Love and Magic Series Chapter 19

Walang buhay ang mga mata ni Yelena ang mga alahas na nakaladlad sa harap niya. Araw-araw, iba’t ibang uri ng mamahaling hiyas ang pinagpipilian niya upang isuot. Ganoon din ang damit na isusuot para sa pagtitipon kasama ang mga maharlika ng Tarragon. Napapagod na siya sa ganoong klase ng buhay. Hindi masarap na maging prinsesa sa kabila ng karangyaang nakapaligid sa kanya.

Pumasok si Andros matapos kumatok. Nakahanda na ito para sa pagsasanay ng sandatahan. Bilang prinsipe, ito ang pinuno niyon. “Wala ka pa bang napipili sa mga hiyas? Hindi mo ba sila nagustuhan?” tanong nito.

“Wala naman akong hilig sa mga alahas. Naiinip na ako, Andros. Gusto kong may gawing makabuluhan. Gusto kong magpinta.”

Lumungkot ang anyo nito. “Napag-usapan na natin na di iyon nababagay sa iyo. Sa kahariang ito, maihahanay ang mga pintor sa magsasaka at tagasilbi.”

“Pero iyon lang ang alam kong gawin. Sa mundong pinagmulan ko, doon ako nagpakadalubhasa. Kung di ako makakapagpinta, mababaliw ako!”

Hinawakan ni Andros ang kamay niya. “Tumayo ka.” Ipinitik nito ang daliri at sa isang iglap ay nakatayo na sila sa harap ng isang maliit na bahay na psychedelic ang kulay. Kumatok si Andros at pinagbuksan sila ng isang lalaki na parang rainbow ang kulay ng buhok.

Yumukod ito. “Prinsipe Andros, Prinsesa Yelena, tumuloy po kayo sa aking abang tahanan. Karangalan ko po na dumalaw kayo sa akin.”

“Yelena, siya si Mojendro, ang pinakamagaling na pintor sa Tarragon,” pagpapakilala ni Andros. “Mojendro, nais ni Prinsesa Yelena na magpinta. Tulungan mo siya at huwag mong sasabihin kaninuman na iyon ang ginagawa niya dito.”

“Masusunod po, Mahal na Prinsipe,” wika ni Mojendro.

Andros kissed her temple. “Kailangan ko nang umalis. Babalik ako mamaya,” wika nito at sa isang iglap ay naglaho.

“Prinsesa Yelena,” untag ni Mojendro.“Ano po ang nais ninyong matutunan?”

“Marunong na po ako,” sabi niya. “Sa mundong pinagmulan ko, isa akong pintor. Gusto ko po iyong ipagpatuloy. Ayaw lang po ng mahal na hari at reyna.”

“Asahan po ninyong ililihim ko ang tungkol dito.”

Tiningnan niya ang canvas na di pa nito napipintahan. “Anong ipipinta mo?”

Idinawdaw nito ang brush sa pintura at ipinahid iyon sa canvas. “Mansanas.”

Nang maipinta ang mansanas ay naglaho iyon sa canvas. “Bakit nabura?” Narinig niyang may kumalabog sa sahig at may gumulong sa paanan niya.

Pinulot iyon ni Mojendro. “Ang mansanas.”

Namangha siya. “Nagiging totoo ang bawat maipintang larawan. Maari po bang kong magpinta ng ordinaryong larawan lang?” Mababaliw siya kung mabubuhay ang bawat larawang ipipinta niya.

Mula sa lalagyan ay may inilabas itong bagong set ng pintura. “Ito po.”

“Gusto kong ipinta ang tanawin sa labas,” sabi niya. Naipinta niya ang ilog at ang kabundukan na nakikita mula sa bintana. Tatawagin sana niya si Mojendro upang tingnan nang marinig niya ang lagaslas ng tubig. “Anong tunog iyon? Bakit may naririnig akong agos ng tubig. Samantalang malayo naman ang ilog.”

“Ang naririnig po ninyo ay ang ipininta ninyo, mahal na prinsesa.”

“Ha?” bulalas niya at nilingon ang ipininta niya. Umaagos nga ang tubig sa ilog kaya may tunog. “P-Parang buhay din ang larawan?”

“Ngunit di siya katulad ng pintura na ginamit mo sa mansanas. Mukha siyang buhay subalit nananatili pa rin siyang larawan. Di mo mahahawakan.” Parang nanonood ng TV. “Bawat pintura, may kanya-kanyang katangian at kapangyarihan.”

Nanlulumo niyang binitiwan ang brush. “Gusto ko pong larawan lang ang ipinta. Iyong wala akong ibang maririnig. Di gagalaw. Larawan lang.” Sasabog yata ang isip niya sa klase ng pagpipinta sa mundong iyon.

“Nauunawaan ko po,” wika ni Mojendro at may kinuhang isang maliit na kahon. Sa loob niyon ay may maliliit na boteng may lamang pintura. “Ito po ang pinaka-espesyal kong gamit. Gamitin po ninyo.”

“Salamat,” sabi niya at isa-isang binuksan ang mga bote.

“Gagawa pa po ako ng tsaa para sa inyo. Tawagin po ninyo ako kung may kailangan kayo, mahal na prinsesa.”

Tumango siya at naghanda sa pagpipinta. Subukan kaya niya ang mukha ni Andros. Gumawa ito ng paraan para makapagpinta siya ulit. She should be thankful.

Idinawdaw niya ang brutsa sa pintura at ihinagod ang outline ng mukha nito. Sa panggigilalas niya ay kusang nabuo ang mukha ni Andros. Nabitiwan niya ang brush subalit kusa iyong nagpintang mag-isa. Yakap siya ni Andros habang sa isang kamay niya ay may hawak siyang patalim at nakahandang itarak dito.

Napatili siya at tinabig ang easel. Tumumba iyon at humagis sa malayo ang canvas. That was freaky! Bakit iyon ang nakita niya? Papatayin niya si Andros?

Hangos na lumabas si Mojendro mula sa kusina. “Ano po ang nangyari?”

“Anong klaseng paint ang ibinigay mo sa akin? Bakit kusa siyang nagpinta?”

“Larawan lamang po ang nabubuo diyan,” anito at isinara ang botelya. “Subalit kaya naipipinta ang mangyayari sa hinaharap. Ano ang nakita ninyo?”

Napalunok siya at pinulot ang canvas. Subalit wala nang nakapinta doon. “N-Nasaan na ang nakapinta dito kanina?”

“Matapos ipakita ang mensahe sa hinaharap, naglalaho na ang larawan.”

“Hindi! Imposibleng mangyari ang nakapinta dito kanina,” aniya at ihinagis ang canvas. Di niya magagawang saktan si Andros.

Tulala siya nang may kumatok sa pinto at pinagbuksan ito ni Mojendro. Pumasok si Andros. “Anong nangyari?” tanong nito nang makitang magulo.

Yumakap siya dito. “Andros, natatakot ako.”

“Mahal na prinsipe, nagpipinta lang po siya nang…”

Lumipad ang tingin ni Andros sa pinturang ginamit niya. “Ito ang ipinagamit mo sa prinsesa? Ipinagbabawal ang paggamit nito nang walang permiso.”

Yumukod si Mojendro. “Ipagpagpatawad po ninyo, mahal na prinsipe.”

“Pabayaan mo siya. Umuwi na tayo. Pasensiya sa abala, Mojendro.”

Niyakap niya si Andros at sa isang iglap ay nakabalik na sila sa kuwarto niya. “Anong nakita mo sa larawan, Yelena?”

Mariin siyang pumikit at lalong yumakap dito. “Ayoko nang isipan.” Natatakot siya na magkatotoo iyon. Na masaktan niya si Andros. “Ayoko na ring bumalik kay Mojendro.” Nakakaloka kasi ang mga painting doon.

“Akala ko ba gusto mong magpinta?”

“Kakaiba ang pagpipinta ninyo dito. Di kusang gumagalaw ang mga larawan. Di rin sila nabubuhay. Nasa paraan iyon ng lumilikha ng sining kung paano niya ipapahayag ang nararamdaman niya at ang mensahe ng sining.”

“Hindi ganyang uri ng sining ang mayroon sa amin.”

Napapraning siya sa mga nabubuhay na larawan. At sa simpleng larawan na may visual effects. Di siya masasanay sa uri ng sining doon. “Andros, gusto kong makuha ang gamit ko sa pagpipinta. O mababaliw ako dito.”

“Imposible ang sinasabi mo. Nasa ipinagbabawal na silid ang mga gamit mo. Para matiyak na di ka na makakapagpinta pa. Sinumang pumasok doon ay mapaparusahan. Di na kita matutulungan pa.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.