Pilit na ngumiti si Yelena nang humarap kina Haring Demetrius at Reyna Odessa. Unti-unti niyang sinasanay ang sarili na pakisamahan ang mga tulad nito.
Yumukod si Andros sa mga ito at nag-curtsy naman siya. His parents looked satisfied. Hindi na siya mukhang ‘pesante’ dahil red silk Celtic gown na suot niya.Mas gusto pa niyang naka-pantalon dahil di siya sanay mag-gown. She was also wearing a pair of ruby slippers. Katerno ng pula niyang gown. Mas gusto niyang magyapak.
“Mukha nang katanggap-tanggap ang kasintahan mo, Andros,” komento ni Reyna Odessa. “Pero bakit hindi niya kinain ang hapunang ipinadala sa kanya. Hindi ba niya nagustuhan?”
“Wala po ako kasi akong ganang kumain,” aniya at matabang na ngumiti. She didn’t want to take everything. Baka kasi ikapahamak niya iyon.
“Hindi iyon ikatutuwa ng aming tagaluto kung malalaman niyang hindi mo ginalaw ang pagkain na para sa kanya.”
“Sa amin pong kaharian, kadalasan po ay prutas ang kinakain namin.” Sa palagay niya ay mas safe iyon.
“Maari mo bang ikwento sa amin kung paano mo nakilala ang aking anak?” wika ni Haring Demetrius.
Ginagap ni Andros ang kamay niya. Ibig sabihin ay ito na ang bahalang umimbento ng kwento para sa kanya. “Nagkakilala po kami sa isang pagtitipon na pinuntahan ko nang nagdaang gabi, Amang Hari. Nang makita ko siya, nagliwanag ang kuwintas at lumitaw ang mukha niya sa kuwintas.”
“Ganoon din ang nangyari nang magkakilala kami ng ama mo,” wika ni Reyna Odessa na ngumiti nang tingnan ang asawa. Nakadama siya ng inggit. Nagmamahalan ang mga ito. Di tulad ng mga magulang niya. Di tulad nila ni Andros.
“Nasaan ang mga magulang mo, Yelena?” tanong ni Andros.
“Wala na sila,” aniya at bahagyang yumuko. Parang walang nang tanong.
“At saan naman ang kahariang pinagmulan mo? Manila?”
“Matagal na rin pong naglaho ang kaharian namin. Nilamon ng dagat. Ako lang po ang nakaligtas,” aniya sabay katok sa arm ng upuan niya. Kailangan niyang umimbento ng kwento para hindi na nito usisain pa ang mga sinasabi niya.
“Mabuti at nakaligtas ka,” anang reyna at nakahinga nang maluwag.
“Nag-aaral po ako noon sa university sa… kabilang kaharian,” palusot niya.
“Nag-aaral ka pa sa ibang kaharian? Hindi ba magaling ang mga maestro sa inyong kaharian sa ibang lugar ka pa ipinadala?” tanong ng hari. “Katulad ni Andros at ng iba pang maharlika, dito sila sa palasyo nag-aaral.”
“Sa kaharian po namin, hinahayaan kaming makihalubilo sa iba para mas marami po kaming matutunan sa buhay,” katwiran niya.
“Mga pesante lang ang gumagawa niyon!” bulalas ng reyna. “Hindi ko maisip na makihalubilo ang anak ko sa ordinaryong mamamayan. Isang kahihiyan para sa tagapagmanang tulad niya. At ano ang matututunan sa sinasabi mong unibersidad?”
“Marami po. Sa katunayan, isa po akong pintor.” At kung makakatakas siya sa lugar na iyon ay maipagpapatuloy niya ang pangarap.
“Pintor?” Hinaplos ng hari ang baba. “Hindi iyon magandang gawain para sa isang prinsesa.”
“Kanya-kanya lang pong talento iyan. Binigyan po ako ng Diyos ng kakayahan sa sining kaya dapat ko lang iyong gamitin.”
“Pero itinalaga ka na ni Bathala bilang prinsesa ng kahariang ito. Dapat ay may alam ka bukod sa pagpipinta. Ano ang kapangyarihan mo?”
“Ama!” saway ni Andros dito. “Huwag ninyong tanungin si Yelena sa ganyang bagay. Hindi magandang pakinggan.”
“At kailan pa naging masama ang pagtatanong ng isang hari?” galit na tanong ni Haring Demetrius. “Gusto kong malaman kung ano ang kakayahan ng susunod na reyna ng kahariang ito nang malaman natin kung paano gagamitin ang kanyang kapangyarihan. Dahil ang kaharian natin ay pinalalakas ng kapangyarihan.”
Nilingon niya si Andros, humihingi ng saklolo. Wala siyang kapangyarihan. Oras na malaman ng mga ito ang totoo, tiyak na sa Hades din ang bagsak niya.
“Malalaman din natin kung ano ang kapangyarihan niya kapag ipinakilala na natin siya sa mga mamamayan,” salo agad ni Andros. “Kahit ako ay di ko rin alam ang kanyang kakayahan. Hayaan po nating sorpresahin niya tayo sa takdang araw.”
“Tama. Tatlong araw mula ngayon ay ipapakilala na siya bilang iyong magiging prinsesa,” anang hari. “At inaasahan ko na di kami mabibigo sa lakas ng iyong kapangyarihan, Yelena.”
“BAKIT mo sinabi sa kanila na may kapangyarihan ako?” inis na tanong ni Yelena kay Andros nang silang dalawa na lang sa balkonahe. Paglabas pa lang nila sa silid ng magulang nito ay nakasimangot na agad siya. “Ayoko sa mga taong nagsisinungaling para lang may maipagmalaki.”
“Binigyan kayo ng talento ni Bathala. Bakit hindi mo gamitin?”
Huminga siya nang malalim dahil mahina itong umintindi. “I am an artist. Iyon lang ang limitasyon ng kakayahan ko.”. Paano niya mai-impress ang mga engkanto. Mababa ang tingin ng mga ito sa likhang-sining?
“Pero may mga taong kayang lumutang sa hangin. Kaya din nilang alamin ang hinaharap at basahin ang panahon. Isa pa, may tinatawag kayong chakra.”
“Ano naman ang mayroon sa chakra?” tanong niya.
“Iyon ang enerhiya ng katawan na maaring gamitin ng isang tao upang malagpasan niya ang itinakda sa kanya ng kalikasan.”
Nasapo niya ang ulo. “Saan mo naman napulot ang chakra na iyan? Sa mga pelikula at TV lang naman iyan napapanood.”
“Iyon ang sinabi ni Hermogenes, engkantong namuhay kasama ang mga tao.”
“Baka naman hindi ordinaryong tao ang kasama niya. Baka mga taga-carnival ang mga nakasalamuha niya. Kaya nilang lumipad, kumain ng bubog at manghula. Come on, Andros! Hindi ako taga-carnival. Ang normal na tao, umaasa lang sa kung ano ang kayang ipahintulot ng kalikasan at ng pwersa nito. Huwag mong hingin sa akin ang imposible dahil di ko iyon maibibigay sa iyo.”
“Pero maari mong pag-aralan ang paggamit ng kapangyarihan,” hindi pa rin sumusukong wika nito.
“Sabihin natin na may kakayahan nga kaming mga tao. At kaya rin namin gumamit ng chakra. Pero ang mga taong iyon ay maraming taon ng pag-aaral ang ginugol para makumpleto ang kakayahan nila. Hindi iyong pagkapanganak pa lang nila ay kaya na nilang kumain ng bubog.”
Hinawakan nito ang mga kamay niya. “May tiwala ako sa iyo. Kaya maniwala ka rin sa kakayahan mo.”
“Pero…”
“Bukas na magsisimula ang iyong leksiyon.”