TINAKPAN ni Yelena ang bibig upang itago ang paghihikab. Antok na antok siya. Napakasarap pa manding matulog dahil sariwa ang hangin at masarap ang panahon. At maganda ang tanawin sa labas. Mas masarap maglakad-lakad at magpinta.
Para ring mundo ng tao ang mundo ng mga engkanto. Pero ang tanawin gaya ng mga kakaibang bulaklak at kastilyo ay sa mga pelikula lang niya nakikita. Parang isa iyong mundo na kathang-isip lang ng isang tao.
Pero sa halip na nagsasaya, heto siya at kailangang magtiis sa makakapal na libro sa aklatan ng palasyo. Nakalagay doon ang mga sulat ni Hermogenes na nagsasabi kung paano napapaunlad ang kapangyarihan ng tao sa paggamit ng chakra. Ang libro na ipinabasa sa kanya ni Andros ay may mga larawang gumagalaw at may boses. Ang isang bersiyon ng libro ay nakasulat sa letrang di niya maintindihan. Pero bored pa rin siya. At isa sa exercise na ipinagawa sa kanya ni Andros ay pagalawin ang dahon sa pamamagitan ng kanyang isip.
“Nakaka-boring naman!” usal niya at pinaikot ang dahon sa daliri niya.
Mabilis niyang inilapag iyon sa dating kinalalagyan nang biglang pumasok si Andros. Galing ito sa pangangabayo at paglilibot sa kaharian.
“Nagawa mo na bang pagalawin ang dahon? Madali lang iyan.”
Yabang! Idinaan na lang niya sa inis ang ngiti niya. Hinipan niya ang dahon at parang batang pumalakpak nang gumalaw iyon. “Yehey! Ang galing ko!”
Bumuntong-hininga si Andros. “Yelena, hindi maari ang ginagawa mo. Iba na lang ang subukan mo.” Mula sa bag ay may inilabas itong maliit na kuneho. “Subukan mo siyang kausapin.”
Gumalaw ang tainga ng kuneho at humuni habang nakatitig sa kanya. Tinitigan din niya ito. “Ang sabi niya, kamag-anak ako ni Bugs Bunny. Gusto ko ng carrots! Gusto ko ng carrots!”
“Huwag mong gawing biro ito. Kailangang gamitin mo ang isip.”
“Oh, I used my brain. I used common sense. Bakit kailangan ko pang pagalawin sa pamamagitan ng isip ang isang bagay? Ginawa ng Diyos ang ibang parte ng katawan para mapadali ang gawain ng isang tao. Ayokong sumabog ang utak ko. At di ko rin forte na kumausap sa mga hayop. Tao lang ako.”
Kinintalan siya nito ng halik sa labi. “Kaya mo iyan. Aalis muna ako.”
“Iiwan mo ako dito?”
“Oras na ng tanghalian. Kailangan kong makipagkita sa mga kawal para sa paghahanda sa pagtitipon sa palasyo,” sabi nito at isinara ng mga kawal ang pinto.
“Kita mo iyong kumag na iyon. Hahayaan akong mag-isa dito tapos ine-expect niya na matututo ako agad? Ayoko na!” Gusto na niyang tumakas pero hindi niya alam kung paano. Gusto na niyang makabalik sa tunay na mundo.
Iginala niya ang paningin sa paligid. Puro libro iyon. Kung may engkanto nang nagawang makipamuhay sa mga tao, maaring makakakuha siya ng impormasyon kung saan ang lagusan pabalik sa mundo ng mga tao.
MAINGAT na lumabas ng silid si Yelena. Sinipat niya ang mga guwardiya na papalit-palit sa puwesto. Nang walang mamataan ay naglakad siya sa hallway. Nakasuot siya ng brown cloak na may hood. Di siya basta-basta makikita sa dilim. Nakayapak din siya upang di maulinigan ng iba ang kanyang mga yabag.
Sinaliksik niya sa aklatan kung paano siya makakabalik sa mundo ng tao. May limang lagusan ang kaharian ng Tarragon. Ang Heraclea ang pinakamalapit sa palasyo. Ang puno ng konlobos, ang siyang lagusan ng Heraclea. Hindi iyon mahirap hanapin dahil ang direksiyon ng Heraclea makikita ang pinakamaliwanag na bituin sa kalangitan, ang bituin ng Takius. Direkta nitong nasisinagan ang puno.
“Kailangan kong makatakas. Kailangan!” paulit-ulit niyang usal sa sarili upang palakasin ang loob. Tiniyak niyang nasa bulsa ng cloak ang mapa ng Tarragon at ang kristal. Iyon ang ginagamit na liwanag ng mga manglalakbay kapag madilim ang gabi. Kinuha niya ang kristal sa silid niya nagbibigay ng ilaw.
Sa pintuan ng kusina ng palasyo siya dumaan dahil ayon sa obserbasyon niya ay walang masyadong bantay doon. Dahan-dahan niyang binuksan ang pinto. Muntik na siyang mapasigaw nang pagbukas niya ay isang kawal ang naroon.
Awtomatiko nitong itinutok ang sibat sa kanya. “Sino ka?”
Tinanggal niya ang hood. “Shhh! Huwag kang maingay!”
Mabilis nitong ibinaba ang sibat at yumukod. “Paumanhin po, mahal na prinsesa. Hindi ko po alam na kayo iyan. Ano po ang ginagawa ninyo dito?”
“Nagtataguan kami ni Prinsipe Andros,” palusot niya. “Isa itong pagsasanay. Titingnan lang namin kung sino ang magaling sa aming dalawa.”
Hinayaan siya ng kawal. Naglakad siya nang walang kilatis sa kagubatan. Di siya nahirapang hanapin ang daan dahil sa kristal. Matapos ang labinglimang minutong paglalakad ay nasa harap na siya ng puno ng konlobos. Gumuhit ang ngiti sa kanyang labi. Sa wakas ay makakabalik na rin siya sa tunay niyang mundo.
Lumingon siya sa pinanggalingang palasyo at hinawakan ang kuwintas. “Paalam, Andros!” mabigat ang loob na usal niya bago naglakad patungo sa lagusan. “Sayang dahil di tayo para sa isa’t isa. Kung naging magkauri lang sana tayong dalawa. Sana ay matagpuan mo ang babaeng nararapat sa iyo.”
Malapit na siyang umapak sa lagusan nang biglang lumitaw si Andros sa kanyang dadaanan. Nakahalukipkip ito at nakangiti habang pinagmamasdan siya.
“At saan ka pupunta, Mahal na Prinsesa?”