YUMUKOD ang kawal nang dumaan si Yelena. “Ikaw si Eleuterio, di ba?” Ito ang nagbabantay sa pasilyo kung nasaan ang ipinagbabawal na silid, ang gandoza. “Hinahanap ka ni Florenza. May importante daw siyang sasabihin sa iyo.”
Nililigawan nito ang tagasilbi sa kusina na si Florenza. Totoong kanina pa nito gustong kausapin si Eleuterio. “Pero baka po magalit ang pinuno ko.”
“Ako ang bahala sa iyo. May sampung minuto ka bago dumating ang pinuno ng panggabing kawal. Kung sandali ka lang, di niya malalamang umalis ka.”
Yumukod ito. “Salamat po, mahal na prinsesa,” anito at umalis agad.
Binuksan niya ang pinto ng gandoza. Wala iyong susi o kapangyarihang magpoprotekta dito ayon sa nabasa niya. Kung ipinagbabawal iyon, bakit malaya siyang nakapasok? Kaya nga di siya nag-atubili na kunin ang gamit niya. It was her stubborn streak. Di siya takot sa parusa. Mapaparusahan siya kung mahuhuli siya.
Isinara niya ang pinto nang makapasok siya. Madilim doon kaya inilabas niya ang kristal. “Ituro mo sa akin kung nasaan ang gamit ko,” utos niya. Umilaw ang kristal at isang direktang liwanag ang nagturo sa gilid ng silid. Naroon nga ang gamit niya sa pagpipinta. Nakakulong sa isang salaming kahon.
Bubuksan sana niya ang salamin nang may pumigil sa kanya. Napatili siya at nagulat nang may makitang naroon muli siya sa silid niya. Si Andros ang may hawak sa kamay niya. “Bakit mo ako inalis doon?” galit niyang tanong at binawi ang kamay mula dito. “Malapit ko na sanang makuha ang mga gamit ko!”
“Mapapahamak ka. Ang bagay sa ipinagbabawal na silid ay may sumpa. Dahil ang ilan sa mga iyon ay mapanganib para sa kaharian. Kaming dalawa lamang ng ama kong hari ang makakaaalis ng sumpa. Subalit di ko maaring gamitin ang kapangyarihan ko nang walang pahintulot niya.”
“But I want to paint!” usal niya at umiyak. “Mababaliw ako dito! Saka hindi naman mapapahamak ang kaharian ninyo kung magpipinta ako!”
Hinaplos nito ang buhok niya at kinintalan siya ng halik sa noo. “Kalimutan mo na ang pagpasok sa gandoza. Huwag mo nang subukan pang bawiin ang gamit mo.” Naglaho ito sa harap niya. Galit siya dito. Galit siya sa pagsikil sa kalayaan niya. Pero sa ngayon, wala na siyang magagawa kundi umiyak na lang.
NAALIMPUNGATAN si Yelena nang maramdaman niyang may humalik sa noo niya. “Andros?” Nang magmulat siya ay wala na ito sa silid niya. Ang tanging nasa tabi niya ay ang colored pencil at sketch pad niya. Niyakap niya iyon. “Andros got this for me? Sa wakas, makakapagpinta na ako!”
She would ask Andros to pose for her. Gagandahan niya ang mga sketch niya para naman di masayang ang pagod nito. Excited na siya!
Naputol ang pagsasaya niya nang may kumatok. “Mahal na prinsesa, nasa bulwagan po ang mahal na prinsipe. Parurusahan po siya sa pagpasok sa gandoza.”
“Ano?” Lumabas agad siya ng kuwarto kahit nakapantulog at di nagsuklay.
Nang pumasok sa bulwagan ay nakayukod sa harap ng hari at reyna si Andros. “Prinsipe Andros, dahil inamin mo ang iyong kasalanan na pagpasok sa gandoza at paggamit ng iyong kapangyarihan nang walang pahintulot, papatawan ka ng limampung hagupit ng nag-aapoy na latigo,” anunsiyo ni Haring Demetrius.
Nanghilakbot siya nang makitang nasa isang tabi ang berdugo. May suot itong itim na tela at sa kamay nito ay may latigo na may apoy. “Huwag po ninyong saktan si Andros. Kasalanan ko po ang nangyari!”
“Huwag kang makialam,” mariing wika ni Andros. “Bumalik ka sa silid mo.”
“Ako na lang po ang parusahan ninyo. Gusto ko po kasing magpinta.”
“Ako ang may kasalanan kaya dapat akong parusahan. At hinihiling ko rin po na payagan ninyo si Prinsesa Yelena na magpinta. Mahalaga iyon sa kanya.”
“Kung nais ni Prinsesa Yelena na magpinta, kailangan din siyang hagupitin ng umaapoy na latigo ng dalawampung beses,” deklara ni Haring Demetrius.
“Ako na rin po ang bahalang umako ng parusa para sa kanya,”wika ni Andros.
“Hindi na lang ako magpipinta. Huwag ninyong saktan si Andros,” sabi niya. Lalo pa’t nangako siyang di siya papayag na masaktan si Andros kahit kailan.
Tumayo si Andros. “Mga kawal, dalhin ninyo si Prinsesa Yelena sa silid kung saan wala siyang makikita o maririnig mula sa labas. Huwag siyang palalabasin doon hangga’t di ko ipinag-uutos.”
“Andros, no!”sigaw niya nang akayin siya ng mga kawal palabas ng bulwagan.
“PALABASIN NINYO AKO DITO!” sigaw ni Yelena at kinalabog ang pinto. Wala siyang ideya kung ano ang nangyayari sa labas dahil walang bintana. Wala din siyang marinig. Ayaw ipakita ni Andros ang pagpaparusa dito. Di niya alam kung ilang oras na siyang nakakulong sa silid. But it seemed like forever.
Bumukas ang pinto. “Mahal na prinsesa, makakalabas na po kayo.”
“Nasaan si Prinsipe Andros?” tanong niya sa kawal.
“Nasa silid po niya pero…”
Patakbo niyang tinungo ang silid ni Andros. Naabutan niya itong ginagamot ng mga manggagamot ng Tarragon. Napaiyak siya nang makitang marami itong sugat at paso sa likod. Gawa ng mga hagupit ng nag-aapoy na latigo. “Andros?”
“Anong ginagawa mo dito?” galit nitong sigaw. “Inutos kong huwag siyang papapasukin. Ilabas ninyo siya dito!” utos nito sa mga kawal.
“Kung gusto mo akong palabasin, ikaw mismo ang gumawa,” hamon niya. “Pero habang mahina ka pa, hayaan mo muna ako dito sa tabi mo.”
“Ayaw kong makita mo akong ganito dahil iiyak ka lang,” sabi nito.
Hinawakan niya ang kamay nito. “I’m sorry. Kasalanan ko ito.”
“Mawawala din ang mga sugat ko. Bukas lang, wala ka nang makitang bakas.” Hinaplos nito ang mukha niya. “Kaya huwag ka nang umiyak.”
“Bakit ginagawa mo ito? Bakit tinanggap mo ang parusa para sa akin?”
“Dahil gusto kong sumaya ka. Malungkot ka dahil kakaiba ang mundo namin.”
Inilagay niya ang kamay nito sa pisngi niya. “Pero hindi ako magiging masaya kung masasaktan ka naman. Hindi na lang ako magpipinta.”
“Huwag! Iyan ang bagay na nagpapasaya sa iyo. Sinabi mo na regalo sa iyo ni Bathala ang kakayahan mo. Handa akong magsakripisyo para sa kaligayahan mo.”
“Salamat,” usal niya at kinintalan ito ng halik sa labi. “Pero huwag mo na itong ulitin sa susunod. Hindi na ako papayag na masaktan ka.”
“Hindi ako papayag na masaktan ka. Gagawin ko ulit iyon kung kinakailangan dahil mahal kita,” bulong nito at unti-unting pumikit ang mga mata.
Natigagal siya sa sinabi nito. Totoo kaya ang sinabi nito na mahal siya nito? Wala pang sinumang gumawang sakripisyo para sa kanya tulad ng ginawa nito. Hinalikan niya ang kamay nito. Hindi niya alam kung ano ang nararamdaman niya para kay Andros. But if she would have her chance, she would give her life for him.
Hindi na siya magtataka kung mahal na niya ito.