Love and Magic Series Chapter 11

Napaurong si Yelena nang makita si Andros sa harap niya. “Andros…”

Paano nito nalaman na naroon siya? Maingat siya na di nito masundan. Pero mundo pala iyon ng kababalaghan. Baka kanina pa nito alam na tatakas siya.

“Anong ginagawa mo dito sa Heraclea?” tanong nito.

“Gusto ko nang bumalik sa amin,” pag-amin niya. She was too close to coming home. Too close… At baka sakaling maawa ito.

“Ito na ang tahanan mo. At babalik na tayo sa palasyo.”

Pumiglas siya nang hawakan nito ang braso niya. “Ayoko! Ayoko na sa iyo! Ayoko na sa mundong ito. I want to go home!”

Pinigilan ng daliri nito ang labi niya. “Huwag kang maingay. May mga kawal sa paligid. Kapag nalaman nilang pareho tayong nandito, mapaparusahan tayo. At mabubunyag ang lihim mo.”

Sumipol ito at tumakbo palapit sa kanila ang isang itim na kabayo. Inalalayan siya nitong sumakay. Pagkatapos ay ito naman ang sumampa. Wala silang imikan hanggang makabalik sa palasyo.

Sinalubong agad sila ng kawal na nakahuli sa kanya pagbaba nila sa kabayo. “Prinsipe Andros, natagpuan na po pala ninyo ang mahal na prinsesa. Hindi po niya alam na magaling kayong mangaso.”

“Magaling din siya. Muntik na niya akong matakasan.” Matalim niya itong tiningnan. Para kasing nanunuya ito. Nang-iinis dahil di niya ito natakasan.

“Magpapahinga na ako. Good night!” matabang niyang sabi at pumasok sa palasyo. Subalit kasunod agad niya si Andros.

“Mag-usap tayo,” anito at hinatak siya sa silid nito.

“Bakit? Parurusahan mo ako?” Hindi siya natatakot. After all, isang parusa na mapunta siya sa doon. Ano pa ba ang mas masamang mangyayari sa kanya?

“Wala sa hurisdiksiyon ko ang magparusa,” sabi nito sa malumanay na boses. “Bakit ka tumakas?”

“Hindi pa ba obvious? Hindi ako bagay sa mundo mo! I don’t fit in here! Wala akong kapangyarihang katulad mo. Kung magtatagal pa ako dito, lalo lang akong mapapahamak. Malalaman din nila na tao ako.”

“Hangga’t ikaw ang pinili ng kuwintas at nananatili ito sa kamay mo, di nila malalaman na isa kang tao.”

“Ito ba ang dahilan kung bakit mo ako nasundan?” Hinaklit niya ang kuwintas mula sa leeg at ihinagis dito. “Sa iyo na ulit ang kuwintas na iyan. Sabihin mo sa kanya na ayokong maging prinsesa ng mundong ito. Gusto ko nang umuwi!”

Naglaho ang kuwintas sa kamay nito. At sa gulat niya ay kusa iyong naisuot sa kanyang leeg. “Di ako ang namimili ng prinsesa na magsusuot ng kuwintas. Ang kuwintas ang namimili ng magsusuot sa kanya at magiging prinsesa ko.”

“Dahil sa kuwintas na ito, nagkagulo-gulo ang buhay ko! Makakatakas na sana ako kung hindi lang dahil sa kuwintas na ito!” Gusto man niyang tanggalin ulit ang kuwintas ngunit magsasayang siya ng lakas dahil kusa iyong babalik sa kanya.

“Hindi ang kuwintas ang dahilan kung bakit kita nasundan.”

“P-Paano mo nalaman kung nasaan ako?”

“Dahil dito.” He held her neck and pulled her against him. Then he claimed his lips in wild passion. Noong una ay nanlalaban pa siya. Nilalabanan niya ang kung anumang mahika na ginagamit nito sa kanya. Pero sa huli ay kusa rin siyang nagpaubaya. She couldn’t help but yield to the magic of his kiss.

“Magkabigkis na tayo. Naramdaman ka kung nasaan ka sa mundong ito. Kaya kitang sundan kahit nasaan ka. Walang maaring maghiwalay sa atin.”

Kung ganoon, binabawi na niya ang paninisi sa kuwintas. Pesteng halik! Iyon pala ang dahilan kung bakit napahamak siya. At dahil sa halik na iyon, parang wala na rin siya sa sarili. Pakiramdam niya ay napapailalim na siya sa kapangyarihan nito.

“Hindi na ako makakabalik sa sarili kong mundo?”

“Maari siguro ngunit hindi iyon magiging madali. Dahil maging ako ay pinagbabawalang magtungo sa mundo ng tao. Mawawalan ng balanse ng dalawang mundo. Lumalabas lang ako para mag-obserba sa pamumuhay ng mga tao mula nang malaman kong isang tao ang magiging prinsesa ko. Nagagawa ko lang iyon kung bilog ang buwan at mahina ang harang sa mundo ng tao at engkanto at malakas ang kapangyarihan ko. Ngunit hindi ako maaring lumayo sa lagusan. Isa pa, kailangan kong itawid ang kuwintas sa mundo ng mga tao para matagpuan ka.”

“Pero hindi ka maaring laging tumawid sa mundo namin, di ba? Paano mo nalaman na nasa malapit lang ko?

“Dahil sa pangitain ni Haring Prometeus. Siya ang kauna-unahang hari ng Tarragon at ninuno ko. Nabuo ang kuwintas sa luha niya nang mamatay ang kanyang reyna. Nagpakita siya sa aking panaginip dahil sinabi niyang makikita ko na ang babaeng pinili ng kuwintas para sa akin.”

“Ah, kaya Luha ng Hari.” Kaya pala kakaiba ang bato ng kuwintas. “Ganoon din ba ang ginagawa niya sa ibang naging hari ng Tarragon?”

“Tama. At ang Luha ng Hari ay di lang luha ni Haring Prometeus. Luha din iyan ng bawat hari na naghahari sa Tarragon. Luha para sa babaeng mahal nila.”

Gusto niyang tanungin kung sakaling luluha ito para sa kanya. Subalit di iyon mangyayari. Dahil pinili lang siya ng kuwintas. Imposibleng magmahalan sila dahil magkaiba silang dalawa.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.