapon niyang hindi man lang nasilip si Scylla. Maski nang nagdaang gabi ay hindi niya ito nabantayan. Masyadong malakas si Lach.Nakadagdag sa enerhiya nito ang galit nang tuluyang maramdaman na wala na ang bunsong kapatid nito.
Bago pa man siya mapuruhan ay nakatakas na siya. Wala na siyang lakas para makauwi kaya’t sa isang tagong lugar nalang niya piniling ipahinga ang katawan. Kapag ganoong nauubusan ng lakas ang mga tulad niyang dreamscaper, kinakailangang maka-cope up ng enerhiya ng katawan nila sa natural na paraan bago makapag-hunt. Akala niya ay aabutin siya ng liwanag sa pinagtataguan dahil madaling araw na nang makapag-OBE siya. At kung minamalas pa nga ay halos wala na siyang mabiktima. Nag-aalisan na ang mga kaluluwa ng mga oras na iyon sa mga astral plane. May oras kasi na maraming kaluluwa, may oras din naman na matumal.
Mabuti nalang at madaling araw palang ay nakita niya si Ailister na nasa astral form sa astral plane na sinampahan niya. Dali-dali itong bumalik sa katawan para kunin ang katawan niya. Hangga’t hindi siya nakakapag-hunt, hindi niya kakayaning imaniobra ang katawan.
Hindi niya alam kung sino ang nakipaglaban kay Lach dahil hindi na siya nito nasundan.
Marahil, isa sa mga kapatid niya. O pwede ring si Azriel. Malapit lang sa designation niya si Azriel, pero hindi naman niya ito nakita nang mag-OBE siya. And knowing Azriel, alam niyang ikagagalak ng kapatid kung ito ang makakapatay kay Lach. May malaki kasing atraso ang huli sa kanyang kapatid, many decades ago…
At ngayon, sapat na ulit ang kanyang lakas. Pwede na ulit siyang umalis. Naghagilap siya ng jacket. Isinusuot na niya iyon nang bumukas ang pinto.
“Aalis ka?” Ang kanyang ama.
Isang tango ang kanyang itinugon.
Marahas na bumuntong-hininga ang kanyang ama. “Hindi pwede.”
Nahinto si Lathan sa pagsusuot ng jacket.
“Bakit kapag si Helios ang lumalabas, hindi niyo kinokontra?”
Nagdilim ang mukha ng kanyang ama. Sa isang iglap ay nahablot siya ng kanyang ama at malakas na isinalya sa kama.
“Isa iyong malaking pagkakamali. At pinagsisisihan ko na iyon. Dahil sa pagiging maluwag ko, napahamak ang kapatid mo. Ayoko nang maulit iyon sayo o kahit na sino sa mga kapatid mo.”
Pabalewalang tumayo lang si Lathan at inabot ang kanyang jacket. “Hindi ako ipapahamak ni Scylla. Isa pa. Wala akong ginagawang masama. Gusto ko lang siyang bantayan at protektahan.” Pagmamatigas niya.
“Sa ginagawa mo, sa pagnanais mong protektahan siya, ipinapahamak mo naman ang iyong sarili.”
Sandaling hindi nakakibo si Lathan. Nilimi niya ang sinabi ng ama. Hindi. Hindi niya ipinapahamak ang sarili. Nagagawa pa naman niya ang kanyang obligasyon maski binabantayan niya si Scylla. Kinulang lang siya sa enerhiya kaya’t kamuntik na siyang napahamak kay Lach. Isa pa, sadyang biglang lumakas si Lach dahil sa galit nito sa kanya.
“Malapit na siyang bumalik sa katawan niya. Pabayaan niyo nalang ako. Kaunting panahon nalang naman, bakit hindi niyo pa maibigay sa akin?”
Naghagilap siya ng shades habang naiiling naman ang kanyang ama. “Umibig ka din minsan, Dad. Dapat alam mo ang pakiramdam ko.”
“Umibig ako, pero sa katulad natin.” Pumalatak ito. “Hindi kayo pwede, alam mo iyan.”
Isang marahas na buntong-hininga ang pinakawalan niya bago lumabas ng kanyang silid. Habang naglalakad sa madilim na mahabang pasilyo ng kanilang tahanan ay inaayos naman niya ang hood ng kanyang jacket.
“Hanggang kailan mo gagawin sa sarili mo ito, anak?”
Nilingon ni Lathan ang nagsalita. Ang kanyang ina. Maski sa dilim ay nakikita niya ang lungkot nito. Pabalewalang nilapitan niya ang ina. Hinagkan iyon sa pisngi at nagpaalam.
“Bakit hindi mo maintindihan na hindi kayo pwede?” Huminto si Lathan sa paglalakad.
“Pahihirapan mo lang pareho ang inyong mga sarili. May sariling buhay si Scylla. Kailangan niyang bumalik sa katawan niya. Hindi siya pwedeng manatiling comatose. Paano kapag sinukuan na siya ng kanyang pamilya? Mawawala rin siya sayo. Ninanakaw mo ang buhay na sana ay mae-enjoy pa niya.”
Lumapit ang kanyang ina sa kanya at hinaplos ang kanyang mukha. “Maigsi ang buhay ng mga tao, alam mo iyan. Kung talagang mahal mo si Scylla, hahayaan mong mabuhay siya ayon sa kung paano siya itinadhanang mabuhay. Gaano man kasakit at kahirap, tatanggapin mo na hindi kayo pwede. Hindi ka pwedeng maging makasarili, anak. Isipin mo rin siya at ang kapakanan niya. Hindi sapat na pinoprotektahan mo lang siya. Sa palagay mo, magiging masaya ba siya sa tabi mo habang ang kapatid niya, patuloy na umaasang babalik siya? Matatahimik kaya siya?”
Tila bigla siyang nagising sa kanyang kahibangan. Masyado na ngaba siyang nagiging makasarili para hilinging manatili si Scylla sa kanyang tabi? Gusto lang naman niya itong makasama maski gaano kaikling panahon. Ngayon lang siya nakaramdam ng ganito, ayaw niyang basta nalang iyon palagpasin.
Mali nga ba… mali nga siguro… pero ang tanging naging pagkakamali lang naman niya ay ibigin ang isang mortal na tulad ni Scylla.